Imbes na Magnegosyo, Tumaya Siya sa Sabong Upang Lumago ang Kaniyang Pera; Kabaliktaran ang Kinahinatnan Nito

Kamakailan lang nawalan ng trabaho ang padre de pamilyang si Gido dahil sa pagkalugi ng kumpanyang pinagtatrababuhan niya bunsod ng pand*mya. Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya mamroblema kung paano tutugunan ang pangangailangan ng kaniyang buong pamilya.

Sinubukan niyang muling maghanap ng trabaho, kahit bilang isang waiter sa isang restawran, sumubok din siyang pumasok na panadero sa isang panaderya at kung anu-ano pang trabaho ang sinubukan niyang pasukan ngunit ni isa sa mga tindahan, restawran, at kumpanyang pinag-aplayan niya, walang kumuha sa kaniya dahil nga sa matumal na bentahan ngayong pand*mya.

Nang wala na siyang makitang pupwede niyang maging trabaho, naisipan niyang humingi ng tulong sa kaniyang mga kaibigan na ngayo’y napapansin niya, panay ang post sa social media ng limpak-limpak na perang kinikita at masasarap na pagkaing binibigay sa kanilang mga anak.

“Pare, ano bang trabaho mo ngayon? Nakikita ko ang laki ng kinikita mong pera, eh. Baka pupwede mo naman akong tulungang magkaroon din ng pera!” pang-uusisa niya rito.

“Wala akong trabaho, pare! Tumataya lang ang sa sabong! Sakto namang magaling akong pumili ng manok kaya ito, ang dami kong pera! Subukan mo rin, baka swerte ka rin katulad ko!” payo pa nito na talagang ikinasabik niya. 

“Masubukan nga ‘yan! Kaso, limangpung libong piso na lang ang natitira sa ipon ko, pare, pwede na kaya ‘yon?” tanong niya pa rito.

“Pwedeng-pwede na ‘yan! Kung itataya mo ‘yan lahat siguradong malaki ang balik sa’yo kapag nanalo ka!” tugon nito na talagang ikinaenganyo niya dahilan para siya’y nagdamaling magpunta sa bangko upang kuhanin ang lahat ng natitira niyang pera.

Pagkauwi niya, labis na nagulat ang kaniyang asawa nang makita ang perang hawak niya.

Advertisement

“O, anong gagawin mo riyan?” tanong ng kaniyang asawa.

“Ah, eh, mahal, ang laki ng kinikita ng kumpare ko sa paglalaro ng sabong. Susubukan ko sanang palaguin ito. Malay natin, bigla itong dumoble!” paliwag niyang habang inaayos na ang kaniyang selpon upang siya’y makataya na.

“Diyos ko, Gido! I-negosyo na lang natin ‘yan kaysa isugal mo! Sa halagang ‘yan, maaari na tayong makapagpatayo ng water station! Ayos lang na matagalan tayong kumita, kaysa naman masaid tayo kapag natalo ka riyan!” sermon nito sa kaniya, ngunit imbes na makinig, dire-diretso siyang umalis ng kanilang bahay at nagpunta sa pinakamalapit na sabungan.

Pilit man siyang pinigilan ng asawa, siya pa ang nagalit dito dahilan para hayaan na lang siya nitong gawin ang gusto niya.

Nang makapunta na siya sa sabungan, agad niyang tinaya ang lahat ng perang dala niya. Habang hinihintay na manalo ang manok niya, panay ang dasal niyang sana ay manalo siya upang makapagpatayo sila ng kaniyang asawa ng isang maliit na negosyo.

Kaya lang, katulad ng ikinakatakot niya at ikinababahala ng kaniyang asawa, natalo ang pinili niyang manok at ni piso, wala siyang naipanalo na talagang ikinapanlumo niya. Halos mabaliw-baliw siya kung paano niya muling mababawi ang perang kaniyang ipinusta.

Mangiyakngiyak niya itong sinabi sa kaniyang asawa at wala itong ibang nagawa kung hindi ang maiyak na lang dahil sa labis na panghihinayang.

Doon niya labis na napag-isip-isip na walang shortcut sa pag-abot ng magandang buhay, katulad ng sabi ng kaniyang asawa.

Advertisement

Durog na durog man ang puso niya habang pinapakinggan ang hagulgol ng asawa niyang namomoblema sa kung anong kakainin nila para bukas, pinilit niyang lumabas ng kanilang bahay upang maghanap ng pagkakakitaan.

“Hindi ako pwedeng basta sumuko. Kasalanan ko ‘to kaya dapat ako ang siyang maghanap ng paraan upang matuldukan ang paghihirap naming ito,” hikbi niya habang nililibot ang kaniyang mga mata sa kanilang barangay.

Dito niya naisip na siya’y mamasada na lang muna ng pedicab at nang malaman niyang may pinaparentang pedicab na pupwedeng niyang ipasada sa halagang kwarenta pesos, agad niya itong kinuha at nagsikap na magkaroon ng kustomer.

Kinagabihan, halos umabot hanggang tainga ang ngiti niya nang siya’y makalikom ng dalawang daang piso na agad niyang binigay sa kaniyang asawa.

“Pangkain natin ‘yan bukas, mahal, huwag kang mag-alala, makakaahon din tayo,” pangako niya rito at simula noon, patuloy niyang ginamit ang isip at lakas upang umangat ang kanilang buhay.

Tuwing sobra ang kinikita niyang pera, tinatabi ito ng kaniyang asawa hanggang sa makaipon sila ng sapat na perang pangpuhunan sa isang maliit na sari-sari store.

Sa ganoong paraan, unti-unti nilang natustusan ang lahat ng kanilang pangangailangan hanggang sa muli siyang makahanap ng trabaho sa Maynila at mabawi ang lahat ng perang naitalo niya sa sabong.

At kahit mayroon na siya muling naipong malaking pera dahil sa trabaho niyang iyon, hindi na muling sumagi sa isip niya ang pagsusugal. Bagkus, itinuloy niya ang kagustuhan ng kaniyang asawa na magkaroon ng water station na lalo nagbigay ng kasaganahan sa kanilang buong pamilya.