Naging Katatawanan ang Isang Pilay na Ginoo dahil sa Taas daw ng Pangarap Nito; Isang Araw ay Magugulat Silang Lahat

Hindi na magkandaugaga sa pagmamadali ang pilay na si Mang Hector. Kahit mabigat ang kaniyang dala ay wala pa rin siyang reklamo. Kailangan kasi niyang makarating sa pwesto sa bangketa bago pa pumutok ang araw. Marami kasing tulad niyang tindero ang nakikipag-agawan sa pwestong ito.

Matiyagang naghihintay ng masasakyan ang ginoo. Ngunit walang nais na magpasakay sa kaniya dahil nga sa dami ng kaniyang bitbit. Labis na ang kaniyang pagmamakaawa. Panay ang kaniyang tanong sa mga katabing tao ng oras dahil nga ayaw niyang maunahan.

Mabuti na lang at isang dyip ang tumigil. Dahil pilay ay hirap siya sa paglalakad.

“Bilisan mo naman at hindi lang ikaw ang pasahero! Mahuhuli na ang mga sakay ko!” sigaw ng drayber.

Kaya kahit na hirap ay pinilit ni Mang Hector ang sumampa sa sasakyan. Medyo napangiwi pa nga ito sa sakit ng kaniyang tuhod na tila napwersa sa kaniyang pagsampa sa dyip.

Pagdating ng ginoo sa bangketa ay nanlumo siyang makitang wala na siyang pupwestuhan. Kailangan tuloy niyang maghanap pa ng ibang lugar upang makapagtinda.

Inabot na siya ng hapon at wala pa rin siyang sapat na kita. Matumal kasi ang tao sa lugar na kaniyang napwestuhan.

Ilang sandali pa ay dumating ang kaniyang anak.

Advertisement

“‘Tay, kanina ko pa kayo hinahanap. Bakit nandito po kayo?” saad ni Carmen, ang nag-iisang anak ni Mang Hector na nasa kolehiyo na.

“Malilim kasi sa lugar na ito, anak. Pasensya na at hindi ko nasabi sa iyo. Tapos na ba ang klase mo?” tanong ng ginoo.

“Opo, ‘tay. Wala kasi po ‘yung ibang professor namin dahil may meeting. Kaya naman umekstra na lang po ako para magtutor sa mga taga-ibang bansa kong kaklase. Binayaran po nila ako ng apat na daan. Kaya tara na po, ‘tay, uwi na tayo!” wika pa ng dalaga.

“Ipunin mo na ‘yan, anak, at pambaon mo sa mga susunod na araw. Maya-maya na ako uuwi at may liwanag pa naman. Mauna ka na sa bahay,” saad muli ng ginoo.

Ngunit mapilit talaga si Carmen at nais niyang sunduin na ang ama.

Sa katunayan ay pagod na rin si Mang Hector. Nais na rin niyang umuwi ngunit inaalala niya ang panggastos nila sa susunod na araw. Lalo na’t malaki ang gastusin sa pagkokolehiyo ng anak. Pangarap pa naman nitong magdoktor. Batid niyang suntok sa buwan na makamit ng anak ang pangarap na ito dahil sa estado ng kanilang buhay.

Minsan, kapag tinitignan ni Mang Hector ang anak ay naluluha siya.

“Sana ay mayaman na lang ako, anak, nang sa gayon ay masuportahan ko ang pangarap mong maging doktor. O kaya sa ibang pamilya ka na lang sana ipinanganak. Sa isang mayamang mag-asawa na kayang ibigay ang lahat ng pangangailangan mo,” saad pa ng ginoo.

Advertisement

“‘Tay, huwag na huwag n’yong sasabihin ‘yan! Matutupad ang pangarap ko kahit anong mangyari. ‘Pag nagkataon, hindi n’yo na po kailangan pang magtinda. Kaunting tiis na lang po, ‘tay. May awa ang Diyos,” wika naman ni Carmen. 

“Ang swerte ko talaga sa iyo, anak. Pasensya ka na at ganito lang ang tatay mo!” nangingilid ang luha ni Hector habang sinasabi ito sa anak.

Para Carmen ay wala na siyang mahihiling pa. Mabuting ama sa kaniya si Mang Hector. Maliit man ang kinikita nito sa pagtitinda’y hindi siya pinabayaan nito kahit kailan. Hindi nga nito ininda ang kaniyang kapansanan para lang mabuhay sila.

Kinabukasan ay nauna si Mang Hector sa kaniyang pwesto. Ngunit nang dumating ang sigang si Arnold ay agad na sinipa ang kanilang paninda at pinaalis siya.

“Nauna ako rito, Arnold, humanap ka na lang ng ibang pwesto!” saad ni Mang Hector.

“Wala akong pakialam kung sino ang nauna. Basta akin na ang pwestong iyan. Lumayas ka at ikaw ang maghanap ng ibang lulugaran!” bulyaw ng siga.

“Hindi naman tama ‘yang ginagawa mo! Wala namang nakabili ng lugar na ito, e! Nauna ako rito! Matumal ang benta sa gawi roon. Kailangan kong mag-ipon para sa pang matrikula ng anak ko!” pagsusumamo ng ginoo.

“Matumal nga tapos ay doon mo ako papupwestuhin? Lumayas ka kung ayaw mong pulbusin ko ang mga paninda mo! Aalis ka o lahat ng iyan ay ikalulugi mo?” pananakot pa ni Arnold.

Advertisement

Dahil walang nais na kumampi kay Mang Hector ay napilitan siyang lumipat ng lugar. Simula nang araw na iyon ay kinakayan-kayanan na siya nitong si Arnold.

“Siguro, kaya ka napilay ay dahil mataas ang kinabagsakan mo! Ang taas kasi masyado ng pangarap mo! Pinagmamalaki mong magkakaroon ka ng anak na doktor? Alam mo ba kung gaano kamahal ang matrikula non? Baka kahit isanla mo ang buhay mo ay hindi pa sasapat!” pangungutya ni Arnold.

Nakitawa naman ang ibang nagtitinda.

Sa loob ng ilang taon ay kinimkim ni Mang Hector ang sama ng loob niya. Hindi siya lumaban o sumagot man lang sa mga taong hinahamak at pinagtatawanan siya.

Hanggang sa isang araw, napansin ng lahat na tila balisa itong si Mang Hector.

“O, bakit, Hector? Nagising ka na ba sa katotohanan? Ngayon lang ata napagtanto nitong si Hector na kahibangan lang ang pangarap niya!” pangungutya ni Arnold.

Ngunit hindi man lang sumagot si Mang Hector kahit patuloy na ang pang-aalaska ng ilang kasamahang tindero.

Ilang sandali pa at patakbong nagtungo si Carmen sa kaniyang ama. Dahil sa labis na hingal ay hinahabol pa nito ang kaniyang hininga.

Advertisement

“Tatay! Tatay!” wika ng dalaga.

“Ano ang nangyari, anak? Nakuha mo na ba ang resulta?” kinakabahan na wika ni Mang Hector.

“‘Tay, hindi n’yo na po kailangan pang magtinda dito at makipag-agawan ng pwesto! Ako na po ang bahala sa inyo! May doktor na po kayong anak! Doktor na po ako, ‘tay! Nakapasa ako sa pagsusulit!” masayang si Carmen na ihatid sa ama ang magandang balita.

“Salamat sa Diyos, anak, at natupad na rin ang pangarap mo! Ako ang pinakamasayang tao dahil sa wakas ay ganap ka nang doktor! Natupad mo ang pangarap mo, anak! Natupad mo na!” hindi na napigilan ni Mang Hector ang maluha sabay yakap sa anak.

Halos lahat naman ay hindi makapaniwala sa kanilang narinig. Nagulat sila dahil akala nila’y nangangarap lang ng mataas itong si Mang Hector. Ang hindi nila alam ay sa maraming taon na kinukutya siya’y pinaglaanan niya lang ng panahon ang pag-iimpok para sa kaniyang anak.

Masipag na bata rin kasi itong si Carmen. Bukod kasi sa iskolar ito ay marami rin itong pinagkakaabalahan para makakuha ng pangtustos sa kaniyang pag-aaral.

“Ang lahat ng ito, tatay, ay para sa iyo! Hindi ko po maaabot ang lahat ng ito kung hindi po dahil sa pagsusumikap ninyo. Hindi n’yo po sinukuan ang pangarap ko kaya naman patuloy akong lumaban. Salamat sa Diyos at kayo po ang naging tatay ko! Napakaswerte ko po!” wika naman ni Carmen.

Mula noon ay hindi na nga nagtinda itong si Mang Hector sa bangketa. Naipagamot na rin ang kaniyang pilay na binti.

Advertisement

Hindi naman mapatid ang pag-uusap tungkol sa kaniya dahil bigla ang pagbabago ng kaniyang buhay dahil sa kaniyang anak na doktor. Marami ang nagulat at napahiya ngunit mas marami ang nainggit. Naging inspirasyon tuloy siya sa marami upang huwag sumuko sa buhay, gaano man kahirap.

Isa itong patunay na kahit anong antas ng buhay ay huwag kang susuko sa iyong pangarap. Sino nga naman ang mag-aakala na ang isang may kapansanang tulad ni Mang Hector na nagtitinda sa bangketa’y magkakaroon ng isang anak na doktor na mag-aahon sa kaniya sa kahirapan?