
Palaisipan sa Dalaga ang Biglang Pagkawala ng Kaniyang Lola; Hindi Niya Akalain na Dito Niya Ito Matatagpuan
Nasa labas pa lang ng bahay ay naririnig na ng dalagang si Matet ang pagbubunganga ng kaniyang ina. Kaya naman nagmamadali siyang pumasok dahil alam niyang sinisigawan na naman nito ang kaniyang Lola Norma.
“‘Nay, tama na po ‘yan! Huwag n’yo na pong sigawan si lola. Ako na lang po ang pagalitan n’yo,” humahangos pang wika ng dalaga.
“O sige, buuin mo ang pinggan na nabasag ng lola mo! Kapag hindi mo nabuo ang pinggan na ‘yan ay ipapalamon ko ‘yan sa’yo! Pare-pareho kayong perwisyo sa bahay na ito! Kahit saan ako magtungo ay puro problema ang nakakaharap ko! Letseng buhay ‘to!” sigaw ni Belinda sabay tulak sa upuan.
Napapikit na lamang si Matet sabay yakap sa kaniyang Lola Norma.
“Huwag na po kayong mag-alala, lola. Ako na po ang bahalang magligpit nito,” wika pa ng dalaga.
“Gusto ko lang namang maghugas ng pinggan. Nais ko lang naman tulungan ang nanay mo dahil pakiramdam ko ay pabigat na ako rito. Pasensya ka na, apo, at pati ikaw ay nadamay sa galit sa akin ng nanay mo,” dagdag pa ng matanda.
“Huwag na po kayong mag-alala, lola. Ako na rin po ang bahala kay nanay. Tara na po sa itaas at magpahinga na po kayo. Ako na po ang bahalang magligpit dito,” wika muli ni Matet.
“Kung narito lang ang tatay mo’y hindi mangyayari ang bagay na ito. Sabagay, nauunawaan ko naman ang Nanay Belinda mo. Hindi naman niya talaga ako pananagutan dahil biyenan lang niya ako,” sambit pa ni Lola Norma na naaawa sa kaniyang sarili.
Walang magawa si Matet kung hindi aluhin ang kalooban ng matanda.
Nang maihatid na ng dalaga ang kaniyang lola sa silid nito’y saka niya niligpit ang basag na plato. Habang inaayos niya ang mga nabasag ay nariyan muli ang kaniyang ina.
“Bakit kasi hindi pa nauna ‘yang lola mo na nawala kaysa sa tatay mo! Ako tuloy ang pineperwisyo. May iba pa naman ‘yang kamag-anak, bakit kailangan dito pa siya tumira!” naiinis na wika ni Belinda.
“‘Nay, hindi n’yo po ba naririnig ang sinasabi n’yo? Nanay siya ni tatay. Nanay siya ng asawa n’yo. Kung wala si lola ay wala rin si tatay. Huwag n’yo naman siyang pagsalitaan ng ganyan. Noong malakas pa si lola ay napakinabangan n’yo rin naman siya sa pag-aalaga sa akin,” saad ni Matet.
“Bakit? Binuhay rin naman namin siya ng tatay mo, a! Ang pag-aalaga lang sa iyo ang naging kontribusyon niya sa bahay na ito! Kaya huwag mo akong masusumbatan d’yan! Saka isipin mo ‘yang mga lumalabas sa bibig mo, Matet, baka mamaya ay mainis ako sa iyo nang tuluyan at pahintuin kita sa pag-aaral! Bastos ka!” sambit pa ni Belinda sa anak.
Sa totoo lang ay ipon na ipon na ang sama ng loob ni Matet sa kaniyang ina. Simula kasi nang mawala ang kaniyang ama ay nag-iba na nang lubos ang ugali nito, Lalo pa nang magkaroon ito ng bagong kasintahan.
Kinabukasan, pag-uwi ni Matet galing eskwelahan ay nakita niya ang matanda na nasa labas ng bahay.
“Lola, mahamog na po. Anong ginagawa ninyo rito? Bakit hindi kayo pumasok sa loob ng bahay?” pag-aalala ng dalaga.
Hindi naman makasagot ang matanda na tila may pinagtatakpan.
“Huwag n’yong sabihing pinalabas kayo ni nanay dito? Siguro ay nariyan na naman ang lalaki niya, ano?” galit pang saad ni Matet.
Pasugod na pumasok ng bahay ang dalaga upang kumprontahin ang ina.
“Sinabi ko na nga ba’t narito na naman ang lalaking ‘yan. Kaya naman pala hinayaan mong lamukin at mahamugan si lola sa labas!” nagagalit na wika ni Matet.
“Anong gagawin ko, Matet? Kung anu-ano ang sinasabi ng matandang ‘yan sa Tito Roger mo! Nakakahiya! Pilit niyang binabalik ang alaala ng tatay mo! Natatapakan ang pagkalalaki ng Tito Roger mo!” depensa naman ni Belinda.
“Kahit na, ‘nay. Hindi po tama ang palabasin n’yo si Lola Norma. Matanda na siya at mahina na ang katawan. Hindi ba kayo naaawa sa kaniya? Pamilya pa rin natin siya! Isa pa, hindi ko rin naman gusto ang lalaking ‘yan na narito. Dalawang taon pa lang na nawawala si tatay pero nagawa mo na agad siyang palitan” saad pa ni Matet sabay talikod upang asikasuhin ang kaniyang lola.
Napahiya si Belinda sa sinabi ng anak. Ginatungan pa ito ng panunulsol ng kasintahan nito.
“Hindi talaga makakalimot ang anak mo sa ama niya lalo pa at narito ang matandang iyan. Hindi mo naman responsibilidad ang biyenan mo. Responsibilidad siya ng asawa mo pero wala na siya. Kaya naman dapat ay malaya ka na sa responsibilidad na ‘yan,” saad ni Roger.
Lumipas ang ilang araw.
Isang araw ay tinanghali ng gising itong si Matet. Paglabas pa lang niya ng silid ay nararamdaman niya kaagad na may kakaiba sa kanilang tahanan.
“‘Nay, nasaan po si Lola Norma. Bakit hindi ko siya nakikita?” pagtataka ng dalaga.
“Naku, sinundo na rito ng ilang kamag-anak. Nagsumbong ata ang matanda kaya doon na raw titira at sila na ang mag-aalaga. Aba’y ang sabi ko’y mainam naman dahil nawalan na ako ng responsibilidad. Sino ang tinakot nila?” sagot naman ni Belinda.
“P-pero bakit hindi man lang ako ginising ni lola para magpaalam? Hindi makakatiis ‘yun na hindi magpaalam sa akin!” saad muli ni Matet.
“Nagmamadali nga ‘yung mga kamag-anak na kunin at pakiramdam nila’y inaapi rito ang lola mo! Mainam na ‘yun na wala na siya rito, hindi na iinit ang ulo ko!” dagdag pa ng ginang.
Hindi kumpyansa si Matet sa sagot ng ina. Hindi kasi siya makapaniwala na hindi man lang nagpaalam sa kaniya ang kaniyang Lola Norma.
Lumipas ang dalawang taon at nagtapos na sa pag-aaral itong si Matet. Nalulumbay siya dahil hindi man lang niya nakapiling ang kaniyang lola sa espesyal na araw na ito.
“‘Nay, tinawagan n’yo po ba talaga ang mga kamag-anak ni Lola Norma? Kasi kapag nalaman noon na araw ng pagtatapos ko’y sigurado akong susugod ‘yun dito. Matagal na niya itong hinihintay, e!” tanong ni Matet.
“Ilang beses ko nang tinawag sa kanila. Siguro’y hindi na nila talaga papupuntahin ang lola mo rito dahil nga akala nila’y hindi ito natrato nang ayos sa bahay natin. Kung alam lang nila kung gaano katigas ang ulo ng matandang ‘yun! Huwag mo na nga siyang hanapin at ayos naman na ang buhay natin!” wika naman ng ina.
Labis na nalulungkot si Matet dahil matagal na niyang hindi nakikita ang kaniyang Lola Norma. Nais pa naman niyang ipakita ang kaniyang medalya. Nais niyang ikuwento ang bagong trabahong mayroon siya. Kung magkikita silang muli ay ibibili niya ito ng paborito nitong pagkain.
Isang araw ay nagkaroon ng outreach program ang kompanya na pinapasukan ni Matet. Dahil malapit sa puso ng dalaga ang matatanda ay nag volunteer ito. Sa ganitong paraan ay parang makakasama na rin niya ang kaniyang lola.
Ngunit sa paglibot ng kaniyang mata sa home for the aged ay laking gulat niya nang makita ang matagal na niyang hinahanap.
“Lola Norma?!” patakbo siyang lumapit sa isang matanda.
Paglingon nito ay wala ngang iba kung hindi ang kaniyang lola. Nagyakapan ang dalawa at hindi na napigilan ang pagluha.
“Lola, bakit po kayo narito? Buong akala ko po ay kinuha na kayo ng ibang kaanak niyo,” umiiyak na wika ni Matet.
“Iyan ba ang sinabi sa iyo ng nanay mo? Silang dalawa ng kasintahan niya ang nagdala sa akin dito. Pinigilan nila akong magpaalam sa iyo. Wala akong nagawa, apo! Miss na miss na kita. Napakasaya ko at nakita kita ngayon. Ang buong akala ko’y mawawala na ako sa mundong ito nang hindi ka nakikita!” umiiyak na saad din ng matanda.
“Huwag ka nang mag-alala, lola, at narito na po ako. Iaalis po kita sa lugar na ito. Ilalayo rin kita kina nanay at sa bago niyang asawa! Hindi tama ang ginawa niyang ito!” sambit pa ni Matet.
Nang araw ding iyon ay inilabas ni Matet ang kaniyang Lola Norma sa Home for the Aged. Laking gulat naman ni Belinda na makita ang anak kasama ang kaniyang biyenan.
“A-anong ginagawa ng matandang ‘yan dito?” sambit ni Belinda.
“Bakit, ‘nay, nagtataka ba kayo kung paano ko siya nailabas sa Home for the Aged? Sa loob ng ilang taon ay pinaniwala n’yo akong naroon siya sa kaniyang mga kamag-anak at inaalagaan siya. ‘Yun pala’y dinala n’yo siya sa Home for the Aged! Wala kayong puso!” bulyaw ng dalaga.
“Hindi ko naman responsibilidad ang matandang ‘yan dahil hindi ko naman siya ina! Hindi ko naman siya kadugo kaya bakit ako ang mag-aalaga sa kaniya?!” sigaw rin ni Belinda.
“Pero kadugo ko siya, ‘nay! Kaya naman ako na ang mag-aalaga sa kaniya. Simula ngayon ay aalis na rin ako ng bahay na ito dahil hindi ko na rin kaya pang makisama sa inyo ng bago mong asawa! Tatanda ka rin, ‘nay, sana’y hindi rin mangyari sa iyo ang ginawa mo kay Lola Norma!”
Nilisan ni Matet ang bahay ng ina kasama ang kaniyang Lola Norma. Nangupahan sila sa isang bahay malayo sa mga ito upang magkaroon ng mapayapang buhay. Simula noon ay hindi na nagawang makipag-usap ni Matet sa kaniyang ina dahil sa labis na sama ng loob. Hindi na rin naman siya nito nagawa pang kausapin dahil masaya na rin daw ito sa buhay kasama ang bagong asawang si Roger.
“Pasensya ka na at nang dahil sa akin ay hindi naging maayos ang relasyon ninyo ng iyong ina. Hindi ko gustong mangyari ito,” saad ni Lola Norma sa apo.
“Hindi po kayo ang dahilan kung bakit hindi naging maayos ang pagsasama namin ni nanay. Dahil po iyon sa kaniya. Mas pinili niya po ang bago niyang asawa kaysa sa atin. Hangad ko ang kaligayahan nilang dalawa. Gagawin ko po ang lahat, lola, para mabuhay tayo nang masagana. Pangako ko kay tatay na hinding-hindi ko kayo pababayaan kahit kailan,” saad pa ni Matet.
Naging maayos naman ang buhay ng mag lola. Sa katunayan ay unti-unting nakaipon si Matet at nakakapagpagawa na siya ng sariling bahay.
Samantala, si Belinda naman ay iniwan din ni Roger at ipinagpalit sa ibang babaeng mas bata. Ang masaklap pa roon ay ginawan siya nito ng isang katerbang utang at pinalayas sa sariling tahanan. Ibang klase talaga kung kumilos ang karma, ano?