Ipinahiram ng Dalaga ang Ipon Niya sa Kapitbahay na ‘Baliw’; Walang Nag-Akala na Ito ang Magiging Kapalit Niyon

“Dolores, bilisan mo nga ang lakad at huwag ka nang makiusyoso pa riyan! Ubod ka ng tsismosa!!” suway ni Aling Lydia sa pamangkin niyang natigilan sa paglalakad dahil napukaw ang atensyon sa kapitbahay.

“Kawawa naman po kasi si Mang Bong, tiya. Nais lang naman po niyang maghanapbuhay pero pinapaalis pa siya ni Aling Minda. Hindi naman siya nakakaabala,” wika ng dalaga.

“Kukuha lang naman ako ng kalakal, hindi mo naman ako dapat ipagtabuyan! Tandaan mo, kapag nakuha ko ang lupa ko’y titingalain mo rin ako!” saad ni Mang Bong.

“Sige! Ipakita mo muna sa akin ang lupa mo na ‘yan! Baka lupa lang ‘yan sa paso! Ang kapal ng mukha mong magsalita ng ganiyan! Siguro sa sobrang gutom mo’y nahanginan na ‘yang utak mo! Lumayas ka rito dahil nakakaabala ka!” sigaw ni Aling Minda, halos pumutok na ang mga ugat sa leeg.

Baliw kasi kung ituring ng ilang kapitbahay ang may edad nang si Mang Bong. Nag-iisa lang ito sa kaniyang barung-barong na pinagtagpi-tagping lona. Madalas ay kinakalkal nito ang mga basura upang makahanap ng kaniyang kakainin. Malimit din siyang ipagtabuyan dahil nga marami ang natatakot sa kaniya.

Kaya naman labis na naaawa si Dolores. Nauunawaan kasi niya ang kalagayan nito. Kahit kasi nariyan pa ang kaniyang Tiya Lydia ay parang wala rin siyang kamag-anak. Mahigpit kasi ito at madalas siyang pagmalupitan. Walang araw na hindi pinaramdam sa kaniya nito na pabigat lang siya.

“Huwag mo nang pakialaman ‘yang baliw na ‘yan! Ang pakialaman mo ay ‘yung pagpunta natin sa palengke. Aba’y tanghali na. Wala na tayong maaabutang mamimili! Magbagal ka pa riyan at isasama kita kay Bong sa pagkalkal ng basura!” pagtataray pa ng tiyahin.

Nais mang tulungan ni Dolores si Mang Bong ay wala siyang magawa. Ayaw niyang sila naman ng kaniyang tiyahin ang magtalo kaya sumunod na lang siya sa gusto nitong magmadali sa paglakad upang makarating na sa palengke.

Advertisement

Ang pagtitinda na kasi ng kakanin ang kinamulatan ni Dolores. Simula nang nawala ang kaniyang mga magulang ay doon na siya naninirahan sa kaniyang tiya. Ngunit miserable ang buhay niya rito. Ni hindi na nga siya nito pinag-aral at madalas lang siyang alilain.

“Dolores, bilang ko ang lahat ng iyan kaya huwag mo nang tangkaing kumuha ng kita! Gawin mo ang lahat ng magagawa mo para maubos mo ang paninda mo kung hindi ay iyan ang ipapakain ko sa iyo buong araw!” bulyaw ng tiyahin.

Habang nagtitinda si Dolores ay hindi pa rin maalis sa kaniyang isipan ang may edad nang kapitbahay.

“Kung bibigyan ko naman si Mang Bong ng kahit kaunting kakanin ay malalaman ni tiya. Alam ko na, may naipon naman akong pera kahit paano. Babayaran ko na lang ang kakanin na ibibigay ko sa kaniya,” saad ni Dolores sa sarili.

Nagtabi ng kaunting kakanin si Dolores. Pagdating ng hapon ay naubos na ang kaniyang paninda kaya naman umuwi na siya. Palinga-linga siya dahil hinahanap niya si Mang Bong para maibigay ang kakanin. Natagpuan niya ito sa tapat ng bahay ng isang kapitbahay at muli itong pinagtatabuyan.

“Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na ayaw kong nakikita ka sa tapat ng bahay ko! Kapag hindi ka pa umalis rito ay ipadadampot talaga kita sa pulis! Nakakaperwisyo ka na!” saad ng isang ginang. 

“Kumukuha lang naman ako ng kalakal at ng mga bagay na pwedeng ibenta. Hindi pa kasi ako kumakain ngayong araw. Kumakalam na ang aking sikmura. Kailangan ko ring makaipon nang sa gayon ay mabawi ko na ang malaking lupa ko!” paliwanag pa ni Mang Bong.

“Wala akong pakialam sa iyo! Hindi ko na problema kung wala kang malamon! Basta umalis ka sa tapat ng bahay ko at huwag mong pakialaman ang basurahan namin! Lagi mong pinagmamalaki ‘yang lupa mo. Wala ka ngang matirhan nang maayos! Alis ka o tatawag ako ng mga pulis?” bulyaw muli ng matapobreng ginang.

Advertisement

Wala nang nagawa pa si Mang Bong kung hindi umalis.

Sa kaniyang pagtalikod ay sinalubong naman siya ni Dolores.

“Mang Bong, heto po ang kakanin. Narinig ko po kasing hindi pa kayo kumakain. Heto po at kainin n’yo na,” alok ng dalaga.

Hindi naman makapaniwala ang ginoo sa ginawa ni Dolores.

“P-para sa akin ba talaga ito? H-hindi ka ba natatakot sa akin?” tanong ni Mang Bong.

“Bakit naman po ako matatakot sa inyo, Mang Bong? Alam ko naman pong hindi totoo ang sinasabi nila. Alam ko pong wala kayong deperensya sa pag-iisip. Pagpasensyahan n’yo na lang po ang ibang tao kung hinuhusgahan kayo kaagad,” wika pa ng dalaga.

“Hindi ko rin kasi sila masisisi. Sino bang hindi matatakot sa isang kagaya kong ubod ng dungis, ‘di ba? Pero salamat sa bigay mong ito. Ngayon lang may gumawa ng mabuti para sa akin. Maraming salamat talaga!” saad ni Mang Bong.

“Pagpasensyahan n’yo na po iyan, a! Hayaan n’yo sa susunod ay ipagtatabi ko kayo ulit. Pagdamutan n’yo na po iyan sa ngayon. Siya nga po pala, Mang Bong, nasaan po ba ang pamilya niyo? Wala po ba kayong anak o asawa?” wika ni Dolores.

Advertisement

Hindi pa man nasasagot ni Mang Bong ang tanong ng dalaga ay nakita na ito ni Aling Lydia.

“Dolores, anong ginagawa mo riyan at bakit mo kinakausap ang baliw na ‘yan? Nasisiraan ka na rin ba ng ulo? Pumasok ka na rito at marami ka pang kailangang gawin! Kanina ka pa hinihintay ng mga hugasin mo tapos ay nakatambay ka lang riyan at sinasayang ang oras sa may kaltok na yan?!” pagbubunganga ng tiyahin.

“Sige na at tinatawag ka na ng tiya mo. Baka mamaya ay awayin ka na naman n’yan. Maraming salamat ulit dito sa bigay mo! Pagpalain ka nawa ng Panginoon,” saad ng ginoo.

Nagmamadaling pumasok ng bahay itong si Dolores. Tulad ng inaasahan ay wala na namang tigil ang bunganga ng kaniyang tiyahin. Puro masasakit na salita na naman ang kaniyang naririnig. Marahil nga ay nasanay na rin siya.

Araw-araw ay gumagawa ng paraan itong si Dolores upang matulungan niya kahit paano si Mang Bong. Minsan ay hinahati niya ang kaniyang pagkain. Minsan naman ay binibili niya ito ng kanin at ulam. O hindi naman kaya ay bumibili rin siya sa kanilang paninda. 

Isang araw, muling hinahanap ni Dolores ang ginoo upang bigyan ng pagkain. Nagulat siya nang makitang nakahandusay ito sa kalsada.

“A-ano po ang nangyari sa inyo, Mang Bong?” pag-aalala ng dalaga.

“Nakulitan ata sa akin ‘yung lalaking may-ari ng bahay d’yan sa may kanto. Ayaw niyang galawin ko ang basurahan malapit sa kanila. May nawala daw kasi sa kanila at ako ang napagbintangan. Pero kidlatan man ako ngayon, hindi ko ginawa ang bagay na iyon! Hindi ko kayang gumawa ng ganon!” paliwanag ni Mang Bong. 

Advertisement

“Naniniwala naman po ako sa inyo, Mang Bong. Huwag na lang po siguro kayong bumalik sa bahay na ‘yon. Talaga pong mayabang ang mga nakatira doon,” saad naman ng dalaga.

“Ang hirap maging mahirap, ano? Hindi naman ako ganito talaga. Kung hindi lang ako niloko ng pinsan ko sa lupa ay hindi naman ako maghihirap ng ganito. Kaya nga gusto kong makauwi sa probinsya namin nang sa gayon ay mapatunayan kong ako ang may-ari ng malaking lupaing kinamkam niya. Hindi ko lang ‘yun magawa dahil panlaman nga sa tiyan ko ay wala ako, pamasahe pa kaya,” saad pa ng ginoo.

“Lahat na lang ay nawala sa akin. Maging ang asawa ko’y iniwan na ako dahil labis na akong naghirap. Ibang klase talaga ang mga tao. Kapag may napapala sila sa iyo’y palagi silang nariyan. Pero kapag wala nang mapapala’y iiwan ka na rin nila,” dagdag pa ni Mang Bong.

“Magkano po ba ang kailangan n’yo, Mang Bong, para makauwi ng probinsya? May kaunti po akong naipon. Hiramin n’yo po muna. Bayaran n’yo na lang po ako kapag nakaluwag na kayo. Hindi naman po ako nagmamadali,” saad pa ni Dolores.

“Totoo ba? Pauutangin mo ako, Dolores? Ngunit walang kasiguraduhan kung mababayaran kita. Baka masayang lang ang pera mo,” saad pa ni Mang Bong.

“Kinikita naman po ang pera, Mang Bong. Makakaipon rin po ako ulit. Malayo pa naman po ang pasukan. Gamitin n’yo po muna ang naipon ko. Hindi n’yo po malalaman ang resulta kung hindi n’yo susubukan,” saad pa ng dalaga.

Sa totoo lang ay hindi rin naman naniniwala si Dolores kay Mang Bong tungkol sa lupang sinasabi nito. Ngunit gusto lang nitong makauwi ang ginoo sa probinsya upang magsimula ng bagong buhay doon. Baka sakali na sa lugar na iyon ay hindi na ito magutom at walang sinuman ang huhusga rito.

Agad na kinuha ni Dolores ang ipon niyang pera. Dahil sa kaniyang pagmamadali ay napukaw ang atensyon ng kaniyang tiyahin.

Advertisement

“At bakit ka nagmamadali? Saan ka pupunta?” usisa ng ginang.

Hindi na ito napansin pa ni Dolores. Nakita ni Lydia ang pamangkin na lumabas at may dalang pera. Sinundan niya ito ng tanaw at nagulat siya nang iabot ng dalaga ang pera nito kay Mang Bong.

“Aba’y nasisiraan ka na talaga ng bait! Wala ka talagang utak na bata ka! Bakit mo binigay ang pera mo sa baliw na ‘yun?” bulyaw ni Aling Lydia.

“Kailangan daw po niyang umuwi sa probinsya, tiya,” sagot ni Dolores.

Isang matinding sampal ang sumalubong sa dalaga.

“At naniwala ka naman sa sinasabi niyang may malaki siyang lupain sa probinsya? Dolores naman! Gamitin mo naman ang utak mo! Baliw ang taong iyan. Nahipan na ng hangin ang pag-iisip niya dahil walang laman lagi ang sikmura! Parang tinapon mo lang ang pera mo! B0ba ka talagang bata ka!” gigil na sambit ng tiyahin.

“Wala naman po akong pakialam, tiya, kung hindi po totoo ang sinasabi niyang kwento. Ang nais ko lang po ay makauwi siya sa probinsya dahil naroon ang pamilya niya. Doon, tiyak na hindi siya magugutom. Walang mang-aalipusta sa kaniya. Baka sakaling makita pa niya ang ilang kamag-anak niya. Baka hinahanap na rin siya ng mga ‘yun!” saad ni Dolores habang umiiyak.

“Hindi mo dapat pinakikialaman pa ang buhay n’ya! Ang pinapakialaman mo dapat ay kung paano tayo mabubuhay! Simula nang dumating ka ay nagkanda letse-letse na ang buhay ko! Ikaw ang malas sa akin! Ikaw ang peste sa buhay ko!” sigaw ni Lydia.

Advertisement

“Kung may mapupuntahan nga lang ako, tiya, ay hindi na po ako titira dito. Kahit kailan naman ay hindi n’yo ako tinuring na kamag-anak. Kahit kailan ay hindi n’yo ako minahal! Mabuti pa nga sana’y nasawi na lang ako tulad ng mga magulang ko. Hindi ko na sana naranasan pa ang pagmamalupit mo!” sagot muli ni Dolores.

Sa inis ni Lydia ay pinalayas niya ang pamangkin. Dahil ayaw na rin ni Dolores na manirahan kasama ang tiyahin ay umalis na rin siya.

Sa loob ng dalawang linggo ay nanirahan si Dolores sa lansangan. May ilang kaibigan ang nag-aabot sa kaniya ng tulong kaya kahit paano ay nakakakain siya.

Isang gabi, habang nananalangin si Dolores ay may biglang tumabi sa kaniyang lalaki. Laking gulat niya nang pagmasdan niya’y parang pamilyar ang mukha nito.

“Mang Bong, ikaw po ba ‘yan?” gulat na wika ni Dolores.

“Ako nga, Dolores! Sabi ko na nga ba at mahihirapan ka nang makilala ako,” nakangiting wika ng ginoo.

“A-ano na pong nangyari sa inyo? Nagkita na po ba kayo ng mga kamag-anak n’yo? Mabuti naman po at nasa ayos na kayong kalagayan!” natutuwang wika ng dalaga.

“Naging ayos na ang lahat, Dolores. Alam mo bang matagal na pala akong hinahanap ng ilang kaanak ko. Matagal na palang sumakabilang buhay ang pinsan kong nangkamkam sa lupaing minana ko sa aking mga magulang. Kaya nga narito ako ngayon. Nais ko kasing bayaran ang inutang ko sa iyo dahil nabawi ko na ang lahat ng ari-arian ko,” saad ni Mang Bong sabay labas ng isang bag na puno ng salapi.

Advertisement

“Lahat ng perang narito ay bayad ko sa iyo. Kulang pa nga ito sa lahat ng kabutihang nagawa mo sa akin. Ikaw lang ang bukod tanging nagmalasakit sa isang taong kagaya ko. Hindi mo ako hinusgahan sa kabila ng hitsura ko. Gamitin mo ang perang ito para makapagsimula kang muli. Huwag kang mag-alala, Dolores, at ako na ang bahalang magpaaral sa iyo. Bibilhin ko ang ilang lupain sa lugar natin at ikaw ang nais kong manirahan doon. Nais kong ipamukha sa mga kapitbahay natin dati ang lahat ng ginawa nilang pang-aalipusta sa akin,” saad pa ng ginoo.

At ito nga ang kaniyang ginawa. Binili ni Mang Bong ang ilang lupain sa kanilang lugar at pinatayuan ng malaking bahay. Lahat ay napanganga dahil hindi sila makapaniwala na totoo pala ang sinasabi ng ginoo. Ngayon ay nais nilang lumapit sa kaniya at makipagkaibigan ngunit wala itong pinaunlakan.

Ngayon, si Dolores ang naninirahan sa malaking bahay na ipinatayo ni Mang Bong. Ipinagpatuloy rin nito ang pag-aaral. Si Mang Bong na rin ang tumayong ama para sa dalaga. Habang si Lydia naman ay patuloy na humihingi ng kapatawaran sa pamangkin para maambunan rin ng grasya ngunit hindi na nagpabilog pang muli ang dalaga. 

Ngayon ay maayos na pareho ang buhay nila Dolores at Mang Bong.