Inday TrendingInday Trending
Naiinis Siya sa Tuwing Kinukulit Siya ng Nobyo Tungkol sa Insurance; ‘Di Niya Akalaing Kakailanganin Niya Pala Ito

Naiinis Siya sa Tuwing Kinukulit Siya ng Nobyo Tungkol sa Insurance; ‘Di Niya Akalaing Kakailanganin Niya Pala Ito

Natutuliro na ang dalagang si Sam sa paulit-ulit na pagkukwento ng kaniyang nobyo tungkol sa isang insurance company na gusto nitong pagtrabahuhan. Walang araw kasing hindi nito sinasabi sa kaniya ang kagandahan ng insurance para sa isang sakiting katulad niya.

“Pwede ba, Gino, iba naman ang pag-usapan natin ngayon? Rinding-rindi na ako sa kakakuwento mo tungkol d’yan sa lintik na insurance na ‘yan! Kung gusto mong ma-scam ng mga gan’yang kumpanya, ikaw na lang! Huwag mo na akong idamay!” sigaw niya sa kaniyang nobyo nang magsimula na naman itong magkwento tungkol sa nakuha nitong insurance habang sila’y nagkakape.

“Mahal, napag-aralan ko na ‘tong insurance company na ito bago pa ako kumuha ng insurance sa kanila. Ngayong mas nalaman ko pa ang mga benepisyong maaari kong makuha kung sakali mang maaksidente ako, magkasakit, o kahit mawala sa mundong ito, alam kong hindi ko na kailangang isipin pa ang perang gagastusin ko. Kaya gusto ko sanang pati ikaw…” kwento pa nito na agad niya na ring pinutol.

“Tigilan mo na, Gino! Ayoko nga sabi, eh! Hindi ako naniniwala sa mga gan’yan! Mas mabuti pang mag-ipon ako sa bangko kaysa ilaan ko ang pera ko riyan!” bulyaw niya pa rito kaya agad itong napayakap sa kaniya.

“Sige, mahal, ikaw ang bahala. Huwag ka namang magalit agad, ikaw lang naman ang inaalala ko,” paglalambing nito kaya wala siyang nagawa kung hindi ang manahimik na lang at magpasensya.

Habang patuloy na naghahangad ng posisyon sa naturang insurance company ang kaniyang nobyo, patuloy naman siyang nag-iipon ng pera sa kaniyang bangko. Kada sahod niya, halos sampung libong piso ang kaniyang natatabi dahil sa laki ng kita niya sa pangkasalukuyan niyang trabaho na para sa kaniya, isang malaking paraan upang mas mapadali niya ang pag-abot sa kaniyang mga pangarap katulad ng pagkakaroon ng bahay at lupa, sasakyan, at marangyang buhay.

Hindi naman siya nabigo dahil paglipas lang ng ilang taon, nakabili siya ng maliit na lupa at agad niyang naipatayo roon ang bahay na pangarap niya dahil sa patuloy na pagtaas ng kaniyang sahod.

Naging isang ahente na rin ng naturang insurance company ang kaniyang nobyo na labis nitong ikinasaya. Ito ang dahilan para muli na naman siya nitong kulitin na kumuha na rin ng insurance para sa kaniyang proteksyon.

“Alam mo namang malaki ang kinikita kong pera, Gino, kailangan ko pa bang umasa sa isang insurance company, ha? Kahit yata magkaroon ako ng malubhang sakit, kayang-kaya ko ipagamot ang sarili ko!” pagyayabang niya sa kasintahan dahilan para respetuhin na lamang nito ang kaniyang kagustuhan at paniniwala.

Ngunit isang araw, habang siya’y naglalakad sa gilid ng pinagtatrababuhan niyang gusali, nagulantang na lang siya nang siya’y masalpok ng isang rumaragasang kotse. Hindi pa roon natapos ang kamalasan niya nang araw na iyon dahil pagtilapon niya sa kabilang bahagi ng kalsada, muli siyang nabangga ng isang trak ng semento.

Pagkamanhid ng kaniyang buong katawan at ingay ng mga natatarantang tao ang huli niyang naramdaman at narinig bago pa niya tuluyang ipikit ang kaniyang mga mata.

Buong akala niya noon, iyon na ang katapusan ng kaniyang buhay pero sa kabutihang palad, muli niyang naimulat ang kaniyang mga mata.

“Salamat naman, nagising ka na, mahal!” hikbi ng kaniyang kasintahan, tatayo na sana siya nang bigla niyang maramdaman ang pagkirot ng kaniyang balakang, likod, at mga binti, “Teka, mahal, hindi ka pa pwedeng tumayo! May semento ang halos lahat ng parte ng katawan mo, mahal,” wika nito na ikinagulat niya.

“Saglit, saan ka kumuha ng pangbayad sa mga operasyon ko? May natira pa naman sa ipon ko, hindi ba?” pag-aalala niya.

“Pasensya na, mahal, wala nang natira sa ipon mo. Kulang pa nga kaya naglabas na rin ako ng pera. Halos tatlong milyon ang nagastos natin sa pagpapaospital mo. Magdadalawang buwan ka na ring narito, mahal, dahil sa lala ng nangyari sa’yo. Tumakbo rin ang dalawang nakadisgrasya sa’yo kaya wala tayong natanggap ni piso mula sa kanila,” kwento pa nito. Nanlumo siya.

“Hindi ba’t may insurance ka naman? Hindi mo ba ‘yon pwedeng gamitin para sa akin?” tanong niya pa.

“Hindi, mahal, para sa pansariling proteksyon ko lang ang sakop ng insurance ko. Kaya nga nagsisisi ako bakit hindi kita kinulit nang kinulit upang kumuha ng sa iyo. Sana ngayon, may ipon ka na, wala pa tayong nagastos dito sa ospital,” sabi nito, wala na siyang ibang nagawa noon kung hindi ang maiyak at manghinayang sa ipon niyang perang nawala lang na parang bula.

Doon niya labis na napagtanto ang kahalagahan ng insurance sa buhay ng isang tao. Gustuhin man niya sanang kumuha ng insurance habang siya’y nagpapagaling, hindi niya na magawa dahil malala na ang sitwasyon niya at wala nang insurance company ang gustong tumanggap sa kaniya.

Upang muling makabangon sa pagkakadapang iyon, sinubukan niya na lang maging ahente katulad ng kaniyang nobyo at ginamit niya ang kaniyang kwento upang maengganyo ang mga taong kakilala niya na kumuha ng insurance sa kanilang magkasintahan.

Sa ganoong paraan, kumikita na siya ng pera, nabibigyan niya pa ng proteksyon ang mga mahal niya sa buhay na labis na nagpataba ng kaniyang puso habang siya ay patuloy na nagpapagaling.

Advertisement