Inday TrendingInday Trending
Kinupkop ng Babaeng Tindera ang Iniwang Bata sa Palengke; Sa Paglipas ng Panahon ay Masisiwalat ang Isang Lihim

Kinupkop ng Babaeng Tindera ang Iniwang Bata sa Palengke; Sa Paglipas ng Panahon ay Masisiwalat ang Isang Lihim

Tagaktak na ang pawis sa noo ni Cristy, hindi kasi siya magkandaugaga sa pag-aasikaso sa mga kustomer na bumibili sa mga paninda niya. Malakas ang benta sa araw na iyon, maraming umoorder sa tinda niyang isda. Sa edad na beinte dos anyos ay sanay na siya sa mga pagtitinda sa palengke, sa hirap ng buhay ay kailangan niyang kumayod ng todo.

“Uy, bata, dami mong kustomer a! Ako nga pala si Oryang, ako ‘yung nanay ni Yoly ‘yung tindera ng manok diyan sa tapat mo. Lumuwas kasi siya sa probinsya kaya ako muna ang nagbabantay nitong puwesto niya. Ngayon lang kita nakita ritong nagtitinda, ilang taon ka na ba?” tanong ng may edad na babae.

“Beinte dos po, bakit niyo naitanong?” sagot ng dalaga.

“Naku, ang bata mo pa pala? Napansin ko lang na ikaw ang pinakabatang nagtitinda rito pero ang dami mong suki. May pamilya ka na ba?” tanong ulit ng ale.

Biglang nalungkot si Cristy.

“O, bakit sumimangot ang mukha mo, hija?”

Umiling siya.

“W-wala po, m-may naalala lang po ako…n-nga po pala, yung sagot ko sa tanong niyo, opo, marami nga po akong pinag-aaral, eh. Pero ilang taon na lang naman ay makakagradweyt na ‘yung isa sa kolehiyo,” aniya.

“Ano? May kolehiyo ka nang anak?!” gulat na gulat na tanong ng babae.

“Mali po yata ang iniisip niyo. Ang ibig ko pong sabihin, marami po akong pinag-aaral na kapatid. W-Wala pa po akong anak. Tinutulungan ko po ang aking mga magulang sa pagtatrabaho. Maliit lang po kasi ang kinikita nila sa pagko-construction at paglalabada,” sabi niya.

Tumango-tango naman ang ale pero patuloy na nagtanong.

“Nobyo? May nobyo ka na, ano?” anito.

Napangiti lang siya, ibubuka na niya ang bibig para sagutin ang tanong ng babae ay biglang nahagip ng mga mata niya ang isang lalaki na may kasamang bata na lumapit sa kaniya.

“O, sir, bili na kayo ng tinda ko! Sariwang-sariwa ito,” alok niya. Sa tingin niya kasi ay kustomer ito.

Tumango ang lalaki, nakasuot ito ng face mask, naka-shades at may bonnet sa ulo. Hindi niya tuloy makita ang mukha nito. Ang kasama naman nitong batang babae ay sa tingin niya’y nasa tatlo o apat na taong gulang. Baka anak nito.

“Sige, pagbilhan mo ako ng isang kilong galunggong. Ilagay mo na sa plastik ha, miss. N-nga pala, maaari ko bang iwan sa iyo saglit itong anak ko? Punta lang ako doon sa bilihan ng gulay, babalikan ko rin siya agad,” sabi ng lalaki na medyo hirap sa pagsasalita.

Nakaramdam siya ng awa sa lalaki, pakiwari niya ay hindi maayos ang pakiramdam nito kaya pinagbigyan niya ito.

“O, dito ka muna ha, beybi! May bibilhin lang ang papa mo,” aniya. Pinaupo niya ang bata sa tabi niya.

Ngunit lumipas na ang ilang oras pero hindi pa rin bumabalik ang lalaki. Sinubukan niyang hanapin ito sa lahat ng sulok ng palengke pero hindi na niya ito makita.

“Diyos ko, paano ba ito? Nasaan na ang papa mo, beybi?” natataranta niyang sabi.

Dinala niya sa barangay ang bata, ibinilin niya sa kapitan na baka sakaling balikan ito ng ama, pero palabas na siya nang umungot ito. Nang tingnan niya ay nakaangat ang dalawang braso at tila nagpapakarga sa kaniya.

Pilit nilabanan ni Cristy, pero ilang buntung-hininga pa ay nadala na rin siya ng damdamin.

“Siguro kung nabubuhay siya’y magkasing edad sila nitong bata,” bulong niya sa isip. “S-sige Kap, iuuwi ko na muna itong si beybi. Puntahan ninyo nalang ako sa bahay namin kapag may naghanap sa kaniya,” sabi niya.

Mabilis na lumipas ang limang taon pero walang bumalik para sa bata.

Isang araw, malungkot na nakatanaw si Cristy sa bintana ng kanilang bahay. Mahirap pa rin ang buhay kaso hindi siya puwedeng huminto sa pagbabanat ng buto, maraming umaasa sa kaniya. Kahit nakagradweyt na sa kolehiyo ang isa niyang kapatid at may trabaho na ay kulang pa rin ang kinikita nilang pamilya para sa araw-araw lalo na ngayon na may anak-anak na siya, ang batang iniuwi niya noon na pinangalanan niyang Jocelyn. Ang batang hindi na binalikan ng walang kuwenta nitong ama na sa tingin niya ay sinadya talagang iwan noon.

Pero kapag nakikita niyang masaya ang kaniyang pamilya kahit mahirap sila ay napapawi na ang sarili niyang lungkot. Ipinapaalala sa kaniya na tama rin ang desisyon niya na makipaghiwalay noon kay Frank.

Nang maalala niya ang lalaki ay inilabas niya ang litrato nito na nakaipit sa lumang pocketbook na itinatago niya sa tokador. Hindi niya napigilan ang sariling haplusin ang larawan.

“O, F-Frank…kumusta ka na?” malungkot na bulong niya.

Ilang taon na ang nakakaraan nang maging nobyo niya ang lalaki, menor de edad pa lamang siya noon. Mahal na mahal niya ito at tingin niya naman ay ganoon din ito sa kaniya, ang problema lang ay magkaiba ang estado nila sa buhay. Nagtanan sila at itinira siya nito sa isang maliit na apartment. Ilang linggo lang ay nahanap din sila ng mga magulang ni Frank. Pilit na binawi ng mga magulang ang lalaki, may mga kasamang bodyguards ang mga ito kaya madaling nakuha ang nobyo niya. Ang masakit ay pinamukhaan pa siya, na hindi raw siya nababagay sa anak ng mga ito dahil siya’y mahirap lang at mababang uri ng babae. Subalit hindi niya kinaya ang pamamahiyang iyon kaya biglang sumama ang pakiramdam niya, sumakit ang tiyan niya na ikinataranta naman ni Frank. Manganganak na siya!

“Ang beybi namin! Baka mapaano ang beybi namin ni Cristy, ‘ma, ‘pa!” anito.

Kasalukuyan siyang nagdadalantao noon, dinadala niya ang anak nila ni Frank. Hindi totoo ang sinabi niya sa aleng tindera sa palengke na wala siyang anak, ayaw lang niya na mapag-usapan iyon dahil hanggang ngayon ay masakit pa rin sa kaniya. Nang bumalik sa kaniyang alaala ang nakaraan ay hindi niya napigilan na maiyak, nawalan na siya ng malay noon kaya isinugod siya sa ospital nina Frank. Nang magising siya, sinabi ng doktor na nakunan siya. Pat*y na raw ang bata. Parang gumuho ang mundo niya nang malamang wala na ang anak nila ni Frank, pero ang mas masakit ay nang malaman niyang sobra raw nagalit ang lalaki nang mawala ang sanggol na dinadala niya sa kaniyang sinapupunan kaya nagdesisyon daw ito na iwan siya sa ospital at sumama na sa mga magulang nito. Hindi raw nito matanggap na nawalan ito ng anak. Kaya mula noon ay pinakawalan na niya si Frank. Baka nga Diyos na ang gumawa ng paraan para ipamukha sa kanila na hindi sila ang para sa isa’t isa, kaya binawi nito ang nag-iisang nag-uugnay sa kanila, ang kanilang anak, pero kahit ilang taon na rin ang nangyari ay hindi pa rin niya makalimutan ang nawala niyang anak. Nangungulila pa rin siya rito. Pagkatapos ng mga nangyari ay bumalik uli siya sa kaniyang pamilya at tinanggap pa rin siya ng mga ito.

Kahit kailan ay hindi na nagpakita sa kaniya si Frank, pero ang kalakip noon ay ang pangako niya sa sarili na itutuloy niya ang buhay kahit wala na ang lalaki. Magpupursige siya para sa kaniyang pamilya. Saka na muna ang puso, ang pamilya muna ang uunahin niya.

Napalingon si Cristy nang makita ang anak na nakatayo na pala sa gilid niya. Agad niyang pinahid ang luha sa mga mata niya.

“Nanay, umiiyak ka po ba?” tanong nito.

“Naku, nandiyan ka pala, anak. W-wala ito, napuwing lang si nanay. Halika na at bibihisan na kita, ako na ang maghahatid sa iyo sa school,” wika niya sa bata at agad na iniipit ulit sa pocketbook ang litrato.

Pagkatapos paliguan at pakainin ang anak ay lumabas na sila ng bahay para ihatid na sa eskwela ang bata, biglang tinawag siya ng bunso niyang kapatid na si Ella.

“Ate, nakita ko ito sa labahan ni nanay. ‘Di ba ito ‘yung locket na nakasabit sa leeg ni Jocelyn nung iniuwi mo siya rito? Ngayon ko lang nakita na may lamang maliit na papel itong locket sa loob. May nakasulat na address,” wika ng dalagita.

“A-ano?!”

Bumilis ang tibok ng puso ni Cristy. Bakit ganoon, ‘di ba ito na ang pinakahihintay niya? ‘Di ba, noon ay hiling niya na may kumuha sa batang iniwan sa kaniya? Bakit ngayong narito na, bakit nasasaktan siya? Napamahal na sa kaniya si Jocelyn, kung magiging makasarili siya ay ayaw na niya itong ibalik pa.

“Ate, alam kong napamahal na sa iyo si Jocelyn, pero karapatan niya na malaman ang tungkol sa kaniyang pagkatao,” sabi ni Ella na tila nabasa ang iniisip niya.

“Alam ko naman, eh. Mamaya pagkagaling niya sa eskwela’y pupuntahan namin ang address,” malungkot niyang tugon.

Kinahapunan, pagkatapos ng klase ay halos ayaw nang huminto ng luhang dumadaloy sa mga mata ni Cristy habang bitbit ang bata. Nasa harap na sila sa malaking bahay. Pinindot niya ang doorbell at pinapasok naman sila ng isa sa mga kasambahay na naroon.

“Anak, tingnan mo si nanay. Tingnan mo ang mukha ni nanay. Huwag mo akong kakalimutan ha? Lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita,” bilin niya rito.

Nagtataka namang ngumiti ang bata.

“Oo naman po, nanay. Mahal na mahal din po kita. Kahit hindi niyo po ako totoong anak, binusog niyo naman po ako sa pagmamahal. Basta po, kapag hindi ko nagustuhan dito sa mga tunay kong magulang ay babalik po ako sa inyo,” anito.

Pinipigilan niya ang sarili, pero naroon na sila, eh, hindi na maaaring umatras. Maya maya ay humarap na sa kanila ang may-ari ng malaking bahay, pero nang makita niya ang mga ito’y nanlaki ang mga mata niya.

“Mr. and Mrs. Policarpio?”

Teka, anong ginagawa ng mga magulang ni Frank dito?

“Diyos ko, Cristy? Aming apo!” gulat na sambit ng ginang.

“A-ano? Apo?”

“C-Cristy, alam kong marami kaming kasalanan sa iyo. Pero mag-usap muna tayo, mayroon kang dapat na malaman,” mahinahong sabi naman ng ama ni Frank.

Pinatuloy sila ng mga ito sa malaking bahay. Napansin din niya na panay ang sulyap ng mga ito sa bata, nangingilid ang luha ng mag-asawa habang pinagmamasdan sila. Gulung-gulo pa rin si Cristy kung bakit ang mga magulang ni Frank ang nakatira sa address na nakuha sa locket ni Jocelyn at anong sinasabi ng mga itong apo?

“Kumusta ka na, Cristy?” tanong ng dalawang matanda.

“A-ayos lang naman po. Eto, itinuloy pa rin ang buhay nang iwan ako ni Frank, pero kahit mahirap pa rin kami ay nagsumikap ako. Ngayon nga ay may trabaho na ang isa kong kapatid at malapit na ring makagradweyt sa kolehiyo ang isa pa. Maayos naman po ang kita ko sa palengke bilang tindera, sa katunayan ay dalawa na ang puwesto namin doon. Kayo po, kumusta na? Si F-Frank?” sagot niya.

Malungkot na umiling ang mag-asawa. Biglang tumayo ang ginang at may kinuha sa tokador. Iniabot nito sa kaniya ang isang sulat, mula kay Frank iyon na ipinadala sa mga magulang.

Nang basahin niya ang sulat ay halos manikip ang dibdib niya sa katotohanang sumambulat sa kaniya.

Mama, Papa,

Patawad po kung sinuway ko na naman ang inyong kagustuhan. Hindi ko maaatim na mailayo sa pinakamamahal kong babae ang aming anak. Niloko niyo na siya nang ipaalam sa kaniya na namat*y ang bata nang araw na isinugod natin siya sa ospital pero ang totoo’y kinuha niyo ang sanggol para ilayo sa kaniya. Wala akong nagawa kundi ang sumunod sa inyo dahil tinakot niyo ako na guguluhin niyo ang pamilya ni Cristy. Ilang taon ko ring itinago ang lihim na iyon pero hindi ko na talaga matiis at inuusig na ako ng aking kunsensiya kaya gumawa ako ng paraan para maitakas ang aking anak at dalhin sa kaniyang ina. Karapatan niyang makilala at makasama ang aming anak. Huwag kayong mag-aalala, babalik ako sa inyo at susundin ang gusto niyong magpakasal ako sa anak ng inyong mayamang kaibigan. Gusto ko lang na maitama ang kasinungalingan na kayo ang may gawa.

Frank

“Diyos ko! A-ang ibig sabihin…”

“Tama ang iyong nabasa, hija. Nagsinungaling kami sa iyo. Inilayo namin ang inyong anak ni Frank, pero sa bandang huli ay sinunod pa rin niya ang kaniyang puso at ibinigay sa iyo ang bata…n-ngunit nang araw na isauli niya sa iyo ang inyong anak ay…” hindi na natapos ni Mrs. Policarpio ang sasabihin dahil napahagulgol na ito.

“W-wala na si Frank, Cristy…wala na ang aming anak, pauwi na siya rito sa bago naming nilipatang bahay ay aksidenteng nasag*saan siya ng rumaragasang truck habang patawid sa kalsada,” sabad ni Mr. Policarpio na hindi na rin napigilang maiyak.

“Patawarin mo kami, hija. Patawarin mo si Frank, wala siyang kasalanan, kami ang may kagagawan ng lahat,” patuloy na hagulgol ng ginang.

At naging malinaw kay Cristy ang mga nangyari. Ibig sabihin, si Frank ang lalaking nag-iwan sa kaniya sa bata. Kaya pala iba ang pakiramdam niya noon, kaya pala hindi nito ipinakita ang sarili para hindi niya mamukhaan. At ibig sabihin ay anak niya nga si Jocelyn. Ang anak na inakala niyang pat*y na nang isilang niya, iyon naman pala ay buhay na buhay. Gumawa rin ng paraan si Frank na mailapit din ang bata sa mga magulang kaya isinuot nito noon sa kanilang anak ang isang locket at nakapaloob ang bagong address ng mga ito.

Mahigpit na niyakap ni Cristy ang bata.

“Anak ko, ikaw ang anak ko!” aniya na hindi na rin napigilang mapahagulgol.

“Nanay ko,” nagtataka namang sabi ni Jocelyn.

“Oo, anak, ako ang totoo mong nanay, ikaw ang totoo kong anak. Mahal na mahal kita,” saad pa niya.

Laking pasasalamat niya kay Frank dahil hanggang sa huling pagkakataon ay ginawa nito ang tama at pinaglapit silang mag-ina. Pinatunayan pa rin sa kaniya ni Frank na mahal siya nito. Kung alam lang niya na ang lalaki ang kaharap niya noon, hindi na niya hahayaan na magkahiwalay pa sila. Hindi sana naaksidente ang lalaking pinaka-iibig niya. Sa ngayon ay magkasama pa sana silang tatlo, buo sana silang pamilya. Pero kahit ganoon ang nangyari, iniwanan naman siya ni Frank ng magandang regalo, ang anak nilang Jocelyn, kaya mananatiling buhay pa rin ang alaala nito.

Napatawad na rin ni Cristy ang mga magulang ni Frank at hindi niya ipinagkait ang apo ng mga ito. Ipinakilala niya si Jocelyn sa lolo at lola nito. Humingi rin ng tawad ang mag-asawa sa kanilang apo.

Iba talaga kung maglaro ang kapalaran, nawala man sa kaniya si Frank ay ipinagkaloob naman sa kaniya ang anghel ng buhay niyang si Jocelyn.

Advertisement