Inday TrendingInday Trending
Nanlamig ang Pakikitungo ng Misis sa Mister Nang Mahuli Niya Itong Nagloloko; Nang Bumawi Ito ay Labis Siyang Napaluha

Nanlamig ang Pakikitungo ng Misis sa Mister Nang Mahuli Niya Itong Nagloloko; Nang Bumawi Ito ay Labis Siyang Napaluha

Sa puntong iyon ay natitiyak ni Semia na ang bahay na kaniyang pinuntahan ay ang lihim na lungga ng asawa niyang si Cris at ang babae nito.

“Sa ganitong oras daw naririto si Cris,” bulong niya sa isip at nagsimula nang katukin ang pinto.

Hindi naman siya nagkamali, nang bumukas iyon ay nagulat pa si Cris nang makita siya.

“S-Semia? Paanong…”

“Magkakaila ka pa ba, Cris, eh huling-huli na kita!” matigas niyang sabi.

Nang biglang may nagsalita sa likuran ng lalaki.

“Sweetheart, sino ‘yan, ‘yung pagkain na bang inorder ko?” sabi ng babaeng kasama nito.

Mas lalong ikinagulat ni Cris na isinama rin pala ng kaniyang asawa ang kanilang bunsong anak sa bahay ng kalaguyo niya.

“Semia, pati ba bata?”

“Sweet…aba, sino sila?” gulat na tanong ng babae.

“Daddy, daddy, sinusundo ka na namin ni mommy. Sino siya, daddy? Kaibigan mo?” tanong ng anak nilang limang taong gulang.

“Hihintayin ka namin sa bahay, Cris. Doon tayo mag-uusap. Halika na, anak at susunod na sa atin ang daddy mo,” mariing wika ni Semia.

Pag-uwi sa bahay ay agad na kinompronta ni Semia ang mister.

“Kung kailan malaki na ang panganay mo saka ka pa nambabae? Hindi ka na nahiya! Ang mabuti pa ay doon ka na sa babae mo, iwan mo na kami ni Lovely at ang nasa tiyan kong ito dahil kaya ko naman silang buhayin,” asik ng babae na ang huling tinutukoy ay ang bunso nilang anak na dinadala niya sa kaniyang sinapupunan.

“Patawarin mo ako, mahal. Natukso lang ako kay Tamara. Pampalipas oras ko lang siya, isa lang siyang babaeng bayaran, ikaw pa rin ang mahal ko, sa iyo pa rin ako umuuwi, ‘di ba? Pangako, pupunan ko ang aking pagkukulang,” sagot ni Cris.

“Huwag kang mag-alala, hindi naman tayo maghihiwalay, alang-alang sa mga bata, kakalimutan ko ang karupukan mo, ngunit mula ngayon ay huwag mo akong pakikialaman,” wika ni Semia.

Mula noon, naging malamig na si Semia sa asawa. Nang makapanganak siya ay bumalik siya sa pagtatrabaho. Noong ikinasal sila ni Cris ay pinahinto siya nito sa trabaho para tutukan na lamang ang pagiging ina ng tahanan pero nang magloko ang mister ay nagdesisyon siyang hindi na umasa rito.

“Semia, itago mo ito, o! Nakuha ko na ang suweldo ko,” sabi ni Cris saka iniabot sa kaniya ang pera.

“Itago mo na lang iyan Sobra-sobra na sa aming mag-iina ang sahod ko,” sagot niya na tinanggihan ang ibinibigay ng mister.

Sa production department ng isang istasyon ng radyo ang pinapasukan ni Semia. Noon pa man ay pangarap na niyang maging parte ng isang programa sa radyo kaya nang matanggap siya roon ay laking tuwa niya.

“Semia, i-compose mo nga ang traser nito, o,” utos ng supervisor niya.

“Okey po. Bigyan niyo po ako ng 30 minutes,” aniya.

Isang announcer ang nakapansin sa kaniya. Nakita nito ang dedikasyon niya sa trabaho kaya…

“Semia, may opening para mag-handle ng programa tungkol sa pagpapayo sa mga problema ng mga tagapakinig kaya ikaw ang napipisil kong humawak nito,” wika ng announcer.

“Oo nga, okey ang boses ni Semia. Bakit ‘di natin subukan?” sabad ng isa pa.

Binuyo pa siya ng iba pa niyang kasama kaya ‘di nagtagal ay siya nga ang humawak ng nasabing programa sa radyo.

“Pansamantalang nagpapaalam ang inyong lingkod, Tita Semia, sa palatuntunang…Mga Payo ni Tita Semia. Sumulat kayo sa akin at ipadala ang inyong mga suliranin at tutulungan ko kayong mabigyan ng kalutasan sa abot ng aking makakaya,” aniya.

Ang programang iyon ay tinangkilik ng mga tagapakinig, naging sikat siyang announcer dahil doon.

“Binabati kita, Semia. Kasama sa top 10 programs na may pinakamataas na rating ang iyong palatuntunan at dahil diyan, may bonus ka sa kumpanya!” masayang wika ng kanilang boss.

“Maraming salamat po, Mr. Enriquez,” tugon niya.

Dahil sikat na siya, hindi lamang mga sulat ang dumarating sa kaniya na kailangan ng mga payo niya, ang iba ay pumupunta sa kaniya nang personal.

“Okey, kayo muna ang una, mister, may isang oras pa tayo bago magsimula ang programa ko,” sabi niya sa isang tagapakinig na personal na sumadya sa kaniya para manghingi ng payo.

“Naku, salamat po, Tita Semia,” anito.

Ang pagiging matagumpay sa kaniyang larangan ang nagbigay daan sa kaniya upang malimot ang pait na dulot ng pagiging malikot noon ng asawang si Cris.

“Wala pa rin siya, alas dos na ng umaga a! Pagod na rin ako, kailangan ko pang gumising nang maaga bukas,” sambit niya sa isip nang umuwi siya sa bahay nila na hindi pa naabutan doon ang mister.

Kung ano man ang ginagawa ng kaniyang asawa ay hindi na niya pinapansin, maliban sa harap ng mga anak nila.

“O, kiss na, sweetheart. Aalis na ako,” wika ni Cris kinaumagahan bago ito umalis papasok sa trabaho.

“Uy, ang sweet pa rin nila…kapag mag-aasawa na ako, pipili rin ako ng tulad ni daddy, mommy,” wika ng panganay nilang si Lovely.

“Naku, anak, dapat ang piliin mo iyong lalaking hindi ka lolokohin, na laging ikaw lang ang mamahalin,” makahulugang sagot ni Semia sa anak.

“At ako naman, iyong tulad ni mommy, hindi lang basta wife, career woman din at sikat!” sabi pa ng anak.

Nagkatinginan ang mag-asawa. Unang nagbawi ng tingin si Cris dahil alam ng lalaki na may pagkukulang siya.

“Ako na ang una mong idaan sa radio station, Cris, male-late na ako sa programa ko,” sabi niya nang sumakay na sila sa kotse.

“Sige,” tanging tugon ng mister.

Sa maraming taong nagdaan mula nang gabing nahuli niya ito na may ibang babae, ngayon lang muling napagtuunan ni Semia ng pag-iisip ang kalagayan nilang mag-asawa.

“Nawili ako sa aking trabaho. Hindi nahalata ng mga bata ang aming pagkukunwari ni Cris sa kabila ng mga taon,” aniya sa sarili. “Ang babaeng iyon…sila pa kaya ng aking asawa? A, kailangang magkaunawaan kami, ayokong hintayin pa ang araw na siya ang magpasiyang iwan ako…kami ng mga bata,” saad pa niya sa isip.

Kinagabihan ay naratnan na niya si Cris sa bahay.

“Maaga ka yata,” sabi niya.

“Ikaw rin, bakit, maysakit ka ba? Para kang matamlay, eh,” tugon ng kaniyang mister.

“Huwag ka nang magbihis, may pupuntahan tayo. Halika, sumama ka sa akin,” yaya ni Cris.

“Pagod ako, Cris…at saka, gusto rin kitang makausap. Teka, ang mga bata?” tanong niya.

“Naroon na sila. Kanina ko pa inihatid, tayo na lang ang kulang. Huwag ka nang tumutol,” pagpupumilit ng lalaki saka hinila sa braso ang asawa.

“Uy, teka! Saan ba tayo pupunta?”

“Basta tumahimik ka na lang.”

Huminto ang kotse nila sa loob ng isang malawak na bakuran.

“Party ba ito? Kinaladkad mo ako sa party gayong alam mong pagod ako,” inis na sabi ni Semia.

Napangisi ang lalaki. “Ibang klaseng party ito, sweetheart.”

Pagpasok nila sa malaking bahay na hindi siya pamilyar ay bigla silang sinalubong ng dalawa nilang anak.

“Daddy, mommy!” bungad ng mga ito.

“O, mga anak, anong ginagawa niyo rito?” gulat niyang tanong.

“Ang bahay na ito at ang lupang kinatitirikan nito ay atin. Ito ang handog ko sa inyo ng ating mga anak,” sagot ni Cris.

Nanlaki ang mga mata ni Semia.

“Ha? Ulitin mo nga!”

“Narito ang mga papeles, sweetheart. Sa harap ng mga bata, gusto kong sabihin sa iyo, tinupad ko ang panagko ko noon…pupunan ko ang mga pagkukulang ko. Tiniis ko ang panlalamig mo sa akin. Nagsikap ako, ang suweldo kong ayaw mong kunin ay iniipon ko at…ito ang bunga niyon. Marahil nama’y mapapatawad mo na ako…maibabalik ang dating pagmamahal,” sinserong sabi ni Cris saka iniabot sa asawa ang mga dokumento ng bahay at lupa.

Napahagulgol si Semia, napagtanto niya na bukal sa loob ng mister ang pagbabago at paghingi ng tawad sa kaniya at tinupad pa nito ang pangakong babawi sa kanilang mag-iina.

“O, Cris, totoo na ba ito?” tanong niya.

“Oo, mahal ko, totoong totoo na,” sagot ni Cris na niyakap nang pagkahigpit-higpit ang misis.

“Jasper, ang sweet talaga nila, ano?” nakangising sabi ng panganay nilang si Lovely.

“Oo nga, ate! Bati na talaga sila,” sagot ng bunsong kapatid.

Sa mga oras na iyon, ang lahat ng hinanakit at sama ng loob ni Semia ay naburang lahat. Alam niya na lumipas na ang unos sa kanilang mag-asawa at napalitan na ng pagsikat ng bagong umaga.

Advertisement