Inaangkin ng Tiyahin ang Lupang Iniwan ng Kaniyang Ama; Katuwiran Nitoʼy Ampon Lamang Naman Siya

“Hindi sa iyo ang lupang iyan! Lumayas ka riyan! Wala kang karapatan dahil ampon ka lang!”

Paulit-ulit ang sigaw na iyon ng Tiya Marisa ni Toyang sa labas ng kanilang bahay. Napapasapo siya sa ulo dahil sa sobrang pagkarindi sa araw-araw na panggugulo ng kaniyang tiyahin simula nang yumao ang kaniyang ama. Pilit siyang pinaaalis nito, sampu ng kaniyang mga kapamilya dahil gusto nitong angkinin ang kupang iniwan ng kaniyang kinagisnang ama.

Hindi kasi siya tunay na anak ng kaniyang Papa Rodolfo. Inampon lamang kasi siya nito sa isang katulong nito noon. Ngunit kahit ganoon, kailan man ay hindi ipinaramdam sa kaniya ng ama na hindi siya nito tunay na kadugo. Minahal siya nito nang buong-buo na parang tunay niyang anak.

“Mas wala ho kayong karapatan, tiyang! Inampon man ako ni papa, ako ho ang nag-iisang pamilya niya noong siya ay nangangailangan ng sandigan. Hindi ho ba at ni ayaw ninyo siyang dalawin noong siya ay may sakit pa lang? Bakit ngayon ay naghahabol kayo sa mga ari-arian niya?” Sumabog na si Toyang. Hindi na napigilan pa ang bugso ng kaniyang damdamin at nasagot na niya ang kaniyang itinuturing na tiyahin.

“Wala akong pakialam! Idadaan ko sa korte ang labang ito kaya maghanda-handa ka nang ampon ka!” nanggagalaiti pa ring hiyaw nito na tila ba siya pa ang may malaking kasalanan dito.

“Sige ho! Handa ho akong harapin kayo sa korte kung ʼyan talaga ang gusto ninyo. Napakaganid ninyo sa pera at ari-arian. Kahit hindi sa inyo ay gusto ninyong kunin!” ganting hiyaw naman ni Toyang. Nakakukuha na sila ng atensyon ng mga kapitbahay dahil sa lakas ng boses ng kaniyang Tiya Marisa.

Tinotoo nga nito ang kaniyang banta. Walang isang buwan ang lumipas ay nabalitaan na lamang ni Toyang na nagbayad na ng abugado si Marisa upang ilaban ang lupang inaangkin nito sa kaniya.

Ngunit alam ni Toyang na siya ang nasa tama. Legal siyang inampon ng kaniyang Papa Rodolfo kaya alam niyang may laban siya sa kasong ito. Ang tanging pinangangambahan lamang niya ay ang pagiging maruming lumaban ng kaniyang tiyahin.

Advertisement

Nagdasal si Toyang sa panginoong Diyos na siya ay kaniyang gabayan hanggang sa matapos ang labang ito.

Katulad nga ng inaasahan ay panalo siya sa korte. Ayon sa korte, ampon man siya at hindi kadugo ng kaniyang Papa Rodolfo ay minahal naman siya nito nang lubos at parang tunay nang anak. Ipinagamit din sa kaniya nito ang sariling pangalan at ipinamana ang naturang ari-arian kayaʼt walang karapatan ang kahit sino na kunin sa kaniya iyon.

Ngunit pagkatapos na pagkatapos ihayag ng korte na siya ang panalo ay agad na siyang sinugod ng kaniyang Tiya Marisa. Patuloy nitong ginugulo ang kaniyang pananahimik at tila ayaw tanggapin ang pagkatalo.

“Hindi ang ampon lang na katulad mo ang makikinabang sa mga pinaghirapan ng kuya ko. Hindi ako papayag!” patuloy ito sa paghiyaw kahit pa hindi na niya ito pinapatulan.

Nakaabot na yata hanggang sa probinsya ng kaniyang mga lolo ang nangyari kaya naman agad nang sumugod ang mga ito upang puntahan silang dalawa ng tiyahin niya. At iyon nga ang senaryong inabutan ng mga ito.

“Tumigil ka na, Marisa! Nakakahiya ka!” hiyaw ng kaniyang lolo na siyang ama nito at ng kaniyang Papa Rodolfo pagkababang-pagkababa pa lamang nito ng sasakyan.

“Pero, papa! Hindi ako papayag na ang makikinabang lang sa pinaghirapan ni Kuya Rodolfo ay itong ampon na ito!” sigaw na naman ng kaniyang Tiya Marisa na nagpailing sa kaniyang lolo.

“Huwag kang magsalita nang ganiyan, Marisa! Dahil alam mo ba? Ang totoo ay ikaw ang walang karapatan. Inampon lang din kita. Inaruga na parang tunay kong anak. Iyon nga lang ay hindi ko na idinaan pa sa proseso dahil alam ko namang wala nang kukuha pa sa iyo dahil ulilang lubos ka na. Hindi ko akalaing magiging ganyan ka kaganid, anak. Hindi ko akalain,” umiiling pang anang kanilang lolo na ikinabigla nilang lahat.

Advertisement

Tila pinagsakluban ng langit at lupa ang kaniyang Tiya Marisa sa nalaman. Nag-iiyak ito habang nakaluhod. Ang kaniya namang lolo ay siya ang inalo. Masama ang loob nito sa kaniyang tiyahin dahil naging masama ang ugali nito nang dahil sa pera.

Simula nang araw na iyon ay iniwasan na sila ng kaniyang Tiya Marisa. Hindi na rin ito muling nanggulo pa.