
Araw-Araw na Sinasamahan ng Bata ang Nanay Niya Papunta sa Sakayan; Kaawa-Awa Pala ang Sitwasyon ng Mag-Ina
Walong taong gulang na si Wency at nasa ikatlong baitang na siya sa elementarya. Kahit na mahirap ang buhay ay itinataguyod siya ni Aling Magnolia sa kaniyang pag-aaral. Maagang pumanaw ang ama ni Wency kaya ang ina na lamang ang mag-isang naghahanapbuhay para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.
Maagang nagising si Wency. Bago pumasok sa eskwelahan ay ihahatid muna niya ang ina sa may daanan ng mga sasakyan sa bayan para magtinda.
“Inay, nakahanda na po ba ang mga paninda niyo?”
“Oo, anak. Kagabi ko pa nailagay sa basket at sa bayong. Mas mabigat ngayon ang laman ng bayong dahil mas maraming prutas ang idinagdag ko riyan.”
“Huwag po kayong mag-alala, inay. Tutulungan ko kayong magbitbit niyan. Ako na lamang po ang magbibitbit sa bayong.”
“Naku, anak, mabigat. Hindi mo kakayanin!”
“Inay, hindi niyo po kakayaning mag-isang dalhin ang basket at ang bayong. Ako na po ang magbibitbit. Kaya ko po’ yan, malaki na ako, eh. Malaki na ang katawan ko, o, tingnan mo, inay!” pagyayabang ni Wency na ipinakita pa sa ina ang muscle sa braso.
Natawa si Aling Magnolia sa sinabi ng anak.
“Ikaw talaga, anak. Palagi mo akong pinapatawa. Sige na nga, pero tutulungan kita sa pagbitbit,” tugon ng babae.
Mag-a-alas-sais pa lang nang umaga ay lumabas na sila ng bahay. Habang bitbit ni Aling Magnolia ang basket sa kaliwa nitong kamay, tinutulungan naman siya ni Wency sa pagbitbit ng bayong sa kanang kamay. Magkasama nilang lalakarin ang mahabang daan papunta sa sakayan.
Araw-araw nilang binabagtas ang malubak na daan patungong tulay. Kapag naroon na ay tatawirin nila ang makitid na tulay para makarating sa kabilang daanan. Medyo luma na ang tulay na gawa sa kahoy kaya dahan-dahan silang tumawid para makarating nang maayos sa dulo niyon.
“Inay, ayos lang po ba kayo?” tanong ni Wency nang mapansing tila hinahapo ang ina.
“Ayos lang ako, anak. Medyo napagod lang ako sa paglalakad natin.”
“Uminom muna kayo ng tubig. Nagdala po ako ng bote na may lamang tubig para hindi po kayo mauhaw,” alok ng bata.
“Salamat, anak. Ipagpatuloy na natin ang paglalakad para makarating na tayo sa sakayan. Papasok ka pa sa eskwelahan, baka mahuli ka sa klase.”
“Huwag niyo pong alalahanin ‘yon. Ang mahalaga ay maihatid ko kayo nang maayos sa sakayan.”
“Matapos na makatawid sa tulay ay naglakad pa sila ng ilang metro papunta sa mababaw na batis para tumawid. Hinubad muna ni Wency ang suot na sapatos at medyas, maging ang suot na tsinelas ng ina para maayos silang makatawid sa batis. Pagkatapos nilang makatawid doon ay muli niyang isinuot ang tsinelas ng kaniyang ina at ang sapatos niya’t medyas at muling ipinagpatuloy ang paglalakad hanggang sa marating nila ang daanan ng mga sasakyan. Naroon kasi ang puwesto ni Aling Magnolia, doon ito nagtitinda ng mga mga prutas.
Matapos na maihatid ang ina ay dumiretso na si Wency sa pagpasok sa eskwelahan. Nagdala rin siya ng mga prutas para ibenta sa mga kaklase at guro niya. Tulong na niya iyon sa kaniyang ina para may dagdag kita ito.
Isang araw, kinausap siya ng kaniyang guro na si Ms. Morales na kung maaari ay pumunta ito sa kanilang bahay para bumisita. Ito raw ay parte ng pagkilala ng mga guro sa mga estudyante at kung ano ang buhay ng mga ito sa labas ng eskwelahan. Pumayag naman si Wency at sinabi ni Ms. Morales na sasabay ito sa kaniya sa pag-uwi.
Nang matapos ang klase ay sabay na lumabas sa eskwelahan sina Wency at Ms. Morales.
“Ma’am, susunduin ko lang po si inay sa sakayan. Sabay po kasi kaming umuuwi,” paalam ng bata.
“Sige, Wency. Ano ba ang ginagawa ng nanay mo roon?”
“Doon po siya nagtitinda, ma’am. Marami po kasing tao sa sakayan kaya marami pong bumibili sa kaniya roon. Araw-araw ko siyang inihahatid doon at sinusundo.”
“Talaga? Ang bait mong bata!” tuwang-tuwang sabi ni Ms. Morales.
‘Di nagtagal ay naroon na sila sa sakayan upang sunduin si Aling Magnolia. Ipinakilala ni Wency ang guro sa ina. Laking gulat ni Ms. Morales nang makita ang kalagayan ng babae.
“B-bulag po kayo?!” gulat na tanong ng guro.
“Opo, ma’am. Bata pa lamang ako nang ako’y mabulag, pero sanay na naman ako. Nakakapaglakad at nakakagawa pa naman ako ng mga gawaing bahay kahit hindi ako nakakakita. Saka nariyan naman ang anak ko na palagi akong ginagabayan at inaalalayan. Sa ngayon ay ang pagtitinda ang aking ikinabubuhay para sa aming mag-ina, para sa kaniyang pag-aaral. Namayapa na ang aking asawa kaya mag-isa ko na lamang itinataguyod si Wency,” sagot ni Aling Magnolia.
Mayamaya ay sinimulan na nila ang paglalakad dahil walang anumang uri ng transportasyon na maaari nilang magamit pauwi. Hindi makapaniwala si Ms. Morales nang maranasan ang mahabang lakarin na tinatahak ng mag-ina makarating lamang sa bahay ng mga ito at maging sa pagpunta sa eskwelahan at sa sakayan. Dinaanan nila ang batis, ang makitid na tulay, at ang malubak na daan pauwi sa tirahan ng mag-ina. Gumagamit lamang ng kahoy na tungkod si Wency upang magabayan ang ina sa paglalakad. ‘Di napigilan ni Ms. Morales na maluha sa kalagayan ng kaniyang estudyante at ng ina nito.
Mayamaya ay narating na nila ang bahay.
“Pasensya na, ma’am. Siguradong napagod ka sa paglalakad natin. Dito ka na kumain ng hapunan. Papakiusapan ko na lamang si Wency na ihatid ka pauwi sa inyo,” wika ni Aling Magnolia.
“Oo nga, ma’am. Ako na po ang maghahatid sa inyo pauwi,” tugon ni Wency.
“Naku, huwag na. Kaya ko na pong umuwing mag-isa. Ang hirap po pala nang pinagdaraanan ninyong mag-ina papunta at pauwi rito,” sambit ng guro.
“Opo, ma’am. Wala po kasing ibang paraan. Kailangan ko rin pong kumita para sa amin ng anak ko,” sagot ni Aling Magnolia.
Kinaumagahan ay ipinaalam agad ni Ms. Morales sa pamunuan ng eskwelahan ang kalagayan nina Wency. ‘Di nagtagal ay dumagsa at bumuhos ang nag-abot ng tulong sa mag-ina. Nagtulung-tulong ang mga guro at mga estudyante para makalikom ng tulong pinansyal para sa mag-ina. Nakarating din sa ahensiya ng gobyerno at isang organisasyon ang tungkol kay Wency at Aling Magnolia na nagpaabot rin ng tulong. Tinulungan ng mga ito ang mag-ina na makahanap ng bagong malilipatan na malapit sa eskwelahan. Binigyan rin ng pangnegosyong sari-sari store si Aling Magnolia para hindi na ito naglalakad papunta sa sakayan para magtinda. Tinulungan din ng mga ito si Wency na makakuha ng scholarship para sa pag-aaral ng bata.
Laking pasasalamat ng mag-ina kay Ms. Morales at sa mga taong tumulong sa kanila. Masayang-masaya si Wency dahil hindi na mahihirapan ang kaniyang ina sa paglalakad para makapagtinda dahil sa bahay na lamang ito magbebenta ng mga paninda nito.