Hindi Makapaniwala ang mga Kaibigan ng Babae na Napangasawa Nito ang Isang Pangit na Lalaki; Isa Pala Itong Magiting na Prinsipe

Hindi Makapaniwala ang mga Kaibigan ng Babae na Napangasawa Nito ang Isang Pangit na Lalaki; Isa Pala Itong Magiting na Prinsipe

InspiringLoveStories

“Sigurado ka bang isasama mo ako sa reunion?”

“Oo naman, babe. Gusto kong naroon ka.”

Sabay na pumunta ang mag-asawang Leah at Resty sa kanilang high school reunion. Inimbitahan si Leah ng mga kaibigan, maging ang mister nitong si Resty ay kinumbida rin ng mga dati nilang kaklase. Pagdating nila sa lugar na pagdarausan ng reunion ay napansin nilang naroong lahat ang mga naging kaklase nila noong high school na naghihintay na sa kanila ngunit hindi inasahan ng mga ito na makita silang magkasama at magkahawak pa ng kamay.

“Narito na pala si Leah, pero teka, si Resty ba ang kasama niya?” gulat na sabi ng kaibigang si Gia.

“Bakit sila ang magkasamang dalawa? At magka-holding hands pa!” wika ni Dione.

“Huwag niyong sabihing… Oh my God! ‘Di ko akalaing magugustuhan niya si Resty,” sabad ni Mira.

Napansin na agad ni Leah ang mapanghusgang tingin ng tatlo niyang kaibigan ngunit hindi siya nagpaapekto at tuluy-tuloy lang sila ni Resty na pumasok at naglakad sa hallway ng hotel kung saan gaganapin ang reunion. Nang makaharap na nila ang mga nanunuri pa ring mga kaibigan at kaklase ay masaya nila itong binati.

“Hi, good evening! Sorry, na-late ba kami?” nakangiting tanong ni Leah.

“Pasensiya na kayo. Medyo na-traffic kasi kami, eh,” sabi naman ni Resty.

Nagkatinginan lang ang tatlong babaeng kaibigan ni Leah at pilit na ngumiti sa mga bagong dating.

“No problem! Marami pa rin namang hindi dumarating. Long time no see sa inyong dalawa,” bati ni Gia.

“Kumusta na kayo? Ang tagal nating hindi nagkita-kita,” sambit ni Mira.

“Hindi ka pa rin nagbabago, Leah. Maganda ka pa rin at seksi,” wika naman ni Dione.

Ang tatlong babae ang malapit na kaibigan ni Leah noon sa high school, kaya gulat na gulat ng mga ito nang makitang kasama nito si Resty. Agad na nag-usisa ang tatlong babae.

“Hindi namin akalain na kayo ni Resty ang magkasama. Ano’ng meron at magkasama kayo?” tanong ni Dione.

Ngumiti si Leah at hinawakan nang mahigpit ang kamay ng asawa.

“Mag-asawa kami ni Resty.”

Hindi makapaniwala ang tatlo sa sinabi niya. Hinagod pa nila ng tingin ang lalaki mula ulo hanggang paa ngunit talagang hindi nila matanggap na ito ang naging asawa ni Leah.

“Grabe, speechless kami, Leah! Hindi kami makapaniwala na kayo ang nagkatuluyan,” wika ni Mira.

“Ano’ng gayuma ang ginamit mo Resty at napasagot mo itong si Leah?” pang-aasar ni Gia.

Napakamot sa ulo ang lalaki ngunit agad namang sumagot.

“Ako ang pinili ni Leah dahil mahal niya ako. Mahal namin ang isa’t isa,” tugon ni Resty.

Muling nagsulyapan ang tatlong babae na halatang hindi kuntento sa sinabi ng lalaki.

Maya-maya ay lumapit sa kanila ang mga dati nilang kaklaseng lalaki at niyayang makipag-inuman si Resty. Nagpaunlak naman ito sa mga dating kasamahan at naiwan si Leah kasama ang tatlong babae.

“Ngayong tayo-tayo na lang ang narito, gusto kong pag-usapan natin ang ating married life. Ako, masaya ako at nakapangasawa ako ng isang guwapong piloto. Biniyayaan kami ng dalawang anak. Nakadestino siya ngayon sa Cebu,” wika ni Gia.

“Wow, ako naman ay ikinasal na rin sa isang businessman. Siya ay Half Pinoy at half Chinese at mayroon siyang limang branch ng kaniyang Chinese restaurant na balita ko’y posible pang madagdagan. Wala pa kaming anak dahil hindi pa ako handang masira ang figure ko,” sagot ni Mira.

“Ang bongga niyo naman! Nakapangasawa naman ako ng isang guwapong foreigner na nakilala ko sa Facebook. Isa siyang sundalong Amerikano na nakadestino sa Canada. Long Distance relationship ang mayroon kami, pero masaya naman dahil buwan-buwan niya akong pinapadalhan ng maraming pera,” hayag ni Dione.

“Ikaw, Leah, magkuwento ka naman kung bakit mo nagustuhan si Resty,” sabi ni Mira.

“Sa dinami-rami ng mga guwapong lalaking nanligaw sa iyo noon, hindi namin akalain na babagsak ka lang pala sa tulad niya na pangit na nga, mahina pa ang ulo,” gatol ni Gia.

Ngumiti muna si Leah bago nagsalita.

“Alam niyo ba na napakasuwerte ko dahil si Resty ang napangasawa ko. Noon pa man ay nagtapat na siya ng pag-ibig sa akin ngunit dahil naging bulag ako noon at hindi ko pa nakikilala ang totoong Resty bukod sa nagtataglay siya ng pangit na mukha ay nagkamali ako sa buhay. Nakipagrelasyon ako sa isang lalaki at ako’y nabuntis. Tinakbuhan ako ng lalaking iyon at hindi ako pinanagutan. Muntik nang masira ang buhay ko dahil isa na akong disgrasyada, pero nariyan si Resty at inako niya ang responsibilidad na maging ama sa naging bunga ng aking pagiging marupok. Pinakasalan niya ako at itinuring na tunay na anak ang sanggol na dinala ko sa aking sinapupunan ng siyam na buwan. Siya rin ang nagpa-aral sa akin, kundi dahil sa kaniya ay hindi ako nakapagtapos sa kolehiyo at hindi naging ganap na Doktor. Dahil rin sa sipag at tiyaga ni Resty sa pagba-buy and sell ay napagtapos din namin sa kolehiyo ang aming tatlong anak. Tinanggap niya ako ng buong-buo sa kabila ng aking kahinaan kaya hindi maaaring hindi ko makita ang kabutihan sa puso niya. Natutunan ko na siyang mahalin at wala akong pinagsisisihan na siya ang aking naging kabiyak dahil para sa akin ay siya ang magiting na prinsipe na muling bumuo sa aking pagkatao,” bunyag ni Leah sa mga kasama.

Natameme ang tatlong babae na kanina lang ay niyayabangan siya. Maya-maya ay bumalik na ang kaniyang mister at niyaya na niya itong umuwi.

“Babe, uwi na tayo. Baka naghihintay na sa atin ang mga anak natin. Nangako tayo sa kanila na sabay-sabay tayong magdi-dinner,” ungot ni Leah sa asawa.

“Okay sige. Salamat sa pag-imbita sa amin ng aking misis,” tugon ng lalaki.

Naghawak-kamay ang mag-asawa bago tuluyang nilisan ang lugar na iyon na may malapad na ngiti sa kanilang mga labi.

Naiwang nakatulala ang tatlong magkakaibigan. Napagtanto nila na napakasuwerte nga ni Leah sa naging asawa dahil sa pinagdaanan nito ay nakahanap ito ng magiting na prinsipeng sumagip rito at nagparanas ng tunay na pag-ibig.

More Stories