Binalak ng Bata na Tumigil na sa Pag-Aaral Dahil Walang Pambili ng Proyekto; Matatauhan Siya sa Payo ng Kaniyang Ama
Alas sais ng umaga. Naririnig na ni JR ang malakas na tunog na nagmumula sa takure, ibig sabihin gising na ang nanay niya. Naghahanda na ito ng almusal para sa kaniya.
“O, anak, bumangon ka na riyan at ligpitin ang iyong higaan. Maghilamos ka na at papasok ka pa sa eskwela,” sabi ng kaniyang ina.
Saka lang niya naalala na…
“Aba, Lunes nga pala ngayon!” gulat niyang sabi sa sarili.
“Oo, kaya bilisan mo na at baka mahuli ka sa klase mo. Nakahanda na rin ng almusal mo rito,” saad pa ng ginang.
Napakamot sa ulo niya si JR dahil ang araw na iyon ang kinatatakutan niya.
“Ano na naman kaya ang idadahilan ko kay Mrs. Delos Santos? Kasi naman si nanay ayaw akong bigyan ng pambili ng art paper para sa aking project,” aniya.
Mahirap lang ang buhay nina JR, siyam na taong gulang at kasalukuyang nag-aaral sa elementarya. Ang tatay niya ay pangingisda lang ang pinagkakakitaan dahil hindi nakatapos sa pag-aaral samantalang ang nanay naman niya ay walang trabaho, gumagawa lang ito sa mga gawaing bahay dahil tulad ng tatay niya ay hindi rin ito nakapagtapos, grade 3 lang ang narating nito. Buti pa nga ang kaniyang ama ay nakatuntong kahit hayskul. Kahit naman kulang sa edukasyon ang mga magulang niya ay masipag at madiskarte naman ang mga ito lalo na ang tatay niya.
Dahil sa hirap ay hindi nakakapagpasa ng project si JR sa eskwela. Kulang na kulang kasi ang kinikita ng tatay niya sa pangingisda kaya baon lang sa eskwela ang naibibigay nito sa kaniya. Pasalamat pa nga siya at nakakapag-aral pa siya dahil iginagapang talaga siya nito.
Maya maya ay naputol ang iniisip niya nang tawagin siya ng inang si Aling Medes.
“Uy, nakatulala ka pa riyan? Kumilos ka na! Pagkahilamos mo ay dumulog ka na rito sa hapagkainan at saluhan ako. Tayong dalawa lang ang kakain dahil kanina pang madaling araw umalis ang tatay mo para mangisda,” wika ng nanay niya.
Pagkatapos na makapag-almusal ay naligo na rin siya at mabilis na nagbihis. Ilang minuto lang ay nakagayak na siya.
“Aalis na po ako, nanay!” paalam niya.
“Baka makikipag-away ka na naman sa eskwela a! Sige, mag-ingat ka ha? Umuwi ka nang maaga mamaya!” anito saka iniabot ang baon niya na sampung piso.
“Ano ba ito? Kulang pa na pambili ng art paper para sa project ko,” napapailing niyang sabi sa isip.
Dahil nagtitipid sila ay wala siyang magagawa kundi mag-isip na naman ng idadahilan sa guro niya.
“Bahala na.”
Pagdating sa eskwela ay maagang pumasok ang guro nila sa sining na si Mrs. Delos Santos. Sa klase nito ay kailangan niyang magpasa ng project pero dahil kailangan ng mga makukulay na papel at iba pang maaaring gamitin dito ay wala na naman siyang maibibigay. Wala siyang pambili, eh.
“Mr. Lorenzo? Bakit wala ka na namang isinubmit na project?” tanong ng guro.
Napakamot na naman sa ulo niya si JR.
“A, eh, kasi po ma’am…”
“Naku, ma’am, sasabihin na naman niyan, ma’am…hindi binigyan ng pamibili ng nanay niya,” kantiyaw ng isa sa mga kaklase niya.
Tulad ng inasahan, napagalitan na naman siya ng guro pero binigyan pa rin siya nito ng pagkakataon na makapagpasa ng project. Dapat ay makapagsubmit siya bago matapos ang linggo.
Habang pauwi sa bahay nila ay nag-iisip si JR. Pagod na siya sa ganoong buhay na palagi na lang walang pambili ng project sa eskwela.
“Mabuti pa, hindi na lang ako pumasok,” sabi niya sa sarili
Tumanim tuloy sa utak niya na ano nga ba ang ginagawa ng katulad niyang mahirap at anak lang ng isang pobreng mangingisda sa eskwelahan? Hindi ba’t dapat ay nasa dagat siya, katulad ng kaniyang ama at nanghuhuli na lang ng isda? Matutulungan pa niyang kumita ng pera ang tatay niya. Kaya isang desisyon ang naisip sa kaniya.
“Hihinto na lang ako sa pag-aaral. Tutulungan ko na lang mangisda si tatay,” bulong niya sa sarili.
Pag-uwi sa kanila ay inabutan niyang nagsusulsi ng butas na lambat ang kaniyang ama na si Mang Paco.
Lumapit siya rito at nagbigay galang.
“Mano po, tatay.”
“Kaawaan ka ng Diyos, anak. Mabuti at dumating ka na, naghanda ang nanay mo ng meryenda sa loob,” sagot ng ama.
“M-may sasabhin po ako sa inyo, eh,” aniya sa seryosong tono.
“Ano iyon, anak?”
“Ibig ko po sanang huminto na sa pag-aaral. Tutulong na lamang po ako sa iyong pangingisda sa laot,” lakas loob na sabi ni JR.
Natigilan si Mang Paco, malungkot ngunit matatag na nangusap ang kaniyang ama.
“Alam mo ba, anak, na noon ay halos kasing gulang mo rin ako, ako’y natakot sa mga umaga kong panay ang kabiguan?” sagot nito.
“Tatay…”
“At hinayaan ang kabiguang iyon na umakay sa akin palayo sa aking mga pangarap. Huli na nang mapagtanto kong ako’y nagkamali…ngunit hindi pa rin ako nawalan ng pag-asa dahil mayroon pa naman akong anak, at hindi ko hahayaang maulit ang kabiguang iyon sa kaniya,” paliwanang nito.
Unti-unting naunawaan ni JR ang sinabi ng kaniyang ama kahit na malalim ang kahulugan. Nangingilid pa ang mga luha niya dahil sa mga salitang binibigkas ng tatay niya.
“Huwag kang matakot sa mga umagang darating sa iyong buhay, anak…sakali mang ito’y makulimlim, asahan mong darating ang isang maliwanag na umaga na gagabay sa iyong madilim na daan. Katulad nitong lambat na mabutas man ay muli at muling susulsihan upang magamit muli sa pangingisda,” saad pa ni Mang Paco.
Napangiti si JR. Napagtanto niya na hindi siya dapat sumuko sa hamon ng buhay. Kailangan niyang maging matatag para sa kaniyang pangarap.
“Naiintindihan ko na po, tatay. Salamat po at ipinaliwanag niyo sa akin ang kahalagahan ng hindi pagsuko. Umasa po kayo na pagbubutihan ko na po sa eskwela,” pangako niya saka niyakap nang mahigit ang kaniyang ama.
Kinagabihan ay agad na gumawa ng paraan si JR para may maisubmit siyang project kay Mrs. Delos Santos.
“Bakit hindi ko naisip ito? Pwede nga palang magamit ang mga lumang magasin at komiks kapalit ng art paper sa gagawin kong project. Makakapagpasa na ako bukas! Salamat, tatay, sa mga payo mo,” masayang bulong niya sa sarili.
Nang sumapit ang umaga ay naipasa nga niya ang project at mataas pa ang nakuha niyang marka dahil ‘recycled materials’ ang ginamit niya.
Mula noon ay hindi na sumuko si JR sa pag-aaral. Naging maabilidad at madiskarte na siya para sa pangarap niya.
Makalipas ang maraming taon ay nakatapos siya sa kolehiyo at isa nang mahusay na negosyante. Naiahon na niya ang kaniyang mga magulang sa hirap. Sa kabila ng marangyang pamumuhay ay patuloy pa rin siyang nagpapasalamat sa tatay niya kundi dahil sa payo nito noon ay napariwara na siguro siya at hindi nagtagumpay.