Inday TrendingInday Trending
Nagtangkang Pasukin ng Dalawang Kawatan ang Mansyon ng Matandang Babae; Nakakikilabot na mga Bisita ang Makakaharap Nila

Nagtangkang Pasukin ng Dalawang Kawatan ang Mansyon ng Matandang Babae; Nakakikilabot na mga Bisita ang Makakaharap Nila

Isang mayamang negosyante si Lola Esmeralda. Sa edad na otse y tres ay malakas pa rin ang pangangatawan niya. Kahit nabubuhay sa karangyaan ay may mabuting puso ang matanda sa kaniyang kapwa. Hinahangaan nga siya at nirerespeto ng mga tauhan niya sa kumpanya dahil bukod sa mahusay makisama ay marunong makinig sa hinaing ng mga ito. Bukas palad din siya at walang sawang tumutulong sa mga nangangailangan kaya nga siguro inuulan siya ng suwerte at mas lalong lumalaki ang negosyo niya at mga ari-arain dahil marunong din siyang magbahagi sa iba.

Mag-isa siyang naninirahan sa kaniyang antigong bahay sa Rizal na minana pa niya sa kaniyang mga ninuno. Wala siyang asawa at anak, matagal nang yumao ang mga nakatatanda niyang kapatid. Ang iba niyang kamag-anak ay nasa ibang bansa na lahat kaya siya na lang ang naiwan sa Pilipinas. Mga kasambahay lang at hardinero ang kasama niya sa malaking bahay.

Dahil mabait ang matanda ay kaibigan din niya ang mga kapitbahay. Minsan nga ay dinadalhan pa siya ng mga ito ng sariwang prutas kapag napapadaan sa tapat ng kaniyang mansyon. Tuwang-tuwa naman siya at bilang kapalit ay pinapatuloy niya ang mga ito sa loob ng bahay at pinapakain.

Pero mayroong kakaibang ritwal si Lola Esmeralda, bahagi na ng kaniyang mga gawain kapag nasa bahay siya’y ipinagdarasal niya ang mga kaluluwa na mga yumao na. Dalaga pa siya ay nakaugalian na niya iyon. Nagtitirik siya ng kandila sa altar at taimtim na ipinapanalangin ang katahimikan ng mga taong sumakabilang buhay na. Ang sabi kasi ng mga magulang niya noon, kapag idinalangin daw ang kaluluwa ng mga pat*y na, ang kapalit nito’y kapayapaan din para sa gumagawa nito.

Samantala, lingid sa kaalaman ng matanda ay may mga magnanakaw na matagal na pala siyang minamanmanan. Ang dalawang lalaki ay sina Nato at Lucas. Sila ay mga notoryus na kr*minal na nakatakas sa bilangguan. Ngayon, ang pangunahing ikinabubuhay nila ay ang pagnanakaw sa pamamagitan ng pagpasok sa tirahan ng mga mayayaman at ang target nila ay ang mansyon ni Lola Esmeralda.

“Ano sa palagay mo, pare? Wala ba tayong magiging problema pag pinasok natin ang bahay ng matandang ‘yan?” tanong ni Lucas sa kasama.

“Kayang-kaya natin ‘yan. Matagal na tayong nagmamanman pero wala naman tayong nakikitang sagabal. Tatlong may edad na babaeng kasambahay ang kasama ni tanda sa loob tapos isang hardinero. Kayang-kayang nating itumba ang mga ‘yon kapag humarang sa plano natin,” tugon ni Nato.

Walang kaaway si Lola Esmeralda, lahat nga ng taong nakapaligid sa kaniya ay gustung-gusto siya pero sadya talagang may mga ahas sa lupa na nakahandang tumuklaw anumang oras gaya ng mga masasamang loob na sina Nato at Lucas. Akala ng matanda ay tahimik na ang buhay niya na malayo sa siyudad pero may nagbabadya palang panganib.

“Bukas ng gabi, babalik tayo rito para isakatuparan na ang plano natin,” sabi pa ni Nato.

“Tiyak na tiba-tiba tayo sa matandang iyan. Lilimasin natin ang lahat ng nasa loob ng mansyon lalo na ang mga antigo niya pagkatapos ay totodasin natin para walang ebidensiya, baka kasi makilala pa niya tayo at pumiyok pa kaya kailangang patahimikin na rin natin siya,” nakangising sabi ni Lucas.

Kinabukasan ng gabi, tahimik ang bahay ni Lola Esmeralda dahil maagang nagpahinga ang matanda sa kwarto. Ang mga kasambahay naman ay maaga ring nagsitulog. Ang may edad na hardinero naman niya ay umalis para bisitahin ang pamilya sa probinsya. Kaya mas lalong natuwa sina Nato at Lucas, mukhang mas mapapadali ang gagawin nilang pag-atake.

Dahil mga sanay na sanay nang pumasok sa mga bahay ay madaling napasok ng dalawa ang mansyon.

“Walang kahirap-hirap ang gagawin nating ito, pare. Mukhang mahimbing silang natutulog. Kahit pasukin natin ang kwarto niya ay hindi tayo mabibisto. Pero kahit pumiyok pa si tanda pag nakita tayo’y isang pilipit lang sa leeg niya’y ayos na,” bulong ni Lucas kay Nato.

Dahan-dahan silang naglakad papunta sa salas pero laking gulat nila nang makita nilang may mga taong nag-uusap doon. Nakabukas ang ilaw kaya kitang-kita nila na may mga nakaupo sa sofa at nagkukuwentuhan. Nasa beinte katao ang nasa salas at parang nagkakasiyahan pa.

“Aba’t bakit maraming tao?” nagtatakang tanong ni Nato.

“Anak ng tokwa! Wrong timing tayo! May mga panauhin pala si tanda. Nakakapagtaka, kanina naman ay wala sila a!” ‘di makapaniwalang sabi ni Lucas.

Hindi nila itinuloy ang masamang balak. Ipinagpaliban muna nila ang pagnanakaw. Mahirap na, baka dumugin sila ng mga taong naroon. Babalik na lang sila bukas.

Kinaumagahan, nagpanggap ang dalawa na mga bagong kapitbahay. Inabangan nilang lumabas ang isa sa mga kasambahay ni Lola Esmeralda at kinausap ito.

“Magandang umaga po, kami po ‘yung bagong lipat diyan sa kabilang bahay. Napadaan kami sa tapat ng bahay niyo kagabi. Napansin namin na maingay sa loob, mukhang nagkakasiyahan ang mga bisita ninyo kagabi, a!” sabi ni Lucas.

Nagulat ang matandang kasambahay.

“B-bisita? Wala namang bisita ang amo ko kagabi, eh. Maaga nga siyang natulog dahil masama ang pakiramdam niya. Kahit kaming mga kasambahay niya’y maaga rin niyang pinagpahinga,” tugon nito.

Hindi makapaniwala ang dalawang buhong sa sinabi ng kausap.

“Imposible! Eh, sino ‘yung mga nakita namin kagabi?” nagtatakang tanong sa isip ni Nato.

Sumapit ulit ang gabi. Eksaktong alas otso pumunta ang ang dalawang magnanakaw sa tapat ng bahay ng matanda.

“Babantayan natin kung may mga bisitang papasok. Papasukin natin uli, maghintay tayo ng tamang oras,” sabi ni Lucas sa kasama.

Pero lumipas ang dalawang oras at walang mga bisitang dumating.

“O, walang dumating na mga istorbo. Walang ibang tao sa bahay kaya libre na uli tayong sumalakay,” hayag ni Lucas.

“Oo nga, eh! At ayun, o, pinat*y na ang ilaw sa loob. Matutulog na sina tanda. Ayos, pare!” saad naman ni Nato.

Tahimik na nakapasok sa bakuran ang dalawang buhong.

Madali nila ulit napasok ang loob ng mansyon. Madilim sa daraanan nila.

“Tulog na tulog na nga sila. Pati si tanda ay siguradong naghihilik na,” natatawang sabi ni Lucas.

Maya maya ay biglang bumukas ang ilaw sa salas. Napansin nila na may mga tao na namang nagkakasiyahan doon.

“T-teka, a-ano iyon?”

“‘D-di ba, wala naman silang bisita? S-sino ang mga iyan?”

Dahil sa kuryosidad ay lumapit sila sa kinaroroonan ng mga bisita ngunit kinilabutan sa takot ang mga buhong nang makita nang malapitan ang kaanyuaan ng mga panauhin. Mga pat*y na muling nabuhay, mga taong naagnas ang mukha na titig na titig sa kanila.

“Ano ang ginagawa ninyo rito?” sabi ng mga ito.

Umakyat sa bumbunan ang dugo ng dalawang kawatan.

“Aaahhh! Multooo!” sigaw ni Nato.

“Takboo na tayooo! Yaahhh!” hiyaw naman ni Lucas.

Nagtatakbo palayo at halos mawala sa katinuan ang dalawa. Nagtatakbo palabas ng mansyon hanggang sa hindi napansin ni Lucas ang paparating na kotse at nabundol siya nito.

“BLAG!”

Wala nang buhay na bumulagta sa daan ang lalaki. Samantalang si Nato ay parang baliw na nawalan ng malay sa sobrang takot.

Mula sa loob ng bahay ay nagtipon-tipon sa salas ang mga kaluluwa ng mga yumao. Hindi nila hahayaan na magtagumpay ang mga masasamang loob laban kay Lola Esmeralda dahil…

“Walang maaaring gumambala kay Esmeralda. Sa ganitong paraan man lamang ay mapasalamatan natin siya sa mga panalangin na inaalay niya sa atin.” sambit ng isa sa mga yumao.

Ipinagtanggol pala ng mga kaluluwa ang matanda sa masamang balak nina Nato at Lucas bilang pagtanaw ng kanilang utang na loob.

Samantala, sa istasyon ng pulisya…

“Chief, d*ad on arrival ang kasama niya sa ospital, pero mabuti na lang din at nahuli na rin natin ang kr*minal na ‘yan na matagal nang pinaghahanap ng batas,” wika ng isang pulis.

“Oo nga, eh. Pero ano ba ang nangyari sa isang iyan? Bakit takot na takot?” tanong ng hepe.

“M-may m-multo, m-may m-multo…” paulit-ulit na bukambibig ni Nato na tuluyan nang nawalan ng bait sa sarili.

Tandaan na ang kasamaan ay hindi maaaring magtagumpay. Gagawa at gagawa ng paraan ang tadhana upang maparusahan ang mga may maiitim na balak kahit pa sa nakakakilabot na paraan.

Advertisement