Inday TrendingInday Trending
Hindi Natuto sa Pagkasunog ng Kanilang Bahay sa Unang Pagkakataon ang Lalaki, Muli pa rin Siyang Nagnakaw ng Kuryente

Hindi Natuto sa Pagkasunog ng Kanilang Bahay sa Unang Pagkakataon ang Lalaki, Muli pa rin Siyang Nagnakaw ng Kuryente

Sa hirap ng buhay ng kanilang pamilya, pagkain ang unang bagay na pinagtuunan ng pansin ng padre de pamilyang si Jonar. Bukod sa sakto lang talaga ang perang kinikita niya sa pamamasada ng pedicab upang makabili ng bigas at ulam, hindi niya pa kayang makita o kahit marinig na dumadaing sa gutom ang kaniyang mga anak at asawa.

At dahil nga wala siyang sapat na pera upang makabili ng sarili nilang bahay o kahit umupa man lang, gumawa na lamang siya ng isang barung-barong sa tabing dagat. Dikit-dikit man na ang bahay doon, pilit pa rin siyang gumawa ng paraan upang makapagpatayo ng maliit na bahay sa bakanteng espasyo roon.

Kaya lang, kahit na mayroon na silang bahay, wala naman silang kuryente noong mga unang buwan ng paninirahan nila roon. Awang-awa siya sa kaniyang mga anak dahil hindi makakilos at makatulog tuwing gabi.

Tandang-tanda niya pa na nagtitiis ang kaniyang panganay na anak na mag-aral sa pamamagitan ng ilaw na nagagawa ng kandila at kung paano paypayan ng kaniyang asawa ang kanilang mga anak upang makatulog sa gabi.

Dahil sa nakakadurog na senaryong iyon, umisip siya ng paraan kung paano mabibigyan ng kuryente ang kaniyang mag-ina nang hindi mababawasan ang kita niya sa pamamasada.

Dito niya natuklasan ang pangkaraniwang gawain ng mga residente roon na kaagad niyang tinularan. Delikado man, sumabay pa rin siya sa uso upang makatipid. Binaliktad niya ang metro ng kanilang kuryente na binili niya gamit ang perang inutang lamang niya at doon niya nga napagtagumpayan bigyan ng kuryente ang kaniyang mag-iina na labis ang saya.

Dalawang taon ang nakalipas, habang sila’y mahimbing na natutulog, bigla namang nawalan ng kuryente sa kanilang buong barangay. Bago pa siya tumayo upang tanggalin ang saksakan ng kanilang electric fan at kumuha ng kandilang makakapagbigay liwanag sa kanila, agad nang bumalik ang kuryente.

Kaya lang, nang hihiga na siya, bigla siyang nakaamoy ng usok at nang tingnan ang kanilang electric fan, umaapoy na ito!

Agad niyang ginising ang kaniyang mag-iina at dali-daling kumuha ng tubig upang apulahin ito. Kaya lang, agad nang dumampi ang apoy sa kanilang kurtina dahilan upang patuloy na kumalat ang apoy.

Doon na siya nagdesisyong ilabas ang kaniyang mag-iina at humingi ng tulong sa kaniyang mga kapitbahay ngunit bago pa sila makaipon ng tubig, maraming bahay na ang nadampian ng apoy hanggang sa ang lahat ay maging abala na sa paglikas ng kani-kanilang gamit na nagdahilan para lalong kumalat ang apoy.

Sa isang oras lamang, natupok ang mga kabahayan sa kanilang buong barangay dahilan para silang lahat ay manirahan sa evacuation site kung saan sila nakatanggap ng sandamakmak na tulong mula sa iba’t ibang organisasyon at may mga katungkulan sa gobyerno.

Lahat ng perang natanggap ng kaniyang pamilya ay inipon niya saka siya nagdesisyong muling magtayo ng bahay sa kabilang barangay na malapit din sa dagat. Katulad ng ginawa niya noon, siya’y gumawa ng barung-barong sa bakenteng espasyo roon at kaniya muling binaliktad ang kanilang metro ng kuryente upang makalibre.

Sa pagpatuloy niya ng gawaing ito, marami sa mga residente roon ang nagpapangaral sa kaniya na maaari itong magbunga ng sunog. Ngunit kahit pa ganoon, patuloy pa rin niya itong ginawa alang-alang sa ikatitipid ng kaniyang bulsa.

Kaya lang, isang gabi, nangyari na nga ang kinatatakutan ng kaniyang mga kapitbahay. Bigla na lang nagliyab ang luma nilang telebisyon at bago niya pa ito maapula, nakita na ito ng kaniyang mga kapitbahay na agad na nagsilikasan.

Nang mapansin niyang hindi niya maapula-apula ang lumalagablab na ang apoy sa kaniyang bahay, doon na siya nagpasiyang lumabas at hayaan na lamang masunog ito. Ang sunog na nagmula sa kaniyang bahay ay tumupok sa halos tatlong barangay at naitalang ang pinakamalaking sunog sa kanilang lungsod.

Dahil nga sa bahay niya unang nagsimula ang apoy at dahil alam ng kaniyang mga kapitbahay ang ginagawa niyang pagnanakaw ng kuryente na ang naging sanhi nang malawakang sunog, siya’y kinagalitan ng mga tao.

Bukod sa labis na pinagtabuyan ng mga ito ang kaniyang buong pamilya nang sila’y magtangkang manirahan sa evacuation site, pinakalat pa ng mga ito sa social media ang kaniyang mukha pati na ang pagnanakaw na ginawa niya.

Dahil doon, labis-labis na kahihiyan at pangongonsenya ang kaniyang naramdaman. Kitang-kita niya pa kung paano naapektuhan ang kaniyang mag-iina na hiyang-hiya na rin sa mga taong nakakakilala sa kanila.

Sa dalawang sunog na naranasan nilang pamilya, kakaibang bangungot ang naitanim nito sa isip ng kaniyang mag-iina. Ito ang dahilan upang ipangako niya sa sarili na itutuwid na niya ang mga pamamaraang gagawin niya alang-alang sa kaniyang mag-iina.

Advertisement