Inday TrendingInday Trending
Nagtataka ang Dalaga sa Matandang Palaging Bumibili ng Tatlong Pirasong Isda, Nang Subukan Niya Itong Ilibre’y Ayaw Naman Nitong Pumayag

Nagtataka ang Dalaga sa Matandang Palaging Bumibili ng Tatlong Pirasong Isda, Nang Subukan Niya Itong Ilibre’y Ayaw Naman Nitong Pumayag

Katulad ng ibang mga tindera ng isda, maaga nagsimula ang araw ng dalagang si Loren. Alas tres pa lang ng madaling araw nang siya’y tumayo mula sa kaniyang higaan para maayos na niya ang kaniyang sarili at upang mura’t sariwang isda ang mabili niya sa daungan.

Laking tuwa niya pa pagdating niya roon, siyang dating naman ng suki niyang mangingisda at siya’y agad na binigyan ng ilang banyerang galunggong, bangus at kung ano pang isda sa murang halaga.

“Naku, tatang, pangako, babawi talaga ako sa’yo kapag yumaman ako!” sambit niya habang pinapahila niya ang mga isda sa kaniyang mga tauhan.

“Mayaman ka na, hija, huwag mo akong lokohin dyan! Nakita ko na ang ganda ng bahay mo ngayon! Kaya sana, huwag mo na akong baratin sa mga susunod na araw!” sabi naman nito na ikinatawa niya. Ilang minuto pa ang lumipas, siya rin ay agad nang nagpunta sa pwesto niya sa likod ng palengke.

Katulad ng inaasahan niya, dahil nga sariwa ang mga nakuha niyang isda, agad itong dinumog ng mga kapwa niya tindera roon na gusto ring magkaroon ng ganoong klaseng isda.

“Saan ka ba kasi kumukuha ng ganitong isda, Loren? Sabihin mo naman sa akin para parehas tayong yumaman! Para namang hindi tiyahin ang tingin mo sa akin, eh!” sambit pa ng kaniyang tita habang sinisipat-sipat ang pitaka niyang unti-unti na namang tumataba dahil sa mga tinderang dumadagsa.

Sasagot pa lang sana siya sa tiyahin niyang ito nang mapansin na naman niya ang isang matandang palaging bumibili sa kaniya ng tatlong pirasong isda. Kagaya nga nang nakasanayan nito, nang makabili na sa kaniya ang lahat ng mga tindera, agad na rin itong lumapit sa isang banyerang isda at doon namili ng tatlong mahihilab na isda.

At dahil nga araw-araw itong ginagawa ng matanda, hindi na niya napigilan ang kaniyang pagtataka. Tinanong na niya ito kung anong ginagawa nito sa tatlong isdang palagi nitong binibili araw-araw.

“Inuulam ko, hija. Isa sa umaga, isa sa tanghali at isa sa gabi,” masaya nitong sabi habang patuloy na namimili ng isda dahilan para siya’y agad na makaramdam ng awa.

“Araw-araw po, isda ang ulam niyo? Hindi po ba kayo nagsasawa?” tanong niya pa ngunit imbes na siya’y sagutin nito, ngumiti lang ito saka pinabalot sa kaniya ang tatlong isdang nabili.

Dahil sa awang nararamdaman niya, hiniling niya sa matanda na huwag na itong magbayad ngunit ayaw nitong pumayag. Sabi pa nito, “Sa iba mo na lang ibigay ang tulong mo, hija, mas maraming nangangailangan ng tulong kaysa sa akin,” na talagang ikinahanga niya.

Habang pinagmamasdan niyang umalis ang matanda, siya namang dating ng kaniyang kapatid na tindera naman ng manok sa naturang palengke.

“Hindi siya pumayag na ilibre mo siya ng isda, ano?” sabi ng kaniyang kapatid.

“Oo, kuya, eh, kilala mo ba siya?” tanong niya.

“Hindi ko siya personal na kilala pero suki ko ang anak niya na ngayon ay nasa ibang bansa na kasama ang iba niyang mga kapatid. Buwan-buwan daw nilang pinapadalhan ‘yang si tatay, sadyang matipid lang daw talaga kaya napagkakamalang mahirap. Pero alam mo ba, tatlo na raw ang napapagawa niyang bahay-ampunan. Ang lahat ng perang binibigay ng kaniyang mga anak, doon niya inilalagay habang siya, nagsusumikap na maghanap ng pangkain niya sa pamamagitan ng pagnenegosyo,” kwento nito na talagang ikinagulat niya.

Doon biglang tumakbo sa isip niya ang mga katagang sinabi nito sa kaniya at siya’y biglang nahamon na gayahin ang kabaitang mayroon ang matanda.

Inumpisahan niya ang pagtulong nang araw ding iyon. Sinama niya sa grocery ang kaniyang tauhan at pinamili niya ang mga ito. Bukod pa roon, pinuntahan niya rin sa bahay ang mangingisdang palagi niyang binabarat at kaniya itong binigyan ng grocery, bigas, at sampung libong piso pangpaayos ng bangka nitong napansin niyang luma na.

Kitang-kita niya ang saya sa mga mata nito na talagang nagbigay sa kaniya ng sayang hindi matatawaran. Dahil doon, nagpasiya siyang patuloy na magbahagi ng tulong sa mga nangangailangan katulad ng matandang patuloy pa ring bumibili ng tatlong pirasong isda sa kaniya.

Gustong-gusto man niyang sabihin ditong ginagawa na niya ang pagtulong sa iba na payo nito ay hindi niya magawa dahil sabi nito nang magtanong siya kung bakit hindi nito pinagsasabi na marami itong tinutulungan, “Nakikita ng Diyos ang kabutihan ng puso ng tao, hija, kaya hindi kailangan ng mga taong ipagmalaki ang pagtulong na ginagawa nila,” na muling nagbigay aral sa kaniya.

Simula noon, tahimik nga siyang tumulong sa mga nangangailangan at laking tuwa niya nang doble ang maging balik na biyaya ng kabutihang ito sa kaniyang buhay.

Advertisement