Inday TrendingInday Trending
Imbes na Tumulong sa Pagliligtas ng Kanilang Gamit, Nagdasal na lang ang Kaniyang Ina’t Kapatid; Malaki Pala ang Maitutulong ng Dalawa 

Imbes na Tumulong sa Pagliligtas ng Kanilang Gamit, Nagdasal na lang ang Kaniyang Ina’t Kapatid; Malaki Pala ang Maitutulong ng Dalawa 

Habang abala ang binatang si Jordan na gumawa ng tinapay na ilalako nila bukas ng umaga, siya’y agad na naalarma nang marinig niyang nagsisigawan ang kanilang mga kapitbahay.

“Hoy, pare, anong nangyayari? Bakit nagtatakbuhan ang mga kapitbahay natin?” tanong niya sa kaniyang kababata nang makita niya itong nagmamadaling magbalot ng mga damit sa bahay nitong nasa tapat lang ng kanilang bahay.

“Naku, pare, magbalot na kayo ng mga gamit niyo! Nasusunog ang bahay nila Aling Baby! Dalawangpung bahay na lang ang layo, Jordan! Dalian niyo na, lumikas na kayo!” sagot nito saka agad na rin itong tumakbo palayo na talagang ikinabahala na niya.

Sa takot na baka wala silang maisalba ni isang gamit, agad niyang binalita ang naturang sunog sa kaniyang ina at kapatid na pareho nang mahimbing ang pagkakatulog.

Bago pa tumayo ang mga ito, isa-isa na niyang ilabas ang mga importante at mamahalin nilang mga gamit. Inuna niyang isalba ang bagong bili nilang ref, ilang mga damit, importanteng mga dokumento, at kung ano pang mga gamit na kaniyang mahablot.

Sa pabalik-balik na ginawa niya upang isalba ang kanilang mga gamit, napansin niyang hindi pa rin lumalabas sa kanilang bahay ang kaniyang kapatid at ina.

“Mama! Bunso! Ano ba, hindi pa ba kayo lalabas d’yan? Ilang bahay na lang ang layo sa atin ng apoy! Tumulong naman kayo sa pagliligtas ng mga gamit na pinaghirapan natin!” sigaw niya habang aligaga siyang ilagay sa isang malaking sako ang kanilang mga damit, sapatos at ilang palamuti sa katawan.

Ngunit, ni isang salita ay walang sinagot ang dalawa kaya dali-dali niyang tinitingnan kung anong ginagawa ng mga ito sa kanilang kwarto.

Pagkabukas na pagkabukas niya sa kanilang kwarto, agad siyang napahawak sa kaniyang ulo nang makitang nakaluhod sa tapat ng isang malaking krus ang dalawa. Taimtim na nagdarasal ang kaniyang kapatid habang kumakanta naman ng isang kantang papuri sa Diyos ang kaniyang ina habang nagpapatugtog pa ng gitara.

“Mama! Bunso! Ano ba namang kalokohan ‘yan? Tingin niyo ba maliligtas kayo niyan ngayon? Lumabas na kayo at baka matusta kayo kasama ng sinasamba niyong Diyos!” sigaw niya sa dalawa na patuloy pa ring nagbibigay papuri sa Diyos.

“Maisasalba Niya tayo, anak,” bulong ng kaniyang ina na ikinabuntong-hininga niya na lamang.

“Jordan, Jordan! Lumabas na kayo riyan! Dalawang bahay na lang ang layo ng sunog! Dalian niyo na kung ayaw niyong malitson!” sigaw pa ng kaniyang kababata kaya dali-dali na niyang hinila palabas ang dalawa kahit na nagpupumiglas pa ang mga ito.

Lalo pa siyang nainis sa dalawa nang ipagpatuloy ng mga ito ang pagkanta at paggigitara habang nag-iiyakan, nagtatakbuhan at nanghihina na kanilang mga kapitbahay.

“Mama, tama na, nakakahiya naman kayo. Nagagawa niyo pang magsaya kahit ganito na ang nangyayari sa barangay natin! Siguradong wala na tayong bahay, mama! Paano na tayo ngayon? Mag-isip naman kayo!” sigaw niya sa mga ito, nang muli na naman siyang walang matanggap na sagot, doon na siya sumuko at naupo na lang sa isang tabi habang pinagmamasdan magkuhamog kakaapula ng apoy ang ilang mga residente roon katuwang ang sandamakmak na bumbero.

Ilang minuto pa ang lumipas, tuluyan na ring naapula ang apoy ngunit dahil nga sigurado siyang kasama na sa mga naabong bahay ang kanilang bahay, sumalampak na lang siya sa semento habang tahimik na nagdarasal ang kaniyang ina at kapatid.

Habang nag-iisip siya ng paraan kung paano muling aahon sa bangungot nito, siya’y nagulat nang marinig sa kanilang kapitbahay ang isang milagrosong balita.

“Hoy, Jordan! Anong ginawa niyo sa bahay niyo? Ang lawak-lawak ng sunog, bahay niyo lang ang hindi nadaplisan ng apoy! Ang tanging nasunog lang sa mga gamit ay ang mga alagang halaman ng nanay mo!” balita muli ng kaniyang kababata na talagang ikinagulat niya.

Pagkarinig na pagkarinig niya ng balitang iyon, dali-dali niyang pinuntahan ang kanilang bahay at doon niya nga nakitang nakatayo pa rin ito.

“Anong dasal ang binitawan niyo, Jordan, para hindi masunog ang bahay niyo? Nakontrol mo ba sa isip mo ang ihip ng hangin? Nang bahay niyo na ang masusunog, biglang lihis ng hangin sabi ng mga bumbero!”

“Kayo na ang anak ng Diyos! Nakakainggit naman kayo!”

Ilan lang ito sa mga katagang narinig niya habang pinagmamasdan niya ang kanilang bahay na hindi pa rin kapani-paniwalang makakaligtas sa sunog.

“Maniwala ka, anak, makapagyarihan ang Poong Maykapal,” nakangiting sabi ng kaniyang ina habang pinagmamasdan nila ang kanilang bahay.

“Kaya Niyang gawing posible ang mga bagay na imposible sa mata ng tao, kuya, maniwala ka na sa Kaniya!” masiglang wika pa ng kaniyang kapatid saka siya niyaya ng mga ito na manalangin.

Sa pagkakataong iyon, naramdaman niya ang sayang kailanman ay hindi niya pa nararanasan. Ito ang dahilan para magpasiya na siyang isuko ang kaniyang buhay para sa Poong Maykapal at gawin ang lahat para sa ikapupuri Nito.

Hindi naman siya nagsisi sa desisyon niyang iyon dahil simula noon, naging maayos na nang tuluyan ang kanilang buhay.

Advertisement