Inday TrendingInday Trending
Patuloy na Kinutya ang Dyanitor na Parating Nakikinig sa Labas ng Klasrum; Sa Araw ng Pagtatapos ay Isang Magandang Mensahe ang Iniwan Nito

Patuloy na Kinutya ang Dyanitor na Parating Nakikinig sa Labas ng Klasrum; Sa Araw ng Pagtatapos ay Isang Magandang Mensahe ang Iniwan Nito

Napairap si Yasmin nang makita niya ang janitor na si Edgar. Gaya ng madalas mangyari ay nakasilip na naman ito sa klasrum nila.

Kinaiinisan niya ang lalaki. Madalas kasi itong makihalubilo sa ibang estudyante na para bang estudyante ito, at hindi janitor.

Agad siyang nagtaas ng kamay upang kunin ang atensyon ng kanilang guro.

“Ma’am, nakasilip na naman dito sa klasrum natin ‘yung janitor. Hindi ako maka-pokus dahil sa kaniya,” sumbong niya.

Panandaliang tumigil ang guro nila sa pagsasalita bago nilingon ang binatilyo sa bandang pintuan.

“Hijo, may kailangan ka ba?” malumanay na usisa nito kay Edgar.

Umiling ito bago nagsalita.

“Wala po, Ma’am… Sumisilip lang kasi paborito ko po ang Math…” tila nahihiyang paliwanag nito.

Napangiti ang mabait na guro. Marahil ay hindi ito sanay sa ganoong klase ng estudyante. Kadalasan kasi sa mga estudyante ay halos tamad na tamad na mag-aral at bibihirang maging masigasig sa pag-aaral.

“Bakit hindi ka pumasok rito para mas matutuhan mo? May ilang bakanteng upuan pa sa likod,” nakangiting paanyaya ng kanilang guro.

Mabuti na lamang at tumanggi ang janitor. Kung hindi ay talagang magrereklamo si Yasmin.

“Salamat na lang po, Ma’am. Marami pa po akong lilinisin,” magaling na tanggi nito bago pinagpatuloy ang pagpupunas ng bintana.

Pinangunahan naman ni Yasmin ang malakas na tawanan ng kaniyang mga kaklase.

“Janitor ka kasi rito, kaya maglinis ka na lang!” komento niya pa sa binatilyo na patuloy lang sa paglilinis.

“Tama na ‘yan, at magpatuloy na tayo sa klase,” saway ng kanilang guro.

Araw-araw ay ganoon ang nakikita ni Yasmin. Hindi man sa klasrum nila, madalas niyang nakikita na nakasilip sa ibang klasrum si Edgar.

Kung minsan naman ay nakikita niya itong nagbabasa sa isang sulok ng eskwelahan.

Isang araw ay naglalakad siya kasama ng kaniyang mga kaibigan nang makita niya si Edgar na nakaupo. Abala ang binatilyo habang may isininusulat sa isang kwaderno.

Taas kilay na nilapitan niya ang janitor.

“Hoy, bakit ka nakaupo rito? Bakit hindi mo gawin ang trabaho mo, at hindi ka naglilinis?” sita niya sa binatilyo.

Napakunot-noo ito.

“Breaktime ko at tapos na akong maglinis. Tumingin ka sa paligid, wala kang makikitang kahit na anong kalat,” katwiran nito.

Napapahiyang iginiya niya ang tingin sa paligid. Tama si Edgar, malinis na malinis nga ang paligid.Sa inis niya ay lumapit siya sa basurahan bago walang sabi-sabi na itinumba iyon, dahilan para kumalat ang basura.

“O ayan, may kalat na ulit!” humahagikhik na bulalas niya.

“Janitor ka rito, ‘wag kang umasta na para bang isa kang estudyante. Imisin mo lahat ‘yan!” naiinis pang paalala niya sa binatilyo bago niya ito iniwan.

Mabilis na lumipas ang mga araw. Bago pa mamalayan ni Yasmin ay malapit na palang sumapit ang araw ng kanilang pagtatapos.

Kani-kaniya silang plano kung saan sila magko-kolehiyo. Syempre pa, si Yasmin ang bida sa paningin ng lahat. Siya kasi ang inaasahan na magkakamit ng pinakamataas na karangalan.

“Sa Maynila ako mag-aaral. Gusto ko maging isang doktor,” aniya sa mga kaklase, bago pinukol ng tingin ang nagwawalis na si Edgar.

“Ikaw, Edgar, ano ang gusto mong maging?” nang-iinis na tanong niya sa binatilyo.

Sa gulat nila ay sumagot ang lalaki.

“Titser. Gusto ko na maging titser,” anito.

Sumabog ang malakas na tawanan. Walang ni isa kanila ang naniniwala na maabot ni Edgar ang pangarap nito.

Malungkot na naglakad palayo ang janitor.

Ilang araw bago ang araw ng kanilang pagtatapos ay may balita na gumulat kay Yasmin. Inilabas ang listahan ng mga nagkamit ng karangalan, ngunit ang pangalan niya ay ikalawa lang.

Mas lalo siyang nagulat nang makita ang nasa pinakataas ng listahan. Si Edgar!

Galit na nagsumbong siya sa principal.

“Bakit po si Edgar ang valedictorian natin? E hindi naman natin siya estudyante?”

Ngumiti ang matanda.

“Estudyante natin siya, hija. Nakita ng mga guro ang pagiging masigasig ni Edgar, kaya naman sa hapon, pagkaalis ng mga estudyante, ay nag-boluntaryo sila na turuan si Edgar. Isang siyang matalino at masipag na bata, kaya naman walang ibang nararapat sa pinakamataas na karangalan kundi si Edgar lang,” paliwanag nito.

Noon naalala ni Yasmin na madalas niyang makita si Edgar noon na nagsusulat at nagbabasa. Nag-aaral pala ito!

Sa huli ay wala siyang magawa kundi tanggapin ang pagkatalo.

Sa araw mismo ng pagtatapos nila ay isang makapangyarihan mensahe ang iniwan ni Edgar sa entablado.

“May mga pagkakataon na pagtatawanan tayo, iinsultuhin, o ‘di kaya ay pahihirapan ng ibang tao. Ngunit ‘wag tayong matakot at mapagod. Patuloy lang tayong lumaban. Pasasaan ba’t makakamit din natin ang ating matayog na pangarap,” anang lalaki.

Sumabog ang malakas na palakpakan. Maging si Yasmin ay pumalakpak. Nakaramdam siya ng paghanga sa pagiging matibay ni Edgar.

Naisip niya kasi na isa siya sa mga tunay ngang nagpahirap kay Edgar. Ngunit hindi niya maiwasang bumilib sa kaeskwela na pinagsabay ang trabaho, pag-aaral, at pangunugutya ng iba.

Hindi niya man mababawi pa ang mga masasamang nagawa niya kay Edgar noon, hiling niya na maabot nito ang pinakaminimithi.

Advertisement