Isang Bata ang Nahuling Nagnanakaw ng Mangga sa Kalagitnaan ng Gabi; Ano ang Parusa na Ipapataw sa Kaniya?
Sa kalagitnaan ng gabi ay makikita ang isang anino na mabilis ang paggalaw. Tiyak ang patutunguhan nito—sa bakuran ni Don Julio, ang nagmamay-ari ng pinakamalaking bahay sa baryo.
Ang anino ay pagmamay-ari ng batang si Oscar. May dala siyang isang malaking bag.
Anihan kasi ng mangga at nais niyang palihim na mamitas ng mangga. Alam niya na mali ang gagawin niya, ngunit wala siyang ibang pagpipilian.
Nanghihina na silang mag-lolo dahil dalawang araw na tubig lang ang iniinom nila.
Nagtitinda sa palengke ang kaniyang lolo, ngunit nang magkasakit ito ay hindi na ito makapagtinda.
Naubos na ang kakarampot na ipon nilang mag-lolo dalawang araw na ang nakalilipas.
Hindi sila makahingi ng tulong sa iba dahil alam naman nila na mahirap din ang buhay ng kanilang mga kapitbahay.
Kaya sa huli ay pikit mata siyang nagdesisyon. Nang masiguro niya na tulog na ang lolo niya ay maingat siyang lumabas ng bahay upang isagawa ang kaniyang plano.
Maingat niyang inakyat ang matayog na gate. Mabuti na lang at sanay siyang umakyat, dahil madalas siyang umakyat ng puno.
“Diyos ko, patawad po…” bulong niya habang inaakyat ang mabungang puno ng mangga.
Dalangin niya rin na hindi siya mahuli. Nakakatakot kasi si Don Julio. Ni minsan ay hindi pa ito ngumiti, at parati itong seryoso.
Pakiramdam niya ay mapaparusahan siya kapag nahuli siya.
Halos dalawampung minuto siyang namitas ng mangga. Nang mapuno ang bag na nakasukbit sa balikat niya ay maingat siyang bumaba sa puno.
Muli niya na sanang aakyatin ang gate palabas nang may marinig siyang tumikhim.
Napahinto siya at nanigas.
“Anong ginagawa mo?” matigas na tanong nito.
Nanlalamig na nilingon niya ang may-ari ng boses.
Si Don Julio!
Napaiyak na si Oscar sa takot. Naiisip niya na ang mga posibleng mangyari sa kanilang mag-lolo.
Naibagsak niya ang bitbit na bag, dahilan upang gumulong ang ilang mangga mula sa bag.“Patawad po, Don Julio! Nanguha lang po ako ng mangga!” umiiyak na paliwanag niya.
Kitang-kita niya ang madilim na anyo ng matanda. Galit ito.
“Alam mo ba na pagnanakaw ang ginawa mo? Hindi ka nagpaalam…” malumanay na tugon nito.
“Alam ko po! Patawad po! Wala lang po akong ibang pagpipilian!” katwiran niya.
Napakunot-noo ang matanda.
“Anong ibig mong sabihin?” usisa nito.
Napahagulhol nang tuluyan si Oscar. Naalala niya ang kaniyang lolo.
“May sakit po ang lolo ko, at dalawang araw na po kaming hindi kumakain! Kumuha lang po ako ng mangga para pantawid gutom namin. Hindi po ako magnanakaw! Sa buong buhay ko, ito lang po ang kinuha ko nang walang paalam…” patuloy na paliwanag niya.
Napabuntong hininga ang matanda bago dinampot ang bag at ang mga nagkalat na mangga.
“Sumunod ka sa akin,” anito bago naglakad palayo.
Umiiyak pa rin na pumasok sila sa loob ng malaking bahay.
Labis ang kabog ng dibdib ni Oscar. Iniisip niya kung anong parusa ang ipapataw sa kaniya ng matanda. Hiling niya na sana ay hindi naman iyon masyadong mabigat, at makabalik pa siya sa kaniyang lolo.
Pinaupo siya sa malaking hapagkainan. Sa gulat niya at nagsimula itong maglapag ng iba’t ibang putahe sa mesa.
“P-para saan po ang mga ito?” maang na tanong niya.
“Kumain ka. Hindi ba’t sinabi mo na ilang araw ka nang hindi kumakain? Ayan ang pagkain at kumain ka,” seryosong saad ng matanda.
Nagulat man ay hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Agad siyang bumanat ng pagkain.
Ngunit nakakailang subo pa lang siya nang may maalala siya.
“Bakit?” usisa ng matanda nang makitang huminto siya sa pagkain.
“Naalala ko po kasi ang lolo ko. Alam ko na gutom na gutom din siya…” naluluhang bulong niya.
Tumayo ang matanda.
“Kumain ka lang. Ipagbabalot natin ng pagkain ang lolo mo,” anito.
Paulit-ulit siyang nagpasalamat sa matanda bago pinagpatuloy ang maganang pagkain.
Ilang minuto lang ang lumipas ay busog na busog na siya.
“Salamat po, Don Julio. Tatanggapin ko po kahit na anong parusa ang ibigay niyo,” sinserong wika niya.
“Anong sakit ng lolo mo?” tanong nito.
“May trangkaso po. Ilang araw na,” aniya.
“Nakainom na ba siya na gamot?” muling tanong ng matanda.
Umiling siya.
“Malayo po ang bayan. Wala kaming pera para makapunta sa bayan at makabili ng gamot…”
Muling tumayo ang matanda. Nawala ito ng ilang minuto. Pagbalik nito ay may dala na itong mga gamot.
“Ipainom mo ito sa lolo mo. Sigurado ako na gagaling siya agad,” anang matanda.
Pinigilan ni Oscar ang mapaiyak. Ngunit labis ang pasasalamat niya sa matanda.
“Kapag magaling na ang lolo mo, papuntahin mo siya rito. Sabihin mo sa kaniya na panahon na para magkaayos kami.”
Namilog ang mata ni Oscar.
“Kilala niyo po ang lolo ko?” takang bulalas niya.
Tumango ang matanda.
“Ang lolo mo ang kaisa-isang kaibigan ko. Nag-away kami dahil sa aking ambisyon, ngunit noong tumanda na ako ay napagtanto ko rin ang pagkakamali ko,” kwento ng matanda.
“Paano niyo po nalaman na ang lolo ko ang kaibigan niyo? Hindi niyo naman po ako kilala?” muli ay tanong ni Oscar.
Tipid na napangiti ang matanda.
“Kamukhang-kamukha mo ang lolo mo. Ganyan ang itsura niya noong mga bata pa kami, hindi maaaring hindi kita makilala,” anang matanda.
Nang makauwi si Oscar ay nakita niya ang kaniyang lolo na nag-aabang sa pintuan. Halata ang pag-aalala nito.
“Saan ka ba nanggaling na bata ka?” bulalas nito.
Ikinuwento niya rito ang nangyari. Ipinakita niya rin sa kaniyang lolo ang mga ibinigay ng matanda.
Tahimik lang ang kaniyang lolo.
“Panahon na raw po para magkaayos kayo. Hindi na raw po kayo mga bata,” ulit niya sa sinabi ng Don.
Isang ngiti ang sumilay sa labi ng kaniyang lolo.
“Sa wakas, nagbalik na ang kaibigan ko…” bulong nito.
Matapos ang ilang araw na pag-inom ng gamot ay gumaling na nga ang kaniyang lolo. Nasaksihan niya ang muling pagkikita ng kaniyang lolo at ni Don Julio. Pawang may ngiti sa labi ang dalawang matanda habang masiglang nagkukwentuhan.
Masayang-masaya si Oscar. Sa hindi man inaasahan na pagkakataon kaya nagkaayos ang dalawa, masaya siya na naayos na ang sigalot sa pagitan ni Don Julio at ng kaniyang lolo.