Depende raw sa Kustomer ang Presyo ng Abusadang Tinderang Ito sa Palengke; Karma pala Mismo ang Maniningil sa Kaniya ng Parusa
Napangisi si Aling Tonyang habang nakaupo sa kaniyang silya. Malayo pa lang kasi ay natatanaw niya na ang dalawang taong naglalakad patungo sa kanilang puwesto. Mukha silang mga turista. Mapuputi, magaganda ang kasuotan at pareho pang nakasuot ng damit na pang-tag-init. Sa hinuha ni Aling Tonyang ay pawang mga nagbabakasyon ang dalawang ito sa resort na malapit sa kanilang pinagpupuwestuhang palengke.
Napaupo nang tuwid si Aling Tonyang. Inihanda niya na ang kaniyang pisngi, para sa isa na namang matagal at malawak na pagkakangisi habang kinakausap ang mga kustomer na balak na naman niyang ‘perahan’ nang hindi nila nalalaman. Hindi lang kasi basta isang tindera ng mga souvenirs at pasalubong si Aling Tonyang…isa rin siyang malupit na abusada! Paano kasi, kapag alam niyang may ‘pera’ ang mga kustomer ay tinitriple niya ang presyong sinasabi niya sa mga ito, lalo na kapag alam niyang bago pa lamang sila sa lugar at talagang wala pang alam pagdating sa mga pasalubong at panindang naroon. Bagay na matagal na niyang ginagawa, kaya naman halos matatapos na niya ang pagpapatayo ng kaniyang apartment sa mabilis lang na panahon.
Marami nang nakarating na reklamo sa mga pulis laban sa nasabing modus ng tinderang si Aling Tonyang, na kung minsan ay tinutularan din ng iba pa niyang kasamahan sa palengke. Iyon nga lang ay wala sa mga nagreklamo ang nais pang pahabain ang kanilang ‘abala’ kung kaya’t imbes na pormal na magsampa ng kaso ay hinahayaan na lamang nila si Aling Tonyang.
“Hi, ma’am, sir! Ano po’ng hanap natin d’yan? Mga souvenirs ba o pampasalubong? Naku, marami ho kaming mga paninda, baka gusto n’yong i-tsek?” magiliw na ani Aling Tonyang sa nasabing mga turista nang sa wakas ay tuluyan na silang makalapit sa kaniyang tindahan.
“Ang gaganda nga ho ng tinda n’yo. Magkano po ito?” siya namang tanong ng sopistikadang babae kay Aling Tonyang sabay turo sa isang machine-made wallet na ang totoo ay halagang tig-iisang daan lang naman sa kaniyang mga normal na kustomer. Agad namang ikinasabik ng palalong tindera.
“Naku, ineng, three-hundred lang ang isa n’yan! Original hand-made kasi talaga ’yan, ’di tulad ng ibang panindang nagkalat dito sa palengke. Naku, kung kayo’y maghahanap ng authentic, dito kayo sa tindahan ko, dahil makakasigurado kayong tunay at mataas ang quality ng mabibili ninyo,” sagot naman agad ni Aling Tonyang na tinanguan pa ng sopistikadang babaeng nakasuot ng salaming panangga sa init ng araw.
Triple rin ang presyong ibinigay ni Aling Tonyang sa dalawang turista, sa tuwing magtatanong ang mga ito ng iba pang tinda niya. Hindi pa man ay ikinatutuwa na ni Aling Tonyang ang maaaring mangyari mamaya—mukhang kikita siya nang malaki-laki dahil sa dalawang ito, ngayong araw!
“Wala po bang discount kapag kumuha kami ng marami?” maya-maya ay tanong ng lalaki kay Aling Tonyang na agad namang sinagot ng tindera.
“Naku, mura na nga ’yang alok ko sa inyo, hijo…pero sige, dahil mababait naman kayo ay bibigyan ko kayo ng ten percent discount sa kabuuan ng lahat ng bibilhin n’yo rito sa shop ko!” Kulang na lang ay ipagkiskis ni Aling Tonyang ang kaniyang mga palad sa sobrang kasabikan sa nalalapit na pagkita niya nang malaki, ngunit sinaway niya ang sarili upang hindi nila mahalata ’yon.
“Kung ganoon po, bigyan n’yo kami ng tig-iisa ng lahat ng paninda n’yo,” sagot pa ng lalaki na halos magpatalon naman kay Aling Tonyang sa sobrang tuwa.
“Naku, maraming salamat sa inyo, hijo, hija! Sandali lang at kukuwentahin ko’ng lahat kung magkano ’yon…”
Agad na kumilos si Aling Tonyang at kumuha siya ng calculator upang kwentahin na ang mga paninda niyang bibilhin ng dalawa, ngunit may isang hirit pa ang lalaki.
“Kung maaari sana, Ale, pahingi rin ako ng resibo. Pakilagay ho lahat ng binili namin sa inyo, pati na rin ho ’yong presyo nito.”
“Walang problema,” sagot naman ni Aling Tonyang at sinimulan nang sundin ang gusto nito.
Ibinigay ni Aling Tonyang ang nasabing resibo sa lalaki, matapos niyang tanggapin ang bayad nito na umabot sa halos tumataginting na sampung libong piso sa iilang piraso lang namang paninda niya!
“Salamat sa inyong dalawa, sa uulitin!” nagawa niya pang sabihin sa kanila kahit na ang totoo ay gustong-gusto na niyang bilangin ang laman ng kaniyang kaha…
Ngunit ganoon na lang ang gulat ni Aling Tonya sa sumunod na isinagot sa kaniya ng nasabing mga turista…
“Naku, Aling Tonyang, mukhang ’yon na ang huli, e. Dahil sa wakas, may ebidensiya na kaming nang-iiscam ka nga ng mga turista sa lugar na ’to,” sabay na sabi pa ng mga ito bago sila nagpakilala bilang mga pulis pala ng lokal na pamahalaan ng lugar na ’yon!
Sa wakas, pagkalipas ng ilang taon ay natimbog din ang abusadang tindera! Mahigpit kasing ipinagbabawal ang ginagawa niya, kaya naman ngayon ay sa likod na ng malalamig na bakal na rehas niya pagsisisihan ang kaniyang ginawang kalokohan, at mukhang matatagalan pa bago siya makalabas sa nasabing selda, dahil sa patong-patong na kasong isasampa sa kaniya ng mga nabiktima niya!