Ibinigay ng Lalaking Ito ang Lahat ng Kaniyang Yaman sa Kaniyang Number Two; Malaking Pagsisisi pala ang Mararamdaman Niya sa Huli

“Saan ba kasi tayo pupunta, babe?” maharot at nang-aakit na tanong ni Irene kay Orlando, habang nakalingkis ang mga kamay niya sa braso nito, habang ito ay nagmamaneho. Nakangisi namang nilingon saglit ng lalaki ang kaniyang ‘number two’ bago niya ito kinindatan.

“Malalaman mo rin mamaya, babe, basta’t maghintay ka lang. Siguradong magugustuhan mo ang surpresa ko sa ’yo,” sagot naman niya na siyang lalo namang nagpasabik sa babae.

Dahil masiyadong natuwa si Irene sa sinabi ng kaniyang “nobyo”—gayong alam niya namang may asawa na ito’t anak—ay lalo niya pang inilapit ang sarili sa nasabing lalaki, dahilan upang lalong mapariin ang dibdib niya sa braso nito na siya namang ikinatuwid ng upo ni Orlando.

Lalong nasabik si Orlando sa kaniyang kalaguyo dahil sa ginawa nito, kaya naman pinaharurot niya pa ang kaniyang sasakyan upang mabilis nilang marating ang ‘sorpresa’ niya para dito—isang condo unit!

“Wow, babe! Ang ganda-ganda nito!” napahiyaw na sabi ni Irene sa kaniyang nobyo na sa sobrang pagkasabik niya ay bigla niyang pinupog ng halik! “Grabe, thank you so much, babe! Akala ko, hindi mo na ibibigay sa ’yo ’tong hiling kong ito, e!” kunwari’y naiiyak pang sabi ng babae.

“P’wede ba naman ’yon? Sa katunayan nga’y sa ’yo na nakapangalan itong condo unit na ito, babe, at nariyan sa drawer na ’yan ang resibo, para naman kung sakaling maghiwalay kami ng asawa ko’y wala siyang magiging habol dito,” sagot naman ni Orlando sa kalaguyo, habang ang kaniyang mga kamay ay unti-unti nang naglulumikot at naglalakbay sa magandang katawan ng babae.

Ang totoo kasi ay binabalak niya nang makipaghiwalay sa asawang si Amanda, kaya nga minsan na lamang kung uwian niya ito. Masiyado na siyang hayok sa bago niyang kalaguyo para makita pang isang malaking kawalan si Amanda kung sakaling magdedesisyon siyang tuluyan na itong iwan, lalo pa at ina ito ng kaniyang anak. Kung hindi nga lang malaki ang hati nito sa kaniyang kompaniya ay hindi na siya magdadalawang-isip pa na kumonsulta sa kaniyang abogado para simulan na ang kanilang legal na paghihiwalay. Sa puntong ito ay kailangan pa kasi ni Orlando na kunin nang palihim ang lahat sa kaniyang asawa bago niya ito isagawa.

Subsob palagi sa pagtatrabaho si Amanda, dahil nga matagal nang may lamat ang relasyon nila ng kaniyang mister. Lingid sa kaalaman ng lalaki ay alam niya naman talaga kung ano ang ginagawa nitong kalokohan kapag nakatalikod siya, ngunit mas ginusto na lamang ni Amanda na sa kaniyang anak na lang ibuhos ang lahat ng kaniyang pagmamahal dahil hindi niya na kailangan ang isang asawang tulad ni Orlando. Matagal na niyang pinaghahandaan ang paghihiwalay nilang dalawa, sa totoo lang, kaya nga ngayon ay todo kayod siya sa kaniyang sinisimulang sariling negosyong tuluyan niyang bubuksan sa oras na maghiwalay na nga sila ni Orlando.

Advertisement

Hindi naman nagtagal ay natupad din ang matagal nang hinihintay ni Amanda. Isang araw ay basta na lamang inilapag ni Orlando sa kaniyang harapan ang mga papeles na nagsasabing legal na silang maghihiwalay, oras na pirmahan nilang pareho ang nasabing dokumento. Walang kagatol-gatol namang ibinigay ni Amanda ang gusto nito at mabilis silang nagkasundo, kahit pa ang totoo ay nasasaktan pa rin naman siya sa nangyayari. Kahit naman kasi ganoon ang ginawa sa kaniya ng asawa ay minahal niya pa rin ito at hindi pa rin ito naaalis sa kaniyang puso dahil ito pa rin ang ama ng kaniyang anak…ngunit pasasaan ba at makakalaya rin siya sa sakit ng kaniyang damdamin.

Samantala, nagpakasasa naman si Orlando sa piling ng kaniyang bagong nobyang si Irene. Halos araw-araw ay magkasama sila ng babae na para bang wala silang kasawaan sa isa’t isa, kaya naman napabayaan na niya ang kaniyang negosyo, habang ang negosyo ni Amanda ay nagsisimula nang umusbong at umarangkada sa madla.

Dahil doon, lingid sa kaalaman ni Orlando ay unti-unti na pala siyang naghihirap, dahil bumagsak na ang kaniyang kompaniya, at lahat ng kaniyang natitirang pera ay ibinigay na niya sa babaeng si Irene na ngayon ay nagsisimula na ring mawalan ng gana sa kaniya, lalo pa’t wala na siyang pakinabang pa! Namalayan na lamang ni Orlando na ginamit lamang pala siya ni Irene sa pansarili nitong kapakanan, at nang sa wakas ay makuha na nito ang gusto nito ay basta na lamang itong naglahong parang bula, at sumama sa ibang lalaking tunay nitong minamahal! Tangay nito ang lahat ng kaniyang kayamanan, at iniwan siyang walang-wala!

Matinding pagsisisi ang naramdaman ni Orlando sa nangyari, lalo na nang subukan niyang makipagbalikan kay Amanda at inayawan siya nito, dahil nang mga panahong ’yon ay may bago na ring nagpapatibok sa puso ng dati niyang asawa. Maging ang kaniyang anak ay malayo na ang loob sa kaniya. Tuluyan nang nawalan ng saysay ang buhay ni Orlando, ngunit wala siyang ibang dapat sisihin kundi ang sarili niya.