
Dahil sa Bulung-bulungan ay Patuloy ang Paghihinala ng Ginang na Pumapatol sa Binabae ang Kaniyang Asawa; Ikakagugulat Niya ang Katotohanan
Halos hindi alam ni Mandy kung paano itatago ang sarili sa pagkakayuko habang naglalakad pauwi ng kanilang bahay. Usap-usapan kasi sa kanilang lugar ang pagkakabuntis sa kaniya ng kaniyang dalawang buwang nobyo pa lamang noon na si Roy. Nangyari kasi ang lahat sa isang inuman. Nang malasing ang dalawa ay hindi na nila alam pa ang mga sumunod na naganap. Makalipas na lamang ang isang buwan ay kumpirmadong buntis na nga itong si Mandy.
“Huy, Mandy!” tawag ng isang ginang na kapitbahay ng dalaga. “Totoo bang si Roy na taga-kabilang kanto ang nakabuntis sa iyo?” usisa pa nito.
Tanging tango lamang ang nasagot ng dalaga.
“Nako, kawawa ka naman! Hindi mo ba alam na ang balita dito ay kilala ‘yang si Roy sa pagpatol sa mga binabae? Hindi ko alam kung totoo pero matagal nang balita ‘yan kahit saan!” sambit pa ng ginang.
“Ang dami-daming lalaki diyan, Mandy. Maganda ka naman at matalino, bakit ‘yang si Roy pa?!” wika pa ng isang babae sa kanilang iskinita.
Hindi na lamang umimik pa si Mandy sapagkat alam niyang kahit ano ang sabihin niya ay hindi na siya tatantanan pa ng intriga.
Kahit na hindi pa ganoon katagal ang relasyon ng dalawa ay handa naman si Roy na panagutan ang dalaga. Sa katunayan nga ay handa niyang pakasalan kaagad si Mandy.
“Mahal kita, Mandy. Sana ay pumayag kang panagutan ko ang anak natin. Magpakasal ka sa akin nang sa gayon ay mabigyan ko ng magandang buhay ang bata. Gusto kong magpaka-ama sa kaniya. Lalong-lalo na, gusto kitang maging maybahay,” sambit ng binatang si Roy.
Dahil na rin sa pagmamahal ni Mandy sa kaniyang nobyo ay pumayag na rin itong ikasal sa nobyo. Hindi naglaon ay ikinasal nga ang dalawa at nagsama.
Tinupad ni Roy ang kaniyang pangako kay Mandy. Kahit mahirap ang buhay ay pinilit niyang itawid ang panganganak ng asawa at maibigay ang pangangailangan ng kaniyang mag-ina. Ngunit isang araw ay nawalan ito ng trabaho.
“Roy, wala nang gatas ang anak natin para mamayang gabi,” saad ni Mandy sa asawa.
“Pasensiya ka na, Mandy. Sige, lalabas muna ako saglit at gagawa ako ng paraan. Tingnan ko kung may mahihiraman ako,” tugon ni Roy.
Agad na umalis ang mister at pag-uwi nito kinagabihan ay may dala na itong hapunan at gatas ng anak.
“Ang dami naman nito, Roy! Sa’n ka kumuha ng pambili nito?” usisa ni Mandy.
“Nangutang ako sa isang kaibigan,” sagot ng mister. “Bukas na bukas ay hahanap ako ng trabaho kahit umekstra muna ako sa pagta-tricycle habang hinihintay ko ‘yung sagot sa isang inaplayan ko,” saad pa ni Roy.
Kinabukasan, paglabas ni Mandy upang bumili ng kanilang agahan ay nakita niya na tila siya ang pinag-uusapan ng mga tsismosang nag-umpukan sa kanto ng kanilang eskinita. Dahil hindi na siya nakapagpigil ay agad niyang kinumpronta ang mga ito.
“Ako ba ang pinag-uusapan n’yo?” mariin niyong sambit.
“N-naku, Mandy. Baka mabigla ka sa malalaman mo,” deretsahang saad ng isang ginang.
“Ano ba ‘yon? Ang aga-aga ay buhay na naman ng iba ang pinagpipiyestahan nyo!” naiinis na wika ni Mandy.
“Baka kasi akala mo ay gumagawa lang kami ng istorya. Aling Barang, ikaw na nga ang magkwento kay Mandy!” saad ng babae.
“Mandy, nakita ko ang asawa mo kagabi, galing doon sa parlor ng binabaeng si Gwen! Paglabas nila ng parlor ay may iniabot ang sireyna sa asawa mo! Nakita ko pa nga ang ngiti ng asawa mo at kung pano niya inabot ang pera! Baka hindi pa rin nagbabago ang asawa mo, Mandy. Hindi ba dati pa man ay kilala na siyang pumapatol sa binabae!” sulsol ni Aling Barang.
Napaisip si Mandy. Naalala niya na kinagabihan nga ay maraming uwi ang kaniyang asawa at binigyan pa siya nito ng ekstra para panggastos sa kinabukasan.
Nang makauwi si Mandy ay hindi niya ipinahalata sa asawa ang kaniyang pagdududa. Umalis si Roy para daw humanap ng trabaho at nang makauwi ito ay mayroon na namang pasalubong para sa kanila.
“Nakahanap ka na ng trabaho, mahal?” tanong ni Mandy kay Roy.
“Hindi pa, pero umekstra kasi ako kanina sa tricycle ni Mang Kadyo. Kaya ayan, may gatas na si Junior at may panggastos tayo bukas,” saad ni Roy.
Alam ni Mandy na hindi nagsasabi ng totoo ang asawa. Sa araw-araw na aalis si Roy ay umuuwi ito na may dalang pera. Sa pagkakataong ito tuluyan na siyang naghinala sapagkat hindi pa rin matigil ang mga tsismosa sa labasan sa kanilang pinag-uusapan. Kaya minabuti ni Mandy na alamin ang totoo.
Isang gabi ay ipinaalaga muna niya ang kaniyang anak sa kaniyang byenan. Saka siya umalis at tinungo ang sinasabing parlor. Doon ay nakita niya na inabutan ng pera si Roy ng may-ari nito na si Gwen. Kitang-kita niya ang saya sa mukha ni Roy habang inaabot ang pera. Agad niyang tinungo ang pasarado nang parlor at nagulat si Roy nang makita ang kaniyang asawa.
“Roy, paano mo nagawa sa akin ito? Paano mo ako nakuhang ipagpalit sa binabaeng iyan para lang sa pera!” galit na sambit ni Mandy.
“Mandy, sandali lang magpapaliwanag ako!” tugon ni Roy habang pinipigilan ang asawa sa pagwawala.
“Ang baboy mo! Tama nga ang lahat ng sinasabi nila sa’yo! Dapat matagal pa lang ay naniwala na ako sa mga pinagsasasabi nila. Ngayon na nakita na ng sariling mga mata ko ay wala ka nang kawala. Naaatim mo na ipakain sa amin ng anak mo ang kahayupan na ginagawa mo?!” walang tigil si Mandy sa pagbubunganga.
“Hoy, babae! Sandali nga lang!” sambit ni Gwen na hindi na nakatiis pa sa mga pinagsasabi ni Mandy. “Anong kahayupan at kababuyan ang sinasabi mo riyan, a?!” sigaw pa nito.
“Totoo naman ‘di ba, pilit mong kinukuha ang asawa ko sa pamamagitan ng pagsilaw mo sa kaniya ng pera mo!” tugon ni Mandy.
“Siraulo pala ang babaeng ito. Ilayo mo sa akin ang asawa mo, Roy, baka hindi ko siya matantya!” saad ni Gwen.
“Mandy, tama na! Hindi totoo ang iniisip mo sa aming dalawa! Sa katunayan nga ay malaki ang utang na loob ko dito kay Gwen,” paliwanag ni Roy.
“Saka hindi ko papatulan ‘yang asawa mo dahil may dyowa ako! P’wede ba?!” sita ulit ni Gwen.
“Kababata ko si Gwen at malaki talaga ang utang na loob ko sa kaniya sapagkat mabilis ko siyang malapitan. At hindi siya kagaya ng iniisip mo. Hindi ko sinabi sa iyo ang totoo sapagkat ayokong pag-isipan mo ako ng masama. Pero, pumasok ako bilang tiga-linis dito sa parlor ni Gwen habang wala pang balita sa inaplayan kong trabaho,” paliwanag ng kaniyang mister.
“Sa katunayan nga niyan ay ayaw ni Gwen na magtrabaho pa ako rito bilang tagalinis lamang ng salon pero nagpumilit ako. Gusto ko kasi kahit paano ay paghirapan ang perang ipinapahiram niya sa akin!” dagdag pa ng ginoo.
Lubusang ikinagulat ni Mandy ang kaniyang narinig na paliwanag ng asawa. Hindi niya akalain na gumagawa lamang pala ito ng paraan para mabuhay niya ng maayos ang kaniyang mga pamilya.
Nagsisisi siya kung bakit pinagdudahan niya ang kaniyang asawa at nakinig na lamang basta sa mga sulsol ng tsismosa.
Humingi ng kapatawaran si Mandy sa kaniyang asawa at sa kaibigan nitong si Gwen. Nagpasalamat na rin siya sa tulong na ibinahagi ni Gwen sa kanilang pamilya.
Mula noon ay hindi na pinagdudahan pa ni Mandy si Roy. Mainam na rin at tuluyan nang nakahanap ng trabaho ang mister niya na pangsuporta sa kanilang pamilya.

Ugali ng Ale na Magkalat ng Maling Balita sa Buong Barangay; Natagpuan Niya ang Kaniyang Karma Dahil sa Isang Masalimuot na Pangyayari!
