
Ugali ng Ale na Magkalat ng Maling Balita sa Buong Barangay; Natagpuan Niya ang Kaniyang Karma Dahil sa Isang Masalimuot na Pangyayari!
Hapon na nama’t palubog na rin ang haring araw. Ang mga hukbo ni Aling Pinay ay isa-isa nang naglalabasan patungo sa kanilang tagpuan- sa tindahan lang naman ni Aling Pinay! Habang maririnig ang masasayang mga bata na naglalaro sa kalye, umpisa na ang tumpukan sa barangay na iyon.
“Alam niyo ba, iyang si Marie, naku, may dalang lalaki kagabi!” unang banat ni Aling Pinay sa mga kumare. Lahat naman ng pokus ay nasa kaniya pati na sa kaniyang ikinukwento.
“Naku! Wala na talagang pag-asa ‘yang babaeng ‘yan ano? Gabi-gabi na lang ay iba-iba ang inuuwing lalaki sa bahay niya!” hirit naman ng kaniyang kumare.
“At hindi lang basta lalaki iyong kagabi! Ang sabi ay menor de edad ‘yong lalaki! Muntik na nga raw hulihin ng mga tanod eh nahiya lang diyan sa babaeng ‘yan eh!” dagdag pa ni Aling Pinay upang mas maging usap-usapan pa ito sa buong barangay.
Ganoon na nga ang nangyari. Tampok na naman na usapin sa barangay ang byudang si Marie. Pinagkakalat pa nga ni Aling Pinay na ipinakulam ni Marie ang dating asawa upang masolo nito ang bahay na mayroon ang lalaki. Ganito gumawa ng istorya si Aling Pinay. Makatotohanan. Malisosyo. Kahit na palagi ay haka-haka lamang niya.
Kung kaya naman ay walang bumabangga sa kaniya sa barangay. Kung mayroon mang magtangka, hahanap na kaagad siya ng istorya upang itsismis ang taong iyon. Kay bilis pa namang kumalat ng tsismis sa barangay!
“Tin! Tin! Anak ka ng! Bumangon ka na’t tanghali na! Aba’y walang mangyayari sa buhay mo kung ganyan kana lang ng ganyan. Ang babagsakan mo diyan sa gawain mo, club! Parang iyon si Marie! Buti sana kung may kinikita ka diyan sa pagpupuyat mo eh wala naman, palamunin ka pa rin dito sa bahay!” sunod sunod na putak ni Aling Pinay sa kaniyang nag-iisang anak na si Tintin.
Araw-araw, walang palya ay tumataya ng lotto si Aling Pinay. Dahil sa kaniyang tindahan, si Tintin ang palaging nagtataya para sa kaniya. Lahat ng ito’y magbabago sa susunod na mangyayari.
Habang naglalakad ang dalagitang si Tintin, nakasalubong nito si Marie- ang babaeng laging tampukan ng usapan nina Aling Pinay. Nagkabungguan ang dalawa at may nalaglag na papel si Marie. Nang pulutin iyon ni Tintin na noo’y nakasimangot, biglang nagbago ang itsura nito nang malaman na ang mga numero na iyon ang jackpot ngayong araw. Kumaripas naman ng takbo si Tintin kahit na hndi pa siya nakakrating sa lotohan. Sarado na rin kasi sa sobrang tagal niyang maglakad at patigil tigil pa kakakausap niya sa mga tropa sa labasan.
“Mamaaa!!! Mamaaa! Mamaaa!” buong lakas na tinig ni Tintin sa nagbibinggong si Aling Pinay.
“Jusko maryosep! Ano ba ‘yon?!” tugon nito sa madaling madali na si Tintin.
“Maaa!!! Nanalo number mo. Mayaman na tayo ma, mayaman na!!!” masayang balita ni Tintin sa ina.
Labis naman na nanlaki ang mga mata ni Aling Pinay mula nang makita ang iniabot na papel ni Tintin sa kaniya. Iyon nga ang mga numero na kaniyang tinatayaan! Hindi makapaniwala si tuwa si Aling Pinay ng mga oras na iyon. Ang mga kumare sa binguhan, ay napatulala din sa kanilang narinig. Usap-usapan iyon sa buong barangay at kaliwa’t kanan na rin ang pagmamayabang ni Aling Pinay.
“Oo naman mga mare! Lahat kayo bibigyan ko kayo ng balato. Kayo pa ba? At hindi lang ‘yan! Itong tindahan ko na ‘to? Ibibigay ko na rin sa inyo dahil lilipat na kami ni Tintin sa mansion ipapagawa namin!” patuloy na pagmamayabang ni Aling sa mga kumare.
Lumipas ang ilang araw, patuloy pa rin sa pagmamayabang si Aling Pinay. Halos lahat ng mata ng barangay ay nakatutok sa kaniya- kung kailan niya makukuha ang kaniyang napakalaking pera. Nalimutan na nga niyang itsismis si Marie dahil maya’t maya niyang bukambibig ang pagkapanalo.
Isang hatinggabi, hindi na naman makatulog si Aling Pinay sa sobrang tuwa niya. Iniisip na niya kung paano niya gagastusin ang lahat ng iyon. Kahit na siguro mamili siya araw-araw eh hindi niya iyon mauubos! Hindi mawala sa mukha niya ang ngiti dahil sa wakas ay makukuha na niya ang inaasam asam na buhay.
Ilang sandali lamang, narinig niya ang pigil na sigaw ni Tintin sa kanilang kusina. Naputol ang kaniyang pananaginip ng gising at agad na sinilip ang kaniyang anak upang pagalitan sana ito. Subalit nang marating niya ang madilim na kusina, matalim na punyal ang tumutok sa kaniyang leeg.
“Wag kang kikilos ng masama kundi mawawalan ng buhay itong anak mo,” pananakot ng limang lalaki na nanghimasok sa kaniyang pamamahay. At doon na nga kinalikot ng mga lalaki ang kanilang buong bahay upang kunin ang mga mahahalagang gamit at pera ni Aling Pinay.
Sa isang iglap lamang ay napalitan ng takot ang nasa mukha ni Aling Pinay. Hindi niya akalaing mangyayari ito sa tanang buhay niya. Habang nakabusal ang mag-ina, nakita ni Aling Pinay na inabot ni Tintin ang gunting na nasa itaas lamang ng lamesa at agad na tinanggal ang pagkakatali sa kaniya. At dahil madilim, hindi iyon gaano napapansin ng isang lalaking nagbabantay sa kaniya at nasilip din iyon sa bintana para tingnan kung may nakakahalata na.
Isang oras ang nakakalipas, halos lahat na ata ng gamit nila ay nalikom na ng mga magnanakaw. Ang tanging natitira na lamang ay mga damit at ibang kagamitang pangkusina nina Aling Pinay. Paalis na sana ang mga magnanakaw at nilagyan na sila ng piring sa mga mata. Nang biglang makarinig si Aling Pinay ng isang malakas na balagabag at mahinang tinig ni Tintin.
Lumakas lalo ang kabog ng dibdib ni Aling Pinay. Nang marinig ang makina ng sasakyan na hudyat ng pag-alis ng mga lalaking nanloob sa kanila, nilakasan niya ang kaniyang hiyaw hanggang sa marinig na nga siya ng mga kapitbahay.
Tulala ang ale matapos siyang mabigyan ng tulong unang-una ni Marie na malapit lamang sa kaniyang bahay. Sa mismong pagkakataon na iyon, ang tanging karamay niya ay si Marie na akap-akap siya. Humingi siya ng tawad sa lahat ng kaniyang ginawa at nangako sa sariling hinding hindi na gagawa ng kwento na nakasisira sa buhay ng ibang tao dahil pati buhay niya ay nakasalalay rin pala.

Napansin ni Mister na Madalas nang Magpaganda si Misis at Lagi Ring Umaalis; Saan Kaya Hahantong Ang Hinala Niyang Panloloko Nito sa Kaniya?
