
Napansin ni Mister na Madalas nang Magpaganda si Misis at Lagi Ring Umaalis; Saan Kaya Hahantong Ang Hinala Niyang Panloloko Nito sa Kaniya?
Tatlong taon na din ang nakakalipas mula nang ikasal sina Maya at Arvin. Inaalala pa ni Maya habang siya’y nakatingin sa malaking litrato nila na nakasabit sa may hagdanan ng kanilang bahay kung paano pa sila noong magkasintahan pa lamang sila. Napatingin na lamang siya sa kaniyang singsing na suot at bigla na lamang pumatak ang kaniyang luha.
Habang si Arvin naman ay nasa sasakyan na’t pauwi na sa bahay nila. Nakita niya ang misis na nasa sofa ng mga oras na iyon. Dumiretso siya sa may kusina upang uminom ng tubig, maghilamos at maghugas ng kamay. Pagkatapos ay lumapit na siya sa kaniyang misis at inakap ito nang mahigpit. Naamoy bigla ni Arvin ang pabango mula sa leeg ng asawa. Hindi niya iyon pinansin at niyaya na lamang niya kumain si Maya.
Kinabukasan, ang daming trabahong kailangang tapusin si Arvin ng mga panahong iyon. Mainit ang kaniyang ulo dahil nasinghalan na naman siya ng kaniyang boss. Nais sana niyang tumigil muna sa opisina ngunit hindi pumayag si Maya at pinagbigyan naman niya iyon. Nakasimangot na umuwi si Arvin ng araw na iyon.
“Oh, bakit nakasimangot ka?” marahang tanong ni Maya.
Subalit walang tugon doon si Arvin at patuloy pa rin ito sa pagsimangot pati na halos pagdadabog nito sa kaniyang mga hinahawakan. Dumiretso ito ng kusina nang hindi man lang pinapansin ang asawa. Inangat nito ang takip ng mga ulam at kanin at doon na nga ito tuluyang nang bulyaw kay Maya.
“Bakit ito na naman ulam?” simangot na tanong ni Arvin kay Maya.
“Ha? Eh ‘di ba paborito mo yang kare-kare? Bumili ako kina Aling Violy tas ininit ko na lang para masarap pa rin pag-uwi mo,” nakangiting tugon naman ni Maya.
“Tss. Wala na ba tayong pera? Nagtatrabaho naman ako para may pang kain tayo ha? Bakit lagi ka na lang bumibili sa karenderya? Di mo ba kayang magluto? Wala ka namang ginagawa dito ah…” pagrereklamo ni Arvin sa asawa. Subalit hindi na lamang umimik si Maya at inintindi na lamang nab aka may pinagdadaanan ang mister.
Lumipas ang gabi na iyon na halos walang pansinan ang mag-asawa. Mas maagang umalis ng bahay si Arvin kaysa sa kaniyang normal na alis. Nagising na lamang si Maya at napangiti nang makita ang sulat na nakapaskil sa kanilang ref.
“Sorry kagabi, mahal ko. Babawi ako mamaya, promise… I love you!” mga salitang nagbigay ng saya sa malungkot na puso ni Maya. Pinaghandaan ni Maya ang pag-uwi ng asawa. Nagluto siya ng sinigang at nag-ayos ng sarili. Gumamit din siyang muli ng pabango at naglagay ng postura sa kaniyang mukha.
Habang inaantay si Arvin, hindi na niya namalayan ang oras. Nagising na lamang si Maya na pasikat na ang araw. Pagkita niya, kupas na ang make-up niya at nakita niyang naliligo na si Arvin para pumasok sa trabaho. Muli na naman siyang nabigo dahil umasa siyang masaya ang gabi nila ngunit hindi na pala siya ginising ng asawa.
“Alis na ako, mahal. Hindi na kita ginising eh mahimbing na ata ang tulog mo kagabi,” nagmamadaling sabi nito at hinalikan sa pisngi si Maya at saka tuluyan ng umalis.
Sa gitna ng paglalakad ni Arvin papunta sa sakayan, nadinig niya ang usapan sa kasunod lamang na bahay nila.
“Araw-araw ang alis niyan. Nakaayos ng damit at naka-postura pa!” wika ng isang ginang na biglang napatahimik ng mapansin ang presensiya ni Arvin.
Naalala ni Arvin ang mga gabing umuuwi siya na nakapostura ang asawa ganoon din ang pabango nito na parang nakakaakit. Nagsimula nang manghinala si Arvin kay Maya. Hindi siya maka-pokus sa kaniyang trabaho ng araw na iyon. Maikli lamang ang pasensiya ni Arvin at dahil hindi na niya matagalan ang mga umiikot sa kaniyang utak, mabilis niyang inayos ang mga gamit at kahit hindi pa uwian, umalis na siya kaagad ng opisina. Tutal ay hindi rin naman siya makapagtrabaho dahil iniisip niya kung sino ang kinikitang lalaki ng kaniyang asawa.
Pagkarating sa tapat ng kanilang bahay, kita niya ang asawang nakapostura’t maganda ang ayos na palabas ng kanilang bahay. Hindi naman siya makapaniwalang magagawa siyang lokohin ng napakabait na si Maya. Hinayaan lamang ni Arvin umalis ang asawa’t agad niya itong sinundan sa pupuntahan nito.
Nanlaki ang mga mata’t nag-init ang ulo niya ng pumasok si Maya sa isang kainan at umupo sa lamesa kung saan naroon ang isang lalaki. Hindi na siya nagpatumpik tumpika pa at marahas na pumasok sa restaurant na iyon at hinila ang asawa palabas ng kainan na ikinaglat pareho ng lalaki at ni Maya.
“Ano ‘yon, Maya? Niloloko mo ako? Bakit? Hindi ka na ba masaya sa akin? Anong klaseng asawa ka, ha?” Tuloy tuloy na bulyaw ni Arvin kay Maya sa may garahe ng restaurant. Maya-maya lamang ay sinundan sila ng lalaking kinita ni Maya.
“Excuse me, are you Mr. Castillo?” mahinang tanong nito kay Arvin.
“Yes! At ito ang asawa ko. Inuulit ko, asawa ko!” muling bulyaw ni Arvin sa lalaking naroon.
“Sa tingin ko po ay hindi niyo naiintindihan. Ito po ang aking calling card, ako po ay isang doktor, isang psychiatrist. Nagkakaroon po kami ng regular counseling ni Ms. Maya due to her depression. Siya po ay pasyente ko, Sir. Tingin ko po kailangan niyo munang mag-usap na mag-asawa,” paliwanag ng lalaki na isa palang doktor sa pag-iisip.
Nanlumo naman si Arvin ng marinig iyon at nang makita ang mukha ng asawang puno ng luha sa kaniyang mukha, naawa siya’t naluha habang humihingi ng tawad sa asawa. Hindi siya makapaniwalang nade-depress na pala si Maya dahil sa labis na pangungulila. Nang makarating sila sa bahay, nag-usap ng masinsinan ang mag-asawa. Muli nilang inalala ang kanilang pangako sa isa’t isa na walang itatagong problema sa isa’t isa, na habang buhay ay magkasama nilang haharapin ang mga ito at araw-araw ay magpapatawad, mag-uunawaan, at magiging masaya kahit pa sila lang dalawa hanggang tumanda sila.

Akala ng Mag-asawa, Imaginary Friend Lamang ang Naririnig na Kalaro ng Anak; ‘Di Sila Makapaniwala nang Matuklasan ang Katotohanan sa Likod ng ‘Di Nakikitang Kalaro
