Akala ng Mag-asawa, Imaginary Friend Lamang ang Naririnig na Kalaro ng Anak; ‘Di Sila Makapaniwala nang Matuklasan ang Katotohanan sa Likod ng ‘Di Nakikitang Kalaro

Masayang lumipat ang pamilya Sanchez sa bagong biling bahay. Naitayo na ito nang mabili nila ang kanilang ‘Dream house’ na laging sinasambit ng asawang lalaki. Masayang-masaya ang pamilya dahil nag bunga na ang pinaghirapan nilang mag-asawa. 

Kaya naman pag minsa’y minamasdan ito ng babae ay wala na siyang masasabi pa kung hindi ‘wala na akong mahihiling pa’ sabay tingin naman sa kaniyang mag ama na masayang naglalaro sa kanilang hardin.

Isang gabi ay nakarinig ng katok ang mag asawa. Nabungaran naman ng dalawa ang umiiyak nilang anak.

“Rico, anak, why are you crying, baby ha?” nag-aalalang tanong ni Mrs. Sanchez. Pinapasok ng mag-asawa ang kanilang anak sa kanilang silid at pinaupo sa kanilang kama.

“Mommy, there’s a ghost in my room! I don’t want to go back!” Iyak ng bata sa kaniyang ina habang nakayakap. 

“No, honey, it’s just a bad dream. Hindi totoo ang mga multo ha? Gusto mo ba ipagpagawa kita ng warm milk kay yaya?” pagpapatahan ng ina sa kaniyang anak. 

“Y-Yes please…” sagot naman ng bata habang nagpupunas ng luha. 

“Okay, stay there with daddy ha? Dito ka na lang muna mag sleep,” wika ng ina habang tumatayo upang lumabas para sabihan ang kanilang kasambahay.

Advertisement

Kinaumagahan ay maagang gumising ang mag asawa upang mag umagahan. Naiwan naman ang kanilang unico hijo sa higaan na natutulog ng mahimbing. Sabay na umupo ang mag asawa at agad naman silang binati at hinainan ng pagkain ng kanilang kasambahay.

“Ano sa tingin mo ang nangyari kagabi? Mukhang takot na takot si rico,” tanong ni Mr. Sanchez. 

“Hindi ko rin masabi. Alam mo naman ang mga bata, malilikot ang imahinasyon,” sagot naman ng asawa habang kumakain.

Mabilis na lumipas ang maghapon at oras na muli para matulog.

Naisipan ni Mrs. Sanchez na daanan muna ang kaniyang anak upang tingnan kung ayos lamang ba ito bago matulog. Nang malapit na sa pintuan ang babae ay nakarinig ito ng mga munting hagikgik mula sa bata.

Nagtaka naman ang ina dahil wala naman itong kasama sa kwarto kaya bakit ito tatawa nang mag-isa?

Nagmadaling buksan ng babae ang pinto. Nang pagmasdan niya ang kwarto ay nakahiga na ang bata at mahimbing na natutulog. Naisip ni Mrs. Sanchez na baka guni-guni lamang niya ito gawa ng pagod siya sa trabaho buong araw.

Ilang araw ang makalipas, ganoon pa rin ang kinikilos ng bata, kapansin-pansin din ang eyebags nito at halos hindi na rin kumakain. Ikinabahala naman ito ng mag-asawa kaya naman naisip nila na kausapin ito.

Advertisement

Kumatok si Mr. Sanchez sa kwarto ng kaniyang anak at nabungaran niyang naglalaro si Rico. Masayang-masaya ito at tumatawa habang nag lalaro ng paborito niyang laruang sasakyan.

“Rico, pwede ka ba makausap ni daddy?” sambit ng ama habang umuupo sa harap ng kanyang anak at sinamahan ito mag laro. Humahanap pa muna siya ng buwelo para makausap ang bata.

“Anak, okay ka lang ba? Nag-aalala kami ni mommy mo sa’yo e,” mahinahong tanong ng ama kay Rico. Tumingin naman ang bata na nagtataka sa tanong ng kaniyang ama. 

“Yes daddy, I’m fine. Super happy po ako kasi I get to play with my friend everyday”, sagot ng anak, kitang-kita ang kinang sa mata ng bata na ikinagalak ng kaniyang ama. 

Ngunit nagtaka ang ama sa sagot ng bata. “Friend? Sinong friend, Rico?” tanong nito na may pangamba, dahil wala pa silang natatanggap na bisita simula ng lumipat sila sa kanilang bagong tahanan.

“Friend ko po, lagi ko nga po siya kalaro, sobrang bait niya po Daddy, lagi niya po ako tinatabihan before ako matulog. Poprotektahan daw niya po ako sa monsters para makatulog ako nang maayos,” saad ng bata habang pinapakita ang iginuhit niyang dalawang tao na magkahawak ang kamay. 

Lumabas si Mr. Sanchez hawak ang papel na ibinigay ni Rico. Batid pa rin sa mukha ng lalaki ang pagkalito sa mga nangyayari kaya agad naman na pumasok ito sa silid nilang mag asawa. 

Naikwento ng lalaki ang mga naging usapan nila ni Rico at nabakas din ang pagkalito sa mukha ng kaniyang asawa. Isinawalang bahala naman ito ng babae at sinabi na lang na baka ito raw ay imaginary friend ng bata dahil wala itong nakakalaro doon sa bahay.

Advertisement

Sa pag-iisip na wala namang ginagawang masama ang imaginary friend ng bata ay pinabayaan na lamang ito ng mag-asawa.

Hanggang isang gabi ay nakarinig na lamang ang dalawa ng matinis na sigaw galing sa kwarto ng kanilang anak. Agad namang napabangon ang mag-asawa at dali-daling tumakbo papunta roon.

Pagkabukas ng pinto ay halos mawalan ng malay si Mrs. Sanchez sa kaniyang nasaksihan. Nakahawak sa leeg ang batang si Rico at puti na ang mga mata. 

Kitang-kita sa balat nito na para bang may nag-aangat sa bata habang nakasakal. Nung lumapit naman si Mr. Sanchez ay bigla na lamang bumagsak ang bata sa kaniyang kama at umubo ng malakas.

Agad na nilapitan ng mag-asawa ang kanilang anak at dali-daling inilabas ito sa kwarto. Pinatawag ang punong kasambahay sa kanila upang ikwento ang nangyari at para na rin humingi ng tulong.

Nagpresinta naman ang kasambahay na tawagan ang kaniyang Lolo na mangagamot upang subukang paalisin ang espiritu na gumagambala sa kanila. May pagdududa man ay hindi na nag dalawang-isip pa ang mag-asawa at sinabihan ang kasambahay na papuntahin ito ng maaga kinabukasan.

Pagsapit ng bukang liwayway ay dumating na ang manggagamot. Agad naman itong pinapasok sa bahay at tiningnan ang bata. Bakas sa mukha ng matanda ang awa dahil sa marahas na sinapit ng bata. Hindi na ito nag-aksaya ng oras at agad naman nitong itinanong kung nasaan ang kwarto na siya namang agad nilang tinuro. 

Habang naglalakad ay napansin ng mag-asawa na bumubulong itong matanda na para bang may kinakausap. Hindi naman maintindihan ng mag-asawa ang sinasabi nito dahil halos hindi marining ang mga salitang lumalabas sa bibig nito.

Advertisement

Nang makarating na sila sa pinto ay sinabi ng matanda na “Huwag kang mag alala, protektahan mo na lamang sila,” ika ng matanda na ipinagtaka ng mag-asawa. 

Nakaramdam naman ng kakaibang kilabot ang mag-asawa na para bang may nakayakap sa kanila. Takot man ay pinilit nila ang kanilang sarili na huwag ito pansinin.

Sinimulan na ng matanda ang ritwal. Nakabukas lamang ang pinto at nasa labas lamang ang mag-asawa at tinitignan ang ginagawa ng matandang manggagamot. Hindi nagtagal ay unti-unting bumigat ang pakiramdam ng bahay. Kakaibang lamig ang naramdaman nila na hindi maipapaliwanag ng normal na tao lamang. 

Tumagal ng isang oras ang ritwal na ginawa ng matanda. Sa loob ng isang oras ay doon nakita ng mag-asawa kung paano umangat ang gamit at tumapon kung saan saan, nakarinig rin sila ng mga mala-demonyong tawa at sigaw na parang pinagsama-samang mga halimaw. 

Nang lumabas na ang matanda ay sinabi nitong “Maraming masasamang elementong nakatira sa kwartong ito na nais saktan ang anak ninyo. Maswerte kayo at may nagbabantay sa anak ninyo, hindi ito makatawid sa kabila dahil sobra ang pag-aalala nito sa kaniya.

Pero wala na sila ngayon. Hindi na nila magagawang saktan ang bata. Buti na lang talaga, mayroong nagbabantay sa kanya,” sabi ng matanda.

“Tatang, hindi po namin maintindihan, sino ho ba ang tinutukoy ninyo?” tanong ni Mrs. Sanchez.

“Halikayo at ipapakilala ko sa inyo,” wika ng matanda habang nagtutungo ito papunta sa batang si Rico.

Advertisement

Umupo silang lahat sa sala at agad na sinimulan ang pagpapakilala sa espiritu na tumutulong sa kanila noon pa.

“Rico, kilala mo ba itong lalaki sa tabi ko?” Tanong ng matanda. 

“Opo, friend ko po siya. Sinasamahan niya po ako everytime,” masayang sagot ng bata, habang nakatingin ito sa tab ing matanda. Agad na namuo ang luha sa mata ng bata at umiyak ito bigla. Tinanong ng kaniyang magulang kung anong problema. 

“Bakit ka aalis? ‘Wag ka po umalis, please? Wala na ako kasama pag may monsters ulit. Wag ka po umalis..” iyak ng bata na natangin sa kawalan. 

Matapos ang pag-iyak ng bata ay nagpasya nang umalis ang matanda. Bago umalis ay sinabi nitong tawagan daw ang kanilang kamag-anak na naiwan sa probinsiya bago sila lumipat sa bagong bahay nila. Agad namang pumayag ang mag-asawa sa ibinilin ng matanda.

Tumawag ang mag-asawa sa kanilang kamag-anak sa probinsiya.

“Auntie Marie, kumusta na po kayo d’yan? Pasensya na po at hindi kami nakatawag dahil nagpalit rin ho kami ng numero kaya hindi rin kami nakatawag agad,” bati ni Mrs. Sanchez sa kaniyang Auntie Marie.

“Mabuti naman at napatawag kayo, ayos lamang kami dito. Nabalitaan niyo na ba ang nangyari?” Malungkot na sagot ng matandang babae. 

Advertisement

“A-ano po ang nangyari diyan?” Tanong ni Mrs. Sanchez sa matanda.

“Noong umalis kasi kayo, ang pinsan mong si Richie ay inatake sa puso. Miss na miss na niya ‘yang pamangkin niya. Hindi ba’t lagi nga niya binabantayan si Rico nung batang-bata pa siya? Hay… kawawa na talaga ‘yang si Richie,” mahabang lintaya ni Auntie Marie.

Matapos ang pag uusap ng dalawa ay gulat na gulat pa rin si Mrs. Sanchez sa balitang nakuha niya. Matapos nito ay nagpasya silang umuwi na mag-anak sa probinsya upang bisitahin ang puntod ng kaniyang pinsan.

Doon nila napagtanto ang tinatawag nilang imaginary friend ng bata. Ang tito pala nito ang nagsisilbing bantay nito laban sa ibang masasamang elementong nakapalibot sa bahay.

“Maraming salamat… kahit na wala ka na ay hindi pa rin nawawala ang pagmamahal mo kay Rico.. lagi kitang ipapaalala sa kaniya, ikukwento ko ang lahat ng kabutihan mo sa amin at sa aming pamilya, Richie. Mahal ka namin…” wika ni Mrs. Sanchez sa puntod ni ng pinsan habang inaayos ang bulaklak at sinisindihan ang kandila. 

Namaalam man ang katawang lupa ni Richie ay hindi naman nawala ang pagmamahal niya sa kaniyang pamangkin na si Rico, Ang pagmamahal pa rin ang pinakamalakas na pwersa sa mundong ibabaw, na kayang magsakripisyo para sa mga taong mahal natin.

“Bye bye friend… “ nakangiting wika ni Rico habang kumakaway sa hindi kalayuan.

Ito na rin ang huling beses na narinig nila ang tungkol sa imaginary friend ni Rico. Marahil ay nais lamang talagang mamaalam ni Richie sa mahal na pamangkin bago tuluyan lumisan sa mundong ibabaw.