Sinaktan ng Dalaga ang Asong Kalye na Tumangay ng Dala Niyang Pagkain; Himalang Ito Pa Pala ang Magliligtas ng Buhay Niya

Nagtratrabaho si Joan bilang nars sa isang pampublikong ospital. Madalas, ginagabi na siya ng uwi lalo na kapag maraming pasyente ang isinusugod. Pero kailangan niyang panindigan ang propesyong sinumpaan.

Minsan, nakakaramdam ng takot si Joan sa tuwing umuuwi ng dis oras ng gabi. Madilim na eskinita kasi ang kaniyang binabaybay at hindi rin naman lingid sa kaniyang isipan na marami sa nakatira doon ay ad*ik. 

Isang gabi, umuwi ang dalaga na pagod na pagod galing trabaho. Kumakalam na ang kaniyang sikmura kaya’t bumili muna siya ng burger at soft drink habang nasa daan. 

“Mamaya ko na lang siguro ito kakainin, kapag malapit na ako sa’min,” mahinang bulong ng dalaga.

Ipinasok niya sa plastic bag ang pagkain at saka naglakad pauwi.

Nang matanaw ang madilim na eskinita, napalunok ang dalaga at nakaramdam ng kaba. Lakas loob na lamang niyang sinuong ito.

Upang mapawi ang takot, napagpasyahan niyang kumain na lamang habang naglalakad. Akmang kukunin na sana niya ang pagkain nang makarinig siya ng kaluskos.

Lumakas ang tibok ng puso niya, ngunit kailangan niyang maglakas-loob ba magpatuloy.

Advertisement

Ilang hakbang pa ang may kung anong sumunggab sa hawak niya. Napatili ng malakas ang dalaga dahil sa labis na takot.

Isang asong kalye lamang pala. Tinangay nito at kinain ang dala-dala niyang hapunan sana.

“Lintik na aso naman ‘to o!” galit na sabi ni Joan. “May araw ka rin sa’kin!”

Kinabukasan, nagmamadaling pumasok ang dalaga sa kaniyang trabaho. Habang naglalakad muli sa eskinita, napansin niya ang asong kamukha-kamukha ng kumuha ng kaniyang pagkain kagabi. 

Pumulot siya ng isang malaking bato at saka inihagis. Napaiyak naman ang aso nang tamaan ito.

“Buti nga sa’yo nang magtanda ka!” inis na sigaw ng dalaga.

Ngingiti-ngiti pa si Joan nang makaganti sa asong kalye. Ngunit, nakaramdam din din siya ng matinding konsensya nang maalala ang payat na payat na katawan nito.

Kinagabihan, bumili muli siya ng burger at maiinom. Sa pagkakataong iyon, dalawang pagkain na ang binili niya.

Advertisement

Sa may madilim na eskinita, hinanap niya ang kawawang aso.

“Chu chu!” nakakatawang pagtawag ng babae.

Maya-maya lamang ay lumabas na ang aso. Nakayuko ito at tila ba natatakot sa dalaga.

Umupo si Joan at saka ngumiti.

“Eto o… pasenisya ka na, binato kita kanina,” usal ng dalaga na akala mo ba’y naiintindihan siya ng hayop. 

Gumalaw-galaw ang buntot ng aso at saka kinain ang burger na dala ng babae. Napansin ng dalaga na may mga tuta rin kung saan ito nagkukubli. Inahin pala ito kaya ganoon na lamang ang gutom ng asong kalye.

Tuwing umaga, dinadalhan ni Joan ng pagkain ang aso at gayon din naman sa tuwing uuwi siya. Hindi niya alam, pero para bang napakagaan ng loob niya sa aso.

Ang nakakatuwa pa, tuwing umaga’y hinahatid ng aso si Joan hanggang sa makasakay ito ng jeep, at sa gabi’y kasa-kasama niya ito sa madilim na eskinita. Kaya’t kahit papaano’y napapawi ang takot ng babae.

Advertisement

Isang nakakapagod na maghapon ang lumipas. Madami ang pasyente at kinailangan ni Joan na muling mag overtime. Hating gabi na nang siya’y makalabas mula sa trabaho.

Tahimik ang paligid at basa ang kalsada noon. Kakatapos lamang ng isang malakas na ulan. Napapa-aray na lamang ang dalaga sa sobrang sakit ng mga binti at balakang.

Umihip ang malakas hangin. Tila ba may kakaiba sa eskinitang kaniyang dinadaanan. Walang sindi ang ilaw ng poste at para bang may kung ano siyang nararamdaman. 

“Kaya ko ‘to…” pagkumbinsi ni Joan sa sarili. Pagod na pagod na siya at kailangan na rin niyang magpahinga.

Nilakad na ang madilim na eskinita at lakas-loob na sinuong ito. Pagpasok niya roo’y tila ba may mga matang nakamasid sa kaniya. Kasunod nito ang isang malakas na kaluskos. 

Napansin niya may taong nakasunod sa likuran niya. Palakas ng palakas ang mga yabag nito, dahilan para siya’y mapasigaw at mapatakbo rin. Ngunit bago pa man siya tuluyang makatakbo, nahila ng di kilalang lalaki ang kaniyang buhok. 

“Wag kang sisigaw kung hindi, lalaslasin ko ‘yang leeg mo!” saad ng lalaki habang may nakatutok na patalim sa leeg ng dalaga.

“M-maawa na po kayo… wag n’yo po akong sasaktan,” pagmamakaawa ni Joan.

Advertisement

“Kaya nga ‘wag kang sisigaw e! ‘Wag mo na rin subukang pumiglas dahil makikita nilang nakalutang ‘yang katawan mo sa sapa!” pananakot pa ng lalaki. 

“Kunin niyo na po lahat ng pera at gamit ko. Pauwiin niyo lang po akong buhay!” naiiyak na sabi ng dalaga.

“Hindi naman gamit o pera mo ang gusto ko. Ikaw mismo! Tagal ko rin inintay nitong pagkakataon na ‘to! Sa wakas makukuha ko na rin ang katawan mo!”

Napaluha si Joan dahil hindi niya magawang makalaban man lang. Medyo madiin na rin ang tusok ng patalim sa kaniyang leeg. 

Hinila siya ng lalaki sa isang madilim na sulok at doon sinimulang haplusin ang iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan. 

“P-parang awa n-niyo na po…” lumuluhang saad ng babae.

“Saglit lang ‘to. Kay tagal na kitang pinagnanasahan kung alam mo lang. Sa wakas ay natupad na rin ang nais ko,” nakakatakot na tawa pa ng masamang lalaki.

Akala ni Joan ay iyon na ang katapusan ng lahat sa kaniya. Hindi inaasahang napasigaw naman ang lalaki. 

Advertisement

“Argh!” sigaw ng lalaki. “Ano ‘yon?!” napatigil naman ito sa ginagawa.

Napalingon si Joan ang nakita ang galit na galit na aso… ang asong kaniyang pinapakain palagi. 

Sinakmal ng aso ang mukha ng lalaki at saka paulit-ulit itong sinugod at kinagat. Nabitawan ng lalaki ang patalim kaya’t nagawa ni Joan na pumiglas at sipain ito.

Nang makatayo si Joan ay agad siyang sumigaw ng napakalakas.

“Tulong! Mga kapitbahay, tulungan niyo ako!” tili ng dalaga. “Saklolo!!!”

Maya-maya’y nagsibukasan na ang ilaw at naglabasan ang mga tao. Mabilis naman rumisponde ang ilang mababait na kapitbahay.

Nakita nilang sinasakmal ng aso ang isang lalaki kaya’t kinuyog nila ito at saka binugbog. Nang dumating ang mga pulis, napag-alamang si Berting na kanilang kapitbahay pala ang nagtangkang manghalay sa dalaga.

“Diyos ko…” naiyak si Joan nang makita nakahiga ang aso na tumulong sa kaniya at tadtad ng sugat. 

Advertisement

Kahit na pagod ay sumakay siya sa tricycle upang dahil sa kakilalang doktor ng mga hayop. Doon agad na binigyang lunas ang aso. Kritikal ito dahil sa sugat na tinamo pero nagawa naman itong iligtas.

Nang ikwento ni Joan ang nangyari ay labis na namangha ang mga kaibigan at kapitbahay sa kabayanihang ginawa ng asong kalye.

Nang gumaling na’y kinupkop si Joan ang aso pati na ang dalawang anak nito at doon binigyan ng pag-aalaga at pagmamahal sa kanilang bahay.

Tunay na mapagmahal rin ang aso dahil inihahatid nito si Joan sa sakayan sa umaga at siya rin naman nag-iintay sa bababaan ng dalaga tuwing uuwi ng gabi.

Talagang ‘safe na safe’ ang pakiramdam ng dalaga dahil gwardiyado siya ng alagang aso. Minahal niya ito ng sobra at tinuring bilang isa na ring miyembro ng kanilang pamilya.

Sino nga namang mag-aakala na ang isang pagala-galang asong kalye ay magiging bayani at magliligtas ng nanganganib na buhay?

Gaya natin mga tao, ang mga hayop rin ay may pakiramdam at marunong magmahal. Nawa’y suklian din natin ng pag-aalaga at pag-aaruga ang katapatang kanilang ibinibigay sa atin.