
Lugmok na Lugmok ang Babae nang Matanggal sa Trabaho Dahil sa Pandemya; Halagang Isang Libong Piso Pala ang Babago ng Buhay Niya
Isa si Julie sa higit na naapektuhan ng lumaganap na pandemya. Nagtratrabaho siya bilang isang secretary sa isang maliit na kompanya.
Unang linggo ng Marso noon nang mapabalita na mayroong unang kaso sa kanilang bayan. Dahil sa pangamba, kinansela niya ang lahat ng plano at lakad noong linggong iyon sa pag-aakalang hindi naman kakalat ng sobra ang pandemya. Hanggang sa magdeklara na ng community quarantine ang presidente.
Noong unang dalawang linggo ay hindi pa naman gaanong nababahala si Julie. Nakayanan naman niya ang pamamalagi lamang sa bahay, pero paminsan-minsan ay hindi niya maiwasan ang labis na pag-iisip at pangangamba para sa kaligtasan niya at ng mga mahal sa buhay.
Lumipas pa ang mga linggo hanggang sa maging dalawang buwan, hindi na nakayanan ng kompanyang pinagtratrabahuhan ang paswelduhin ang lahat ng empleyado. Kaya’t masakit man pero kailangan tanggapin ni Julie na isa siya sa mga natanggal.
“Diyos ko po… paano na ang pagkain namin? Paano na ang panggamot ng nanay at tatay ko?” nababahalang tanong ng babae.
Nasa malalayong probinsiya na kasi ang kaniyang mga kapatid at mayroon nang sari-sariling mga pamilya. Tanging siya lamang ang naiwan upang tumingin-tingin sa mga senior citizen nang mga magulang.
Humaba nang humaba pa ang quarantine pero ang gastusin at tuloy-tuloy pa rin. Hindi rin naman sasapat ang ayudang natatanggap mula sa gobyerno kaya’t paano niya mapagkakasya lahat ng ito?
“Aba, mukhang mas patok sa mga tao ang online selling ah?” nakangiting sabi ni Julie habang tumitingin-tingin sa kaniyang Facebook.
Tunay ngang mas tinatangkilik ng mga tao ang pagbili online dahil hindi magawang mga lumabas. Kaya’t isang ideya ang kaniyang naisip. Magbebenta rin siya!
Sinubukan niyang magbenta ng mga face mask na inangkat mula sa isang suplayer. Aaminin niya, kumita nga siya noong una, subalit dumami rin ang nagbenta kaya’t pababaan ng presyo ang naging labanan.
Sumubok siya na magbenta naman ng mga hand spray at sanitizers, at nagkaroon ng saraduhan ng usapan sa isang online supplier.
“After 3 days po, maipapadala na namin ang inyong mga orders. ‘Wag po kayong mag-alala, madali po ibenta ang mga alcohol at hand sanitizers na ito,” saad ng suplayer.
“Sige po, iintayin ko na lamang,” masayang tugon naman ni Julie habang nakasalpak ang tenga sa telepono.
Lumipas ang tatlo, apat, limang araw hanggang sa halos mag dalawang linggo, ngunit walang orders na dumating sa kaniya. Pahiyang-pahiya si Julie sa mga kostumer na um-order sa kaniya.
Sumubok naman ulit siya ng isang beses pa sa online selling. Nauuso na ang face shield at marami-rami na rin ang tumatangkilik rito. Kaya’t nang makahanap ng posibleng suplayer ay agad siyang sumugal.
“Ma’am, nagre-require po kasi kami ng 50% na down payment para sa orders, free shipping na rin po kung maramihan,” saad ng lalaki na kausap.
Nagpadala naman ang lalaki mula sa facebook ng mga litrato ng certificates at mga produkto upang ipakitang totoo silang supplier.
“Sige po, sir. Ipapadala ko po kaagad ang down payment,” galak na galak na sabi ng babae.
Lumabas si Julie at mabilis na nagpadala ng pera gamit ang isang online money transfer gamit ang isang cellphone application. Limang libong piso kaagad ang kaniyang inilabas.
“Siguro naman ay kikita na ako ng malaki rito. Makakaraos na rin kami sa mga gastusin kahit papaano,” purisigidong bulong ng babae sa sarili.
Ngunit ang negosyo sanang tutulong sa mga gastusin ay naging isang malaking bangungot. Laking gulat ni Julie nang buksan ang facebook para sana kumpirmahin ang mga orders, dahil naka-deactivate na ang account na magsu-supply sana ng mga face shields.
“Diyos ko po. Ano ba ito? Paano na ito?” maluha-luhang tanong ni Julie.
Lahat at ginawa na niya, ngunit natangay na ang perang inipit-ipit at kaniyang iningatan.
Hunyo na at tanging isang libong piso na lamang ang laman ng kaniyang pitaka. Manigas man siya at mamuti ang mata sa gutom ay hindi pa rin uusad ang pagdami at pagdating ng mga bayarin.
Kaya’t nagkukumahog siyang mag-ayos ng resumé at ipinadala sa mga kompanya na pwedeng pasukan. Pero sa kasamaang palad, wala sa mga iyon ang tumanggap sa kaniya.
May gamot na kailangan bilhin ang kaniyang ama’t ina para sa maintenance, may bills na rin ang kuryente, tubig, internet at kung anu-ano pa. Wala na rin silang pangkain para sa mga susunod na linggo. Hindi na rin nabalik sa kaniya ang perang na-scam ng pekeng supplier.
Doon, napaluha ang babae. Parang sasabog ang kaniyang dibdib sa dami ng problema at sama ng loob. Dumating siya sa sitwasyong kinuwestiyon na niya ang Diyos.
“Lord, bakit? Bakit ganito ang nangyayari? Hindi naman ako madamot. Hindi rin naman ako masamang tao. Pero bakit grabeng kamalasan at paghihirap naman ‘tong dinaranas ko?!” iyak ng babae.
Palpak, walang silbi, inutil, at wala nang patutunguhan pa, ‘yan ang tingin ni Julie sa kaniyang sarili. Hanggang sa isang umaga nakaramdam siya ng pagkamanhid ng mukha, panginginig at mabilis na tibok ng puso. Hindi niya alam kung aatakehin ba siya o mawawala sa sarili. Labis na takot ang kaniyang nadarama.
“Panginoon, ano na naman ba ito?” naiiyak na tanong ng babae.
Ipinikit ni Julie ang kaniyang mga mata at pinagdikit ang mga kamay, sa pagkakataong iyon, ibinigay na niya ang lahat sa Diyos at nagdasal.
Nagkaroon agad ng tugon ang Diyos sa kaniya. Lumiwanag ang kaniyang isipan at isang malaking reyalisasyon ang naganap sa kaniya.
Ang labis na pagkabahala o ‘anxiety’ ay siya nang nadarama ng buo niyang katawan. Yung labis na sama ng loob, kawalang pag-asa, sobrang pag-aalala, tampo at galit sa Panginoon ay siyang naging resulta ng kaniyang anxiety attacks.
Binuksan ni Julie ang kaniyang mata at biglang nakita sa telebisyon ang salita mula sa bibliya na siyang nagpaalala sa kaniya na hindi siya pinababayaan ng Diyos, “Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan; sino pa ba ang aking katatakutan? Si Yahweh ang muog ng aking buhay, sino pa ba ang aking kasisindakan?” – Mga Awit 27:1
Doon, nagsimula siyang magpasalamat. Iyon pala ang kaniyang nakalimutan, nakalimutan niyang pasalamatan ang Diyos. Kahit na hindi maganda ang mga nangyayari, nakalimutan niyang tumawag at magpasalamat.
Alam niyang magulo at mahirap intindihin kung bakit kailangan magpasalamat sa mga hindi magagandang nangyayari sa buhay, pero kailangan pa rin natin minsan hanapin sa mga puso natin ang rason upang magpasalamat sa mga bagay-bagay. Buhay siya at walang sakit na iniinda, kaya’t ipinagpasalamat niya ito. Kahit na pala dumaranas siya ng malaking pagsubok, ang magkaroon ng buhay ay isang malaking biyaya pa rin pala.
Sa huling pagkakataon, sinubukan niyang sumubok pa sa pagbebenta online. Gamit ang huling isang libo sa pitaka, bumili siya ng mga kailangan sa kusina at sinumulang magluto. Noong una’y mga meryenda lamang ang tinitinda niya hanggang sa dumami ang tumangkilik. Kaya ngayon pati na mga ulam at ibang pagkain ay naibebenta na.
Ang puhunang isang libo ay naging limang libo at lumago pa sa sampu at ngayo’y tuloy-tuloy pa rin sa paglago. Ilang beses siyang siniraan ng mga kakilala at kinalaban, pero grabe ang suporta ng mga tao sa masasarap niyang tinda.
Sobrang nagbago ang pananaw ni Julie sa buhay at mas naging mapagpasalamat siya. Ngayon, mas pinili niyang umintindi, manampalataya, magparaya at magmahal. Natutunan niyang magpatawad at magpasalamat kaysa magpalamon sa kabiguan at kalungkutan sa buhay.
Oo, wala nga siyang trabaho ngayon, pero grabeng pagpapasalamat niya sa Diyos dahil sa bagong oportunidad na nagbukas sa kaniya upang makabangon pa rin sa kabila ng mga pagsubok na pinagdaanan.
Lahat tayo ay nasa gitna ng pandemyang kinakaharap. Walang kasiguraduhan at hindi natin alam kung anong mangyayari sa hinaharap. Pero pakatandaan na mas makapangyarihan ang Diyos at alam Niya ang mga kalagayan natin. Panatilihin lamang ang pananampalataya at pag-asa dahil sinabi Niya sa kaniyang salita: “Kasama natin Siya.”
Sana ang kwentong ito ni Julie ay magsilbing paalala sa bawat isa na ‘wag mawalan ng pag-asa at maging mapagpasalamat. Dahil kapag pinipinili nating manampalataya at magtiwala, nagbabago ang ating pananaw at mas naiintindihan natin ang bawat sitwasyon.