Inday TrendingInday Trending
Hindi Nalimutan ng Binata ang Aleng Naggamot ng Kaniyang mga Sugat Noong Siya’y Palaboy pa Lamang; Muling Magtatagpo ang Kanilang Landas sa ‘Di Inaasahang Pagkakataon

Hindi Nalimutan ng Binata ang Aleng Naggamot ng Kaniyang mga Sugat Noong Siya’y Palaboy pa Lamang; Muling Magtatagpo ang Kanilang Landas sa ‘Di Inaasahang Pagkakataon

“Empanada! Empanada kayo diyan!” ang tinig ng isang maliit na totoy ang maririnig sa isang barangay tuwing sasapit ang pagsikat ng araw. Maaga pa lamang ay abala na ang batang ito sa pagtitinda ng almusal sa umaga. Naglalako rin ng mga ulam sa tanghali pati na pang meryenda. Suot lamang ay kupas na sumbrelo, panyo sa balikat, at butas na tsinelas. Subalit marami namang bumibili sa kaniya dahil humahanga sa kaniya ang lahat, sa kaniyang kasipagan.

Katangi-tangi dito at hindi niya malilimutan, ang ale na laging nagpapaaraw sa tapat ng isang mansyon na kaniyang pinupuntahan. Unang araw pa lamang ng pagtatagpo nila, maraming tinapay na ang binili ng ale na ito para daw hindi na siya mahirapan. Nagkakilala ang dalawa’t masaya laging nagkukwentuhan. Wala kasing kinilalang ina si Ben kaya naman pakiramdam niya ay nakatagpo siya ng isang ina.

Sa tuwing umaga na lamang, habang sila’y nagkukwentuhan, ginagamot palagi ng ale ang kaniyang mga sugat. Noon kasi ay mga tape lang ang pinangtatakip ni Ben sa mga sugat na dulot kagat ng lamok. Simula nang mapansin iyon ng ale, lagi niya iyong ginagamot habang nakikipagtawanan kay Ben. Binigyan niya rin isang umaga si Ben ng tsinelas at panibagong sumbrelo at inuminan na magagmit ni Ben sa tuwing siya’y naglalako. Matirik kasi ang araw at sobrang init ng panahon.

Subalit isang umaga na lamang, hindi na nagpakita ang ale kay Ben. Araw-araw, bumabalik si Ben sa dating pwesto kung saan niya lagi nakikita ang ale. Sa tuwing may nakikita siyang tao doon, ay pinagtatanong niya kung nasaan ang bahay niyon. Isang pagkakamali para sa kaniya na hindi man lang niya naitanong ang pangalan nito.

Tulad ng isang anak na nawalan ng magulang, ganoon ang naramdaman ni Ben. Nawalan siya ng gana sa kaniyang paglalako subalit totoo nga sigurong nakakahilom ang panahon at oras. Dahil isang buwan lamang ang nakakalipas, bumalik na ulit ang lakas at ang ganadong si Ben sa paglalako ng kaniyang mga paninda.

Lumipas ang labing limang taon, ang dating patpatin na si Ben ngayon ay makisig, makinis, at matagumpay nang negosyante. Sa edad na dalawampu’t walong taon, matagumpay niyang naiahon ang pamilya sa hirap. Ilang taon lamang ang nakakaraan nang pumanaw na ang kaniyang ama. Wala naman siyang sisi doon dahil nakita niya kung gaano kasaya ang ama sa kaniyang narating.

Subalit walang araw ata na hindi nawala sa isip ni Ben ang ginang na gumagamot ng kaniyang sugat noon. Pinilit niyang hanapin iyon sa barangay kung saan siya naglalako noon subalit hindi niya iyon natagpuan dahil wala siyang ibang alam kundi ang mukha nito at ang malambing na tinig ng ginang. Araw-araw na lamang niya pinapanalangin na sana ay magkita silang muli at masuklian ang kabutihan ng puso nito.

Isang umaga, nakarinig ng masamang balita si Ben. Ang kaniyang kapatid daw na may sakit sa pag-iisip ay nasa ospital at nag-aagaw buhay. Kumabog ang kaniyang dibdib sa nabalitaan niya dahil iyon na lamang ang natitira niyang pamilya. Hindi siya nagsayang ng oras at agad siyang dumiretso doon.

“Anong nangyari? Bakit? Paano siya nakatalon mula sa rooftop?! Ano? Kaya ko nga kayo binabayaran ‘di ba? Napakawalang kwenta naman!” Pambubulyaw ni Ben sa mga tagapag-alaga ng kaniyang kapatid.

“Sir… Iyong bagong kuha kasi… Pareho po kaming nasa kusina kasi inaayos naming iyong kakainin niya sir tapos bigla na lang naming narinig na tumitili na siya…” mahinang paliwanag ng ale.

“So, paano nga? Sabihin niyo o lahat kayo ipapakulong ko! Alam niyong kayang-kaya kong gawin iyon!” galit na wika niya sa mga tagapag-alaga.

“Nagseselpon lang si Miya, sir… ‘Di niya binantayan, sir… Patawad, sir. Wala po talaga kaming kaalam-alam, sir,” takot na tugon ng isa.

Muli niyang sinilip ang kaawa-awang sitwasyon ng kaniyang kapatid at mabilis na umalis ng ospital. Iniutos niya ang lahat na huwag aalis ng bahay at nais niyang kausapin lalo na ang bagong kasambahay na si Miya- ang taong responsable sa pag-aagaw buhay ng kaniyang kapatid.

Maririnig ang pagtuktok ng kaniyang kamay sa lamesa habang hinihintay pumasok sa loob ng silid na iyon si Miya. Nang marinig na naroon na, isang dalagang inosente ang mukha ang kaniyang nakita. Subalit mas nanaig sa kaniyang puso ang galit sa taong iyon. Agad iyong lumuhod upang humingi ng tawad sa kaniyang pagiging iresponsable sa trabaho. Subalit… Isang malakas na sampal ang kaniyang natanggap mula kay Ben.

“Kahit anong gawin mo… kahit buong angkan mo pa ang lumuhod sa harapan ko, hinding-hindi kita papakawalan sa kasalanang ginawa mo sa akin at sa kapatid ko! Iyan ang tatandaan mo! Manalangin ka na sa kahit anong santo na hindi bawian ng buhay ang kapatid ko. Dahil sa oras na mangyari iyon, hindi lang ikaw, kundi pati mga kapatid at magulang mo, paparusahan ko!” pagbabanta ni Ben sa dalagang takot na takot at saka tuluyang umalis si Ben sa pamamahay na iyon. Iniutos niyang huwag hahayaang makalabas man lang si Miya hanggang hindi pa natatapos ang lahat.

Bawat araw, walang palyang nananalangin ang dalaga. Hindi naman niya sinasadya ang mga nangyari at kung maibabalik lamang niya ang panahon, hindi niya iyon hahayaang mangyari. Subalit tunay na naging malupit ang tadhana para sa kaniya dahil isang balita ang muling nagbalik ng takot sa kaniyang dibdib. Tuluyan ng pumanaw ang kapatid ni Ben isang gabi na siya’y nananalangin para sa buhay nito

Lugmok na lugmok si Ben. Puno ng galit at poot ang kaniyang nararamdaman. Para sa kaniya, wala nang kwenta ang lahat ng kaniyang yaman kung wala na ang kaniyang pamilya. Kung bakit ba naman daw kung kailan marami na siyang pera eh doon naman nawala ang lahat ng mahal niya sa buhay. Noong hikaos sila’t halos walang makain, kumpleto sila at magkakasama.

Lasing na umuwi ng bahay si Ben ng hapon na iyon matapos ang libing ng kaniyang kapatid. Hawak niya sa kaniyang dibdib ang litrato ng ama’t kapatid habang patuloy ang kaniyang paghihinagpis. Patuloy ang kaniyang tanong na bakit kailangang maging malupit ang tadhana sa kaniya. Subalit bigla na lamang niya nakita si Miya na pababa ng hagdan at lumabas ng pinto.

Agad niya itong sinundan habang may hawak siyang patalim sa kaniyang kamay. Ngunit isang ginang ang tumambad sa kaniyang harapan na labis na nagpaluha sa binatang si Ben. Lumuhod ang matandang ale habang patuloy na humihingi ng tawad sa nagawa ng kaniyang apo na si Miya.

Dahan-dahan siyang lumakad at itinayo ang matanda. Kulubot na ang mukha nito, puti na ang lahat ng buhok at wala nang ngipin.

“Ale… Mama… Nanay?” mahinang bulong ni Ben habang hinahawakan ang mukha ng matanda. At tuluyan na ngang bumuhos ang luha niya nang makilala ang ginang na kinilala niyang ina. Patuloy siya sa pag-akap at paghaplos sa matanda. Hanggang siya’y tuluyan nang nakatulog sa sobrang kalasingan.

Kinaumagahan, muli niyang naalala ang pagpanaw ng kaniyang kapatid subalit naalala niya rin ang mukha ng ginang na kaniyang nakita kahapon. Mabilis siyang tumayo at doon nakita sa may sala ang matanda na nakaupo sa may tapat ng bintana. Muling napuno ng luha ang mga mata ni Ben. Kasabay nito ay ang paglambot muli ng puso ni Ben at pagkakaroon ng pag-asang mamuhay muli kasama ang ale na tinuturing niyang ina. Pinatawad niya si Miya at nangakong ituturing na pamilya ito dahil sa matanda na nagngangalang Gina.

Advertisement