
Pinagplanuhan ng Tindero na Mawala sa Landas Nila ang Kapitan ng Kanilang Lugar; Pagsisisihan Niya Nang Malaman Niya ang Tunay Nitong Pagkatao
Nagkukumahog ang mga tao sa pagliligpit ng kanilang paninda sa bangketa sapagkat may nakapagtimbre sa kanila na malapit na raw ang mga tauhan ni Kap Dindo. Kilala kasi ang kapitan na notoryus sa pagpapatupad ng batas sa kaniyang nasasakupan. At ang sino mang lalabag ay papatawan ng kaukulang parusa. Walang nakaliligtas sa kaniya maging bata man o may edad na.
Marami ang nakaligtas sa operasyon na ito ni Kapitan. Ngunit may iilan ding hindi na nagawa pang maitakbo ang kanilang mga paninda at naabutan na ng mga kinauukulan.
“Maawa na po kayo sa akin! Kahit ibalik niyo na lang po ang paninda ko. Pangako ay hindi na po ako magtitinda dito!” umiiyak na pakiusap ng isang matanda.
“Narinig ko na po ng ilang beses ‘yan, ale. Ilang beses na po kayo nasabihan na hindi pwedeng magtinda dito sa sidewalk dahil ito po ay daanan ng tao. Pero kahit anong pakiusap namin sa inyo ay hindi niyo pa rin sinusunod!” wika ni Kap Dindo.
“Hala, sige, damputin niyo ang mga paninda nitong ale at isakay sa van para maging ebidensya!” utos pa ng ginoo.
Kahit na maglumpasay pa ang matanda ay walang awang kinuha ng mga tauhan ni Kap Dindo ang mga paninda nito.
“Wala kayong awa! Wala kayong mga puso!” sigaw ng isa pang matandang nakuhaan din ng paninda.
“Ang batas po ay batas,” tanging sagot ni kapitan.
Dahil sa pag-uugaling ito ng Kapitan na wala siyang sinasanto ay maraming ilag at inis sa kaniya.
“Hayaan niyo na, huling termino naman na niyang lalaking ‘yan,” wika ni Ben, matagal ng tindero sa lugar na iyon.
“Sino kasing mga bobo ang bumoboto d’yan, e. Wala silang awa sa mga maliliit na taong tulad natin,” sambit ng isa pang lalaki.
“Nabalitaan niyo ba na may isang mayaman daw ang nakabili ng lupa ng pamilya Alonzo? At isang building daw ang ipapatayo! Sabi nga ay mabilis daw nakakuha ng permit ang may-ari noon dahil malakas kay kapitan,” sambit ng isang ginang.
“Ganiyan! Kapag may padulas kasi talagang napapaburan. May araw din ‘yang si Kap Dindo!” gigil na sambit ni Ben.
Makalipas lamang ang ilang araw ay bumalik na naman ang mga ilegal na nagtitinda sa bangketa. Nang may makatunog na naman na paparating na ang mga tauhan ni kapitan ay dali-dali at nagtulungan ang lahat sa pagliligpit.
Dahil hirap na hirap ang mga matatanda sa pagliligpit ng kanilang panindang gulay ay tinulungan muna sila ni Ben. Nang matapos ay agad niyang tiniklop ang lonang nilalatagan ng kaniyang paninda ngunit huli na ang lahat. Naabutan na siya ni Kap Dindo at mga tauhan nito.
“Kap, aalis na po ako. Nakita niyo naman!” paliwanag ni Ben sa kapitan.
“Huling beses na po talaga ito. Hindi niyo na ako makikita sa bangketa na ito!” pagmamakaawa ng lalaki.
“Paulit-ulit na lang tayo! Sinabi na ang side walk na ito ay para sa mga tao. Hindi magiging ligtas para sa kanila kung makikipagsabayan sila sa mga sasakyan. Paano nila magagawang lumakad diyan kung nariyan kayo at nagtitinda?!” sambit ng kapitan.
“Ito po ang limang daang piso. Baka pwede na po ito para mapag-usapan natin ng maayos. Ibalik niyo na lang po ang mga paninda ko!” patuloy na pakikiusap ni Ben.
Ngunit nainsulto si Kap Dindo sa ginawang ito ng lalaki.
“Susuhulan mo pa ako. Gusto mo bang dagdagan ang kaso mo? Mabuti nga lang ay kukumpiskahin ko lang ang mga paninda mo!” wika niya kay Ben.
“Sige, alam niyo na gagawin sa mga paninda nito!” napapakamot na lamang si kapitan habang nag-uutos sa mga baranggay tanod.
Lubusan ang sama ng loob ni Ben sa ginawa ni Kap Dindo sa kaniya at sa kaniyang mga paninda. Lalo pang nadagdagan ang kaniyang galit sapagkat kailangan niya ng panggastos para sa kaniyang may sakit na anak.
Dahil dito ay nais niyang mawala na si Kap Dindo sa kanilang landas. Buo ang kaniyang loob na maisakatuparan ang plano niyang ito.
“Ako na ang tatapos sa paghihirap ng lahat ng tindero dito sa lugar namin. Masyado kang madamot sa tao, kap. Masyado kang walang puso!” bulong ni Ben sa sarili habang pinagpaplanuhan ang dapat niyang gawin kay Kapitan.
Dalawang araw ang nakalipas, muling nagkagulo ang lahat nang bigla na lamang humandusay si Kap Dindo sa tabi ng bangketa habang isinasagawa ang operasyon ng pag-aalis ng mga tindero doon.
“May bumaril kay Kap!” sigaw ng isang ginang.
Dahil sa pagiging alerto ng mga kasamahan ni Kap Dindo ay agad nahuli ang lalaki at agad din namang nadala sa ospital ang kapitan.
Nagulat ang lahat nang sa pulisya ay nakilala ang suspek sa pamamaril kay Kap Dindo. Walang iba kung hindi ang tinderong si Ben.
“Nagawa ko lang ‘yun dahil ang liliit ng tingin niya sa aming mga tindero. Samantalang napapaboran ang mga may kaya at kayang maglagay!” saad ni Ben.
“Tapat si Kapitan sa kaniyang tungkulin at kahit kailan ay hindi siya nanghingi ng lagay!” tugon ng isang tanod.
“Talaga? Kaya pala mabilis na naipatayo ang gusali sa lupa ng mga Alonzo! Madalas nga ay naroon siya upang tingnan ito kasama ang mayamang may-ari nito!” sambit ng ginoo.
“Nagkakamali kayo! Matagal nang nabili ang lupa ng mga Alonzo. Kaibigan man ni Kapitan ang nakabili ngunit dumaan ang lahat sa tamang proseso. Kaya siya laging naroon ay sapagkat hindi na siya makapaghintay na matapos ang tinatayo nilang pampublikong pamilihan!” tugon muli ng tanod.
Nagtaka si Ben sa kaniyang narinig.
“Sinisikreto ni kapitan ang proyekto na iyon. Dahil alam niyang hindi nyo mapipigilan ang pagtulong sa inyong pamilya ay nais sana niya ang lahat ng mga tindero sa bangketa ay doon na lamang magtinda upang ligtas ang lahat ng tao. Maliit na halaga lamang ang babayaran niyo sa upa,” paliwanag muli ng tanod.
“Ang akala niyo kasi ay walang puso ang ating kapitan. Ngunit ang nais lamang naman niya ay magkaroon ng mapayapa at maayos na komunidad para sa lahat. Kung hindi kasi maipapatupad ang batas ng maayos ay balewala rin ito,” dagdag pa ng lalaki.
Lubusan ang pagkagulat ni Ben sa nililihim na planong ito ni Kapitan. Hiyang-hiya siya sa kaniyang nagawa dahil nagawa niyang saktan ang lalaking ginagawa lamang pala ang kaniyang tungkulin.
Mabuti na lamang at daplis lamang pala ang tinamo ni Kapitan Dindo at dahil mabilis siyang naisugod sa ospital ay maayos na kaagad ang kaniyang kalagayan.
Humingi ng kapatawaran si Ben sa kaniyang nagawa. Pinatawad din naman siya ng kapitan ngunit kailangan niyang pagbayaran ang kaniyang ginawa upang siya ay magtanda at huwag pamarisan.