Napagkakamalang Magkarelasyon ang Matalik na Magkaibigan; Tunay Nga Ba ang mga Tsismis Ukol sa Dalawa?

“Alam mo Krissy, malakas talaga ang radar ko d’yan kay Elias at Pedio na mag-jowa ‘yan,” seryosong wika ni Clara.

“Ha? Bakit naman?” Salubong ang kilay na sambit ni Krissy.

“Hindi mo ba napapansin na sobrang close nila. Grabe! Ramdam kong isa sa kanila bakl*a o baka pareho sila,” anito.

“Parang hindi naman, Clara. Hindi ba pwedeng matalik lang talaga silang magkaibigan. Pwede naman ‘yon ah,” naiiling namang sagot ni Krissy.

Agad namang umismid si Clara sa sinabi ni Krissy. “Malabong magkaibigan lang sila. Hindi mo ba napapansin ang closeness nila. Magkahawak kamay kapag naglalakad rito, ta’s minsan nakita ko silang nagyakapan na tila ba mahal na mahal talaga nila ang isa’t-isa. Kaya sigurado talaga akong may relasyon ang dalawang ‘yan.”

“Manahimik ka nga d’yan, Clara. Alam mo ma-isyu ka talaga. Kung totoo man ang sinasabi mo, hala pabayaan mo sila. Buhay nila ‘yan,” wika ni Krissy saka iniwan ang kaibigang malisyosa.

Hindi siya naniniwalang may relasyon si Elias at Pedio, dahil dalawang buwan nang nanliligaw sa kaniya si Elias, saka wala siyang napapansing kalambutan sa lalaki. Kaya malabo iyon. Talagang ma-isyu lang si Clara.

Bulaklak at chocolate para sa’yo, Krissy.” Nahihiyang abot ni Elias sa kaniya ang dala nito.

Advertisement

“Salamat Elias ah. Upo ka,” nakangiting tinanggap naman ni Krissy ang bigay ng lalaki.

“Kumusta ka na? Ilang araw din akong hindi nakakadalaw. Alam mo na medyo naging abala lang ako sa trabaho.”

“Kumusta nga pala ang bussiness trip mo sa Japan?” tanong niya rito. Alam niya kasing pumunta ito ng Japan para asikasuhin ang negosyo ng pamilya.

“Ayos naman. Natapos rin ang problema.” Nahihiyang sambit ni Elias.

“Nga pala Elias, may nais lang sana akong klaruhin sa’yo kung ayos lang.” Nag-aalinlangan niyang tanong. Kung hindi niya kaklaruhin mismo kay Elias ang tsismis na naririnig ay baka tuluyan na siyang maniwala sa mga tsismosa sa Barangay nila.

“Sure. Ano ba ‘yon?”

“Ilang beses ko na kasing narinig ang tsismis na bakl*a ka raw at may relasyon raw kayo ni Pedio. Ahmm… gusto ko lang itanong sa’yo personal Elias, bago pa man tuluyang mahulog ang loob ko sa’yo. Mahirap na baka kasi gawin mo lang akong pantakip sa tunay mong pagkatao. Kaya gusto kong malaman ang totoo,” prangkang wika ni Krissy.

Agad namang napakamot sa batok si Elias at tabinging ngumiti. “Matagal na ang tsismis na ‘yan. Hindi lang talaga namin pinapansin ni Pedio,” sagot ni Elias. “Alam mo Krissy, mula noong mga bata at gusgusin pa lang kami ni Pedio ay magkaibigan na kami. Hanggang sa nagbinata kami at ngayong malapit na kaming gumurang.

Advertisement

Noon pa man ay na isyu na iyang bakl*a kaming pareho na tinatawanan lang naming dalawa. Kaya nga minsan nang-aasar na lang kami sa mga tsismosa at kunyari’y naglalambingan pa kami sa harap nila, kaya lalo silang nanggigil sa’min at mas pinalaki pa ang isyung bakl*a kami. Kaya halos lahat nang nililigawan namin ay binabasted kami dahil nga d’yan sa isyu na ‘yan.

Pero hindi kami bakl*a, Krissy. Pareho kaming tunay na lalaki at mahilig sa babae. Sadyang close lang talaga kami ni Pedio, dahil siya ang bestfriend ko,” mahabang paliwanag ni Elias.

Nakahinga naman nang maluwag si Krissy sa paliwanag ni Elias. “Salamat naman sa Diyos at hindi ka nga gano’n. Namroblema pa naman ako kasi gusto na rin kita. Akala ko ginagawa mo lang akong panakip sa totoo mong pagkatao.”

“Lalaki ako, lalo na si Pedio. Hindi kami bakl*a sadyang may mga tao lang talagang malisyosa kaya may magkakaibigang naiisyu,” wika ni Elias.

“Tama ka d’yan. Hayaan mo at pupuntahan ko bukas si Clara at ipapamalita kong tayo na at totoo ka ngang lalaki,” diretsong sambit ni Krissy.

“Talaga? Sinasagot mo na ba ako?” Sabik na wika ni Elias.

“H-ha? Ahh… oo. Tayo na. Bakit pa nga ba natin patatagalin ang ligawan. Kaya tayo na, Elias. Simula ngayon ay boyfriend na kita.”

Agad naman siyang niyakap nang mahigpit ni Elias dahil sa tuwa. “Salamat Krissy. Salamat.”

Advertisement

“Basta siguraduhin mong lalaki kang tunay ah!”

“Lalaki ako. Gusto mo pa bang patunayan ko?” Pursigidong wika ni Elias.

“H-ha? Huwag na. Ayos na ako. Naniniwala na ako sa’yo,” naiilang na sambit ni Krissy at ngumiti ng may malisya.

Punong-puno talaga ng taong mahilig manghusga ang mundo. Kahit wala kayong ginagawang masama ay may mga tao talagang malisyosa. Pero ang pinakamahalaga sa lahat ay mas kilala mo ang sarili mo, balewala na ang sinasabi ng ibang tao.