
Mahilig Kumabit ang Dalaga sa Matatandang Mayaman; Magugulat na Lamang Siya sa Tunay na Pagkatao ng Isa sa mga Ito
“Sandra, hindi ka ba natatakot sa ginagawa mo? Baka mamaya ay may asawa ‘yang matandang nilalandi mo,” saad ni Gia sa kaniyang matalik na kaibigan.
“Wala akong pakialam kung may asawa o wala. Sila naman itong lumalapit sa akin. Saka sa hirap ng buhay, bes, tatanggi pa ba ako sa grasya?” tugon ng dalaga.
“Kahit na, bes. Baka mamaya ay anong mangyari sa’yo lalo na kapag nalamang ng asawa o mga anak niyang matanda na ‘yan na nakikisama ka dahil lang sa pera!” paalala ng kaibigan.
“H’wag ka nang masyadong maraming sinasabi d’yan! Sumuporta ka na lang sa ginagawa ko kasi pangako ko sa’yo makikinabang ka rin dito! Marami tayong panggimik at pangshopping!” tugon ni Sandra.
Dalawampu’t isang taon pa lamang si Sandra pero parang eksperto na siya sa ganitong larangan. Maganda kasi at mahubog ang katawan ng dalaga kaya marami ang nabibighani sa kaniya. Ngunit kahit pa maraming nanliligaw sa kaniya ay ayaw niya ng kasing edad lamang niya kahit na binata. Ang gusto niya ay iyong mga matatandang mayayaman, may mga negosyo at may ipangtutustos sa kaniyang mga kapritso at higit sa lahat ay iyong siya ang dominante sa kanilang relasyon.
“Pang-ilan mo na bang kasintahan ‘yang si Don Artemio? Naku, pangalan pa lang halatang pagkatanda-tanda na, bes! Hindi ka ba kinikilabutan sa ginagawa mo?” saad ni Gia. “Saka ano na ba ang nangyari doon sa isang matandang pinakilala mo sa akin na dyowa mo noong isang linggo. Wala na kaagad ‘yun?” usisa pa ng dalaga.
“Kami pa rin. E, siyempre, ayaw akong tigilan ng isang ito. Kaya sinunggaban ko na saka mas mayaman ‘to, bes. Mas mahal magbigay ng mga regalo!” kinikilig na saad ni Sandra.
“Alam mo nag-aalala na talaga ako sa mga ginagawa mong ‘yan, bes! Kung ako sa’yo habang maaga pa lang ay itigil mo na ‘yan!” pangungulit ni Gia.
“Ayaw mo ba na magkaroon ng totoong relasyon? ‘Yung ipapakilala mo kahit kanino at maipagmamalaki mo. ‘Yung mamahalin mo talaga at mamahalin ka. ‘Yung kaya kang pakasalan,” dagdag pa ng dalaga.
“At pagkatapos, ano? Mabubuhay kami ng mahirap at puro pagmamahal lang? Magkakaanak kami tapos wala nang maipapakain? Ayoko ng ganoong buhay, bes. Gusto ko ‘yung masagana, ‘yung makukuha ko lahat ng gusto ko. Hindi na uso ngayon ang pinapagana ang puso. Kaya nga inilagay ang utak sa pinakamataas na parte ng katawan para ito ang sundin mo,” sambit ni Sandra.
Napailing na lamang si Gia. Alam niyang kahit ano ang kaniyang sabihin ay hindi na magbabago ang mga desisyon ni Sandra sa kaniyang buhay pero hindi pa rin siya nagsasawang umasa na isang araw ay magbabago din ang pananaw nito.
Nagpatuloy sa ganitong gawain si Sandra. Kaliwa’t kanan ang mga idini-date nitong matatandang mayayaman. Patuloy siya sa pamumuhay na tila isang prinsesa dahil sa mga natatanggap niya sa mga ito kapalit ang kaniyang sarili.
Ni hindi na inisip ni Sandra ang kaniyang reputasyon. Para sa kaniya, walang pakialam ang kahit sino sa kaniyang ginagawa dahil katawan naman niya ang kaniyang ginagamit at hindi ibang tao.
Isang araw, habang nasa bar ay may isang matandang lalaki na lumapit kay Sandra. Hindi na agad siya nagpakipot pa sapagkat alam niyang sa lugar na iyon ay puro mayayaman lamang ang pumupunta. Saka kakaiba ang lalaking ito, hindi mo halata sa kaniyang itsura at pangangatawan na may edad na siya.
“Bes sa tingin ko ay ito na nga ‘yung lalaking gusto ko! Mayaman at walang sabit!” kinikilig na saad ni Sandra sa kaniyang kaibigan.
“Ang malala pa niyan, bes, gusto niya akong pakasalan at magsama na raw kami! Ito na ata ang swerteng hinahanap ko, bes! Sa wakas ay tuluy-tuloy na talaga ang pamumuhay ko ng marangya at hindi na ako matatakot na baka mamaya at may asawa, anak o kakilala ang makakita sa amin tapos ay bigla akong lusubin,” pahayag ng dalaga.
“Gaano mo na ba kakilala ang taong iyan at sasama ka na agad sa kaniya? Gaano ka nakasisigurado na nagsasabi ng totoo ‘yan? Bes, pag-isipan mo muna ang mga desisyon mo sa buhay!” sambit ng nag-aalalang kaibigan.
“Tumigil ka na nga diyan, puro ka nega! Dalawang buwan na kaming nagdi-date nito. Magara ang kotse niya at sa mamahaling restawran niya ako dinadala lagi saka binibigyan niya ako ng mamahaling regalo. Ang sabi nga niya kapag nagpakasal na kami ititira niya ako sa malaking bahay at gagawin niya akong reyna. Hindi na ako makapaghintay kaya umoo na agad ako sa kaniya. Basta, bes, suportahan mo ako!”
Agad ngang nagpakasal si Sandra sa nasabing lalaki kapalit ng marangyang buhay na pinangako nito. Pero hindi ito ang naranasan ni Sandra. Nagulat na lamang siya nang matapos ang kasal ay iniuwi lamang siya nito sa isang bahay na paupahan na hindi man lamang sakto para sa kanilang dalawa.
Doon niya natuklasan na hindi pala talaga mayaman ang kaniyang napangasawa. Nagtatrabaho lamang pala ito bilang isang assistant ng tunay talagang mayaman na negosyante. Madalas ay lasing din itong umuuwi ng bahay at ubod ng seloso. Madalas nitong mapagbuhatan ng kamay si Sandra.
Dahil sa kaniyang sinapit ay sising-sisi si Sandra sa mga naging desisyon niya sa buhay. Kung sana ay nakinig lamang siya sa kaniyang matalik na kaibigan ay hindi sana ganito ang kaniyang kinahinatnat. Mabuti na lamang ay hindi dito natatapos ang istorya ni Sandra.
Dahil sa pang-aabuso na kaniyang natatamo sa asawa ay tinulungan siya ng kaniyang kaibigan na makalayo at tuluyang makipaghiwalay dito. Inilagay nila ang lalaki sa likod ng rehas at muling naging malaya ang babaeng si Sandra. Ngunit sa pagkakataong ito ay nangako ang dalaga na aayusin at itatama na niya ang landas na kaniyang tatahakin, at hinding-hindi na lilingon pang muli sa dating maling gawain.

Dahil sa Bulung-bulungan ay Patuloy ang Paghihinala ng Ginang na Pumapatol sa Binabae ang Kaniyang Asawa; Ikakagugulat Niya ang Katotohanan
