
Maraming Nagpapadala ng Mensahe sa Ginang na Sila raw ay mga Babae ng Kaniyang Asawa; Totoo kaya Ito o Naninira Lamang?
Bago pa man ikasal si Ariella sa kaniyang asawa, nagsama na sila nito ng isang dekada bilang magkasintahan dahilan upang makilala at masaulo na niya ang bawat sulok ng pag-uugali at pagkatao nito. Alam niya kung anong gusto nitong kainin tuwing umaga, kung paano ito amuhin sa tuwing may inis itong nararamdaman sa trabaho at saulo niya ang mga paborito nitong pagkain.
Ito ang dahilan para nang siya’y alukin nito ng kasal, hindi na siya nagdalawang-isip na sumagot ng “oo”. Hindi man siya sigurado kung payag na ang kaniyang mga magulang noon dahil siya ang inaasahan ng mga ito pagdating sa gastusin, sigurado naman siyang mahal niya ang lalaking pakakasalan niya.
Sabi niya pa nga, “Saulado na kita, honey, maghahanap na pa ako ng iba?” na labis nitong ikinatuwa.
Ilang buwan lang ang lumipas, tuluyan na nga silang nag-isang dibdib ng binatang ito at bumuo na rin ng sarili nilang pamilya. Wala nang mas sasaya pa sa kaniya noong mga araw na ‘yon dahil bukod sa suportado siya ng kaniyang pamilya sa pinasok niyang buhay may asawa, tiwala pa siyang hindi magloloko ang kaniyang asawa kahit saan man ito dalhin ng trabaho nito bilang pulis.
Kaya lang, ilang taon pa ang lumipas, napagtanto niyang mali pala siya ng inakala. Simula nang madestino ito sa isang malayong lugar, samu’t saring kwento na ang natatanggap niya mula sa mga babaeng naloloko nito.
“Hindi ko alam na kabit pala ako, pasensya ka na. Nagtext ako sa’yo para malaman mong may iba na naman siyang kinakalantaryo.”
“Hiwalayan mo na ang asawa mo, niloko niya tayong dalawa.”
“Ginamit niya lang ako at iniwan.”
Ilan lang ito sa mga mensaheng natatanggap niya mula sa mga babaeng ginagamit nito upang mailabas ang pagkalalaki na talaga nga namang ikinapanlalambot niya.
Ngunit kahit pa ganoon, hindi niya pa rin ito magawang hiwalayan dahil nga mahal na mahal niya ito at siya’y naaawa sa magiging buhay ng kanilang anak kapag sila’y naghiwalay.
Tiniis niya ang lahat ng mga mensaheng natatanggap, pinigilan niyang mag-isip nang kung anu-ano, at mas tinuon ang atensyon sa pag-aalaga ng kanilang anak upang huwag lang siyang mabaliw kakaisip.
“Sobra na akong nasasaktan, hindi pupwedeng mabaliw pa ako kakaisip sa mga kalokohang ginagawa mo,” iyak niya, isang gabi habang pinagmamasdan ang litrato nilang mag-asawa.
Hanggang sa isang araw, nagulat na lang siyang nasa labas na ito ng kanilang bahay bitbit-bitbit ang ilang maletang gamit nito.
“O, tapos na ang trabaho mo sa malayong bayan?” tanong niya rito na para bang wala siyang masasakit na nababalitaan.
“Oo, eh, dito na ulit sa bayan natin dinestino ng hepe namin,” tugon nito saka siya mariing na niyakap at hinalikan. Nais mang kumawala ng galit niyang puso, gumanti na lang siya ng yakap dito at inasikaso ito kagaya ng dating pag-aalaga niya rito.
Kaya lang, pagsapit ng gabi, nagising na lang siyang wala na ito sa kaniyang tabi. Hinalughog niya ang buong bahay ngunit hindi niya talaga ito nakita.
“Mukhang sa ibang bahay ka na naman natulog, ha?” nanggagalaiti niyang sabi saka mangiyakngiyak na bumalik sa pagkakatulog.
Pagkagising niya, nagulat siyang nasa tabi na niya ito muli. Napansin niyang may dampi pa ito ng lipstick sa labi at leeg, at amoy pabango pa ng babae dahilan para magpasiya na siyang hiwalayan ito.
“Hindi ko hahayaang isang katulad mo ang tumayong ama sa anak ko pero bago kita hiwalayan, papahirapan muna kita,” sa isip-isip niya habang pinagmamasdan ito.
Kinuha niya ang lahat ng gamot nito sa allergy at ito’y tinapon sa kubeta.
Ang maning nagpapahirap ditong huminga ay giniling niya at inihalo sa kape, sinangag, at corned beef na kakainin nito bilang almusal.
Maya maya pa, tuluyan na nga itong nagising. Napailing-iling na lang siya dahil tila ba isa itong huwarang ama at asawa kung ito’y umarte sa harapan nilang mag-ina.
Tulad ng plano niya, wala pang ilang minuto, naubos na nito ang hinanda niyang pagkain. Bago ito tumayo sa hapag-kainan upang maghugas ng pinggan, pinabasa niya rito ang lahat ng mensaheng natanggap niya mula sa iba’t ibang babae nito na agad nitong itinanggi.
“Pasensya ka na, huli na ang pagtanggi mo,” sabi niya saka agad na binuhat ang anak at kanilang mga gamit.
Pipigilan pa lang sana siya nito pero bigla na itong inatake ng allergy dahilan para hanapin nito ang gamot. Kitang-kita niya kung paano nito dinakot at ininom ang tabletang galing sa inidorong may dumi niya na agad nitong ikinasuka.
“Ayan ang nararapat sa isang manlolokong katulad mo!” sigaw niya rito saka tuluyang lumisan sa bahay na iyon.
Wala na siyang sinayang na oras at agad nang naghanap ng abogadong makapagpapawalang bisa sa kanilang kasal.
“Alam kong mahirap ang buhay ng isang solo parent, pero mas gugustuhin kong mahirapan nang pisikal sa pagtatrabaho kaysa mahirapan sa emosyonal na aspeto dahil sa mga panloloko mo,” sabi niya rito habang dinidinig ng korte ang kanilang paghihiwalay na labis nitong ikinaiyak.
Hindi man niya alam kung saan magsisimula, alam niya namang tama ang ginawa niya para sa sarili niyang kapakanan at sa anak niyang wala pang muwang sa buhay.