Maganda na palagi ang araw ng dating malungkot na binatang si Harold. Pakiramdam niya kasi kasi, sa wakas, may isang dalaga na ang nakapansin sa kaniya na talaga nga namang nagbibigay buhay sa bawat araw niya tuwing makikita niya ito.
Mag-isa na lang kasi siyang narito sa Pilipinas. Lahat ng kaniyang mga kaanak, nasa ibang bansa na at doon lahat nagtatrabaho. Gustuhin man niyang magpunta roon, hindi pa siya pinapayagan ng ama dahil gusto nito, magkaroon muna siya ng nobyang Pinay bago magpunta roon.
“Kapag nagpunta ka agad dito, mahihirapan ka nang maghanap ng Pinay! Humanap ka muna ng Pinay na mapapangasawa, maganda na, masipag pa!” pangaral nito sa kaniya kaya ganoon na lang ang saya niya nang may mapusuan na siyang dalaga.
Nagsimulang magkakulay ang bawat umaga niya noong nakaraang linggo kung saan napagdesisyunan niyang kumain nang agahan sa kalapit na restawran ng apartment na inuupahan niya sa Maynila.
Habang nakain siya noong araw na ‘yon, pinagmamasdan niya ang mga sasakyang nadaan. Ngunit siya’y biglang napatigil sa pagnguya nang may isang dalagang nakamotor ang tumigil sa harapan niya at ngumiti na labis na ikinakilabot ng buo niyang katawan. Para ba siyang kinuryente at biglang sumigla ang kaniyang buong kaluluwa.
Ito ang dahilan para araw-araw na niyang abangan doon ang dalaga at hindi naman siya nabibigo dahil araw-araw din siya nitong nginingitian.
At dahil nga pakiwari niya, may gusto rin ito sa kaniya, napag-isip-isip niyang gumawa na ng aksyon upang personal itong makilala.
Isang umaga, maaga siyang nagtungo sa restawrang iyon. Katulad ng nakasanayan niya, naupo siya sa pwesto kung saan siya palaging nginingitian ng dalaga at doon naghintay.
Mayamaya pa, muli na namang tumigil sa tapat niya ang dalaga at ngumiti na labis niyang ikinakilig. Wala na siyang sinayang na pagkakataon noon at agad nang nilapitan ang naturang dalaga.
“Magandang umaga, miss, may gusto ka ba sa akin? Kasi ako, gustong-gusto kita, baka pupwedeng makipagkilala sa’yo?” diretsahan niyang tanong dito na labis nitong ikinagulat.
“Teka po, hindi naman kita kilala, eh,” tugon nito, bakas sa mukha nito ang pagtataka.
“Anong hindi? Palagi mo akong nginingitian. Ako ‘yong palaging nakaupo sa pwestong ‘yon…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil nang mapatingin siya sa salaming bintana ng restawran, may mga kataga palang nakalagay doon, “I’m proud of you, beautiful lady,” basa niya rito.
“Ah, oo, palagi akong napapangiti ng katagang ‘yan. Mag-isa ko kasing binubuhay ang sarili ko at walang nagsasabi sa akin ng mga salitang iyan kahit anong hirap ang pinagdaanan ko. Pero maraming nagsasabing hindi raw ako uunlad, kaya sobrang napapagaan ng katagang ‘yan ang araw ko,” kwento nito na ikinadurog ng puso niya.
“Parehas pala tayong mag-isa,” malungkot niyang sagot.
“Pwede ko bang sagutin ‘yong tanong mo kanina? Gwapo ka naman at mukhang responsable,” biro nito na bahagya niyang ikinangiti.
“Alin doon? Iyon bang kung pwede tayong magkakilala pa?” tanong niya, agad naman itong tumango-tango, “Ibig sabihin, pupwede tayong kumain sa labas gano’n?” paninigurado niya.
“Oo naman! Halika na, umpisahan natin ngayong araw! Angkas ka na sa akin!” sabi nito dahilan para agad siyang sumakay sa likurang bahagi ng motorsiklong iyon.
Doon tila bumagal ang takbo ng kaniyang mundo. Ramdam na ramdam niya ang pagaspas ng hangin sa mga balat niya, amoy na amoy niya ang pabango nito, at tila paulit-ulit na tumatakbo sa isip niya ang ngiti nitong malapitan niya na ngayong naaaninag.
“In-love na ako, daddy,” tangi niyang sabi saka humawak sa bewang ng dalaga.
Nagtuloy-tuloy ang paglabas nila ng dalagang iyon hanggang sa tuluyan na nga siya nitong sinagot na talaga nga namang ikinaiyak niya na lamang dahil sa tuwa.
Nang ipakilala niya ang nobya sa kaniyang mga magulang na nasa abroad, wala nang mas sasaya pa sa mga ito. Agad na kinausap ng mga ito ang nobya niya at hinihiling na sa abroad na sila manirahan.
“Mommy, daddy, baka mabigla naman po siya. Baka pwedeng dito po muna kami sa Pilipinas,” saway niya sa mga ito.
“Naku, hindi po! Ayos na ayos lang po sa aking d’yan manirahan. Tiyak na mas malaki po ang kikitain naming dalawa d’yan na makakatulong sa buhay namin sa hinaharap. Kailan po ba kami pwedeng pumunta riyan? Mamaya po bang gabi, pwede na?” biro pa nito na ikinatawa ng kaniyang mga magulang.
Ilang linggo lang ang dumaan, tuluyan na nga silang lumipad patungong ibang bansa. Mabilis man ang mga pangyayari, ni isang porsyento, wala siyang pinagsisihan sa mga desisyong ginawa niya dahil kitang-kita niya kung gaano siya kamahal ng dalaga.
“Ang sarap nga talaga magmahal ng isang Pinay, daddy,” bulong niya sa ama, isang araw nang makita niyang masayang tumutulong sa paglilinis ng bahay ang dalaga sa kaniyang ina.