Inday TrendingInday Trending
Isang Buwan nang Nakaratay sa Kama ang Asawa ng Ginang na Ito; Oras na nga ba para Isuko Niya ang Mister?

Isang Buwan nang Nakaratay sa Kama ang Asawa ng Ginang na Ito; Oras na nga ba para Isuko Niya ang Mister?

Hindi na mabilang sa daliri ng ginang na si Tanya ang mga taong nagsasabi sa kaniyang isuko na ang asawang mahigit kumulang isang buwan nang nakaratay sa kama dahil sa isang aksidente. Ni katiting na pagbabago sa lagay nito, walang nangyari sa tagal ng panahong nakahiga lamang ito sa kama.

Wala itong kayang gawin kung hindi ang siya’y titigan, pilit na ngumiti, at matulog dahilan para ganoon na lang panghinaan ng loob ang ilan nilang kaanak at mga kaibigan.

Isang inhinyero ang asawa niya bago pa ito mabangga ng trak ng mga semento sa construction site na pinagtatrababuhan nito.

Noon, lahat ng mga kaanak at kanilang mga kaibigan na nagsasabing isuko na niya ang kaniyang asawa ay palaging nakabuntot dito. Hingi roon, daing dito, ang pangkaraniwang ginagawa ng mga ito na agad namang sinosolusyunan nito sa pamamagitan ng pagtulong.

Ito ang dahilan para ganoon na lang madurog ang loob niya sa tuwing sinasabi ng mga ito na wala nang pag-asa ang kaniyang asawa. Nais man niyang sumbatan ang lahat ng ito, siya’y labis na nagtitimpi dahil alam niyang hindi ito ang gusto ng asawa niyang pilit pa ring lumalaban sa buhay.

Isang araw, buong akala niya, dadamayan at tutulungan siya ng matalik na kaibigan nilang mag-asawa, ngunit tila siya’y nagkamali dahil sa pabungad nitong salita sa kaniya nang makita ang asawa niya.

“Hanggang kailan ka ba magpapakapagod kakaalaga riyan sa asawa mong baldado, ha? Akala mo ba may pag-asa pa ‘yan, bespren? Kung ako sa’yo, hangga’t bata ka pa, maghanap ka na ng bagong mapapangasawa. Tiyak ako, ilang buwan na lang ang buhay niyan!” payo ni Millie sa kaniya habang pinupunasan niya ang katawan ng asawa.

“Nagsumpaan kami, Millie, sa harap ng altar na hanggang sa huling hininga ng bawat isa sa amin, mananatili kami sa tabi ng isa’t-isa at sigurado akong gagaling siya. Nangako siya sa aking magkakapamilya pa kami,” tugon niya.

“Diyos ko! Imposible na ‘yon sa lagay ng asawa mo ngayon! Hindi mo ba nakikita kung gaano na kahina ‘yang asawa mo? Ni hindi na nga makapagsalita at makakain!” sambit pa nito saka umirap sa kaniya.

“Pwede bang huwag kang magsalita ng gan’yan? Imbes na palakasin mo ang loob ko, pinapahina mo pa,” mahinahon niyang tugon dito.

“Paano ko papalakasin ang loob mo kung nakikita kong wala nang pag-asa ‘yang asawa mo?” sigaw nito sa kaniya saka agad na umalis na ikinabuntong-hininga niya na lamang.

Dumaan ang mga araw. halos wala nang nagpupuntang kaanak at kaibigan sa kanilang bahay dahil lahat ng mga ito, galit na sa kat*ngahang ginagawa niya. Ngunit pagkaraan pa ng ilang araw, nagulat siyang bigla na lang nahawakan ng asawa niya ang kaniyang kamay habang pinapalitan niya ito ng diaper. Sa sobrang tuwa niya, mariing niya itong niyakap saka dali-daling tumawag ng doktor.

Doon na nagsimula ang unti-unting positibong pagbabago sa lagay ng kaniyang asawa na talagang lalong nagpatibay sa loob niya.

Kumuha pa siya ng isang bihasang therapist na siyang nagsanay sa mga buto at muscles nito. Kitang-kita man niya ang hirap ng asawa sa bawat galaw na ginagawa, pinakita niyang buo ang suporta niya rito. Sabi niya pa rito, “Kapag nakakilos ka na ulit nang ayos, bubuo na tayo agad ng sarili nating pamilya, ha?” na agad naman itong sinang-ayunan. Paglipas ng halos dalawang taon, ang asawa niyang dating baldado, muli na ngayong nakakalakad, nakakakain mag-isa at nakapagsasalita na labis niyang ikinaiyak dahil sa tuwa.

Umingay ang balitang ito sa kanilang buong angkan at barkadahan dahilan para sila’y bisitahin ng mga ito.

Ang mga dating nagsasabi sa kaniya na isuko na ang asawa, partikular na ang kaibigan nilang si Millie, tuwang-tuwa at hangang-hanga ngayon sa tila ba isang himalang nangyari sa kaniyang asawa.

“Mabuti pala hindi ka nakinig sa akin, ‘no?” sabi nito sa kaniya habang siya’y naghahanda ng mga makakain.

“Hindi talaga ako makikinig sa’yo, hindi naman ikaw ang asawa ko,” sarkastiko niyang sagot dito saka niya ito binigyan nang ngiti na ikinailing na lang nito.

Katulad ng pangako niya sa asawa, sila nga ay bumuo na rin ng kanilang pamilya at wala nang mas sasaya pa rito nang malaman nilang malusog na batang lalaki ang nasa sinapupunan niya.

Dahil nga siya’y nagdadalantao na, wala na rin itong sinayang na oras. Bumalik na rin ito sa pagtatrabaho upang makapag-ipon para sa darating nilang munting anghel.

“Buong akala ko hindi na natin matutupad ang pangarap nating ito, mahal. Salamat sa Diyos, binigyan Niya pa ako nang oras na makasama ka ulit,” sabi niya sa asawa habang tinitingnan niya itong mag-ayos ng sarili.

“Nagsumpaan tayo sa harapan Niya, mahal, kaya paniguradong hindi Niya tayo pababayaan. Asahan mong magdodoble ingat ako sa trabaho upang maging isang responsableng padre de pamilya hanggang sa huling hininga natin sa mundong ito,” magiliw nitong tugon saka siya mariing na niyakap at humalik sa kaniyang tiyan.

Advertisement