
Bilib sa Sariling Talento sa Pagpapaanak ang Isang Doktor; Ito pala ang Makapagpapabagsak sa Kaniya
Mag-iisang dekada nang tumitingin at nagpapaanak ng mga buntis ang doktor na si Gloria. Sa tinagal-tagal niya sa trabahong ito, wala pa siyang sanggol na hindi nailabas nang buhay sa sinapupunan ng ina dahilan upang siya’y labis na tingalain ng iba pang doktor sa ospital na kaniyang pinagtatrababuhan, lalo na ang mga baguhan pa lamang.
Palagi niya pa ngang pagmamayabang, kahit daw nakapikit o tulog siya, kayang-kaya niyang magpaanak dahil alam na alam na niya ang bawat habkang na kailangang gawin upang ligtas na mailuwal ang bata.
Kaya lang, nitong mga nakaraang buwan, kung kailan dumami na ang mga bagong doktor at nars sa pinagtatrababuhan niyang ospital, siya’y bigla nang tinamad magtrabaho.
Dito na niya naisip na turuan na lang ng kaniyang mga teknik sa pagpapaanak ang mga baguhang doktor upang siya’y magpahinga at makampante na lamang sa kaniyang opisina.
Ngunit sa tuwing may problema sa pagpapaanak, siya pa rin ang tinatakbuhan ng mga ito dahilan para ganoon na lamang siya mainis katulad na lamang ngayong araw.
“Dok, may pasyente tayong malubha na ang lagay. Pupwede na po ba kayong magpunta sa operating room?” tanong ng baguhang doktor na si Pepay, isang gabi nang mapagtanto nitong hindi niya kayang mag-isa ang gagawing pagpapaanak sa isang pasyente.
“Hindi mo ba nakikitang marami pa akong dapat pirmahan na mga dokumento?” mataray na sagot niya saka itinuro sa dalaga ang sandamakmak na dokumentong nakapatong sa kaniyang lamesa.
“Pero, dok, ‘yong pasyente kasing tinitingnan niyo kanina, manganganak na po!” natataranta nitong sagot. “O, hindi ba’t marunong ka namang magpaanak? Tinuruan na kita, hindi ba?” tanong niya pa rito habang panay pa rin ang pagpipirma.
“Marunong na nga po ako, dok, pero iba po kasi ang kaso ng pasyente ngayon. Nakita po naming nakabuhol sa leeg ng sanggol ang pusod kaya hindi ko po alam ang gagawin,” kabado na nitong sagot na ikinagalit niya.
“Diyos ko! Biyakin mo na ang tiyan niya! Paano ka magiging doktor niyan kung palagi kang nakaasa sa akin?” sermon niya rito.
“Mamaya niyo na po ako pagalitan, dok, kailangan po kayo ng pasyente at ng sanggol,” mangiyakngiyak na nitong sabi dahilan para siya’y mapailing.
“Oo na, sige, susunod na ako!” sigaw niya rito kaya ito’y nagdali-dali nang bumalik sa delivery room.
Kahit na kitang-kita na niya ang kaba sa mukha ng baguhang doktor, kampante at dahan-dahan pa rin siyang pumunta sa naturang delivery room.
Nagawa niya pa ngang makipag-usap sa kapwa doktor na paalis na ng bansa. Nakakasiguro kasi siyang kahit anong lagay ng pasyenteng iyon, matagumpay niyang mailalabas ang bata.
Kaya lang, pagkapasok niya sa operating room, tumambad sa kaniya ang natatarantang baguhang doktor at ilang nars. Agad na nagbigay daan ang mga ito sa kaniya saka dali-dali siyang inabutan ng mga gamit upang mabiyak na niya ang tiyan ng ginang.
Ngunit matapos niyang mabiyak ang tiyan nito, bumungad sa kaniya ang kulay ube nang sanggol na sakal-sakal ng sariling pusod. May mga dumi na rin ito sa bibig at wala nang buhay.
Sinubukan man niya itong buhayin sa pamamagitan ng pagtapik-tapik sa likuran nito ngunit wala na itong naging epekto.
Galit na galit na humarap sa kaniya ang mga kaanak ng ginang na asawa pala ng mayor ng kanilang lalawigan.
“Ikaw ang kausap ng asawa ko simula nang malaman niyang buntis siya, tapos ngayon ipapasa mo sa baguhang doktor? Pinatawag na kita kanina pa pero anong ginawa mo? Nakipagtsismisan ka pa sa kapwa mo walang kwentang doktor!” galit na sigaw sa kaniya ng naturang alkalde na agad niyang ikinakaba.
“Ah, eh, sir, pasensya na po kayo. Hindi ko naman po akalaing…” agad na nitong pinutol ang pangangatwiran niya at siya’y inambaan ng sampal.
“Malinaw ang utos ko sa baguhang doktor, at sabi niya, papunta ka na raw! Pero halos mawalan na ng malay ang asawa ko, wala ka pa rin! Hindi mababayaran ng pasensya mo ang buhay ng anak ko!” bulyaw pa nito saka humagulgol sa isang sulok.
Lumuhod man siya sa harap nito upang huwag siyang ipatanggal sa ospital na iyon, hindi siya nito pinakinggan o kahit pinansin man lang.
Noong araw ding iyon, agad-agad na siyang tinanggal bilang doktor ng may-ari ng ospital. Sabi pa nito, “Pasensya ka na, dok, kung hindi kita tatanggalin, baka madamay pa ang ospital at mapasara. Sana maging aral sa’yo ito, hindi porque magaling kang doktor, hindi ka na magpupursigi na magserbisyo sa mga pasyente,” na agad niyang ikinaiyak.
Dahil sa pangyayaring iyon, wala na ni isang ospital sa lungsod ang gustong kumuha sa kaniya na labis niyang pinagsisihan.
“Kung hindi lang sana ako nakampante, sana, buhay pa ang batang iyon at may trabaho pa ako,” mangiyakngiyak niyang sabi sa sarili habang inaalala ang tagpong buong buhay niyang pagsisisihan.