
Binababa ng Isang Manager ang Mapurol na Empleyado; Nauna pang Tumaas ang Posisyon nito Kaysa sa Kaniya
Istriktong manager si Elena. Wala siyang ibang gusto kung hindi ang manguna ang hawak niyang grupo ng mga empleyado sa lahat ng mga empleyado ng kanilang kumpanya upang mapabilis ang pag-angat ng kaniyang posisyon.
Matagal na niya kasing minimithi ang maging sekretarya ng kanilang boss na napakagwapo at magkakaroon lang siya ng ganoong klaseng oportunidad kapag napansin nito kung gaano siya kagaling sa kaniyang trabaho.
Kung hindi man siya maging sekretarya nito, kahit isa sa mga tinitingalang posisyon lang ang maibigay sa kaniya, walang problema sa kaniya Basta makasama niya lang ito sa halos araw-araw na pagpupulong sa kanilang kumpanya, ayos na ayos na siya.
Kaya naman, ganoon na lang siya labis na napanghinaan ng loob nang minsan siyang bigyan ng mga nakatataas ng isang mapurol na empleyado. Kahit paggamit ng kompyuter o printer, hindi nito alam na labis niyang ikinaiinis dahil tiyak na bababa ang performance ng kanilang grupo dahil sa empleyadong ito.
Ito ang dahilan kaya palagi niya itong pinagagalitan kahit wala naman itong ginagawang hindi niya gusto. Nakikita man niya ang pagiging pursigido nito na matutuhan lahat ng kaniyang mga pinag-uutos, nagagalit pa rin siya rito at pinahihiya niya pa ito na labis nang ikinababahala ng kaniyang kaibigan na isa rin sa mga hinahawakan niyang empleyado.
“Mali na yata, bespren, ‘yong ginagawa mong panenermon sa bagong empleyado. Sa katunayan nga, ang laki ng pinagbago niya kaysa noong unang araw niya rito sa opisina,” pangungumbinsi nito sa kaniya nang magpapirma ito sa kaniya ng ilang dokumento.
“Anong gusto mong gawin ko? Matuwa sa pagbabago niya?” mataray niyang sagot dito habang patuloy sa pagpirma.
“Oo, bespren, matuwa ka dahil nagpupursigi siya. Aanuhin mo ang magaling na empleyado kung hindi naman pursigido?” paliwanag pa nito na ikinangisi niya.
“Oo nga naman. Aanuhin kita kung magaling ka nga, pakialamera ka naman sa desisyon ng isang manager na katulad ko?” taas kilay niyang tanong dito dahilan para mapatungo ito at umalis na lang sa kaniyang opisina, “Pakitawag nga ang mapurol na empleyado, ipapatapon ko ‘tong mga pinagkainan ko,” utos niya rito.
“Teka, bespren, hindi naman niya trabaho ‘yan. Pwede namang ikaw na…” agad niyang pinutol ang sasabihin nito.
“May reklamo ka? Gusto mo bang ikaw na ang magtapon?” tanong niya na ikinabuntong-hininga na lang nito.
Katulad ng utos niya, agad-agad ngang nagpunta sa opisina niya ang naturang dalaga upang kuhanin ang kaniyang mga pinagkainan. Bago ito lumabas, sabi niya rito, “Maiwan ka rito mamayang gabi, ha? Linisin mo ‘tong opisina ko para naman may maitulong ka sa grupong hawak ko. Kapag hindi ako napalapit kay boss, guguluhin ko ang buhay empleyado mo rito,” na agad naman nitong tinanggap.
Pagsapit ng dilim, agad na ngang nag-uwian ang kaniyang mga hawak na empleyado maliban sa dalagang binilinan niyang magpaiwan.
Nakita niya itong nagwawalis sa bawat pwesto ng kaniyang mga empleyado at imbis na maawa, sabi niya pa rito, “Huwag kang uuwi nang may kalat at alikabok dito, ha? Maaga ka ring pumasok bukas para mabili mo ako ng almusal sa kantin,” saka na niya ito tuluyang iniwan.
Kinabukasan, pagkapasok niya sa kaniyang opisina, bukod sa sobrang aliwalas na nito kumpara kahapon, may pagkain pang nag-aabang sa kaniya na bahagya niyang ikinatuwa.
“Mukhang pursigido nga ang mapurol na empleyado, ha?” sabi niya na narinig ng kaniyang kaibigan.
“Oo nga, eh, mantakin mo ‘yon, ilang linggo pa lang siya rito, sekretarya na agad siya ni boss,” kwento nito na ikinalaki ng mga mata niya. “Anong kalokohan ‘yang pinagsasasabi mo?” inis niyang tanong dito.
“Nahulog ni boss ‘yong wallet niya kagabi sa lobby bago magsara ang kumpanya. Napulot ‘yon ng mapurol na empleyadong kinakawawa mo. Imbes na ibulsa, umakyat pa siya sa ikalabing siyam na palapag gamit ang hagdan para ilagay iyon sa lamesa ni boss,” kwento nito na ikinabuntong-hininga niya, “Natuwa si boss sa ginawa niyang iyon, Ms. Elena. Sabi pa nga ni boss pagkasundo sa kaniya rito kanina, hindi niya raw kailangan ng magaling na sekretarya, ang kailangan niya raw, tapat at maaasahang kaalalay sa trabaho,” dagdag pa nito na labis niyang ikinainis dahilan para siya’y magwala sa sariling opisina.
Hirap na hirap man niyang tanggapin na ang mapurol na empleyado na iyon ay may mas mataas nang posisyon sa kaniya at palagi pang kasama ng pinapangarap niyang boss, napagtanto niya naman dahil dito na ugali talaga ang problema sa kaniya.
Ito ang dahilan para gawin niya ang lahat upang makasundo ang bawat empleyadong hawak niya na talagang nagbigay ng positibong resulta. Naging mas magana ang mga ito magtrabaho na nagbigay nga sa kaniya ng oportunidad na makasama sa mga nakatataas.
Makita man niyang palaging nakadikit ang dalagang iyon sa kanilang boss, tinatanggap niya na lang ito at pinakikitaan ito nang magandang pag-uugali na talagang ikinatuwa ng kanilang boss.
“Sana pala, matagal ko nang binago ang ugali ko,” bulong niya sa sarili habang nakikinig sa pagpupulong na pinangunahan ng gwapo nilang boss.