Inday TrendingInday Trending
Nahuli ng Lalaki ang Nobya na Nagsisinungaling at May Kasamang Ibang Lalaki, Nambabae Rin Siya Upang Pasakitan Ito; Magkabalikan Pa Kaya Sila?

Nahuli ng Lalaki ang Nobya na Nagsisinungaling at May Kasamang Ibang Lalaki, Nambabae Rin Siya Upang Pasakitan Ito; Magkabalikan Pa Kaya Sila?

“Mike, gusto ko kapag ikinasal na tayo at bubuo ng pamilya, sa Manila Cathedral tayo magsumpaan at magpalitan ng matamis na oo. Ipangako mo sa akin.”

Heto na naman ang makulit na nobya ni Mike na si Ethel. Naglalambing na naman sa kaniya. Tatlong taon na silang magkarelasyon, at ang iba nilang kasabayan ay lumagay na sa tahimik.

Para kay Mike, hindi lamang karaniwang kasintahan ang tingin niya kay Ethel—isang soulmate. Bahagi ng kaniyang buhay. Ang bubuo sa buhay niya. Mapalad siya dahil sa dami ng mga lalaking nanligaw rito, siya ang pinili, kahit na pangkaraniwang empleyado lamang siya. Isa siyang kartero at mensahero ng isang pampublikong tanggapan.

Malaki ang nagbago kay Mike simula nang makilala niya si Ethel. Isa siyang lalaking balasubas, basagulero, at tila ba patapon ang buhay. Nagbago ang lahat dahil kay Ethel. Sabi nga, kapag nagbago ang g*go, talagang nagmamahal siya. Iyan ang nangyari sa kaniya.

Isang araw, habang naghahatid ng mga sulat ay isang pamilyar na pigura ang nakita niya. Si Ethel! Hindi ito mag-isa kundi may kasama—isang guwapong lalaki. Nag-uusap nang masinsinan ang dalawa, umiinom-inom pa ng kape ang lalaki.

Kinalma ni Mike ang sarili. Baka kaibigan lang? Pero bakit kinailangang itago sa kaniya? Paalam nito sa kaniya, sasamahan ang tiyahin sa pagsundo sa isang balikbayang kaanak. Bakit kailangang magsinungaling sa kaniya?

Para matapos na ang mga tanong, kinuha niya ang cellphone niya.

“Babe, nasaan ka?”

Kitang-kita niya mula sa malayo ang pagkataranta ni Ethel. Tumayo ito at lumayo sa kausap na lalaki.

“Ah babe… kasama ko si Tita Melba ngayon, dito pa rin sa airport. Bakit? Ikaw, mag-ingat ka kung nasaan ka man,” saad nito.

Sinungaling! Manloloko! Sigaw ng utak ni Mike.

“Wala naman gusto ko lang marinig boses mo, saka malaman kung nasaan ka, hindi ka kasi nagpaparamdam, baka lang may pinagkakaabalahan kang iba,” hindi nakatiis na parunggit ni Mike.

“Wala naman akong pinagkakaabalahan, babe. Oh siya sige na, kita tayo mamayang hapon? Mahal na mahal kita, babe ko…”

Subalit hindi na tumugon pa si Mike. Hilam na ang kaniyang mga mata sa luha. Pinaandar na niya ang kaniyang motorsiklo.

Kitang-kita ng dalawang mga mata niya na niloloko siya ni Ethel, ang babaeng akala pa mandin niya ay mapalad na siyang naangkin niya bilang kasintahan, yung babaeng pangarap na maiharap siya sa dambana sa Manila Cathedral.

Kung kaya ni Ethel, kaya niya rin.

Nagloko si Mike. Bumalik sa ugaling pambabalasubas. Nagkaroon ng iba’t ibang kabit. May isang nakilala si Mike na talaga namang tumatak sa kaniyang puso, si Shane. Mabait si Shane at napapasaya siya. Kapag kasama niya si Shane, talaga namang nakakalimutan niya ang problema kay Ethel.

“Alam mong may nobya na ako, ‘di ba? Hindi na ako malaya.”

“Eh ano naman? Ang tanong ko, masaya ka ba? Masaya ka pa ba sa piling niya? Hindi ba’t niloko ka niya?”

Simula nang makita niya ang pagsisinungaling ng nobya ay naging madalang na ang pakikipagkita niya rito. Dalawang beses sa isang linggo. Hanggang sa naging isa na lang. Hanggang sa wala na talaga.

Kahit mga chat, text o tawag nito ay hindi niya pinapansin. Mas nagbuhos siya ng panahon sa bagong nagpapasaya sa araw niya, si Shane.

Hanggang sa mangyari ang ‘di-inaasahan ng lahat.

Nawalan ng paningin si Shane. Nabulag. Ayon sa manggagamot, ang kaso ni Shane ay 1 sa 100 katao. Bihirang mangyari. Bigla na lamang mapapagod ang paningin at hindi makakakita; walang kasiguraduhan kung kailan babalik, at sa malas ay baka hindi na. May solusyon daw. Kailangang mapalitan ang cornea ng mga mata. Si Shane ang kaisa-isa sa 100.

Kailangan siya ni Shane sa buhay niya. Hindi niya ito iiwan. Nariyan si Shane sa mga panahong madilim sa kaniya ang lahat, wala siyang makita kundi kadiliman ng ginawa sa kaniyang kataksilan ni Ethel.

Ngayon, siya naman ang magiging paningin ni Shane. Hindi siya mawawala sa tabi nito.

Kailangang humanap ng donor ng cornea, pero sa ngayon ay wala pang available. Maliit ang tsansa na makakita pa siya kapag hindi ito napalitan.

Tulirong-tuliro si Mike. Hindi niya alam kung kaninong mata ba ang kukunin niya para lang maibigay kay Shane. Kailangan niyang gumawa ng paraan.

Hanggang sa isang araw, nagulat na lamang siya nang ipagbigay-alam ng manggagamot na may cornea donor na at maaari nang isagawa ang operasyon.

Naging matagumpay naman ang pagpapalit sa cornea ni Shane, subalit nakabenda pa ang kaniyang mga mata. Mga tatlong araw bago ito tanggalin, at titingnan kung gagana ba kay Shane ang bagong cornea.

Matapos niyon, isang kagimbal-gimbal na balita ang dumating sa kaniya. Wala na si Ethel. Sumakabilang-buhay na.

Agad na nagtungo si Mike sa chapel kung saan nakalagak ang mga labi ni Ethel. Nang makita siya ng nanay ni Ethel, agad siyang nilapitan at sinampal nito.

“Hayop ka! Niloko mo ang anak ko! Kaya lalong bumaba ang resistensya niya dahil sa kagagawan mo!” sumbat ng nanay nito.

“Anak ho ninyo ang nauna. At narito ang kabit niya…” tumingin nang matalim si Mike sa isang lalaking naroon sa lamay.

“Nagkakamali ka. Hindi ako kabit. Kaibigan ako ni Ethel, at isa akong doktor. Noong sinabi mo na nakita mo si Ethel na kausap ako, tinatalakay ko sa kaniya ang sakit niyang lupus,” saad ng lalaki na nagpakilalang doktor ni Ethel.

“Yung mga panahong tinatawagan ka niya na hindi mo naman sinasagot dahil abala ka sa ibang babae, nais na sana niyang ipagtapat sa iyo ang lahat. Sa katunayan, gusto ka na niyang pakasalan para kahit anuman ang mangyari sa kaniya, matutupad ang pangako mo sa kaniyang magpapakasal kayo sa Manila Cathedral.”

Tila pinagbagsakan ng langit at lupa si Mike sa mga rebelasyong nalaman niya.

“At alam mo ba, hanggang sa huling pagkakataon, ikaw pa rin ang naisip niya? Kaligayahan mo ang iniisip niya, dahil pumayag siya na maging donor para sa cornea ng kabit mo. Oo, Mike! Si Ethel ang nagmamay-ari ng cornea ng babae mo!” pagsisiwalat ng nanay ni Ethel.

“Alam ni Ethel ang mga nangyayari sa buhay mo. Ganyan ka niya kamahal! Kaya hindi siya nagdalawang-isip na ibigay na lamang ang mga mata niya sa oras na mawala siya. Hanggang sa huli, ikaw pa rin ang iniisip niya!”

Kaya sa tuwing tinititigan niya ang mga mata ni Shane, si Ethel ang nakikita niya, at hindi niya matagalan ang pagtitig dito dahil tila sinusundot siya ng konsensya. Nalaman din ni Shane na si Ethel ang donor ng kaniyang cornea.

“Itama natin ang lahat, Shane. Nabuo ang relasyong ito dahil sa maling akala. Minahal kita, pero alang-alang kay Ethel, ituwid na natin ang mga pagkakamali natin. Magiging unfair ako sa iyo kung sa tuwing titingin ako sa iyo, mga mata ni Ethel ang nakikita ko, at siya ang nararamdaman kong kasama ko,” pakikipagkalas ni Mike kay Shane.

Pumayag naman ito sa gustong mangyari ni Mike. Nauunawaan niya ang pinanggagalingan nito.

Nagpasya na nga ang dalawa na muling magsimula nang magkalayo, upang maitama nila ang mga pagkakamaling ginawa at pinasok nila sa buhay.

Advertisement