
May Ginawa ang Amo sa Kaniyang Kasambahay na Hindi Tipikal na Nangyayari sa Kahit na Sinong Mag-amo; Anong Ganti ang Gagawin Nito sa Kaniya?
“O Betty, halika… narito ang iskedyul mo para hindi ka mahirapan dito sa mga gawaing-bahay, at sa pag-aaral mo.”
Binitiwan ni Betty, 23 taong gulang, ang hawak na walis tambo at lumapit sa kaniyang among si Susan, isang maybahay, na may asawang OFW, malaki ang suweldo, kaya nakakaangat-angat sa buhay.
“Nai-enrol na kita sa Alternative Learning System o ALS para mapayagan ka nang makapagkolehiyo, kahit hindi mo natapos ang hayskul mo. Mabuti nga ay may mga ganyan-ganyan na ngayon,” saad sa kaniya ni Betty.
Halos maiyak si Betty sa labis na kaligayan.
“Oh… bakit umiiyak ka?” tanong ni Susan.
Nagpahid ng luha si Betty.
“K-Kasi Ma’am, napakabuti po ng kalooban ninyo. Kahit na ako ay hamak na kasambahay ninyo lamang, pinayagan ninyo ako na makapag-aral. Kakaiba po kayo sa lahat ng mga naging amo ko. Maraming salamat po, ngayon pa lamang.”
“Wala ‘yun, Betty. Kasi nakikita ko sa iyo na may potensyal ka, kulang ka lamang sa pagkakataon. Mahusay kang magkuwenta, nagugulat nga ako sa iyo. Kahit wala kang hawak na calculator, alam mo na kaagad ang sagot sa mga tanong ng anak ko. Masasabi kong matalas ang utak mo pagdating sa numero,” wika ni Susan sa kaniyang kasambahay.
“Huwag po kayong mag-alala Ma’am, gagawin ko po ang lahat para hindi mapabayaan ang trabaho ko rito sa bahay, gayundin ang pag-aaral ko, alang-alang po sa inyo.”
At ganoon na nga ang ginawa ni Betty. Matapos ang kaniyang klase sa umaga, agad na siyang umuuwi sa tanghali upang gawin na ang mga gawaing-bahay niya, hanggang 7:00 ng gabi. Pagkatapos maghugas ng mga pinagkainan, hindi na siya inuutusan ni Susan para naman mailaan niya ang nalalabing oras sa pamamahinga, o kaya naman ay pag-aaral sa kanilang mga leksyon.
Pinag-igihan ni Betty ang kaniyang pag-aaral. Hindi kataka-takang nakapasa siya sa ALS, kaya naman maaari na siyang kumuha ng kurso sa kolehiyo.
“Ma’am, okay na po siguro ang ALS. Hindi na po ako tutuloy…”
“Oh, bakit hindi ka na tutuloy? Sayang naman ang pagkakataon,” wika ni Susan.
“Eh kasi nakakahiya po… masyado na pong malaki ang gugugulin kapag nagkolehiyo na. Tama na po yung naaral ko, palagay ko naman po ay hindi na ako magiging mangmang,” saad ni Betty sa kaniyang amo.
“Hindi, Betty. Hindi tama ang ganyang mentalidad. Ganito ang gawin natin, sa isang state university ka mag-apply, kailangang maipasa mo ang college entrance exam. Mas mura nang ‘di-hamak sa mga state universities, pero may kalidad pa rin.”
At gayon na nga ang ginawa ni Betty. Pinalad naman siya na lahat ng mga state universities na kumuha siya ng pagsusulit ay nakapasa siya. Siya na lamang ang namili kung saan niya nais mag-aral. Pinili niya ang paaralang malapit lamang sa kanila.
“Sagot ko ang magiging miscellaneous fee para makapag-enrol ka,” wika ni Susan.
Para naman makatulong sa gastusin ng pagpapaaral sa kaniya ay humanap siya ng scholarship. Pinalad naman siyang makuha, na nagbibigay sa kaniya ng buwanang allowance na 3,000 piso, at ang isa naman ay 1,500 piso. Malaking bagay na iyon upang hindi magalaw ang kaniyang kinikita sa pangangamuhan kay Susan.
At matuling lumipas ang panahon. Nakatapos na si Betty bilang Cum Laude sa kursong Business Management.
“Betty, ipinagmamalaki kita. Napakahusay mo! Ngayon, puwede ka nang humanap nang mas magandang trabaho para mas mapaganda pa ang buhay mo,” naiiyak na sabi ni Susan sa kaniyang kasambahay. Malaki na ang ipinagbago nito mula sa pananamit at pagdadala sa sarili, subalit nananatili pa ring mabait at mapagkumbaba.
“Parang hindi ko ho yata maaatim na iwanan kayo… kayo na po ang naging pamilya ko Ma’am. Para ko na po kayong ina. Hinding-hindi po ako aalis dito, mananatili po akong kasambahay ninyo kahit na ako ay titulado na.”
Ginagap ni Susan ang mga kamay ni Betty.
“Betty… magaan ang loob ko sa iyo, alam mo ba ‘yun, at alam kong may potensyal ka. Alam kong mangyayari ito, kaya inihanda ko na ang sarili ko na balang araw, iiwanan mo ang pagiging kasambahay para makahanap nang mas malaking oportunidad, na bagay sa tinapos mo. Okay lang kami. Dumalaw-dalaw ka na lamang kapag may oras ka.”
“Ma’am Susan… bakit po ang bait ninyo sa akin? Kayo po ni Sir…” hindi na naman mapigilan ni Betty na maiyak kapag naaalala ang kabutihan ng mga amo.
“May ipagtatapat ako sa iyo, Betty. Dati rin akong kasambahay. Mas malala pa nga. Bago ako maging kasambahay, batang lansangan muna ako. Mabuti na lamang at kinupkop ako ng naging amo ko. Pinag-aral din niya ako, at nang mamayapa siya, pinamanahan niya ako nang kaunti.”
Nakatulala lamang si Betty.
“At ibinabalik ko lamang sa ibang tao ang kabutihang natanggap ko sa kaniya. Kaya ikaw Betty, huwag na huwag kang makakalimot sa nakaraan mo. Ibalik mo rin sa kapwa mo ang kabutihang natanggap mo sa iba.”
Tinandaang mabuti ni Betty ang mga sinabi ng kaniyang amo, na ngayon ay nanay-nanayan na niya.
Makalipas ang ilang taon, may sarili na ngang negosyo si Betty. Nagtayo siya ng sariling recruitment agency para sa mga kasambahay, security guard, at mga OFW na nagpapaalis sa ibang bansa.
Nagtayo rin siya ng sarili niyang restawran.
Gayundin, nagkaroon din siya ng mga foundation para hikayatin ang mga batang lansangan at inabandona ng kanilang mga magulang na magtapos ng kanilang pag-aaral upang mapabuti ito.

Nahuli ng Lalaki ang Nobya na Nagsisinungaling at May Kasamang Ibang Lalaki, Nambabae Rin Siya Upang Pasakitan Ito; Magkabalikan Pa Kaya Sila?
