
Simula Nang Makituloy ang Guwapong Pinsan sa Kaniyang Bahay, Pansin Niya na Napapalapit Dito ang Kinakasama; Windang Siya Nang Mahuli Niya ang Dalawa sa Akto
Ipinakita ni Jessie ang magiging kuwarto ng kaniyang pinsang si Darryl na pansamantalang makikituloy sa kaniya habang nag-aasikaso ng papeles para sa trabaho nito sa ibang bansa.
“Pasensya ka na ‘insan ah… medyo maliit itong kuwarto na ito at walang aircon. Saka, pasensya ka na rin kung double deck ang magiging kama mo,” paghingi ng pasensya ni Jessie sa kaniyang kababatang pinsan.
“Sus, wala ‘yun ‘insan. Walang problema sa akin. Ako na nga ang nakikitira dito eh. Huwag kang mag-alala, magbibigay naman ako ng perang panggastos sa dalawang linggong pananatili ko rito,” ani Darryl.
“Huwag mo nang intindihin iyon, ‘insan. Ikaw pa ba? Malakas ka sa akin eh… saka parang di naman tayo magkamag-anak niyan. Alam mo namang espesyal ka sa akin eh…” sabi ni Jessie.
“Ang sweet talaga ng pinsan ko! Suwerte naman ng partner mo sa iyo. Teka, nasaan na nga pala siya? Ipakilala mo naman sa akin ang kinakasama mo,” saad ni Darryl.
“Nasa trabaho ‘yun. Ako may trabaho rin sana kaya lang, hindi ako pumasok para nga masundo ka sa airport nang personal,” pahayag ni Jessie.
“Nakakahiya nga sa iyo ‘insan eh, ikaw pa talaga ang sumundo sa akin, eh puwede naman akong mag-book ng paupahang sasakyan para makarating dito. Salamat, ‘insan ah,” tumayo si Darryl at ipinatong ang kanang kamay sa kaliwang balikat ni Jessie.
Sinundan naman ito ng tingin ni Jessie. Hinawakan niya ang kamay nito na nakadantay sa kaniyang balikat. Pinisil-pisil.
“Wala ‘yun, ‘insan… basta ikaw…”
Tumitig si Darryl sa mga mata ni Jessie. Nakipaglabanan ng titig si Jessie. Nangungusap. May nais sabihin. Tila nailang si Darryl sa ‘awkward’ na eksena kaya agad niyang binawi ang kamay.
“Gutom na ako ‘insan, wala bang makakain diyan?”
“Meron. Tara. Nagluto ako ng turon.”
Mga bandang 7:00 ng gabi ay dumating na mula sa trabaho ang kinakasama ni Jessie na si Brenda.
“Nandiyan ka na pala, Mahal. Si Darryl nga pala, pinsan ko. ‘Insan, si Brenda. Kinakasama ko.”
“Ikaw pala ang nagkamali sa pinsan ko. Nice meeting you, Brenda,” nakangiting pagpapakilala ni Darryl kay Brenda. Iniunat niya ang kamay upang makamayan ito.
“May itinatagong guwapong pinsan pala itong si Jessie!” sabi naman ni Brenda na titig na titig kay Darryl. Sino nga bang babae at beki ang hindi mapapanganga at mapapatitig sa kaguwapuhan at kakisigan ni Darryl? Palibhasa ay dati itong Pilates instructor kaya maganda ang katawan.
Habang naghahapunan ay napapansin ni Jessie na panay ang panakaw na sulyap ni Brenda kay Darryl. Nakaramdam siya ng pagseselos subalit hindi niya ipinahalata.
“Ako na ang maghuhugas ng mga pinagkainan,” sabi ni Darryl.
“Huwag na, ‘insan. Ako na’ng bahala. Bisita ka rito. Mabuti pa ay magpahinga ka muna at alam kong napagod ka sa biyahe,” wika ni Jessie.
“Oo nga naman, Darryl. Hayaan mo na si Jessie, tutal mas nakapahinga naman siya kaysa sa akin ngayon,” nakangiting sabi ni Brenda sabay kindat dito.
Habang naghuhugas ng mga pinagkainan ay naririnig ni Jessie ang masayang kuwentuhan nina Brenda at Darryl. Paminsan din ay humahalakhak si Brenda, halakhak na parang kinikiliti ang pagkababae.
Naalala niya, ganoon na ganoon ang halakhak ni Brenda nang una silang magkakilala.
Hindi napigilan ni Jessie na makaramdam ng selos, kaya hindi sinasadyang maipukpok niya ang isang pinggan sa lababo. Basag. Nagpunta roon ang dalawa upang tingnan siya.
“Ano’ng nangyari?” untag ni Brenda.
“Nadulas lang sa kamay ko… ingay n’yo kasi eh… ano bang pinagkakukuwentuhan ninyo?” pabirong tanong ni Jessie sa dalawa.
“Ah wala naman, nakakaaliw lang magkuwento itong pinsan mo, likas na komedyante eh,” nakangiting sabi ni Brenda.
Hindi niya alam kung bakit nakakaramdam siya ng selos sa ipinakikita ni Brenda kay Darryl na kaniyang pinsan.
Makalipas ang isang linggo, napansin ni Jessie na lagi nang maagang umuuwi si Brenda. Dati kasi, mas nauuna si Jessie. Ngayon, naaabutan na niya si Brenda sa bahay, at madalas ay kausap nito ang pinsan sa sala. Kakaiba rin ang ngiti nito.
Napansin din niyang hindi makatingin nang diretso sa kaniya ang pinsan kapag tinatanong niya ito tungkol sa pagproseso ng mga papel.
Ang dalawang linggong pananatili nito sa kanila ay umabot ng tatlong linggo, hanggang sa maging isang buwan.
“Ang tagal kasi ng pagproseso ng mga papeles, ‘insan,” sabi ni Darryl habang kumakain sila ng hapunan. Si Brenda ang nagluto.
“Bakit kaya?” simpleng tanong ni Jessie. May napansin siyang kakaiba sa ikinikilos ni Brenda, gayundin ng pinsan. Parang hindi ito makakilos nang maayos.
“Hindi ko rin alam eh… gusto mo na yata akong umalis, ‘insan eh, nakakaistorbo na yata ako rito.”
Kitang-kita ni Jessie sa sulok ng kaniyang mga mata ang pagtaas-taas ng kaliwang hita ni Brenda, sa aktong hinihimas-himas ang binti ni Darryl, na noon ay maigsi lamang ang shorts. Kitang-kita ang mapuputi nitong binti na may mga balahibo; lalaking-lalaki. Subalit minabuti niyang huwag sitahin si Brenda dahil naisip niya, baka hindi naman nito sinasadya.
Hanggang isang gabi, nagising si Jessie na wala sa kaniyang tabi si Brenda. Naisip niya, baka uminom lamang o nagbanyo.
Subalit makalipas ang 10 minuto, wala pa rin ito…
Kinutuban na si Jessie. Bumangon siya at lumabas ng kuwarto. Nagtungo siya sa palikuran, sa kusina, at maging sa terrace ay sinilip niya. Wala si Brenda.
Hanggang sa mapadako siya sa kuwartong tinutuluyan ni Darryl. Grabe ang kaba niya. Dahan-dahan siyang lumapit. Pinihit niya ang seradura. Nakasarado.
Idinikit niya ang kaliwang tenga sa hamba ng pinto…
Nakarinig siya ng impit na ungol ng babae…
Tinig mula sa isang taong limang taon na niyang kasama sa bahay…
Napaiyak si Jessie. Mga hayop!
Naalala niya na may susi siya ng kuwarto. Huhulihin niya ang dalawa sa akto.
Click!
Agad na binuksan ni Jessie ang pinto, pinindot ang switch ng ilaw.
Hindi siya nagkamali. Nakaibabaw si Brenda kay Darryl habang nagtataas-baba. Tila mga asong nahuli na kaniya-kaniyang dampot ng saplot sina Brenda at Darryl.
“J-Jessie, magpapaliwanag ako, Mahal…” hindi magkandatuto si Brenda kung paano ipaliliwanag ang kaniyang sarili sa ginawa niyang pagtataksil.
“I-Insan, pasensya na.. si Brenda ang unang lumapit… natukso lang ako… pumasok siya rito sa loob ng kuwarto…
Parang nilalamon ng selos at inggit si Jessie. Bingi at bulag na siya sa kahit na anumang paliwanag.
Mag-asawang sampal ang ipinatikim ni Jessie kay Brenda.
“Hayop ka, Brenda… walanghiya ka!”
“M-Mahal… magpapaliwanag ako…” hilam na sa luha ang mukha ni Brenda, bukod sa namumula ang magkabilang pisngi.
“Anong ipaliliwanag mo? Kitang-kita ko ang lahat. Anong sasabihin mo, bumaba mag-isa ang salawal mo at kusang bumuka ang mga hita mo para kay Darryl? Malandi ka! Bakit si Darryl pa? Akin lang si Darryl, akin!”
Napatda si Brenda, maging si Darryl, sa kanilang mga narinig. Nahinto sa pag-iyak si Brenda, nangunot ang noo.
“Wala akong pakialam kung sinuman ang kalantariin mo, huwag lang si Darryl. Lumayas ka na rito Brenda! Binigyan mo ako ng dahilan para palayasin ka dahil sa ginawa mong kataksilan. Pagod na pagod na akong magpanggap na lalaking-lalaki ako, pero ang totoo… iba na ang nagmamay-ari ng puso ko… simula bata pa lamang ako…” at napatingin si Jessie sa kaniyang pinsang si Darryl.
“A-Anong ibig mong sabihin, ‘insan…”
“Huwag mo akong matawag-tawag na ‘insan dahil alam kong alam mo ang totoo, na hindi ako tunay na anak ng mga magulang ko… hindi tayo magkadugo, Darryl. Mga bata pa lamang tayo, alam kong mahal na kita. Kaya nga ginawa ko ang lahat para mapalapit sa iyo at maiparamdam ko sa iyo na gusto kita, pero hindi mo naman ako pinapansin! Dahil ba tunay na lalaki ka?”
“Jessie, alam mong hindi ko masusuklian ang pag-ibig na idinudulog mo. Hindi ako beki. Babae ang gusto ko. Mahal ko si Brenda… parang awa mo na Jessie, hindi kita papatulan. Iginagalang kita bilang pinsan ko. Kahit hindi kita kadugo, mahal kita… mahal kita bilang pinsan ko,” naiiyak na paliwanag ni Darryl.
Napaupo na lamang si Jessie. Umiiyak. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita ni Brenda ang pagiging malambot ni Jessie—ang tunay na Jessie, na isang pusong babae.
“Patawarin mo ako, Brenda… patawarin mo ako kung sinubukan kitang mahalin para lamang maituwid ko ang sarili ko… pero hindi ko talaga kaya. Matagal na akong nagpapanggap. Ako ang patawarin mo…”
“Pinapatawad kita, Jessie… pinapatawad kita…” naiiyak na sabi ni Brenda at niyakap ang kinakasamang umamin sa tunay nitong kasarian. Nakakatawa man, ngunit nagkabaligtad ang kanilang sitwasyon. Si Jessie na ngayon ang humihingi ng tawad kay Brenda.
Paano nga ba nagtapos ang lahat?
Masaya na ngayon si Jessie dahil alam niyang malaya na siya—mula kay Brenda, at mula mismo kay Darryl, na alam niyang kailanman, hindi masusuklian ang anumang pagmamahal niya para dito.
Kaya hinayaan na lamang niyang magsama ang dalawa. Umalis na si Brenda sa kaniyang poder upang sumama na kay Darryl. Si Darryl naman ay hindi na natuloy sa abroad dahil nakahanap daw ng mas magandang oportunidad dito sa Pilipinas, at isa pa, nais pa nitong makasama si Brenda.
Naniniwala si Jessie na hindi siya kailanman mag-iisa. Ngayong malaya na siya, alam niyang darating din ang tamang tao, ang tamang lalaking magmamahal sa kaniya nang tapat.

May Ginawa ang Amo sa Kaniyang Kasambahay na Hindi Tipikal na Nangyayari sa Kahit na Sinong Mag-amo; Anong Ganti ang Gagawin Nito sa Kaniya?
