Nagalit ang Babae Dahil Hindi Siya Pinansin ng Nars na Tinawag Niya Upang Tingnan ang Kaniyang Inang Pasyente; Tuluyan Kaya Niyang Ireklamo Ito?

“’Nay, salamat naman sa Diyos at magaling ka na. Sabi ng doktor sa akin kanina, puwede na raw tayong umuwi sa bahay, kahit outpatient na lang tayo,” nakangiting balita ni Luisa sa kaniyang inang si Aling Isabel. “Tigilan mo na ang pagkain ng liempo, utang na loob, huwag matigas ang ulo!”

“Salamat naman, anak. Pasensya ka na sa akin. Hindi na mauulit. Mahirap magkasakit sa panahon ngayon. Napamahal ka ba sa gastusin?”

“Medyo, ‘Nay. Kahit wala tayong COVID, pababayaran sa mga pasyente ang isinusuot nilang PPE. Huwag kang mag-alala, may naipon naman ako sa emergency fund, kaya may magagastos tayo. Huwag ka na mag-isip ng kung anuman,” pagbibigay-diin ni Luisa sa kaniyang ina.

“Pangako, anak. Pangako,” naiiyak na sabi naman ni Aling Isabel.

“Teka lang ‘Nay, labas lang ako saglit, tatawag ako ng nurse para makita natin ang blood pressure mo, makatiyak lang ba,” paalam ni Luisa sa ina. Tumango naman ito.

Lumabas ng silid si Luisa upang magtungo sa nurse station at humanap ng kahit na sinong nurse. Tamang-tama na isang naka-PPE ang nakasalubong niya; may hawak itong clipboard. Nakatitiyak siyang nurse ito.

Subalit napansin ni Luisa na para bang nagmamadali ang nurse na ito, at nakatungo kung maglakad. Hindi na lamang ito pinansin ni Luisa.

“Nurse, excuse me… puwede ba ako magpa-assist?”

Advertisement

Tila nagulat ang nurse na kaniyang tinawag. Napatda ito sa kinatatayuan. Sumulyap kay Luisa. Hindi siya pinansin at nagtuloy-tuloy ito sa paglalakad nang matulin.

Tila nainis naman si Luisa sa ginawa ng nurse. Alam niyang nurse ito dahil kahit naka-PPE ito, kita niya ang puting uniporme nito. Sinundan niya ang nurse, na lalong nagmadaling maglakad.

“Teka lang nurse, tinatawag kita ah. Gusto mo bang isumbong kita sa head nurse mo? Puwede kang mawalan ng trabaho… nurse! Nurse!”

Sa halip na huminto, nagtatakbo ang nurse sa pasilyo.

Hinabol iyo ni Luisa. Nahihiwagahan siya sa mga nangyayari.

Hanggang sa masukol siya ni Luisa.

“Ano’ng problema mo sa akin? Pasyente ang nanay ko rito, at puwedeng-puwede kitang ireklamo sa pandededma mo sa akin. Ano’ng pangalan mo?”

KItang-kita ni Luisa ang paghabol ng hininga ng nurse. Marahil ay init na init na ito sa suot nitong PPE, samahan pa ng face mask.

Advertisement

“M-Ma’am… huwag po ninyo akong isumbong. H-Hindi po ako nurse.”

Nangunot ang noo ni Luisa. Lalo siyang nairita. Kitang-kita sa mukha niya ang pagkairita. Sinasayang ng babaeng ito ang oras niya.

“Huwag mo kong gawing sinungaling. Nurse ka! Tingnan mo’ng uniporme mo. Oh sige, pagpalagay nating hindi ka nga nurse… pero empleyado ka pa rin dito! Sana sinabi mo sa akin na nagkamali ako, para ‘di na kita tinawag, at hindi na kita hinabol! Nag-iisip ka ba, miss?”

“H-Hindi rin ako empleyado rito, miss.”

Natigilan si Luisa.

“Eh kung hindi ka empleyado rito… ano ka rito? Bakit ka nakasuot nang ganiyan? Uniporme ng nurses iyan dito.”

“N-Nagpapanggap lang akong nurse. Bawal kasi ang bantay sa loob ng kuwarto ng pasyente, kahit hindi naman COVID-19 ang sakit. May sakit ang Tatay ko miss, anumang oras maaari siyang kunin ng Panginoon,” nangingilid ang luhang paliwanag ng babae.

Napatda si Luisa sa kaniyang mga narinig.

Advertisement

“May stage 4 c*ncer sa atay ang Tatay ko miss, at hindi ko makakayanang kunin siya sa amin nang wala ako sa tabi niya. Kaya ito na lang ang naisip kong paraan para makalapit sa kaniya. Kapag wala ang bantay na nurse, pumapasok ako sa loob ng kuwarto niya para alagaan siya. Sa laki ng ospital na ito, hindi lahat ng nurses o empleyado ay magkakakilala.”

Nakaramdam ng kirot sa puso si Luisa sa kuwentong narinig niya. Hindi siya makapaniwalang nangyayari ito. Sa kabilang banda ay nakaugnay rin siya rito dahil sa isang araw lamang na pagkakaospital ng kaniyang Nanay, at dahil wala naman itong sakit, pinayagan na siyang makalapit para maiuwi na ito.

“G-Ganoon ba? P-Patawarin mo ako sa mga nasabi ko, hindi ko naman alam kasi.”

“Kalimutan na natin ito, miss. Kailangan ko nang bumalik sa kuwarto ng Tatay ko at baka may makahalata sa atin… sa akin,” pakiusap ng babae.

Tumango-tango naman si Luisa. Bago tuluyang umalis, tinanong niya ang buong pangalan nito. Gianna Aquillero. Maya-maya, ingat na ingat na itong umakyat sa susunod na palapag kung nasaan ang kuwarto nito.

Nakauwi na rin sa bahay sina Luisa at Aling Isabel. Nang gabing iyon, hindi makatulog si Luisa dahil sa naranasang engkuwentro sa babaeng nagpanggap na nurse para lamang makalapit at maasikaso ang amang anumang oras ay maaari nang sumakabilang-buhay ito.  

Kinabukasan, sinubukan niyang hanapin sa social media si Gianna upang kumustahin ito. Masuwerteng natagpuan naman kaagad niya.

Naging magkaibigan sila sa chat. Makalipas ang apat na araw, nalaman ni Luisa na natuluyan na nga ang tatay ni Gianna. Dumalo siya sa burol nito.

Advertisement

Simula noon ay naging magkaibigan na sina Luisa at Gianna. Minsan ay inaaya niya ito sa kanilang bahay, lalo na kapag nalulungkot ito sa pagkawala ng tatay, upang kahit paano ay maaliw-aliw naman ito. Masayang-masaya si Luisa na kahit paano ay nagkaroon siya ng isang kaibigan, kahit sa alanganing sitwasyon na sila ay nagkakilala.