Inday TrendingInday Trending
Inalipusta ng Mag-Ina ang Kaanak Nilang Born Again; Sa Kanila Babalik ang Masama Nilang Gawa

Inalipusta ng Mag-Ina ang Kaanak Nilang Born Again; Sa Kanila Babalik ang Masama Nilang Gawa

Wala pang isang taon na nakatira ang mag-inang Judy at Emie sa compound na ipinamana ng yumao nilang lola.

Malawak ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay ngunit hindi lamang sila ang nakatira roon. Ang kalahati niyon ay pinatayuan nila ng paupahan para mayroon silang dagdag na kita. Sa loob din ng compound nila nakatira ang mag-iinang Benilda, Dolly at Johnson na malayo nilang mga kamag-anak.

Si Judy at ang kanyang ina ay may ibang relihiyon. Sila ay mga ‘born again’ ngunit kahit iba ang kanilang paniniwala ay mabubuti naman silang mamamayan. Likas na matulungin ang mag-ina kaya kahit mahirap ang buhay ay nakakaraos pa rin sila.

Nagtatrabaho si Judy bilang factory worker at kapag walang pasok ay nagtuturo siya ng mga salita at gawain ng kanilang relihiyon sa iba pa nilang kapanalig. Ang inang si Emie naman ay mananahi ng mga damit pang-eskwela, pang-opisina at mga gown. May sarili itong shop sa loob ng kanilang compound. Sa pananahi iginapang ng ginang ang pag-aaral noon ng anak hanggang sa ito’y makatapos sa hayskul mula nang sumakabilang buhay ang mister. May balak pa rin namang ipagpatuloy ni Judy ang kolehiyo, kaya nga tinutulungan ng dalaga sa paghahanapbuhay ang ina para maka-ipon ng pang-matrikula.

Kung marunong makipag-kapwa tao ang mag-inang Judy at Emie, kabaligtaran naman ang mag-inang Benilda at Dolly na kanilang mga kaanak na nakatira rin sa lupa nila.

Isang araw, nagulat si Judy nang makitang may sumingit sa kanya sa pag-iigib sa posong nasa loob ng kanilang compound.

“B-bakit nauna pa ang mga timbang ito? E, ako ang naunang naglagay ng timba ko sa pila, a!” sabi niya na medyo napalakas ang boses.

Tatanggalin sana niya ang mga timba nang bigla siyang sigawan ni Dolly.

“Sandali, bakit mo tatanggalin ang mga timba ko? Ako ang naglagay niyan. Poso namin ‘yang pinipilahan mo, e!” anito.

Para hindi na humaba pa ay hindi na lamang niya sinagot ang babae sa halip…

“Ganoon ba? Sige, ikaw na ang mauna,” sagot niya.

Pagpasok sa loob ng bahay nila ay ikinuwento niya sa ina ang nangyari.

“Napakasama talaga ng ugali niyang si Dolly, inay. Ako ang naunang pumila sa poso, paglingat ko’y inunahan na ako sa pila. Limang malalaking timba pa ang ipinila niya kaya kalahating oras akong naghintay para makasalok. Kung maayos lang sana ang pakikipag-usap niya ay hindi ako maiinis nang ganito,” sumbong ng dalaga.

“Akala ko nga kung saan ka na nagpunta, e. Kanina pa kita hinahanap. Ikaw na lamang ang magpasensya sa kanya, anak,” sabi ng ina.

“Bakit kasi dito pa tayo tumira, inay? Puwede naman sa probinsya na lang tayo. Sumosobra na ang Dolly na iyon at ‘yung nanay niyang walang ginawa kundi magparinig. Buti pa si Johnson, mabait at palabati,” tugon niya.

“Ipinamana ng Lola Belen mo ang lupang ito sa atin kaya dapat ay dito tayo tumira. Isa pa, iyon ang nakasaad sa huling testamento ng lola mo kaya hindi natin siya bibiguin. At saka bakit tayo aalis dito? Tayo naman talaga ang tunay na may-ari nitong lupa na ito. Pinatira lang sila ng lola mo rito,” wika pa ni Emie sa anak.

Sa bahay naman nina Dolly…

“Dito na kami ipinanganak at nagka-isip at atin ang teritoryong ito ‘di ba, mommy? Ang lakas ng loob ng Judy na iyon na kuwestyunin ang pagpila ko ng mga timba sa poso natin!” sumbong ng babae sa ina.

“Tama lang ang ginawa mo. Ako ang personal na nag-alaga sa lola niya at nagpaayos ng compound na ito pati bahay nila kaya mas may karapatan tayo sa lupang ito,” wika ni Benilda.

Kinaumagahan, buwisit na buwisit na naman si Dolly nang marinig na may mga nagkakantahan sa bahay nina Judy.

“Ano ba ‘yon, mommy? Ang ingay-ingay naman diyan sa kabilang bahay. Hindi ko tuloy maintindihan itong pinapanood kong Kdrama sa TV. Sugurin mo na nga sila mommy para magtigil.”

Dali-dali namang pumunta ang ginang sa bahay ng mag-ina. Naabutan nga nito ang mga kabataan na kumakanta ng worship songs at tumutugtog ng gitara. Nakabukas pa ang radyo kaya mas lalong umingay. Sa tindi ng galit ay binungangaan niya ang mga ito.

“Hoy magsitigil nga kayo! Ang iingay ninyo ha! Tigilan ninyo ang pagkanta at pagtugtog! Pat*yin din ninyo ang radyo na ‘yan, kundi kayo ang pap*t*yin ko!” sigaw ng ginang.

Nang biglang lumabas sa kusina si Judy at narinig ang sinabi ni Benilda.

“Magdahan-dahan naman po kayo ng pagsasalita. Baka nakakalimot kayong nasa pamamahay namin kayo. Kung maingay man po kami ay humihingi kami ng paumanhin pero igalang niyo naman kaming mga naririto,” sabi ng dalaga na hindi na napigilan ang sarili.

Mas lalong nanggalaiti si Benilda.

“Bakit? Sino ba kayo? Mga hampaslupa lang naman kayo na mga born again!” galit na sambit ng ginang.

Nagpanting ang tainga ni Judy sa tinuran nito ngunit mas nanaig pa rin sa kanya ang pagtitimpi.

Mga propesyunal kasi ang mag-iina sa kabilang bahay. Si Benilda ay isang propesora sa kilalang unibersidad, ang panganay nitong si Dolly ay accountant sa bangko at ang bunsong anak na si Johnson ay isa namang dentista.

Marahil kaya ganoon na lamang sila hamakin ng mga ito ay dahil siya’y factory worker lang at ang nanay naman niya ay hamak na mananahi lang.

“Buti na lamang at nakapagpigil pa rin ako kanina, inay,” sabi niya sa ina.

“Tama lang ang ginawa mo, anak. Huwag na lamang tayo kikibo. Ang Diyos na ang bahala at saka dapat tayong maging magandang ehemplo sa kanila para maakay sila sa Panginoon. Huwag kang mag-alala, hanggang doon lang naman ang magagawa nila dahil nasa akin pa rin ang titulo ng lupang ito. Hinding-hindi nila tayo matatakot,”sambit ni Emie sa anak.

Samantala, nalaman naman ng anak ni Benilda na si Johnson ang ginawang pagsugod ng ina sa kabilang bahay.

“Kailan niyo ba titigilan sina Judy? Pati hanapbuhay at pagiging born again nila ay inaalipusta ninyo. Mahiya naman po kayo. O, nagbubulungan na naman kayo, ano na naman ang binabalak ninyo? Naghahanap na naman kayo ng butas para asarin sila? Tigilan niyo na ‘yan. Wala kayong habol kahit ano pang gawin ninyo, sila pa rin ang legal na nagmamay-ari ng lupang ito. Tayo ang iskwater dito, nakikitira lang tayo sa lupa nila kaya dapat tayo ang mang-amo sa kanila,” wika ng binata.

Matalim na tumingin sa kanya ang ina at kapatid.

“Napaka-traydor mo talaga. Mas kampi ka pa sa kanila? Mabuti pa doon ka na lang tumira kung gusto mo!” gigil na sabi ni Dolly sa kapatid.

“Hayaan mo na ang kapatid mong ‘yan, anak. Ang isipin mo ay kung paano pa natin aasarin ang mag-inang iyon para tuluyan na natin silang mapaalis sa lupang ito, para sa atin na rin mapunta ang bahay at paupahan nila,” sabi naman ni Benilda.

Napabuntung hininga na lamang ang binata.

“Diyos ko, patawarin Niyo po ang pamilya ko sa mga ginagawa nila sa kanilang kapwa,” bulong niya sa isip.

Hindi pa rin naawat sa pang-iinis ang mag-inang Benilda at Dolly sa mag-inang Judy at Emie. Kung anu-ano pang pagpaparinig at masasakit na salita ang binitawan ng dalawa laban sa pagkatao at relihiyon ng kaanak ngunit isang araw ay isang sakuna ang naganap. Nagkaroon ng malakas na lindol at ang bahay nina Benilda ang lubhang naapektuhan. Nagiba ang maganda at malaki nilang bahay, ang ari-arian na matagal nilang ipinundar ay gumuho.

“Wala na tayong bahay mga anak! Nagiba ng lindol!” hagulgol ni Benilda na ‘di matanggap ang nangyari sa kanila.

“Mommy…paano na tayo ngayon? Saan tayo titira?” sabi ni Dolly na walang tigil sa pag-iyak.

Sa pagkawala ng tahanan ng mag-iina ay nakakapagtakang ang bahay nina Judy at paupahan sa loob ng compound ay hindi man lang natinag ng lindol.

Dahil wala nang bahay sina Benilda ay wala na silang mapanghahawakang rason para manatili sa lugar na iyon. Pinuntahan ni Johnson ang mag-inang Judy at Emie para magpaalam.

“Sorry sa nangyari sa bahay ninyo, Johnson. Kung gusto ninyo ay dito muna kayo tumira sa amin,” wika ni Emie sa binata.

“Salamat po Manang Emie pero napagdesiyunan na po namin na doon muna kami makikitira kina Tiyo Osting. Huwag din po kayong mag-sorry, inani lang nina mommy at ate ang itinanim nila. At saka ipinakita lang ng Diyos na ang lupang ito ay sa inyo talaga. Kayo ang mas karapat-dapat na manatili rito. Sana po ay mapatawad ninyo sila sa mga nagawa nila,” sambit pa ng binata.

“Napatawad na namin sila ni inay, Johnson,” sabad naman ni Judy.

Pinigilan pa ng mag-ina na umalis sina Johnson ngunit buo na ang desisyon ng mga ito. Sinabi pa ni Emie na bukas ang kanilang bahay sa kabila ng mga ginawa ng ina at kapatid ng binata.

Pagkatapos magpaalam ay maayos na umalis ang mag-iina. Puno naman ng pagsisisi sina Benilda at Dolly habang tinatanaw sa malayo ang gumuho nilang bahay. Sana ay naging mabuti na lang sila sa kanilang kapwa para hindi sila pinarusahan ng Diyos. Nawalan tuloy sila ng tirahan.

Advertisement