Bagong Kasal ang Mag-Asawa Ngunit Kailangang Umalis ng Lalaki Para Sumakay ng Barko; Isang Pangyayari ang Magpapabago sa Kanilang Pagsasama

Bagong Kasal ang Mag-Asawa Ngunit Kailangang Umalis ng Lalaki Para Sumakay ng Barko; Isang Pangyayari ang Magpapabago sa Kanilang Pagsasama

LoveMysteryStories

Bagong kasal ang mag-asawang James at Chanda. Apat na taon silang magkarelasyon kaya napagkasunduan na nilang lumagay sa tahimik. Si James ay kapitan ng barko na nakatakdang umalis pagkatapos ng kanilang pag-iisang dibdib. Nagkataon na may mahalagang paglalayag ang barko kung saan nagtatrabaho ang lalaki kaya apektado ang kanilang pulot gata. Si Chanda naman ay simpleng maybahay na lamang. Pinahinto na siya ng mister sa pagtatrabaho sa pinapasukang opisina sa Makati. Gusto ni James na gampanan na lang ng misis ang pagiging asawa para hindi na rin ito napapagod. Ganoon niya kamahal si Chanda.

“Talagang aalis ka na ngayong gabi? Hindi na matutuloy ang ating honeymoon?” malungkot na tanong ni Chanda sa mister.

“Mahalaga ang paglalayag naming ito, mahal ko. Huwag kang mag-alala, ilang araw lang naman akong mawaala at babalik din ako at itutuloy natin ang naudlot nating honeymoon,” sagot ni James na hinagkan sa noo ang asawa.

“Maghihintay ako, James. Aasahan ko ang agad mong pagbalik, mahal ko.”

Natuloy na umalis ang lalaki ngunit ang ilang araw na ipinangako nito ay naging isang linggo hanggang umabot ng isang buwan.

Isang araw, isang nakahihindik na balita ang sumalubong kay Chanda nang magbasa siya ng diyaryo.

“H-hindi! Hindi totoo ito!”

Nakasaad sa balita na sumabog ang barkong sinasakyan ng asawa niyang si James. Pinasabog daw ng teroristang grupo habang naglalayag ang barko sa Pacific ocean.

“B-buhay pa siya! Buhay pa si James! Buhay pa ang asawa ko!” paulit-ulit niyang sabi habang humahagulgol sa pag-iyak.

Agad siyang pumunta at nakipag-ugnayan sa kompanyang pinagtatrabahuhan ng mister ngunit mas lalo niyang ikinapanlumo ang sinabi sa kanya roon.

“I’m sorry, ma’am…isa si Captain James Cedillo sa mga nawawala sa sumabog na barko. Mahigit isandaang trabahador ng barko ang nasawi at tatlumpu pa ang nawawala, isa sa kanila ang inyong mister,” sabi ng isang staff.

“H-hindi…buhay siya, buhay si James! Buhay pa ang asawa ko!”

Gustong sumabog ng dibdib ni Chanda sa narinig. Hindi niya matanggap na isa ang asawa niya sa mga hindi pa natatagpuan sa sumabog na barko. Hindi niya alam kung buhay o pat*y na ito, hindi niya alam kung may hihintayin pa siya o wala na.

Mabilis na lumipas ang mga buwan. Hindi pa rin nahahanap ang katawan ni James. Walang nakakaalam kung buhay pa o wala na ang lalaki kaya naisip ng iba na sumakabilang buhay na ito. Maaaring hindi na ito nakaligtas sa mababangis na hayop sa karagatan at pinagpiyestahan na ang katawan nito kaya hindi na mahanap. Hindi na rin nagawang mag-antay pa ni Chanda kaya naghanap na ulit ang babae ng panibagong pag-ibig sa katauhan ni Charles na isang manager sa bangko.

“Tingnan mo’ng kaibigan nating si Chanda, ilang buwan pa lang na nawawala ang mister ay may bago na agad nobyo. Kay bilis na nilimot si James kaya ngayon ay malapit na siyang ikaasal kay Charles,” wika ng isang malapit na kaibigan.

“Ano pa ba kasi ang hihintayin ni Chanda? Hanggang ngayon ay hindi pa rin nahahanap ang b*ngkay ng asawa niya, malamang ay pat* y na nga iyon. Bata pa naman ang kaibigan natin kaya may karapatan siyang lumigaya ulit sa piling ng ibang lalaki. Tingnan mo, kayganda nilang pares ‘di ba? Bagay na bagay sila,” sabad naman ng isa pa habang pinagmamasdan na magakasama ang babae at bago nitong karelasyon.

Ngunit kinagabihan, isang tawag ang gumimbal kay Chanda…

“J-James? Ikaw nga ba ‘yan? Buhay ka! Nasaan ka?!” gulat niyang sambit sa kabilang linya. Kausap niya si James na biglang tumawag sa kanya sa telepono. Natitiyak niya na iyon ang boses ng mister niya, alam na alam niya ang boses nito kaya sigurado siyang ang lalaki nga iyon.

“Puntahan mo itong honeymoon cottage na sasabihin ko sa iyo, nandito ako. Ibibigay ko ang direksyon kung saan. Magkita tayo rito, mahal ko, itutuloy na natin ang naudlot nating honeymoon,” wika ng lalaki.

Ikinagulat ni Chanda ang sinabi nito. Bakit ngayon lang ito tumawag at nagparamdam sa kanya? Bakit hindi man lang ito pumunta sa kanya at mas gusto pang magkita sila sa ilang na lugar na ngayon lang niya narinig? Agad niyang sinulat sa maliit na papel ang ibinigay na lugar at address ni James. Kahit naguguluhan pa rin sa mga nangyayari ay agad niyang pinuntahan iyon.

Natunton ni Chanda ang cottage sa tabi ng isang ilog sa liblib na probinsya. Isa iyong bakasyunan kung saan maaaring tumuloy ang mga mag-asawang bagong kasal para mag-honeymoon. Sinalubong siya ng isang matandang lalaki na sa tingin niya ay lampas otsenta anyos na, kuba ito at may hawak na tungkod. Nagpakilala ang matanda na si Tata Pedro na siyang nagbabantay sa honeymoon cottage na iyon. Sinabi niya rito ang pakay at sinamahan naman siya nito sa cottage kung saan siya hinihintay ng kanyang asawa. Ang sabi ng matanda ay pumasok na raw siya sa loob at kanina pa naghihintay ang mister niyang si James. Nang makaalis ang matanda ay agad siyang pumasok sa loob ng cottage ngunit nangilabot siya pagpasok niya roon…

Bumungad kasi sa kanya ang isang pangit na lalaki na tila naagnas ang mukha.

“Eeee! S-sino ka? Nasaan ang asawa kong si James?”

“Namangha ka ba? Hindi mo akalain, ano? Ako si James, ang asawa mo. Ako ito, mahal ko,” sambit ng lalaki.

“Hindi maaari! Kaboses mo si James, pero ang mukha mo ay karima-rimarim!” takot na takot na sabi ni Chanda.

“Maniwala ka sa akin, ako talaga si James. Buhay ako, hindi ako kasama sa mga nasawi sa sumabog na barko. Nakaligtas ako. Dito ako napadpad sa lugar na ito at ang tumulong at kumupkop sa akin ay si Tata Pedro na nagbabantay at namamahala sa honeymoon cottage na ito. Dahil sa pagsabog ay naapektuhan ang buong mukha ko kaya ganito na ang itsura ko ngayon,” sabi ni James.

“Hindi! Hindi ikaw ang asawa ko!” giit ni Chanda na ayaw tanggapin ang bagong anyo ng mister.

“Ngunit asawa kita, Chanda…kailangang ituloy natin ang naudlot nating honeymoon, napakaganda nitong cottage na ito na para talaga sa ating dalawa. Ibinigay ito ni Tata Pedro sa atin nang libre kaya ano pang hinihinay mo, halika na aking mahal. Lapitan mo ako, Chanda, yakapin mo ako,” yaya ng lalaki.

“Hindi! Hindi na ikaw ang James na asawa ko! Iba ka na…halos isa ka nang halimaw sa anyo mo!” sambit ng babae.

Ngunit kahit na matigas sa pagtanggi si Chanda ay sinunggaban siya ng lalaki at kinarga.

“Akin ka lang, Chanda. Ako pa rin ang asawa mo kaya susunod ka sa gusto ko,” wika ni James.

Napatili na nang malakas ang babae.

“Bitiwan mo ako! Nakakadiri ka! Ayoko sa iyo, bitiwan mo ako! Eeeee!”

“Hindi, Chanda…may karapatan ako sa iyo kaya huwag ka nang magmatigas pa,” sagot ni James na humalakhak ng tawa.

Sa tindi ng takot ay nawalan ng malay si Chanda. Inihiga siya ni James sa kama at lumabas sa cottage. Pinuntahan ng lalaki si Tata Pedro sa kuwarto nito.

“Hinim*tay ang asawa mo? Hayaan mo lang siya, mamaya ay gigising din iyon. Sa mga ikinuwento mo sa akin ay unti-unti mo nang nalalaman ang totoong pagkatao ng babaeng pinakasalan mo, hijo. Ibig sabihin ay tama ang nakita ko sa aking mga baraha na lagi siyang may kasamang ibang lalaki. Hindi ka niya totoong mahal, hindi tunay ang pag-ibig niya sa iyo,” wika ng matanda.

“Kay dali niya akong pinalitan, ilang buwan pa lang naman akong nawawala. Minahal ko pa naman siya,” malungkot na sambit ni James sa kausap.

Ilang sandali lang ay nagising na si Chanda.

“Wala na ang pangit na lalaking iyon. Wala nang ibang tao sa cottage na ito, nananaginip lang yata ako, eh… Pero si James, parang totoong-totoo,” wika niya sa isip na hindi pa rin makapaniwala sa nasaksihan.

Mula noon ay hindi na tumawag o nagpakita pa sa kanya si James. Naalala niya na nang magising siya sa cottage na pinuntahan niya at ikinuwento sa matandang nakilala niya roon ang tungkol sa pagkikita nila ng kanyang asawa, sinabi nito na wala naman daw doon ang mister niya at sabi pa ng matanda na nagpunta raw siya doon para magbakasyon na labis niyang ipinagtaka. Bakit naman siya pupunta roon para magbakasyon? Nahihiwagaan talaga siya sa mga nangyari, kaya ipinalagay na lamang niya na ang mga iyon ay isang masamang panaginip, isang bangungot na gusto na niyang kalimutan. Pat*y na si James, wala na ang asawa niya kaya imposibleng mabuhay pa ito at magpakita sa kanya.

Natuloy ang kasal nina Chanda at Charles ngunit matapos iyon ay laking gulat ng dalawa nang magpakita sa kanila si James. Ikinamangha ni Chanda na hindi pangit ang mukha ng dati niyang asawa. Hindi ito mukhang halimaw na nakita niya sa cottage kundi guwapung-guwapo pa rin ito at hindi nawala ang pagiging makisig ng lalaki.

“J-James! Ikaw nga ba? Ang mukha mo!” gimbal na sabi ni Chanda.

“Hindi na isang halimaw? Hindi isang panaginip o bangungot ang nangyari sa iyo, Chanda. Totoo ang lahat ng nangyari. Ang cottage na pinuntahan mo ay mahiwaga, isang enchanted cottage na nagiging pangit ang mukha ng taong may dalisay na pag-ibig, upang subukin ang katapatan ng asawa o kabiyak. Nang makita mo ako sa mala-halimaw na anyo at ako’y iyong itinatwa at pinandirihan, nabatid ko na hindi mo talaga ako mahal dahil iba na ang aking itsura. Si Tata Pedro na siyang namamahala at nagmamay-ari ng mahiwagang cottage na iyon ang nakatuklas na hindi mo ako totoong minahal, Chanda. Nang mapadpad ako sa lugar na iyon nang sumabog ang sinasakyan kong barko ay labis akong nag-alala sa iyo, gusto kong malaman ang kalagayan mo. Mabuti na lamang at may kapangyarihang taglay ang matanda, may kakayahan siyang makita ang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap sa pamamagitan ng pagbabasa sa kanyang mga baraha kaya nang idulog ko sa kanya ang tungkol sa iyo ay nakita niyang may iba ka nang lalaki, pati ang tunay mong pakay kaya mo ako pinakasalan ay nalaman din niya. Pinakasalan mo lang pala ako dahil alam mong may makukuha akong mana sa aking namayapang mga magulang. At ang pagpapakasal ng lalaking iyan sa iyo ay hindi rin totoong pag-ibig dahil kaya ka lamang niya pinakasalan ay alam niya na may makukuha kang mana kapag napatunayan na ako’y pumanaw na. Pasensya na, kahit isang kusing ay wala kayong mapapala sa akin. Lumabas din ang tunay ninyong kulay,” bunyag ng lalaki.

Natulala at napahiya ang dalawa sa mga tinuran ng lalaki. Ipinawalang-bisa ni James ang kasal nila ni Chanda dahil hindi naman siya minahal ng babae kaya ano pa ang dahilan kung pakikisamahan niya ito?

Hiniwalayan na rin ni Charles si Chanda dahil nabunyag na ang lihim niya at wala na rin naman siyang mapapala sa babae dahil wala itong makukuhang kahit ano mula sa dating asawa.

Parehong luhaan at talunan na puno ng pagsisisi ang dalawang tuso. Malaki ang pasasalamat ni James kay Tata Pedro na tumulong sa kanya na mabunyag ang katotohanan. Mabuti na lamang at mayroong mahiwagang cottage na nagsiwalat ng lahat kundi ay nagtagumpay sina Chanda at Charles sa mga balak ng mga ito.

Samantala, sa mahiwagang cottage, may panauhin na namang sinalubong si Tata Pedro.

“Naku, siguradong magiging exciting ang honeymoon natin, sweetheart,” sabi ng babae.

“Titiyakin ko ‘yan, sweety. Magiging memorable ang honeymoon nating ito,” sagot naman ng lalaking kasama nito.

“Maligayang pagdating. Sige, sasamahan ko na kayo sa cottage ninyo,” sambit ng matanda. “May masusubok na naman kung sino ang matapat sa isa’t isa,” nakangiting bulong ni Tata Pedro sa isip.

More Stories