
Isang Binata ang Ayaw nang Lumabas Mula sa Kulungan; Ano ang Istorya sa Likod Nito?
“Martinez, may bisita ka,” tawag sa kaniya ng isa sa mga pulis habang binubuksan nito ang selda niya.
Bahagyang nakaramdam ng pananabik si Jepoy nang maisip na baka sa wakas ay binisita na siya ng kaniyang pamilya.
Ngunit agad rin iyong napawi at napalitan ng pagkadismaya nang makita ang pamilyar na matandang lalaking naghihintay sa kaniya.
Nakasuot ito ng pormal na damit at tila galing pa sa trabaho. Gaya ng dati ay nakangiti ito sa kaniya.
“Jepoy. Kamusta?” bungad nito nang maupos siya sa harap nito. Isang makapal na salamin ang nakapagitan sa kanila.
Imbes na sumagot ay mataman niya lang itong tinitigan.
“Attorney Valdez, bakit nandito ka na naman?” iritable niyang tanong kahit na alam niya naman ang sagot.
“Jepoy, makinig ka sa akin. Maupo ka muna,” pakiusap nito.
Matigas na iling ang naging sagot niya sa matandang abogado.
“Hindi na kailangan. Umalis na kayo at ‘wag na kayong babalik dito para bisitahin ako. Hindi niyo naman ako kamag-anak para dalawin. Ayaw ko na kayong makausap,” malamig niyang pahayag saka pumihit pabalik sa selda kung saan siya nakatoka.
Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin maintindihan kung bakit ganoon na lang ang kagustuhan ng matandang abugado na tulungan siyang makalabas sa kulungan.
Halos apat na taon na mula nang makulong siya sa salang hindi naman niya ginawa. Ang sabi ng mga pulis ay siya raw ang sumaks*k sa isang kilalang negosyante sa kanilang lugar na naging mitsa ng buhay nito.
Nataon naman na lasing siya ng mga oras na iyon at naroon siya sa lugar na pinangyarihan ng krim*n. Naging madali para sa mga pulis na ituro siya bilang salarin.
Kahit na anong tanggi niya ay walang naniwala. Noong una ay gustong-gusto niyang makalabas, ngunit nang talikuran siya ng sarili niyang pamilya ay napagtanto niyang mas mabuti na sigurong manatili na lang sa loob ng piitan.
Sariwang-sariwa pa sa alaala niya ang sagot ng sarili niyang ina nang tanungin ito ng mga pulis ukol sa kinasangkutan niyang krim*n.
“Kahit na anak ko si Jepoy, hindi ko siya ipagtatanggol. Bata pa lang ‘yan, pariwara na. Imbes na mag-aral, puro bisyo ang inaatupag. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya.”
Pakiramdam niya ay nadurog siya sa sinabi nito. Naisip niya noon, kung hindi siya kayang paniwalaan ng sarili niyang pamilya, sinong maniniwala sa isang pariwara na gaya niya?
Dalawang taon na siyang nakakakulong nang makilala niya si Attorney Valdez. Nabasa raw nito ang tungkol sa kaso niya at gusto siyang tulungan nito ngunit tumanggi siya.
Akala niya ay susuko na ito ngunit nagkamali siya. Dalawang taon na itong bumibisita para kumbinsihin siyang pumayag, kahit na anong tanggi ang gawin niya.
Nang sumunod na linggo ay nagpunta na naman ito. Napabuntong-hininga na lang siya bago ito hinarap.
“Pumayag ka na, Jepoy. Kaya kitang ilabas sa piitan na ‘to,” anang matanda.
Bitbit nito ang sangkatutak na dokumento na kinalap daw nito para makatulong sa kaniya. Inisa-isa nito ang dokumento at noon niya napagtanto kung gaano katindi ang kagustuhan nito na mailabas siya sa kulungan.
“Sigurado ka ba riyan, Attorney?” diskumpiyadong tanong niya.
“Kumpleto na ang ebidensya natin, Jepoy. Hindi ko lang ito nilalabas dahil ayaw mo. Bakit ba ayaw mong umalis sa lugar na ito, Jepoy?” sa hindi niya na mabilang na pagkakataon ay tanong nito sa kaniya.
Napatingin siya sa maliit na bintana sa gilid kung saan tanaw niya ang kapirasong parte ng asul na asul na langit.
“Kahit naman makalabas ako rito, Attorney, wala pa rin namang mababago. Kahit na mapatunayan nating inosente ako, sa paningin ng iba, krimin*l pa rin ako,” seryoso niyang saad.
Iyon ang talagang dahilan kung bakit ganun na lang ang pagtanggi niya. Totoong mahirap ang buhay sa selda at kung minsan ay naawa siya sa sarili, pero madalas rin niyang maisip na mas mabuti na naroon siya sa loob.
Kaysa naman harapin niya pa ang masasakit na salitang maririnig niya sa mga tao kapag nakalabas na siya. Mga salitang minsan sa pamilya niya pa manggagaling.
“Jepoy, hindi ka naman nabubuhay para sa ibang tao kundi para sa sarili mo. Hindi pa huli ang lahat. Bata ka pa at maraming ka pang pwedeng magawa sa buhay,” payo nito.
Kunot noo niya itong tinitigan.
“Hindi ganun kadali ang lahat, Attorney. Ano bang alam niyo? Edukado kayo at maayos ang buhay. Hindi tayo magkatulad, at hind tulad mo, hindi naging mabuti ang buhay!” bulyaw niya sa matanda bago siya padabog na tumayo.
“‘Wag n’yo na ulit ako bibisita–
Bago pa matapos ang sasabihin niya ay nagsalita na ang matanda.
“Naiintindihan kita. Alam na alam ko ang pinagdaraanan mo kaya nga nandito para sa’yo. Ayaw kong maranasan mo ang naranasan ko noon,” seryoso nitong turan.
Kuryosong nilingon niya ang matanda.
“Anong ibig mong sabihin?”
Mataman siya nitong tinitigan bago ito bumuntong-hininga. Ikinuwento nito sa kaniya kung paano ito nakulong dahil sa isang mabigat na paratang sa kasalanang hindi naman nito ginawa kagaya ng nangyari sa kaniya.
“Nakulong ako nang halos sampung taon at nakalaya lang nang umamin ang tunay na may kasalanan. Tama ka noong sinabi mong hindi madali ang lahat. Hindi madaling baguhin ang masamang tingin ng ibang tao sa’yo pero kalaunan, napagtanto ko rin na wala akong pananagutan sa kanila. Kailangan kong bumangon para sa sarili ko,” pagkukuwento nito. May pait na ngiting nakapaskil sa labi ng matanda.
Natulala si Jepoy sa narinig. Hindi niya akalain na ang isang respetadong tao na gaya nito ay may madilim na nakaraan!
“Hayaan mong tulungan kita. Ayaw kong maranasan mo ang naranasan ko, Jepoy. Biktima ka lang ng pagkakataon, kaya’t wag mong parusahan ang sarili mo.”
Sa kauna-unahang pagkakataon simula noong dumating si Jepoy sa kulungan ay tumulo ang kaniyang luha. Sa unang pagkakataon kasi ay nakahanap siya ng kakampi sa katauhan ni Attorney Valdez.
Bago pa niya mamalayan ay unti-unti na siyang tumango, senyales na tinatanggap niya ang tulong na inaalok nito.
Iyon ang araw na bumago sa buhay niya. Dahil matapos ang halos anim na buwan, opisyal siyang nakalaya.
Ganun na lang ang pasasalamat niya sa abogadong nanatili sa kaniyang tabi. Bilang ganti ay nangako siya rito at sa sarili na gagawin niya ang lahat para makabangon at magsimulang muli.
Sa ngayon ay nagsisikap si Jepoy na matapos ang kursong abogasya. Malapit na kasing magretiro si Attorney Valdez, at nais niyang ipagpatuloy ang adbokasiya nito na makatulong sa mga naaapi, lalo na sa mga gaya nilang nakulong nang walang sala.
Kung minsan talaga ay kailangan lang natin ng isang tao na magsisilbing kislap ng liwanag sa madilim na daang ating tinatahak. Maswerte si Jepoy—sa gitna ng madilim niyang mundo ay may isang nagmalasakit at binigyan siya ng ikalawang pagkakataon sa buhay.