
Mula Pagkabata ay Tila Mabigat ang Dugo ng Kaniyang Ate sa Kaniya; Ikagugulat Niya ang Dahilan sa Likod Nito
“Ate Marina, sa susunod na linggo na ang birthday ko! Pupunta kami nila Papa sa peryahan, sama ka naman sa amin! Sasakay kami sa Ferris Wheel,” sabik na yaya ng sampung taong gulang na si Maya sa kaniyang ate.
Sandali siyang nilingon nito, na ni hindi tumagal ng sampung segundo bago ito nagsalita.
“Hindi na. May trabaho ako sa araw na ‘yan,” malamig nitong sagot.
Napasimangot siya. Kapagkuwan ay nagsimulang magpilit.
“Ate! Sige na, sama ka na! Minsan lang naman, e!” pagmumurukulyo niya.
Hahawakan niya sana ang braso ng nakatatandang kapatid ngunit mabilis itong umiwas. Kitang-kita niya ang magkahalong gulat at galit na bumakas sa mata nito.
“‘Wag mo akong hahawakan! Umalis ka nga sa harapan ko, alis!” galit nitong sigaw.
Mabilis na namuo ang luha sa kaniyang mga mata. Sa takot at at gulat ay napabuhanglit na siya ng iyak.
Narinig iyon ng kanilang mga magulang na agad siyang dinaluhan. Dali-dali siyang nilapitan ng kaniyang amang si Ismael para patahanin.
“Anong nangyayari dito? Bakit ka umiiyak?” malambing nitong sa kaniya.
Tinuro niya ang kaniyang Ate Marina na noon ay nakapako ang atensyon sa panonood ng TV sa sala.
“Si Ate po! Sinigawan ako, sabi ko lang naman dapat sumama siya sa atin sa birthday ko!” pagsusumbong niya.
Nagpalitan ng nag-aalalang tingin ang kaniyang mga magulang.
“Hayaan mo na ang ate mo, anak. Sa susunod na lang siya sasama, okay?” pangako nito na kahit na kailan hindi natupad.
Sa mga sumunod na taon ay mas lalo lang lumayo ang loob ng magkapatid sa isa’t-isa. Isa na rin siguro sa posibleng dahilan ay ang malaking agwat nila sa edad na halos labinlimang taon.
Nang makaipon ng sapat na pera ay agad itong nagpaalam na bubukod na. Naiwan siya sa poder ng kaniyang mga magulang.
Gustuhin man ni Maya na mapalapit sa kapatid ay hindi na rin niya tinuloy. Kalaunan ay napagtanto niya na mas mabuti na rin siguro iyon, dahil sa loob ng ilang taon na magkasama sila sa iisang bahay ay mabibilang lang sa daliri kung ilang beses lang sila nag-usap nang direkta.
Hindi naman siya sinusungitan o pinagsasalitaan ng masama ng kaniyang ate, ngunit parang ilang na ilang ito sa kaniya. Hindi rin siya matingnan nang diretso, bagay na hindi niya maintindihan.
“’Ma, may galit ba sa akin si Ate Marina?” Hindi niya napigilan magtanong isang beses.
Kumunot ang noo ng kaniyang ina, tila nag-iisip, bago ito sumagot. “Wala. Bakit mo naman nasabi ‘yan?”
Inaalala niya kung gaano kakatwa ang turing sa kaniya nito. Ni wala nga siyang maalalang magandang memorya na kasama ito.
“Hindi ko po maipaliwanag, e.”
Nagkibit balikat na lang ang kaniyang ina.
“Ikaw na bata ka, ang dami mong naiisip!” natatawang komento nito kapagkuwan.
Sa paglipas ng ilan pang taon, mas lalong naging bihira ang pag-uwi ng kaniyang Ate Marina sa kanilang bahay, hanggang sa nawalan siya ng balita dito. Maging ay naging abala na rin sa sarili niyang buhay.
Ngunit sa kasuluk-sulukang bahagi ng puso niya ay naroon ang pagnanais niya na muling makasama ang kaniyang kapatid.
Kaya naman hindi niya inaasahan nang isang araw ay makatanggap siya ng tawag mula sa isang tao. Ang kaniyang Ate Marina.
Masayang-masaya si Maya na muling makausap ang kapatid kaya naman agad siyang pumawag sa nais ng kapatid na magkita sila.
Nang makita niya itong muli sa unang pagkakataon, namangha siya. Napakalaki ng pinagbago nito.
Ngunit ang pinaka-kapansin-pansin ay ang tiyan nito.
“Ate, buntis ka pala? Bakit hindi mo sinabi kina Mama? Siguradong matutuwa sila!” sabik niyang bulalas.
Sa unang pagkakataon ay nakita niya itong ngumiti habang hinahaplos ang tiyan.
“Oo. Kabuwanan ko na nga, e,” sagot nito..
“Sasabihin ko rin ito kila Mama, pero mas gusto ko kasi na ikaw ang unang makilala ng anak ko. Gusto kitang makausap muna at humingi ng tawad sa’yo,” maya-maya ay wika nito.
Nang titigan niya ang kapatid any nakita niya ang pagtulo ng luha nito.
Tila bombang sumabog sa pandinig niya ang sunod na sinabi nito.
“Hindi tayo magkapatid, dahil ako ang tunay mong ina. Patawad kung hindi naman sinabi sa iyo ang katotohanan sa loob ng matagal na panahon. Bata ka pa kasi, saka kailangan din na maghilom ng mga sugat na dinadala ko,” marahang paliwanag nito.
Tahimik pa rin si Maya. Halos hindi pa rumerehistro sa isip niya ang sinabi nito nang muli itong magsalita.
Ikinuwento nito ang pang-aabuso na nangyari rito sa kamay ng pinagkakatiwalaan nitong kaibigan.
Sa wakas ay unti-unti niyang maintindihan kung bakit kakaiba ang trato nito sa kaniya noon pa man. Naalala pala kasi nito ang masakit na dinanas sa tuwing nakikita siya.
Nanikip ang dibdib ni Maya sa nadiskubre. Nakaramdam siya ng awa sa kinikilalang kapatid.
“Bakit sinabi mo sa akin ang totoo, ate? Pwede mo naman na ilihim na lang?” usisa niya.
“Alam ko kasi na may katanungan pa rin sa isip mo ukol sa akin. Ayokong sisihin mo ang sarili mo, dahil isa kang mabait na bata. Hindi ikaw ang dahilan kung bakit hindi ako napalapit sa’yo. Hindi ko man nasabi sa’yo noon, mahal na mahal kita, a-anak,” umiiyak na sagot nito.
Nang marinig ni Maya ang mga salitang “mahal kita, anak” mula sa babae ay awtomatikong tumulo ang luha mula sa mga mata niya.
Walang duda nga na ito ang ina niya. Nakilala ito ng puso niya.
“Patawad, anak. Ang laki-laki ng kasalanan ko sa’yo,” umiiyak pang sabi nito.
Hinawakan niya ang kamay ng kinikilalang kapatid. Masakit man malaman ang totoo ay naiintindihan niya naman kung bakit nito iyon ginawa.
Sa unang pagkakataon ay naramdaman niya ang mahigpit na yakap ng kaniyang tunay na ina.
“Babawi ako sa’yo, anak. Pangako,” bulong nito.
Bago pa sa pandinig niya ang salitang “anak” mula sa taong matagal niyang itinuring na kapatid, ngunit nangako si Maya na susulitin niya ang pagkakataon upang bawiin ang mga panahong ninakaw sa kanila ng mapait na nakaraan.
Kasama ang kaniyang tunay na ina, ibabaon nila ang lahat sa limot at magsisimula silang muli.