Inday TrendingInday Trending
Nangangamba ang May Taning na Ina dahil Ayaw Magnobyo ng Anak; Sa Lamay ng Ina ay Magbabago ang Kaniyang Pasiya

Nangangamba ang May Taning na Ina dahil Ayaw Magnobyo ng Anak; Sa Lamay ng Ina ay Magbabago ang Kaniyang Pasiya

Kahit na nakabakasyon mula sa trabaho ay maaga pa ring gumising itong si Tine para asikasuhin ang may sakit na ina. Pinagpahinga niya ngayon ang personal nars nito para naman makasama rin niya ang inang si Precy.

Masaya si Tine sa tuwing naaalagaan at napagsisilbihan niya ang ina. Nang umagang iyon ay nagluto siya ng almusal at gumawa siya ng juice mula sa sariwang mga prutas, saka niya ito dinala sa silid ng ina.

“Tine, bakit ikaw pa ang gumawa niyan? Nasaan si manang? Dapat ay nagpahinga ka na lang dahil ngayon ka lang makakapagbakasyon mula sa trabaho. Pinagday-off mo pa ang nars ko,” bungad ni Precy nang makita ang anak.

“Ikaw naman, ‘ma, alam mo namang nagbakasyon ako talaga sa trabaho dahil namimiss ko na rin na alagaan kayo. Pakiramdam ko kasi lalo kang lalakas kung ako ang nasa tabi mo. Ako ata ang paborito mong anak!” natatawang sambit naman ni Tine.

“Naku, kapag narinig ka na naman ng mga ate at kuya mo ay hindi papayag ang mga ‘yun! Mabuti na lang at may pamilya na sila kaya hindi ka na napapag-initan,” nakangisi ring sagot ng ina.

“Siya nga pala, Tine, ano ba ang balak mo sa buhay mo? Simula nang maghiwalay kayo ni Mark ay parang ayaw mo nang mag-asawa. Aba’y gusto ko rin naman na makita ang apo ko sa’yo. Saka tumatanda ka na rin. Nag-aalala ako na baka wala kang makasama sa pagtanda mo,” dagdag pa ni Precy.

“Sobra ka naman sa tanda, ‘ma! Tatlumpu’t limang taong gulang lang po ako. Hindi pa naman matanda ‘yun. Saka walang kinalaman si Mark sa desisyon kong huwag magnobyo. Mas gusto ko talaga na nandito lang sa tabi n’yo at alagaan kayo. Ayaw mo ba no’n, ‘ma? Narito lang ang bunso mo palagi sa tabi mo!” saad pa ni Tine.

“Kaya mas madalas akong makunsumi dahil nga nasa tabi kita palagi! Biro lang! Nag-aalala lang ako sa iyo, Tine. Sino na ang makakasama mo kung wala na ako? Sino na ang mag-aalaga at titingin sa iyo? Iba pa rin ang may katuwang sa buhay. Alam mo napapag-usapan nga namin ng kumare kong si Tessie ‘yung anak niya. Hindi mo na ba naaalala pa si Lester? Kalaro mo iyon dati. Wala pa rin iyong nobya. Ang sabi ko nga ay magpakilala muli sa iyo!” wika pa ng ginang.

“‘Ma, tigilan n’yo na nga po ako d’yan. Ayaw kong magkaroon ng nobyo at desisyon ko iyon. Darating rin ‘yan. Hindi naman po ako nagmamadali,” saad pa ng dalaga.

Hindi lang masabi ni Precy sa kaniyang bunso na hindi na bumubuti ang kaniyang lagay. Sa katunayan nga ay tinaningan na siya ng doktor. Sa panahong nalalabi sa kaniya ay nais niyang masigurado na may magmamahal at mag-aalaga sa kaniyang bunsong si Tine. Isang taong alam niyang dadamay dito sa oras ng kaniyang paglisan.

Sa tuwing makakausap ni Precy ang kaniyang anak ay lagi niya itong kinukundisyon na makipagkilala sa binatang si Lester. Pero todo tanggi itong si Tine. Ayaw niyang magkaroon ng kahati sa oras para sa kaniyang ina.

Isang araw ay naroon sa kanilang bahay ang mga nakakatandang kapatid ni Tine. Walang ginawa ang mga ito kung hindi kantiyawan ang dalaga dahil sa hindi pa nito pag-aasawa.

“Ang sabihin n’yo, ‘ma, hindi pihikan ’yang si Tine. Sadyang hindi lang siya pinipili ng mga lalaki dahil nga mas brusko pa itong si Tine sa kanila,” saad ng kaniyang Kuya Sandro.

“Tanggapin mo na lang, ‘ma, na wala kang makikitang salinlahi diyan kay Tine dahil hindi ‘yan makakapag-asawa! Ikaw naman, Tine, aminin mo na kasi na babae rin ang gusto mo!” tumatawang pang-aalaska naman ng kaniyang Ate Sally.

“Tigilan n’yo na ‘yang si Tine. Mag-aasawa ‘yan! May ka-date na nga ‘yan, e! Ayaw lang niyang pumayag pa pero nararamdaman kong bibigay rin ‘yan! Ako na ang gagawa ng paraan!” biro naman ni Precy.

Sa mga pagkakataong ganito ay nakakalimutan ng mag-iina ang kanilang problema.

Inabot na rin ng hatinggabi ang mga nakakatandang kapatid ni Tine sa bahay bago umuwi ang mga ito.

Pagkatapos ihatid ni Tine ang mga kapatid sa may tarangkahan ng kanilang bahay ay bumalik na siya ng silid ng ina upang asikasuhin naman ito.

“Anak, salamat at lagi kang narito para sa akin. Pero ano man ang mangyari ay h’wag mong kakalimutan ang sarili mong kaligayahan. Mabait kang anak at kapatid. Magiging masaya kaming lahat kung masaya ka rin,” saad ni Precy sa anak.

“Magiging masaya ako, ‘ma, kung gagaling ka na. Iyon ang magpapaligaya sa akin nang wagas. Kaya po matulog na kayo ngayon para makapagpahinga. Huwag n’yo na pong problemahin ang pag-aasawa ko kasi matagal pa ‘yun!” nakangiting wika ni Tine.

Hinalikan ni Tine sa noo si Precy. Saka ito humiga sa sofa na nasa loob rin ng silid ng ina.

Bahagyang nakaramdaman si Tine ng kalungkutan habang pinagmamasdan ang natutulog na ina. Hanggang maging siya ay dalawin na rin ng antok.

Kinabukasan, paggising ni Tine ay agad niyang nilapitan ang ina upang ayusan… ngunit isang malamig na b*ngkay na ito.

Napahagulgol na lang si Tine dahil dumating na ang araw na kaniyang pinakakinatatakutan.

Sa burol ng ina ay damang-dama ng lahat ang pagdadalamhati ng magkakapatid. Halos hindi na nga makausap itong si Tine dahil sa pangungulila sa ina.

Unang gabi ng burol ay marami nang nagsidalo. Ngunit walang lakas itong si Tine para harapin ang mga bisita. Hanggang sa isang binata ang dumating. Dumeretso ito sa kabaong ni Aling Precy at saka sumilip.

Napansin ni Tine na parang umiiyak ang binata. Laking pagtataka niya kaya nilapitan niya ito.

“Sa pagkakaalam ko ay tatlo lang kaming mga anak ni Mama Precy. Huwag mong sabihin na anak ka rin niya?” tanong ni Tine.

Umiling naman ang binata.

“Lalong huwag mong sabihin sa akin na nobyo ka ng mama ko. Dahil kahit kailan ay wala naman siyang nasabi sa amin,” muling tanong ng dalaga.

Umiling muli ang binata at nakahinga nang maluwag si Tine.

“Mabuti naman. Sino ka nga ulit? Saka bakit parang mas malungkot ka pa sa kuya ko, kung makaiyak ka sa kabaong ng mama ko?” pagtataka pa nito.

“Malaki kasi ang naitulong sa akin ni Tita Precy. Lalo na noong dumaan sa matinding pagsubok ang pamilya namin. Naging sandigan siya ni mama. Tinulungan rin niya ako para hindi ako mahinto sa pag-aaral. Kaya naman nakakalungkot dahil hindi man lang ako nakapagpasalamat nang personal. Huli na ang lahat. Kaya upang makabawi ay tutuparin ko ang pangako ko sa kaniya na palagi akong narito para naman sa iyo. Kung kailangan mo ng kaibigan, Tine, narito lang ako,” pahayag ni Lester.

“Ito talagang si mama. Hindi talaga siya nagpatinag sa gusto niya. Alam mo, Lester, ayos lang ako. Hindi mo naman kailangan makipagkaibigan sa akin dahil lang sa isang pangako. Ayos lang ako. Kaya ko ito,” saad pa ng dalaga.

“Hindi ko ito gagawin dahil lang sa isang pangako. Gagawin ko rin ito dahil gusto ko, Tine. Noon pa naman ay may gusto na ako sa iyo. Kaya nga lagi akong nagpapalakad dito kay Tita Precy. Kaso, natatakot rin ako sa iyo dahil sabi nga ni Tita Precy ay ayaw mo pang magkanobyo. Pero handa akong maghintay, Tine. Basta, narito lang ako kung kailangan mo ako. Handa akong maging sandigan mo,” dagdag naman ni Lester.

Naging mailap man si Tine ay hindi sumuko itong si Lester. Talagang ipinakita niya sa dalaga na maaari siyang maging sandigan nito. Inalagaan niya at dinamayan niya si Tine sa oras ng kalungkutan nito dahil sa pagkawala ng ina.

Makalipas ang isang taon ay nagbunga rin ang kaniyang paghihintay. Pinayagan na rin ni Tine na manligaw sa kaniya ang binata. Hindi naman nagtagal ay nauwi rin ito sa isang magandang relasyon hanggang sa tuluyan na silang nagpakasal.

Mabilis man ang mga pangyayari para kina Tine at Lester. Hindi naman nila akalain na makakahanap sila sa isa’t isa ng tunay na pagmamahal.

Tumingin si Tine sa mga ulap habang nakadampi ang kaniyang mga kamay sa kaniyang ipinagbubuntis. Napangiti siya dahil naalala niya ang kaniyang ina.

“Hanggang wakas ay ako pa rin ang inalala mo, ‘ma. Ikaw pa rin ang gumawa ng paraan para makilala ko ang isang taong magmamahal sa akin nang tapat. Salamat, ‘ma, alam ko ngayon ay kinikilig ka na d’yan sa langit. Sa wakas ay magkakapamilya na ang bunso mo. Hindi ka na mangangamba na mag-iisa ako,” nangingilid ang luha ni Tine kalakip ang isang matamis na ngiti para sa ina.

Advertisement