
Binaligtad ng may Pusong Babaeng Empleyado ang Kaniyang Katrabaho; Bandang Huli’y Magugulat Siya sa Gagawing Ganti Nito
Nadatnan ni Betty ang may pusong babaeng katrabahong si Yuri sa tapat ng bulletin board ng kanilang opisina. Nakakunot ang noo nito habang pinagmamasdan ang litrato ng kasamahang si Lorie bilang empleyado ng buwang iyon.
“Hindi naman magaling ‘tong si Lorie. S’yempre, magiging employee of the month siya dahil napakasipsip niyang babaeng ‘yan! Baka mamaya ay inaakit niya si Sir Keneth kaya siya na naman ang bida,” naiiritang sambit ni Yuri sa kaniyang sarili.
Hindi naman sinasadya ni Betty na marinig ang sinabing ito ni Yuri.
Samantala, nagtungo naman agad ang dalaga sa tanggapan upang batiin naman ang kaibigan.
“Lorie, ang galing mo talaga! Manlibre ka naman at ang dami mo nang kinukubrang bonus sa kaka-employee of the month mo!” kantiyaw ni Betty sa kaibigan.
“Oo ba! Mamaya ay magpapabili ako ng pansit at soft drinks para mapagsaluhan nating lahat. Masaya nga rin ako dahil alam mo namang kailangan ko ng dagdag na kita ngayon. Hindi pa rin kasi mabuti ang kalagayan ng lola ko,” pahayag naman ni Lorie.
“Oo nga pala, ano? Naku, niloloko lang kita sa pagpapalibre. Mas mabuti pang ipunin mo na lang ang pera nang sa gayon ay may pandagdag ka sa pagpapagamot sa lola mo,” nakangiting saad naman ng kaibigan.
“Ayos lang sa akin, ‘no! Gusto ko ring ibahagi sa inyo ang biyayang natatanggap ko. Malaking tulong rin kayong lahat sa akin kaya ako napaparangalan. Masaya ako na kayo ang katarabaho ko,” wikang muli ni Lorie.
“Pero alam mo kung sino ang hindi masaya sa parangal mo? Si b*kla! Kanina pa naroon sa tapat ng bulletin board at nagpapaka-ampalaya na naman. Hindi matanggap na ikaw na naman ang empleyado ng buwang ito. Ewan ko ba riyan kay Yuri. Sobra ang inggit sa iyo. Ikaw naman, kinakaibigan mo pa! Nakakatakot ‘yan baka mamaya ay bigla ka na lang traydorin,” wika pa muli ni Betty.
“Mukha namang mabait si Yuri at mapapagkatiwalaan. Saka isa pa, hindi naman niya ako matatraydor dahil wala naman akong ginagawang masama sa kaniya saka maging kahit sino sa inyo,” dagdag pa ni Lorie.
Mahigpit kasi na kakompetensiya ang tingin ni Yuri kay Lorie. Hindi naman matanggap nitong si Yuri na unti-unti nang umaangat ang galing ni Lorie. Mas nauna kasi si Yuri sa kompanya. Mas kabisado na rin niya ang kalakaran dito. Ngunit sa paglipas ng panahon ay nakikitaan na rin ng potensyal itong si Lorie kaya pinagkakatiwalaan na rin ito ng mga amo sa mas malalaking proyekto.
Kapag nakaharap si Lorie ay mabuti ang kaniyang ipinapakita. Ngunit kapag nakatalikod na ang dalaga ay kung anu-ano na ang kaniyang sinasabi laban dito.
Isang araw ay nag-anunsyo ang mga boss ng kompanya na ipagkakatiwala daw nila ang isang malaking proyekto sa departamento kung nasaan sina Lorie at Yuri. Sa pagkakataong ito ay magiging magkatrabaho ang dalawa ngunit sa pamumuno ni Lorie.
Hindi matanggap ni Yuri ang nangyayari dahil nga kung tutuusin ay mas karapat-dapat siya dahil sa tagal na niya sa trabaho.
“Huwag kang mag-alala, Yuri, para maging pormal lang naman kaya ako mamumuno ng grupong ito pero lahat pa rin tayo ay mabibigyan ng pagkakataon. Mahalaga ang bawat ideya ng lahat kaya makakaasa kayo na pakikinggan ko kayo,” saad naman ni Lorie.
“Wala sa akin ‘yun, Lorie, talagang ikaw naman ang karapat-dapat na maging leader ng grupong ito. Hayaan mo at tulad mo, gagawin ko rin ang lahat para magtagumpay tayo,” wika naman ni Yuri.
Lumipas ang mga araw, maayos naman ang lagay ng proyekto. Sa tingin naman ni Lorie ay wala nang isyu sa kaniya si Yuri dahil nakapag-usap na sila.
Patuloy lamang ang lahat sa trabaho at malaki ang tiwala ni Lorie na magiging maganda ang kahihinatnan nito dahil ang lahat ay umaayon sa plano.
Isang araw ay kinompronta ni Betty itong si Lorie dahil sa kaniyang nabalitaan.
“Bakit basta mo na lang pinagkatiwala ang mga files kay Yuri? Hindi ka pa nakuntento, siya pa talaga ang gusto mong magpresenta ng proyekto? Ikaw ang may gawa ng lahat ng iyan, Lorie. Baka mamaya ay baligtarin ka niyang si Yuri. Hindi ka ba natatakot sa ugali niya?” sambit pa ni Betty.
“Mapagkakatiwalaan si Yuri, Betty. Siguro ay hindi lang natin siya nauunawaan. Gusto ko siyang bigyan ng pagkakataon para magtiwala sa kaniyang sarili pati na rin sa atin. Ayokong makita niya tayo na kompetensya kung hindi mga kakampi at kaibigan,” paliwanag naman ni Lorie.
Napailing na lamang si Betty.
“Sana ay hindi mo pagsisihan ang desisyon mong iyan, Lorie. Masama talaga ang kutob ko kay Yuri,” dagdag pa ng dalaga.
Patuloy na nagtiwala itong si Lorie kay Yuri. Nararamdaman niya kasing maayos na talaga ang kanilang samahan. Hanggang sa dumating ang araw ng pagpepresenta ng proyekto.
Nagulat na lamang si Betty dahil hindi pa tapos ang presentasyon at iba ang modelo na naroon kaysa sa napag-usapan.
“A-anong ibig sabihin nito, Yuri? Bakit ganito ang nangyari? Hindi ganito ang plano natin!” natataranta nang sambit ni Lorie.
“Wala na tayong oras para baguhin pa ito. Dapat ay sinabi mo na lang sa akin nang sa gayon ay nagawan ng paraan. Ilang beses kitang tinanong kung ayos na ang lahat. Ilang beses mo ring siniguro sa akin na ang lahat ay naaayon sa plano. Anong ibig sabihin nito, Yuri?” patuloy sa pagtatanong ang dalaga.
Ngunit hindi na sumagot pa si Yuri at pumasok na lang ng tanggapan. Wala na ring nagawa pa si Lorie kung hindi magpakita sa pagpupulong.
Nagulat na lamang si Lorie sa mga sinabi ni Yuri.
“Sa totoo lang ay hindi kaya ni Lorie na pamunuan ang proyekto. Ito ang modelong nais niyang i-presenta sa inyo. Sa gitna ng proyekto ay kung anu-ano na lang ang nangyayari sa kaniya. Madalas ay wala pa siya. Kaya ako na ang nagmagandang loob na pamunuan ang departamento. Kailangan kasi na may isang magmalasakit. Ito ang plano na ginawa ko. Lahat ng ito ay mabusisi kong pinag-isipan at pinlano na naaayon sa inyong panlasa,” paliwanag pa ni Yuri.
Nagulantang si Lorie nang makita niya ang lahat ng kaniyang ideya na inangkin ni Yuri. Labis na napahiya si Lorie sa mga may-ari ng kompanya. Nadismaya ang mga ito dahil sa sinabi ni Yuri.
“Parang mali na nagtiwala kami sa iyo, Lorie. Kung hindi mo kayang pamunuan ang isang proyekto ay p’wede kang magsabi. Muntik nang mabitin ang deal nang dahil sa pangit na ideya mo! Mabuti na lang at iniligtas tayo ni Yuri!” saad ng isang amo.
Pilit na nagpapaliwanag itong si Lorie sa mga amo ngunit hindi na siya pinakinggan ng mga ito. Mula noon ay nagbago na ang tingin ng mga ito sa dalaga.
Dahil sa labis na inis ni Lorie ay nais niyang komprontahin si Yuri. Ayaw niyang magkaroon ng eskandalo sa opisina kaya pinuntahan niya ito sa bahay.
Hindi pa man siya nakakalapit sa tarangkahan ay naririnig na niya ang mga sigawan mula sa loob ng bahay.
“Ikaw, Yuri? Anong balak mong gawin sa buhay mo? Ilang taon ka na sa kompanya mo pero hindi ka pa rin napo-promote? Sabagay, paano tataas ang posisyon mo? E, wala ka namang binatbat kahit kanino! Mabuti pa itong Kuya Jayson at Ate Carla mo, puro karangalan na lang ang dala sa amin. Dinadalhan mo na nga kami ng kahihiyan dahil hindi ka tunay na lalaki, hanggang ngayon ay napapahiya pa rin kami dahil wala ka man lang nararating na maganda sa buhay!” sigaw ng ama ni Yuri.
Nang marinig ito ni Lorie ay naunawaan na niya ngayon kung bakit puno ng galit, pait, at inggit ang puso ni Yuri. Lahat ng galit ni Lorie ay bigla na lang nawala. Napalitan ito ng pagkahabag sa naturang katrabaho.
Kinabukasan ay may agam-agam itong si Yuri na pumasok sa opisina. Alam kasi niyang hindi magtatagal ay malalaman din ng mga amo ang ginawa niyang pag-angkin ng mga ideya ni Lorie.
Hindi nga siya nagkamali dahil maraming empleyado sa kanilang departamento ang nagsumbong ng katotohanan.
Pinatawag si Yuri sa tanggapan ng amo para siya’y kausapin. Malaki rin ang tyansa na tanggalin na siya sa tungkulin.
“Ang ginawa mong pag-angkin ng gawa ng iba at paninira sa iyong katrabaho ay hindi naaayon sa gawi at kultura ng kompanyang ito, Yuri. Ang akala mo ba ay hindi makakarating sa amin ang katotohanan? Bakit mo binaligtad si Lorie? Paano mo iyon nagawa sa kaniya?” saad ng isang amo.
Labis-labis ang galit ng mga boss sa ginawang ito ni Yuri. Nagpasya ang lahat na tanggalan na siya ng trabaho. Ngunit isang tao ang umalma sa desisyong iyon.
“Hindi n’yo na po ‘yun kailangan pang gawin, boss. Ayos lang po sa akin ang ginawa ni Yuri. Sa totoo lang naman po ay malaki rin ang inambag niya sa mga ideya ng proyekto. Saka mas magiging mainam po ang trabaho ko kung narito po siya sa aming grupo. Magaling po siya, kailangan lang po niyang magtiwala sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga kasamahan,” wika naman ni Lorie.
Dahil sa ginawang ito ni Lorie ay nabigyan pa ng isang pagkakataon si Yuri.
“Hindi ba’t labis ang kasamaan na ginawa ko sa iyo? Bakit kaya mo pa rin akong patawarin? Pinagtakapan at pinagtanggol mo pa ako sa mga boss natin,” tanong naman ni Yuri.
“Alam ko kasi na may pinagdadaanan ka. At nais kong maging kaibigan sa iyo. Alam mo, Yuri, magaling ka talaga. Kailangan mo lang na pagtuunan ang iyong galing kaysa sa galing ng iba. Huwag kang makinig sa mga sinasabi ng tao. Huwag kang magpabulag sa anumang karangalan. Basta gawin mo lang ang trabaho mo. Gawin mo lang ang tama at ang Diyos na ang magpaparangal sa iyo. Hindi mo ako kaaway, Yuri. Narito ako bilang isang kaibigan. At naniniwala ako sa iyong kakayahan!” pahayag pa ni Lorie.
Sobrang pagsisisi ang naramdaman ni Yuri dahil sa kabila ng lahat ng kaniyang masamang ginawa kay Lorie ay napatawad pa rin siya nito. Binigyan pa rin siya nito ng isang pagkakataon para maiayos ang kanilang relasyon sa pagtatrabaho.
Humingi ng kapatawaran itong si Yuri kay Lorie. Mula noon ay naging tunay na silang magkaibigan. Dahil na rin sa mga payo ni Lorie ay mas nakikilala ni Yuri ang kaniyang sarili, at ito naman ang nagtanggal ng inggit at lahat ng galit sa puso ni Yuri.
Dahil sa ganda ng samahan at pagtutulungan nina Lorie at Yuri ay mas marami pang proyekto ang kanilang ginawa na lubusang nagtagumpay.
Hindi akalain ng dalawa na ang lahat pala ng naganap ay mauuwi sa isang mabuting pagkakaibigan.