Inday TrendingInday Trending
Nagtataka man ay Hindi Pinansin ng Binata ang Panay Tanggi ng Nobyang Makipagkita sa Kaniya; Bakit sa Muli Nilang Pagkikita’y Buntis na Ito?

Nagtataka man ay Hindi Pinansin ng Binata ang Panay Tanggi ng Nobyang Makipagkita sa Kaniya; Bakit sa Muli Nilang Pagkikita’y Buntis na Ito?

Halo-halong emosyon ang naramdaman ni Jay-ar habang nasa biyahe siya papuntang Quezon, kung saan nakatira ang buong angkan ng kaniyang nobyang si Joan. Biglaan lamang ang biyaheng ito, bigla lang kasi siyang inaya ni Sandy, ang bestfriend ng kaniyang nobya at sinabing piyesta sa baryo nila at maraming kasiyahang magaganap na dapat niyang masaksihan.

Nagtataka man sa biglaang imbitasyon ay agad niya rin iyong pinaunlakan. Halos tatlong buwan na rin kasi ang nakakalipas mula noong huli niyang makita ang nobya. Ilang beses na siyang nakiusap na magkita sila, ngunit ang palaging dahilan nito’y abala ito sa trabaho at pag-aaral, na siyang kaniyang iniintindi.

“Ihanda mo ang sarili mo ah,” ani Sandy.

“Ihanda saan?” nagtataka niyang tanong.

Ngumisi ang binabaeng kaibigan. “Mamaya sa kasiyahan, kailangan mong ihanda ang puso mo at baka atakehin ka sa saya,” natatawa nitong wika sabay palo sa balikat niya.

“Grabe ka naman. Maayos naman ang lagay ng puso ko at wala naman akong sakit sa puso, kaya imposibleng atakehin ako,” natatawa na rin niyang wika.

Hindi na sumagot pa si Sandy, tumango ito at ngumiti saka ibinaling sa may bintana ang buong atensyon.

Ilang oras ang lumipas ay narating na rin nila ang kanilang destinasyon. Habang papalapit sila sa sinasabing bahay ng kaniyang nobyang si Joan ay mas lalong lumalakas ang kabog ng kaniyang dibdib. Miss na miss niya na ito at wala siyang ibang nais kung ‘di ang makita itong muli.

Nang sabihin ni Sandy na nasa mismong bahay na sila ni Joan ay mas lalong bumilis ang tibok ng kaniyang puso. Dalawang beses na pinindot ni Sandy ang doorbell saka may babaeng sumigaw sa loob. Boses pa lang ng nobya’y kilalang-kilala na niya.

Handang-handa na si Jay-ar na salubungin ng ngiti, yakap at halik ang pinakamamahal na si Joan nang sa pagbukas ng pinto ay hindi niya inaasahan ang masasaksihan. Hindi niya halos nakilala ang itsura ng nobya, pero sigurado naman siyang ito mismo si Joan.

“J-jay-ar?” nauutal na sambit ni Joan.

Salubong ang kilay at labis na nagtataka naman ang naging reaksyon ni Jay-ar sa dalaga. Hindi ito ang Joan na inaasahan niyang makikita. Malaki ang tiyan nito na halatang buntis— kanino? Imposibleng sa kaniya!

Dalawang taon na silang magka-relasyon ngunit ni minsan ay wala pang nangyari sa pagitan nila. Nirespeto niya ang dalaga at iginalang ang mga desisyon nito.

“A-anong nangyari?” tanong niya habang ang buong atensyon ay nasa umbok nitong tiyan.

“Patawarin mo ako, Jay-ar,” umiiyak nitong sumamo sa nobyo. “Wala akong ibang rason na pwedeng ibigay. Hindi ko alam kung kailangan ko pa bang bigyan ng rason ang kasalanan kong ito sa’yo, kasi alam ko naman na kahit anong gawin kong paliwanag ay hindi mo ako paniniwalaan. Pero nandito na ito at malapit na rin akong ikasal sa ama ng batang dinadala ko,” tumatangis na wika ni Joan.

“Minahal kita, Joan!” hirap na hirap na wika ni Jay-ar.

Hindi niya alam kung ano ang pwedeng maramdaman sa nasaksihan niya. Kaya ba ang daming rason noon ni Joan kapag nakikiusap siyang magkita sila dahil buntis na ito? Noon pa man ang iniiputan na siya nito sa ulo, nang wala man lang siyang ka-ide-ideya?!

Matamang tumitig si Joan sa mga matang umiiyak ni Jay-ar at hinawakan ang kamay ng nobyo. Nasaktan niya ang lalaki, sana mapatawad pa siya nito, hindi man sa ngayon pero sana dumating ang araw na iyon. Hindi niya gustong saktan ang lalaki, ayaw niyang saktan ito, hindi karapat-dapat ang iyak luha nitong nasayang dahil sa kaniya.

“Alam ng Diyos, Jay-ar, kung gaano kita kamahal,” umiiyak niyang kausap rito. “Pero sadyang may mga bagay na kailangang tanggapin at may ibang bagay na kailangang bitawan. Patawarin mo ako. Hindi ko mahanap sa puso ko ang lakas na umamin sa’yo noon. Hindi ko ginustong umabot pa sa ganito ang lahat,” tangis niya.

Kung alam lang ng binata ang mga nangyari sa kaniya, ngunit kahit ganoon pa man ay wala nang silbi ang lahat. Wala na rin naman itong magagawa pa at hindi na magbabago ang lahat. Ikakasal na siya sa hayop na ama ng kaniyang magiging anak. Nasa putik na ang kalahating parte ng kaniyang katawan, ang tanging magagawa na lamang niya’y sisirin at languyin ito hanggang sa dumating siya sa dulo. At kung ano man ang naghihintay sa kaniya doon sa dulo, saka na lamang niya iisipin ang lahat ng iyon.

“Paalam,” ani Joan.

Sa huling pagkakataon ay hinayaan niya ang sariling namnamin ang huling beses na mahahagkan at mayayakap niya ang lalaking pinakamamahal.

Hindi na namalayan ni Jay-ar kung paano siya nakaalis sa bahay ni Joan. Basta bigla na lamang nag-blanko ang lahat at namanhid ang buo niyang katawan sa nasaksihan.

Ngayon ay masinsinan siyang kinausap ni Sandy kung ano ba talaga ang totoong nangyari kay Joan. Nalaman niyang pinagsamantalahan ito ng lalaking matagal nang may gusto sa dalaga. Inabangan nito si Joan, isang gabing pauwi ang dalaga sa bahay nito at doon ginawa ang plano. Ngunit imbes na tumakas at magtago ay hinatid nito si Joan at buong tapang na humarap ang lalaki sa buong pamilya nito.

“Hinayaan ni Kyle, na bugb*gin siya ng papa at mga kapatid ni Joan, dahil sa ginawa nito, at pagkatapos ay nangako itong pakakasalan ang kawawang si Joan. Noong una’y mariin iyong inayawan ni Joan, Jay-ar. Nagplano pa nga kaming tatakas at magpakalayo-layo, ngunit nagbago ang lahat noong nalaman niyang buntis siya,” malungkot na kwento ni Sandy.

“Alang-alang sa magiging anak niya’y tinanggap niya si Kyle at pumayag sa kasal. Ilang beses niyang sinubukang umamin sa’yo at humingi ng tawad, pero hindi niya kaya. Mahal na mahal ka ni Joan, kaso hindi yata talaga kayo ang itinadhana para sa isa’t-isa,” dugtong ni Sandy.

Walang kahit anong salita ang kayang magpaliwanag sa pwedeng maramdaman ni Jay-ar. Yumuko siya at sinuklay ng kamay ang mga buhok saka hinayaan ang sariling umiyak.

Gusto niyang masuklam kay Joan, gusto niyang magalit sa nangyari, ngunit paano? Paano siya magagalit sa nobyang naging biktima lang din?

“Mapatawad mo pa sana si Joan, Jay-ar,” nagsusumamong pakiusap ni Sandy.

“Hindi ko alam kung paano, Sandy,” sagot niya.

Iyon ang totoo. Sa ngayon ay hindi niya pa alam kung paano niya patatawarin si Joan, pero alam niyang darating din ang araw na iyon. Sana lang ay maging maayos ang buhay ng dalaga, wala siyang ibang hiling kung ‘di ang kabutihan nito, pati na sa magiging anak nito.

Advertisement