Inday TrendingInday Trending
Ibinigay Niya ang Lahat ng Mayroon Siya sa Asawa, Pati Pamilya Nito’y Nakinabang sa Kaniya; Tutuklawin lang Pala Siya Nito sa Dulo

Ibinigay Niya ang Lahat ng Mayroon Siya sa Asawa, Pati Pamilya Nito’y Nakinabang sa Kaniya; Tutuklawin lang Pala Siya Nito sa Dulo

Dahan-dahang napaupo si Sabel habang umiiyak. Nanghihina ang kaniyang tuhod sa labis na emosyong biglang lumukob sa kaniyang puso. Kauuwi lamang niya mula sa bahay ng kaniyang biyenan at doon nasaksihan ang pangloloko ng kaniyang asawa, kasabwat ang buong pamilya nito.

Matagal na siyang nagdududa sa mga ikinikilos ng kaniyang mister, nararamdaman niyang may ibang babae ito, ang kailangan nga lang niyang gawin ay huliin kung sino iyon.

Minsan na rin siyang humingi ng tulong sa pamilya ng asawa, ngunit hindi pinaniwalaan ng mga ito ang kaniyang pagdududa. Naalala pa niya noon ang sinabi ng ina nitong si Beth.

“Mahal ka ng anak ko, pakakasalan ka ba niya kung hindi. Tamang hinala mo lang ang lahat ng iyan, Sabel.”

Tamang hinala! Tama nga ang kaniyang hinala, ngayon niya mas napatunayan ang lahat nang makita niya kung paano nito kunsintihin ang ginawa ng anak nito sa kaniya.

“Pagsisisihan niyo ang panloloko niyo sa’kin,” sumpa niya sa sarili.

Hinarap niya ang sarili sa salamin at kinausap ang sariling repleksyon. Hinayaan niya ang sariling maloko dahil sa labis na pagmamahal niya sa kaniyang asawa. Ibinigay niya ang lahat ng kung anong mayroon siya dahil sa pagmamahal niya sa asawa, pati pa pamilya nito’y nakinabang sa kaniya. Tapos ito lamang ang matatanggap niyang ganti!

Tatlong araw ang nakalipas mula noong malaman ni Sabel ang ginawa ng asawa at ng pamilya nito sa kaniya. Walang kaalam-alam ang kaniyang asawa sa plano niyang gawin. Maaga siyang gumising at nag-ayos ng sarili upang maging presentable sa lahat mamaya.

“May lakad ka ba, babe?” takang tanong ng kaniyang asawa.

“Oo,” maiksi niyang tugon na may matamis na ngiti sa labi.

Humalik ito sa kaniyang pisngi at matamis ring ngumiti. “Mag-iingat ka,” anito.

Sinundan niya ang bawat hakbang nito palayo. Sinisiguro niyang ito na ang huling beses na haharap ang kaniyang asawa sa kaniya na may matamis na ngiti sa labi.

“Sino ba ang hinihintay natin?” takang tanong ni Denis, sa lahat ng empleyadong naroon sa meeting room.

Siya ang presidente ng kumpanya kaya labis siyang nagulat sa biglaang meeting na ito. Hindi niya alam kung para saan ang meeting na ito, at bakit hanggang ngayon ay hindi pa nagsisimula.

“Ako,” ani Sabel, sopistikadang naglakad papasok sa loob na may pormal na ngiting nakapaskil sa labi. “Ako, babe, ang nagpatawag sa kanila,” dugtong niya.

Nagulat man ay hindi ipinahalata ni Denis ang labis na pagkabigla. Tumayo ito at malambing na humarap sa asawa sabay halik sa pisngi.

“Para saan ang pagpupulong na ito, babe? Bakit wala akong kaalam-alam sa plano mo?” tanong niya sa asawa.

“Para sa’yo,” deretso niyang sagot. “Para tapusin na ang paghahari-harian niyo sa kumpanya ng pamilya ko,” aniya.

Salubong ang kilay at naguguluhang tumingin sa kaniya ang asawa.

“Bilang ako ang nag-iisang anak nina Mr. & Mrs. Cruz, ako ang mas may karapatang magdesisyon sa kumpanyang namana ko sa’king mga magulang mula noong sabay silang namayapa,” ani Sabel at hinarap ang mga taong tahimik na nakikinig sa loob ng meeting room. “Ipinasa ko ang obligasyong iyon sa’king asawa, upang mas magpokus ako sa pag-aalaga sa kaniya bilang ako ang kaniyang maybahay. Hinayaan ko siyang magdesisyon sa lahat at pati ang buo niyang pamilya’y nakinabang sa desisyon kong iyon.”

Dugtong niya at isa-isang tiningnan ang mga kapatid, bayaw at ang ina ng asawang naroroon rin sa loob saka ibinaling ang tingin sa asawang hanggang ngayon ay nasa mukha ang labis na pagtataka.

“Ngayon ay pinuputol ko na ang lahat ng koneksyon nila sa kumpanya na ito. Tinatanggal ko na rin ang posisyong ibinigay ko noon sa’king pinakamamahal na asawa,” anunsyo niya.

Namutawi sa buong silid ang sabay-sabay na pagsinghap ng mga naroroon. Labis ang pagkabigla sa kaniyang biglaang desisyon.

“Walang kahit sinong pamilya ng asawa ko ang pwedeng umapak sa kumpanyang ito. Simula sa araw na ito, ako na ulit ang magpapalakad sa kumpanyang ito.”

“Sabel, anong pakulo ‘to?” naguguluhang tanong ni Denis.

“Hindi ito pakulo, Denis, dahil seryoso ako. Hindi ako kagaya mo at ng pamilya mong manloloko!” aniya, binigyang riin ang huling salita.

“Anong bang sinasabi mo?” nalilitong wika ni Denis.

Alam niyang itatanggi ng mga ito ang kung anomang nalalaman niya, kaya siniguro niyang may maisasampal siyang matibay na ebidensya.

“Tama na ang pagmamaang-maangan! Sa sobrang galing niyong magsinungaling, ang dami niyong napaniwala pati na ako roon!” inis niyang wika sabay lingon sa mga taong kasabwat ng asawa sa panloloko sa kaniya.

“S-sabel,” nauutal na sambit ni Denis, habang isa-isang tiningnan ang mga litratong isinampal niya rito.

“Nga pala, hindi lang ang asawa ko at pamilya niya ang tinatanggal ko rito,” aniya saka tumingin sa sekretaryang hindi pa man niya nailalampaso ang mukha’y tila nagkaroon na ng hiyang tumingin sa kaniya ng deretso.

“Pati na ang magaling niyang sekretarya na kahit alam namang may pamilya na ang tao ay pilit pa ring isinisiksik ang sarili sa malandi at hindi ko mapagkakatiwalaang asawa!” aniya.

Tila isang bomba ang ipinaputok ni Sabel sa lahat dahilan upang hindi na matikom ang mga bibig ng mga naroroon sa labis na rebelasyong inilatag niya.

Akmang aalis na sana siya nang maalala ang nais gawin at sabihin sa malolokong asawa. Nilapitan niya ito at malakas na sinampal sa magkabilang pisngi.

“Para ‘yan sa mga luhang sinayang ko sa’yo!” gigil niyang wika. “Minahal kita, binihisan, binigyan ng yaman, hindi lang ikaw, pati pa pamilya mo! Pero ito lamang ang isinukli mo sa’kin,” mangiyak-ngiyak niyang sumbat sa asawa.

“Wala akong ititira sa’yo at sa pamilya mo, Denis. Babawiin ko ang lahat ng nakuha niyo sa’kin at sisiguraduhin kong pagsisisihan mo ang panlolokong ginawa mo,” aniya at pinahiran ang luha. “Pakipirmahan ang annulment paper na ibibigay ng abogado ko,” aniya at naglakad palayo sa kinatatayuan nito.

Para kay Sabel ay iyon ang pinakamagandang ganting gagawin niya sa asawa at sa pamilya nito. Hindi niya naman hinihinging utang na loob ng mga ito ang ginhawang natamasa ng mga ito mula nang ikasal sila ni Denis. Pero sa simpleng pagtutol sana ng mga ito sa kasalanan ng anak ay hindi pa nito nagawa nang tama. Kinampihan at kinunsinti pa ng mga ito ang kasalanan ng kaniyang asawa.

Animo’y nagpakain siya ng ahas na sa pagdating ng panahon ay siyang tutuklaw sa kaniya.

Advertisement