Inday TrendingInday Trending
Sampung Taon ang Lumipas na Hindi Niya Nakasama ang Ina; Ngayong Kinukuha na Siya Nito’y Bakit Ayaw Niyang Sumama?

Sampung Taon ang Lumipas na Hindi Niya Nakasama ang Ina; Ngayong Kinukuha na Siya Nito’y Bakit Ayaw Niyang Sumama?

Maiingay at ang gugulo ng mga tao sa loob ng silid na ito. Nakakabingi ang ingay na naririnig ni Joseph, sa kaniyang kaliwang bahagi ay ang pamilya ng kaniyang ama, ang sa kanan naman ay ang angkan ng kaniyang ina. Nag-aaway, nagkakasagutan at hindi magkasundo kung ano ba ang dapat na mangyari, dahil lahat ay may nais patunayan.

“Vito, D’yos ko naman! Siyam na taon na ang lumipas na nasa iyo si Joseph, baka naman pu-pwedeng bilang ina ay ibigay mo na sa’kin ang karapatan at kusang loob na ibigay siya sa’kin!” ani Lanie, ang ina ni Joseph.

“Lanie, kailanman ay hindi ko ipinagdamot sa’yo si Joseph, alam mo ‘yan. Hinayaan kitang magpaka-ina sa anak natin, pero anong ginawa mo? Wala!” sagot ni Vito, ang ama ni Joseph.

Kahit anong awat ng kapitana ay hindi matigil ang dalawa sa sagutan, pati na ang mga kasama nilang kakampi ay gano’n din. Kesyo dapat raw ngayon ay hayaan namang mapunta siya sa kaniyang ina, dahil sobra-sobra na ang taong nakasama niya ang kaniyang ama.

“Kahit dumanak ang dugo rito, Vito, ipaglalaban ko ang karapatan ko sa anak ko! Mas may karapatan ako sa kaniya dahil ina ako!” gigil na banta ni Lanie sa dating asawa.

Kakamot-kamot sa ulong naiiling na lamang si Vito sinabi ni Lanie. Tahimik namang nilingon ni Joseph ang amang tila tumanda ng ilang taon dahil sa problemang ito, at inilipat ang tingin sa inang sa bagsik pa lang ng mukha ay masasabi niya nang handa nga itong makipagdigmaan para sa kaniya.

“Kap, pwede ko po bang makausap ang mama ko nang walang nakikialam na ibang tao?” maya maya ay paalam ni Joseph sa kapitanang biglang namroblema kung paano pagbabatiin ang bawat kampo.

“Sige hijo,” payag nito.

“‘Ma, ano po ba talaga ang rason kung bakit gustong-gusto mo akong makuha kay papa?” tanong niya sa ina.

“Walang ibang rason anak, kung ‘di dahil mahal kita. Ilang taon kang nahiwalay sa’kin at ngayong kaya ko na’y gusto kong makuha ka at makasama,” sagot ni Lanie sa anak.

“Pero ma, hindi niyo naman kailangang mag-away at magtalo sa bagay na iyan,” ani Joseph at nilingon ang ama. “Hindi naman ako ipinagdadamot ni papa sa inyo. Sa katunayan nga’y si papa ang humahanap ng paraan palagi para makausap kita.”

Dugtong niya at muling nilingon ang inang tahimik na nakikinig sa kaniya.

“Sa loob ng sampung taon, ma, si papa lang ang nakilala at nakasama ko. Upang makilala kita’y si papa ang gumagawa ng paraan upang hindi kita tuluyang makalimutan. Kaya bakit kailangan niyong magsinghalan at magp@tayan ng dahil sa’kin?” seryosong kausap ni Joseph sa ina.

Ilang araw nang walang tulog ang kaniyang ama dahil sa problemang ito. Mula noong nanggugulo na ang kaniyang ina at nagbabantang kukunin siya at hindi na sila muling magkikita.

May mga bagay na nahihirapan si Joseph na intindihin, ngunit hindi mahirap intindihin ang labis na pagmamahal ng kaniyang ama sa kaniya.

“Kung makikiusap ka lang ng maayos ma, ay hindi naman siya mahirap kausap.” Muling wika ni Joseph.

“Papayagan niya lang ako anak na makasama ka ng ilang oras at ibabalik rin kaagad. Ayoko nang gano’n! Gusto kong magkasama tayo palagi,” anang ina.

Isang mapaklang ngiti ang gumuhit sa batang labi ni Joseph.

“Ngayon pa, ma?” mangiyak-ngiyak niyang tanong. “Ngayon pang malaki na ako saka mo ginustong makasama ako palagi?”

“A-anak,” nauutal na sambit ni Lanie.

Pati ang mga taong nakikinig ay napasinghap ng malakas sa naging tugon ni Joseph sa ina. Hindi inaasahan ng lahat ang sasabihin nito. Samping taon pa lamang ang batang si Joseph at ano bang alam nito sa nangyayari?

“Ngayon mo pa gustong makasama ako ngayong malaki na ako? Samantalang noong bata pa ako hindi mo man lang ako kinuha o dinalaw man lang.” Muling wika ni Joseph. “Ilang beses akong nakiusap noon ma, na gusto kitang makasama at makita, pero ang dami mong dahilan, mga dahilang hindi ko mawari kung totoo ba o hindi. Hanggang sa dumating sa puntong napagod akong makinig sa mga dahilan mo, ma. Kaya tinanggap ko na lang na may nanay ako, pero hindi niya kayang magpaka-ina sa’kin.”

“Joseph, anak, hindi totoo iyan. Mahal kita anak, may mga kinailangan lang gawin si mama, kaya hindi kita magawang puntahan noon,” mangiyak-ngiyak na paliwanag ni Lanie.

“Mahal mo ako sa salita, ma, pero hindi sa gawa,” tugon ni Joseph. “Kasi kung talagang mahal mo ako bilang anak mo, hindi tayo aabot sa ganito,” dugtong niya sabay lingon sa mga taong kanina lang ay nagkakagulo. “Kung talagang mahal mo ako, nasa pangangalaga mo sana ako ngayon at wala ako kay papa.”

Humagulhol na ng iyak si Lanie. Hindi niya alam kung ano pa ang idadahilan sa anak. Malaki na nga si Joseph, masyadong mabilis ang pagtakbo ng panahon, hindi niya namalayan na lumalayo na ang loob nito sa kaniya. Alam ng Diyos na mahal na mahal niya ito, ngunit paano niya ito makukumbinseng sumama sa kaniya.

“Kung ako po ang magdedesisyon ay mas gusto kong manatili sa poder ng ama ko,” ani Joseph, kausap sa kapitanang tahimik na nakatingin rito. “Maaari po akong hiramin ni mama, pero uuwi at uuwi pa rin ako sa bahay ni papa.”

Isang desisyon na mismong si Joseph na ang nagbigay. Lahat nang nagkakagulo kanina’y wala nang nagawa kung ‘di manahimik at hayaang mangyari ang naging desisyon ng batang si Joseph. Nasa batas na sa paglagpas ng pitong taong gulang ay makakapagdesisyon na ito kung kanino sasama at dahil sampung taon na si Joseph, kaya wala nang nagawa si Lanie sa napagpasyahan nito.

Masyadong mabilis ang takbo ng panahon, dahilan upang minsan ay hindi mo namamalayan na lumalaki na pala ang anak mo at lumalayo na ang loob nila sa’yo. Ang panahong nasayang, kailanman ay hindi na maaaring balikan pa. Kaya huwag sana nating sayangin ang pagkakataong kasama natin sila at iparamdam kung gaano natin sila kamahal.

Advertisement