Pinakatatago ng Dalaga ang Nag-iisang Larawan ng Batang Sumagip sa Kaniya Noon; Hindi Niya Akalain Kung Sino Talaga Ito
“Madel, huwag mong sabihin sa akin na tinitingnan mo na naman ang larawan ng batang nasa pitaka mo? Hanggang ngayon ba ay nariyan pa ‘yan? Hindi mo pa rin ba siya nakikilala?” saad ni Steph sa nakababatang kapatid.
“Kung makita ko man ang lalaking ito ay ako na mismo ang magsasabi sa kaniya na matagal na siyang may espesyal na puwang dito sa puso ko. Kaso, hanggang ngayon ay larawan lang niya ang meron ako. Mabuti nga kamo at nahagip sa kamera ni Mommy ang hitsura ng prinsipe ko,” saad pa ng dalaga.
“Tumigil ka na sa pagpapantasya mo riyan, Madel. Tingnan mo nga at trenta ka na’y hindi ka pa rin nakakapag-asawa nang dahil lang sa kakahintay mo sa lalaking ‘yan. Paano kung hindi na siya dumating sa buhay mo? O hindi naman kaya’y dumating man pero may asawa na? E, ‘di hindi ka na mag-aasawa, aber?” pagtataray pa ng kaniyang ate.
“Ito namang si ate, pambasag ng trip. Masama bang ibigin ko ang lalaking nagligtas ng buhay ko? Hindi ko makakalimutan kung paano niya ako tinulungang umalis sa kulungan ng mga sawa sa zoo nang malaglag ako. Napakatapang niya para sa edad niya. Saka sa itsura niya’y sigurado akong gwapo pa rin siya hanggang ngayon! Kaya huwag kang nega d’yan, ate. Pagtatagpuin kami ng tadhana!” wika pa ni Madel.
“Tigilan mo na ‘yang pagpapantasya mo at humanap ka na ng tunay na makakasama mo sa buhay mo! Huwag mong gawing fairy tale ang buhay mo, Madel. Gigising ka isang araw na nasayang na ang lahat ng panahon mo. Pagsisisihan mo ang lahat kapag dumating ang araw na ‘yon!’ saad pa ng kapatid.
Subalit, wala talagang ibang gustong makatuluyan itong si Madel kung hindi ang batang nasa larawan. Ngunit wala siyang magagawa kung hindi ibigay na lang sa tadhana ang lahat kung talaga bang pagtatagpuin sila nito.
Kinabukasan ay nagkakagulo ang lahat sa opisina.
“Ano ba ang nangyayari rito? May dumating bang sikat na artista?” pagtataka ni madel.
“Naku, lagi ka kasing late, Madel! Kapag nakita mo ang manager natin ay nakakalaglag ng puso! Baka makalimutan mo na ‘yang pers lab mo!” saad naman ng kaibigang si Nessa.
“Bakit? Ano nga bang meron?” muling tanong ng dalaga.
“Sobrang gwapo ni Sir Raymart. Hindi ko nga rin akalain na ang isang tulad niya ang magiging manager natin. At isa pa, ubod ng bait. Hindi katulad ng dati nating manager, pangit na nga ang itsura ay pangit pa ang ugali,” sabik na wika pa ng katrabaho.
“Tigilan mo na nga ‘yang pag-alembong mo riyan. Tara na at gawin na lang natin ang trabaho natin! Hindi naman nababase ang lahat sa itsura. Kung kiligin ka riyan ay ‘kala mo nanalo ka sa lotto,” wika pa ni Madel.
Nang makita naman ni Madel ang bagong manager ay hindi niya maitanggi na talagang guwapo ito. Kaso nga lang ay may nakabihag na ng kaniyang puso.
Nagpatuloy lang si Madel sa pagtatrabaho habang ang lahat ng kaniyang kasamahan ay kinikilig sa bagong manager.
Hanggang isang araw ay may nakarating na balita sa kaniya.
“Madel, alam mo bang tinatanong ni boss kung may nobyo ka na raw? Baka mamaya ay gusto kang ligawan! Nakakainggit ka talaga!” saad ni Nessa.
“Tigilan mo nga ako. Alam mo namang kahit sino pa ang manligaw sa akin ay hindi ko rin sasagutin. Kilala mo naman kung sino ang tunay kong gusto, at hindi ‘yun magbabago kahit kailan. Mas mainam pang hindi na lang ako magkanobyo o makapag-asawa kung hindi lang ‘yung prinsipe ko ang makakatuluyan ko,” giit naman ni Madel.
Hanggang sa tuluyan na ngang nagtapat ng damdamin itong si Raymart kay Madel.
“Sir, pasensya na kayo pero hindi ko mapapaunlakan ang panliligaw mo. Bukod sa may gusto na akong lalaki ay hindi tama na ligawan ng boss ang kaniyang tauhan,” saad ni Madel.
“Kaya naman nagdesisyon akong umalis sa trabaho nang sa gayon ay hindi na ako ang boss mo at hindi na kita tauhan. Seryoso ako sa iyo, Madel. Kung hahayaan mo lang sana akong patunayan sa ito ang lahat ng sinasabi ko,” wika naman ni Raymart.
Kahit na tutol itong si Madel ay ipinagpatuloy pa rin ni Raymart ang kaniyang panliligaw. Masayang-masaya naman ang ate niya dahil sa wakas ay may lalaki nang handang magpa-ibig kay Madel.
“Ano ba ang ayaw mo d’yan kay Raymart? Magandang lalaki naman at mukha namang mabait. Tingnan mo nga at humanap pa pala siya ng ibang trabaho para lang hindi na kayo magkasama pa sa opisina. Palagi pang narito at sinusuyo ka,” wika ni Steph sa kapatid.
“Ate, hindi pa rin ako makapagpatuloy ng ibang lalaki dito sa puso ko hanggang hindi ko nakikilala ang batang nagligtas sa akin noon,” saad naman ni Madel.
“Yang batang lalaki na naman na ‘yan? Alam mo, Madel, marami nang oportunidad ang lumipas sa iyo nang dahil lang sa paghahanap mo d’yan sa lalaking ‘yan! Hindi ka pa ba magigising sa katotohanan na hindi na kayo muling magkikita? Maawa ka naman kay Raymart. Lahat naman ay ginagawa niya para patunayan sa iyo ang pagmamahal niya. Tapos ang kalaban lang niya ay isang larawan ng batang hindi mo naman kilala kahit ang pangalan!” saad pa ng nakatatandang kapatid.
Pinagmasdan ni Madel si Raymart at isa-isa niyang inisip ang mga nagawa nito para sa kaniya. Doon niya napagtanto na tama ang kaniyang ate. Marahil ay dapat na niyang buksan ang puso niya sa iba dahil baka nga ginawa na lang ng kaniyang isip ang pagmamahal sa batang nagligtas sa kaniya noon.
Simula ng araw na iyon ay hinayaan na ni Madel itong si Raymart na manligaw sa kaniya. Hanggang sa tuluyan na rin siyang nahulog dito dahil nga sa kabutihan ng loob nito. Wala pang lalaking handang patunayan ang kanilang nararamdaman para sa kaniya na tulad ni Raymart.
Kaya hindi naglaon ay sinagot na rin niya ang binata. Ito na rin ang tamang pagkakataon para alisin niya ang larawan ng batang lalaki sa kaniyang pitaka. Kailangan na niya itong kalimutan para magbigay daan sa bago niyang minamahal na si Raymart.
Naging masaya ang dalawang taong pag-iibigan ng magkasintahan. Hanggang sa tuluyan nang niyaya ni Raymart na magpakasal itong si Madel. Agad namang pumayag ang dalaga dahil wala na siyang hahanapin pa kay Raymart.
Isang linggo matapos ang kasal ay nag-aayos ng gamit itong si Madel para sa paglipat nila sa kanilang bagong bahay. Hanggang sa muli niyang makita ang larawan ng bata na kaniyang itinago sa isang kahon.
Muli niya itong tinitigan at napangiti na lang siya.
Napansin ni Raymart ang matatamis na ngiti ni Madel habang nakatitig sa larawan.
“Ano ba ‘yang tinitignan mo, mahal, at parang in love na in love ka? Nakakaselos naman!” saad ni Raymart.
“Wala ito, larawan lang ito ng first love ko. Matagal na kasing nasa pitaka ko ang larawang ito. Pero noong sinagot kita ay inalis ko na at itinago na lang. Nakalimutan ko na nga ang tungkol rito, e. Natutuwa at natatawa na lang ako kapag naaalala kong hindi talaga ako nagnobyo kasi gusto kong siya ang una’t huling lalaking iibigin ko!” kwento ni Madel.
“Talaga? Patingin nga! Ano ba ang ginawa ng batang ‘yan sa iyo at bakit parang mahal na mahal mo?” pagtataka naman ni Raymart.
“Noon kasi, dahil sa kalikutan ko ay nalaglag ako sa kulungan ng mga ahas sa zoo. Pero ‘yang batang ‘yan ay sinagip ako. Hindi siya natakot at hinila niya ang mga kamay ko. Nang dahil sa kaniya ay narito pa rin ako. Sayang lang at hindi ko siya nakilala. Nagkagulo na kasi ang lahat noon. Pero kahit kailan ay hindi ko siya makakalimutan. Mabuti na nga rin at nahagip siya ng lente ng kamera ni mommy. Kaya hanggang ngayon ay may alaala ako sa kaniya,” wika pa ni Madel.
Nang tingnang maigi ni Raymart ang larawan ay laking gulat niya na makita ang kaniyang larawan noong siya ay bata pa.
“I-ikaw ang batang iyon? Noong bata rin ako ay may iniligtas ako sa zoo. Isang batang nakapusod ang buhok at may ribbon sa ulo. Nalaglag siya sa kulungan ng mga sawa. Mula noon ay hindi ko na rin siya makalimutan pa. Alam mo bang nabighani ako sa iyo dahil kamukha mo ang batang iyon? Hanggang sa nalaman kong talagang kaibig-ibig ka dahil matalino ka at mabuti ang kalooban mo,” saad naman ni Raymart.
Kinuha ni Raymart ang larawan noong bata pa siya sa kaniyang pitaka. Laking gulat ni Madel nang makumpirmang ang batang iyon at ang asawa na niya ngayon ay iisa.
“Sinabi ko na nga ba at pagtatagpuin tayo muli ng tadhana. Nakakatuwa at nakakatawang isipin na natupad ang pangarap ko. Ikaw pala talaga ang una at huling lalaking iibigin ko! Hindi mo alam kung gaano ako kasaya ngayon, Raymart!” wika pa ni Madel.
“Sadyang mapagbiro talaga ang tadhana. Ngunit nagpapasalamat ako dahil dinala pa rin niya ako sa iyo. Noon pa man ay narito ka na sa puso ko, mahal. Asahan mo na sa mga susunod pang araw at mga taon ay mananatili kang narito. Ikaw lang at wala nang iba pa!” saad naman ni Raymart.
Walang pagsidlan ng kaligayahan ang bagong mag-asawa. Lalo na nang malaman nilang sila pala talaga ang nakalaan para sa isa’t isa.