Inday TrendingInday Trending
Halos Mamalimos na ang Ginang Upang Maisalba ang Buhay ng May Sakit na Asawa; Sa Huli’y Dito Pala Niya Gagamitin ang Pera

Halos Mamalimos na ang Ginang Upang Maisalba ang Buhay ng May Sakit na Asawa; Sa Huli’y Dito Pala Niya Gagamitin ang Pera

Sa loob ng halos isang dekadang pagsasama ay hindi pa nabibiyayaan ng anak ang mag-asawang Mae at Fredo. Ngunit kahit ganito ang kanilang kapalaran ay masaya pa rin ang dalawa sa piling ng isa’t isa. Sa palagay nga ng marami ay wala nang kahit ano pa ang makakapaghiwalay sa kanilang pagsasama.

Nagtatrabahong klerk sa isang opisina itong si Mae at si Fredo naman ay isang tricycle driver. Malakas ang kita ng ginoo dahil may mga regular na siyang kustomer. Tuwing madaling araw ay humahango rin kasi siya ng mga isda sa punduhan at saka niya ito ide-deliber sa mga nagtitinda sa palengke. Sa ganitong paraan ay kumikita na siya sa pagiging serbis at kumikita pa rin siya sa tubo sa mga isda.

“Kapag nagpatuloy ang ganitong kalakas na benta ay mapapatigil na kita sa pagtatrabaho, mahal. Makakapag-ipon na rin tayo para doon sa sinasabi ng mga doktor na kailangang gawin sa iyo para magkaanak tayo,” maligayang wika ni Fredo sa asawa.

“Alam mo bang ako nga itong nagsisikap din para hindi mo na kailangang mapuyat at magbuhat ng mabigat para lang kumita ng ekstra. Ayos lang naman sa akin kahit na wala tayong anak. Kung iyon talaga ang inadya ng kapalaran para sa atin. Ang gusto ko lang ay magsama tayo nang maluwalhati,” sagot naman ni Mae.

“Gusto ko rin kasing mag-ipon nang sa gayon ay hindi na tayo mangupahan pa rito sa bahay. ‘Yung lupang minana mo sa mga magulang mo ay p’wede na nating tayuan kahit bahay na maliit lang. Uunti-untiin natin ang pagpapatayo para hindi mabigat sa bulsa,” muling sambit ng ginoo.

Umindak ang puso ni Mae sa tuwing nakakarinig siya sa asawa ng mga ganito. Tuwang-tuwa siya kapag nangangarap si Fredo para sa kanilang dalawa. Kaya kahit kailan ay hindi siya nakaramdam ng pangungulila kahit na wala silang anak.

Subalit ang lahat ng ito ay biglang magbabago.

Isang madaling araw ay ginising si Mae ng isang tawag mula sa telepono.

“Mae, magmadali ka at dinala sa ospital ang asawa mo. Nagkamali raw ng buhat sa mga banyera. Bigla na lang nabuwal at hindi na maigalaw ang kaniyang katawan,” wika ng isang kakilala.

Natatarantang nagtungo si Mae sa ospital, at doon nga ay nakita niya ang nakahigang asawa.

“Mae, kumalma ka. Ayos lang ako. Ang sabi ng mga doktor ay nagkamali lang daw ako ng buhat kaya marahil ay may naapektuhan sa buto at ugat ko sa likod. Sinusuri na nila ako kaya huwag ka nang mag-alala pa,” bungad ni Fredo.

Kahit na kalmado si Fredo ay hindi naman mapakali sa pag-aalala itong si Mae. Hanggang sa dumating na nga ang resulta ng mga pagsusuri.

“Kitang-kita naman po sa x-ray, ginang na may lumihis na buto sa likod ng asawa ninyo. Ito rin po ang dahilan kung bakit hindi na niya naigagalaw po ang ibabang parte ng kaniyang katawan. Sa ngayon po ay kailangan niya ng operasyon. Ngunit hindi po magiging madali ang lahat. Bukod po kasi sa kailangan pa nating ihanda ang katawan ng pasyente ay kailangan n’yo rin pong maghanda ng malaking halaga para sa operasyon na ito,” wika ng doktor.

Halos malaglag ang mga mata ni Mae nang makita ang halaga ng kailangan.

“Tatlong milyon para sa operasyon na ito? Saan naman kami kukuha ng ganyang kalaking pera? Wala na po bang ibang paraan, dok?” pagtangis ni Mae.

“Hanggang hindi po siya naooperahan ay imposible na rin para sa kaniya ang makalakad pa. Pero, ginang, tatapatin na po namin kayo. Wala ring kasiguraduhang tuluyan na siyang makakalakad pagkatapos ng operasyon. Bukod kasi sa operasyon ay kailangan pa po siyang sumailalim sa mga therapy,” pahayag muli ng manggagamot.

Batid ni Mae na malaking gastusin ang kinakailangan para sa pagpapagaling ng kaniyang asawa.

Sa paglipas ng mga araw na nananatili si Fredo sa ospital ay hindi rin nakapagtrabaho itong si Mae. Kaya naman kailangan nilang maglabas ng pera mula sa kanilang ipon.

“Iuwi mo na lang ako, mahal. Hindi na ako magpapaopera pa,” saad ni Fredo.

“Hindi p’wede. Narinig mo naman ang sinabi ng mga doktor, ‘di ba? Ito na lang ang tanging paraan para magbalik ang buhay mo sa dati,” wika naman ni Mae.

“‘Hayaan mo na, Mae. Ayaw kong maging pabigat sa iyo. ‘Yung perang ilalaan mo sa operasyon ko ay gamitin mo na lang para magpatayo ng bahay. Kung hindi na talaga ako magtatagal at kung ito na talaga ang inilaan sa akin ng tadhana ay maluwag ko nang tatanggapin,” wika pa ng ginoo.

“Huwag kang magsalita ng ganyan, Fredo. Gagawin ko ang lahat para maipagamot ka,” saad muli ng ginang.

Habang umiisip si Mae ng paraan upang ipagamot ang asawa ay saka naman siya tinanggal sa trabahong pinapasukan niya. Hindi na kasi siya nakakapasok sa opisina dahil sa pagbabantay sa asawa.

Habang tumatagal naman si Fredo sa ospital ay lalong lumalala ang kalagayan nito. Awang-awa si Mae sa sinapit ng kaniyang asawa. Dumarating sa punto na pinanghihinaan na rin siya ng loob dahil nga salat na salat na sila sa pera.

Kaya naman naisipan ni Mae na pumasok sa kung anu-anong trabaho. Nariyang tumatanggap siya ng labada mula sa mga kapitbahay. Nagbebenta siya ng sabon at kung anu-ano pang pampaganda. Sa ganitong paraan ay naaalagaan niya ang asawa at kumikita pa siya.

Ngunit kulang pa rin para sa lahat ng gastusin sa ospital. Lalo na nang malaman pa nilang unti-unti nang kumalat ang impeksyon sa lahat ng buto at baga ni Fredo. Kaya naman sa puntong ito ay kailangan na niyang ibenta ang lupa na minana niya sa kaniyang mga magulang.

Tutol man si Fredo sa nais ng asawa ay wala na itong nagawa pa. Ibinenta na ito nang tuluyan ni Mae upang makadagdag sa pagpapagamot ng mister.

Kung kani-kanino rin lumapit ang ginang. Halos mamalimos siya para lang mabuno ang kinakailangang pera.

“Kung ako sa iyo, Mae, ay susundin ko na ang sinasabi ng asawa mo. Ang laki na rin ng ibinagsak ng iyong katawan. Nakakahiya ang ginagawa mong paglapit kung kani-kanino! Tingnan mo nga ang sarili mo!” saad ng kapatid ni Mae.

“Wala akong pakialam, ate. Asawa ko si Fredo at lahat ay gagawin ko para lang iligtas siya. Naging mabuti siyang asawa sa akin kaya ibabalik ko ito sa kaniya. Kahit na buhay ko ay ibibigay ko, basta lang gumaling siya,” umiiyak na wika ni Mae.

Talagang pursigido ang ginang. Patuloy ang paglapit niya sa mga kaibigan at maging sa mga hindi kakilala. Pati nga ang mga politiko at mga pribadong organisasyon ay nagawa na rin niyang lapitan. Maraming iwas tuloy sa kaniya ngunit mayroon ding nais na tumulong.

“Huwag ka na kasing mag-abala pa, Mae. Tingnan mo at naibenta mo pa ang lupa na minana mo sa mga magulang mo. Hindi ba’t patatayuan pa sana natin ng bahay ‘yun para sa magiging anak natin? Paano na matutupad ang lahat ng iyon kung binenta mo na rin ang lupa?” malungkot na wika ni Fredo.

“Walang halaga sa akin ang bagay na ‘yan kung hindi rin kita makakasama. Kayang-kaya naman nating bilhin muli ang lupa na ‘yun. Ang mahalaga ay gumaling ka,” saad naman ni Mae.

Awang-awa na rin si Fredo sa kaniyang asawa dahil sa hirap na pinapasan nito nang dahil lang sa kaniya.

Isang araw, habang mahimbing na natutulog si Fredo ay kinukwenta naman ni Mae ang perang nalikom niya. Nagulat siya nang malamang malapit na sa perang kailangan ang perang naipon.

“Kaunti na lang, Fredo, at magagawa na ang operasyong kailangan mo. Kaya kailangan mong magpalakas. Kailangan na nating ihanda ang katawan mo nang sa gayon ay maging mainam ang iyong paggaling. Napakabuti ng Panginoon dahil nagpadala siya ng maraming taong nais na tulungan tayo,” saad ni Mae sa natutulog na asawa.

Patuloy na kinakausap lang ni Mae si Fredo hanggang sa namalayan ng ginang na tila hindi na humihinga pa ang asawa. Kaya naman dali-dali siyang humingi ng tulong sa mga nars at doktor sa ospital.

Nagawa pa namang isalba ng ilang minuto ng mga doktor ang buhay ni Fredo ngunit ilang sandali pa ay tuluyan nang bumigay ang katawan nito.

“Fredo! Ang daya mo naman, e! Heto nga at pinaghihirapan kong makalikom ng pera para lang sa pagpapagamot mo. Bakit mo naman ako iniwan? Bakit ngayon pa?” labis na pagtangis ng ginang.

Labis na pagdadalamhati ang naramdaman ni Mae. Kinabukasan habang inaayos niya ang burol ng asawa ay bigla na lamang siyang nawalan ng malay. Ang akala ng mga kaanak niya ay dahil lang sa pighating nararanasan nito.

Ngunit isa palang malaking biyaya ang daarating sa kaniya.

“B-buntis ako? Sigurado ba kayong buntis ako?” tanong ni Mae sa doktor.

“Mag-aapat na buwan ka nang buntis, Mae,” saad naman ng doktor.

Sa labis na pag-aalala ni Mae sa kaniyang asawa ay hindi na niya napansin marahil ang kaniyang pinagdadaanan.

Habang tinitingnan ni Mae ang walang buhay na katawan ni Fredo sa loob ng kabaong ay labis ang kaniyang pagluha.

“Ni hindi mo man lang nalamang magkakaanak na tayo. Ni hindi mo man lang masisilayan ang itsura ng magiging anak natin. Pero maraming salamat sa iyo, mahal. Hanggang sa huli ay ayaw mo pa rin akong mahirapan. Bibilhin ko muli ang lupa at patatayuan ko ng bahay tulad ng pangarap mo para sa atin ng magiging anak natin. Lahat ng pangarap mo ay tutuparin ko, Fredo. Masakit mang wala ka ngayon dito ay nararamdaman ko pa rin ang wagas mong pagmamahal. Ikukwento kita lagi sa anak natin. Ikukwento ko sa kaniya kung gaano ka kabuting tao,” lumuluhang sambit ni Mae.

Gamit ang perang kaniyang nalikom ay binili muli ni Mae ang lupa at pinatayuan ng bahay. Doon ay namuhay sila ng kaniyang anak nang simple at masaya – tulad ng pinangarap ng kaniyang asawang si Fredo para sa kanila.

Advertisement