Nilihim ng Dalaga ang Tunay na Kalagayan sa Lalaking Manliligaw; Ito ang Ginawa ng Lalaki nang Malaman Niya ang Totoo
Dumalo ng kasal ng kaniyang pinsan ang dalagang si Tin kasama ang inang si Alice. Napansin ng ginang ang pagkakatitig ng anak sa mga bagong mag-asawa.
“Huwag kang mag-alala at darating din ang oras na ikaw naman ang magpapakasal, anak,” saad ni Alice sa dalaga.
Bigla namang nahimasmasan itong si Tin kaya inialis niya ang pagkakatitig sa ikinasal.
“Naku, ‘ma, hindi naman po ‘yan ang iniisip ko. Masaya lang talaga ako para sa pinsan ko dahil sa wakas ay nakita na niya ang lalaking magmamahal sa kaniya habang buhay,” tugon naman ni Tin.
“Huwag ka na ngang magkaila sa akin, anak. Basang basa na kita. Kilalang kilala kita, anak, dahil ako ang nagluwal at nagpalaki sa iyo. Alam ko kung ano ang tumatakbo d’yan sa isip mo. Darating din ang panahon na ikaw naman ang may makakasama habang buhay,” muling saad ng ina.
“Sa tingin mo, ‘ma, may magmamahal pa sa akin sa kabila ng kalagayan kong ito? Sa edad ko ngayong trenta’y naghahangad din kasi ako na makaramdam ng may ibang magmamahal pa rin sa akin buod sa inyo. ‘Yung pagmamahal na totoo at hindi mababaw,” malungkot na tugon pa ng dalaga.
“Huwag kang mag-alala, anak, magiging ayos rin ang lahat. May awa ang Diyos,” sambit naman ni Alice.
Tatlong taon na kasi ang nakalipas nang magkaroon siya ng isang masugid na manliligaw. Sa tingin niya ay ito na nga ang lalaking kaniyang hinihintay. Nahulog na rin ang loob niya rito kaya naman nais na sana niyang sagutin.
Ngunit isang matinding pagsubok ang dumating sa buhay ng dalaga nang makitaan siya butas sa kaniyang puso. Hindi naging madali para kay Tin ang lahat ngunit naging mas masakit pa sa kaniya nang biglang hindi na lang nagparamdam ang lalaking kaniyang iniibig.
Mula noon ay pinangako ni Tin sa kaniyang sarili na hindi na siya muling magmamahal pa. Nang bumuti-buti ang kaniyang lagay ay inilaan na lang niya ang kaniyang oras sa pagtatrabaho.
Patapos na ang party at kailangan nang umuwi ng mag-ina nang biglang isang lalaki ang nakabangga nitong si Tin.
“P-pasensya na, hindi ko sinasadya. Ako ang may kasalanan! Nagmamadali lang talaga ako dahil may hinahabol akong flight,” saad ng binata.
“Jerome? Jerome Domingo, ikaw ba ‘yan?” pagtataka ni Tin.
Tumango ang binata at pilit na inalala ang kaharap na dalaga.
“Christine Samonte? Ikaw nga! Ang tagal na rin nating hindi nagkita, a! Marami pa sana akong gusto talagang sabihin sa iyo pero may hinahabol talaga akong flight. Pasensiya na. Pwede ko bang mahingi na lang ang numero mo nang sa gayon ay matawagan kita at magkumustahan naman tayo,” wika pa ng binata.
Ayaw na sanang ibigay ni Tin ang kaniyang numero ngunit nakialam ang kaniyang ina.
“Aba’y, oo, naman! Ito ang numero niya!” sabat ni Alice sabay bigay ng cell phone number ng anak.
Nang makuha ang numero ay dali-dali na ring umalis si Jerome.
“‘Ma, naman! Bakit n’yo naman ginawa ‘yun? Alam n’yo namang wala akong panahon sa mga gan’yang bagay!” naiinis na wika ni Tin.
“Kukumustahin ka lang naman, anak. Hindi ka naman agad liligawan. Saka maayos na rin ‘yung may nakakausap kang iba!” tugon naman ng ina.
“Hindi naman tayo sigurado na tatawag talaga siya. Baka akalain niya ay mababaw akong klase ng babae. Saka ano naman ang sasabihin ko sa kaniya? ‘Yung tungkol sa sakit ko? Tapos, lalayuan na naman ako. Pagod na ako, ‘ma! Pagod na akong hanapan ng espasyo ang sarili ko sa iba,” pahayag muli ng dalaga.
“Anak, wala pa nga! Ni hindi pa nga siya tumatawag. Hayaan mo lang kung ano ang mangyayari. Huwag ka nang mag-isip pa ng kahit anong nakakabagabag sa isip mo,” muling saad ni Alice.
Ayaw man ni Tin na isipin si Jerome ay hindi niya maiwasan. Panay ang tingin niya sa kaniyang selpon na para bang hinihintay niyang tawagan siya nito. Ngunit ilang oras at lumipas at wala pa ring mensahe o tawag na mula sa binata.
Hanggang kinabukasan, habang abalang nagtatrabaho sa opisina si Tin ay tumunog ang kaniyang selpon. Laking pagtataka niya nang makita ang isang numerong hindi naka-save sa kaniyang telepono. Ang akala niya ay tawag na naman ito mula sa bangko. Ngunit nang sagutin niya ito ay narinig niya ang isang pamilya na boses.
“Christine, ako ito, si Jerome. Kumusta ka na? Pasensya na ngayon lang ako nakatawag. Kakababa ko lang kasi ng eroplano. Narito kasi ako ngayon sa Dubai dahil may kailangan akong daluhang meeting,” paliwanag ng binata.
“A-ayos naman ako. Nandito ako ngayon sa trabaho. I-ikaw, kumusta ka na?” sagot naman ni Tin na hindi alam ang mararamdaman ng mga panahon na ‘yun.
“Nakakaabala pala ako sa iyo, pasensya ka na. Tatawag na lang ako ulit. O kaya i-text mo na lang ako kung wala kang ginagawa para tawagan kita. Masaya ako na nakita kita ulit,” wika muli ni Jerome.
“Hindi ka naman nakakaistorbo. Ayos lang wala naman akong masyadong ginagawa saka mag la-lunch break na rin. Kumusta ka? Grabe naman ang meeting mo sa Dubai pa talaga! Asensado ka na!” biro pa ng dalaga.
“Hindi naman! Ang hirap nga ng trabaho ko. Minsan nga ay naiisip ko na parang ano ba talaga ‘tong pinasukan ko. Grabe, ilang taon na ba tayong hindi nagkita? Ang dami nang nangyari,” saad ni Jerome.
Mula nang tagpong iyon ay madalas nang magkatawagan at magkapalitan ng mensahe ang dalawa. At hindi sinasadya na makaramdam si Tin ng kakaibang saya. Sa loob ng limang buwan ay nagpatuloy ang walang patid na pag-uusap ng dalawa. Hanggang sa isang araw ay kailangan nang harapin ng dalaga ang realidad sa kaniyang buhay.
“Tin, nakakuha na ako ng schedule para sa operasyon mo sa Amerika. Nasabi mo na ba kay Jerome ang tungkol sa kondisyon mo?” tanong ng ina.
Umiling lang si Tin.
“Kailan mo balak sabihin sa kaniya ang totoo, Tin? Hindi mo ito maitatago sa kaniya habang buhay,” wika pa ni Alice.
“Para ano pa, ‘ma? Para sirain ang lahat ng masasayang sandali na meron kami? Ngayon lang ulit ako nakaramdam ng ganito. Natatakot ako na baka kapag nalaman niya ang kondisyon ko ay iwasan n’ya rin ako tulad ng nangyari sa akin noon,” paliwanag ni Tin.
“Doon mo malalaman kung tunay ba ang nararamdaman sa iyo niyang si Jerome,” saad ng ina.
Subalit wala talagang balak si Tin na sabihin kay Jerome ang lahat.
“Bakasyon lang pala, Tin, bakit ka nagpapaalam na baka hindi mo na ako makausap ng ilang araw? Kahit saang lupalop ka naman ng mundo ay tatawagan kita. Gagawa ako ng paraan para lagi kitang maistorbo!” natatawang saad ni Jerome.
“Basta, ako na lang ang tatawag sa iyo. Masyado kasi akong magiging abala at ayaw ko namang mamiss mo ako! Kaya nagpapaalam ako sa’yo,” pabirong wika naman ni Tin.
Ngunit iba na ang tumatakbo sa isip ng dalaga. Alam niyang may tyansa kasi na hindi maging matagumpay ang operasyon at ayaw niyang malungkot itong si Jerome.
Pagkalipas ng ilang araw ay natuloy na si Tin at kaniyang ina na lumipad patungong Amerika para sa kaniyang operasyon. Panay ang tawag ni Jerome ngunit hindi na ito sinasagot pa ng dalaga.
“Hindi mo pa rin sinabi sa kaniya, anak? Aminin mo na sa kaniya ang totoo. Sa ganitong pagkakataon ay malalaman mo kung tunay ba ang nararamdaman niya para sa iyo,” saad ni Alice.
“Pagkatapos na lang po ng operasyon, ‘ma, ayaw ko pong masaktan ang puso ko ngayon. Baka lalong hindi ko kayanin,” saad naman ni Tin.
Pumayag na rin si Alice sa desisyon ng anak. Ilang araw rin silang nasa ospital sa Amerika habang inihahanda ang dalaga sa kaniyang operasyon.
Samantala, patuloy naman ang pagtawag at pagpapadala ni Jerome ng mensahe at hindi naman ito sinasagot ni Tin.
Dumating na ang araw ng operasyon ni Tin. Kabado ang lahat sa magiging resulta ng operasyon. Labis ang panalangin sa Diyos ni Alice upang tuluyan nang umayos ang lagay ng anak.
Ilang araw ding walang malay itong si Tin matapos ang operasyon. Pagdilat ng kaniyang mga mata ay sobra rin ang pasasalamat niya sa Maykapal.
“Kumusta ang operasyon ko, ‘ma? Naging maayos ba? Ayos na ba ang puso ko?’ tanong agad ni Tin nang makita ang ina.
Tumango naman si Alice at hindi na napigilan pa ang pagluha.
“Mabuti naman at gising ka na, anak. Kabado talaga ako sa totoo lang. Pero dininig ng Diyos ang mga panalangin natin,” wika ni Alice.
Nang ilibot ni Tin ang kaniyang mga mata ay nagulat siya nang makita si Jerome na naroon.
“‘Ma, a-anong ginagawa niya rito?” pagtataka ng dalaga.
“Tinawagan n’ya ako dahil hindi ka nga sumasagot sa mga tawag at texts niya. Kaya naman sinabi ko na ang lahat sa kaniya. Hindi pa man tapos ang pag-uusap namin ay nag-book kaagad siya ng flight papunta rito sa Amerika. Gusto raw niyang makita ka at maalagaan,” paliwanag ni Alice.
Dahan-dahan namang lumapit si Jerome.
“Alam ko na ang dahilan kung bakit hindi mo sinabi sa akin ang lahat ng ito. Ayaw mong kaawaan kita o kaya ay mag-iba ang tingin ko sa iyo. Pero, Tin, hindi naman ganoon kababaw lang ang pagmamahal ko sa iyo. Noon pa man ay gusto na kita. Sa totoo nga ay dumalo lang ako sa kasal ng pinsan mo dahil nais kong makita ka. Buong araw kong iniisip kung paano kita makakausap at kung paano makukuha ang numero mo. Kaya nang makabangga kita ay hindi na ako nagdalawang isip pa na kunin ito. Kaso nga lang nagmamadali talaga ako dahil may flight ako pa-Dubai. Kaya hindi mo na kailangan pang maglihim sa akin sa ganitong mga bagay. Walang kahit anong magpapabago ng pagtingin ko, sa’yo, Tin. Totoong mahal na mahal kita!” saad ni Jerome.
Naluha si Tin sa mga sinabing ito ng binata. Hindi niya akalain na sa kabila ng kalagayan niya ay makakahanap pa siya ng lalaking tunay na magmamahal sa kaniya.
Katuwang ni Alice itong si Jerome sa pag-aalaga kay Tin hanggang sa bumuti na ang kalagayan nito.
Pag-uwi ng Pilipinas ay ipinagpatuloy na ng dalawa ang kanilang relasyon hanggang sa ayain ni Jerome itong si Tin na tuluyan nang magpakasal.
Sa wakas, ngayon ay may mag-aalaga at magpapasaya na rin sa puso ni Tin at wala itong iba kung hindi ang asawa na niya ngayong si Jerome.